Santiago 1–3
Isang Liham mula kay Santiago
Isang paanyayang sumunod, hindi lamang makinig, sa salita ng Diyos
Si Santiago ay anak ni Maria at isa sa mga kapatid ni Jesucristo. Si Santiago ay isa ring pinuno ng Simbahan sa Jerusalem. Sumulat siya ng isang liham sa mga tao ng Diyos sa buong mundo upang tulungan silang ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Santiago 1:1
Isinulat ni Santiago, “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos.” Makalipas ang maraming taon, nabasa ng isang batang lalaking nagngangalang Joseph Smith ang mga salitang ito at nagpasiya siyang manalangin tungkol sa kanyang mga tanong. Sinabi ni Joseph Smith kalaunan, “Napag-alaman kong tama ang patotoo ni Santiago.” Sinagot ng Diyos ang panalangin ni Joseph, at sasagutin din Niya ang sa atin.
Santiago 1:5; Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–17, 26
Isinulat din ni Santiago na dapat nating pakinggang mabuti ang sinasabi ng ibang tao at sikaping huwag magalit sa kanila. Kapag nagagalit tayo, hindi natin mapaglilingkuran ang Diyos.
Santiago 1:19–20
Sinabi ni Santiago na hindi sapat na marinig lamang ang salita ng Diyos; kailangan din nating ipamuhay ito. “Maging tagatupad kayo ng salita,” isinulat niya, “at hindi tagapakinig lamang.”
Santiago 1:22
Ang pagiging tagasunod ni Jesucristo ay higit pa sa paniniwala lamang sa Diyos, ipinaliwanag ni Santiago. Kahit ang diyablo ay alam na totoo ang Diyos. Kapag nakakakita tayo ng mga taong nilalamig o nagugutom, dapat natin silang bigyan ng damit at pagkain. Dapat nating bisitahin ang mga balo at ulila. “Ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay,” isinulat ni Santiago.
Santiago 1:27; 2:14–20
Gusto ring turuan ni Santiago ang mga Banal na magsalita nang mabait sa mga tao. Sinabi niya na ang pagiging maingat sa ating mga salita ay katulad ng paggabay sa isang kabayo. Maaari nating gabayan ang isang malaking kabayo gamit ang isang kabisada, na nakakabit sa isang maliit na piraso ng bakal sa bibig ng kabayo. Tila maliit din ang ating mga salita, ngunit maaaring maging makapangyarihan ang mga ito.
Santiago 3:2–3
Sinabi ni Santiago na ang pagkontrol sa ating mga salita ay katulad ng pagpapatnubay sa isang barko. Kahit malaki ang barko at malakas ang hangin, magagabayan natin ang barko sa pamamagitan ng pagkontrol sa isang napakaliit na timon. Ang timon ay katulad ng ating mga salita. Kung makokontrol natin ang sinasabi natin, makagagawa tayo ng malaking kaibhan!
Santiago 3:4–5
Ang masasamang salita, paliwanag ni Santiago, ay maaaring maging katulad ng isang maliit na apoy na nagsisimula ng malaking sunog. Maaari silang kumalat nang mabilis at magdulot ng maraming pasakit. Kaya nga mahalagang maging maingat sa ating mga salita.
Santiago 3:5–6
Isinulat ni Santiago na ginagamit natin ang ating mga bibig upang manalangin sa Ama sa Langit. Ngunit kung minsan ay ginagamit din natin ang ating mga bibig upang magsabi ng masama sa ibang tao, na mga anak ng Ama sa Langit. Sinabi ni Santiago na hindi iyon dapat ganoon.
Santiago 3:9–10
Upang maturuan ang mga Banal na magsalita ng mabubuting salita, itinuro ni Santiago na ang isang bukal ay hindi makapagbibigay kapwa ng sariwang tubig at mapait na tubig. Ang puno ng igos ay hindi maaaring magbunga ng mga olibo, at ang puno ng ubas ay hindi maaaring magbunga ng mga igos. Sa gayon ding paraan, kung tayo ay may kabutihan at pagmamahal sa ating mga puso, ang ating mga salita ay dapat na mabuti at mapagmahal din!
Santiago 3:11–18