Mateo 26:36–46; Lucas 22:39–46
Si Jesus sa Getsemani
Nagdusa para sa mga kasalanan ng mga sanlibutan
Nagpunta si Jesus at ang Kanyang mga Apostol sa isang halamanan na tinatawag na Getsemani. Hiniling ni Jesus kina Pedro, Santiago, at Juan na sumunod sa Kanya at sinabi sa iba na maghintay.
Mateo 26:36–37; Juan 18:1
Sinabi ni Jesus kina Pedro, Santiago, at Juan na talagang nalulungkot Siya. Hiniling Niya sa kanila na manatiling gising na kasama Niya habang nagdarasal Siya.
Mateo 26:38
Pagkatapos ay naglakad pa nang kaunti si Jesus paloob sa halamanan. Nagsimula Siyang magdusa para sa ating mga kasalanan upang tayo ay makapagsisi at mapatawad. Nadama rin ni Jesus ang lahat ng ating pasakit, karamdaman, at kalungkutan para malaman Niya kung paano tayo tutulungan. Ginawa Niya ito dahil mahal Niya tayo. Lahat ng ito ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit.
Mateo 26:39; Lucas 22:41; Roma 3:23; Alma 7:11–13; 3 Nephi 27:19
Napakasakit ng pagdurusa ni Jesus kaya tinanong Niya ang Ama sa Langit kung maaari Niyang alisin ang pagdurusa. Ngunit handa Siyang gawin ang kailangang ipagawa sa Kanya ng Kanyang Ama. Sinabi niya, “Huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo.”
Lucas 22:42
Nagpunta si Jesus kina Pedro, Santiago, at Juan at nakitang natutulog sila. Ginising Niya sila at hiniling Niyang muli sa kanila na manatiling gising at manalangin. Ngunit alam Niya na kahit gusto nilang manatiling gising, pagod na pagod sila.
Mateo 26:40–41
Muling nagdasal si Jesus. Isang anghel ang dumating upang bigyan Siya ng lakas. Nakadama Siya ng labis na pasakit, at lalo Siyang nanalangin. Ang Kanyang pawis ay mga patak ng dugo na bumabagsak sa lupa.
Mateo 26:42; Lucas 22:43–44; Mosiah 3:7; Doktrina at mga Tipan 19:16–19
Dalawa pang beses, nagpunta si Jesus kina Pedro, Santiago, at Juan at natagpuan silang nakatulog. Sa huli, ginising Niya sila, dahil dumating na ang panahon para kunin Siya.
Mateo 26:43–46