Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Pinagaling ni Jesus ang Sampung Lalaking May Ketong—Ang kahalagahan ng pasasalamat


Lucas 17:11–19

Pinagaling ni Jesus ang Sampung Lalaking May Ketong

Ang kahalagahan ng pasasalamat

Nakita ni Jesus ang isang grupo ng mga lalaking may sakit.

Habang naglalakbay si Jesus, pumasok Siya sa isang nayon at nakita ang sampung lalaki na may malalang sakit sa balat na tinatawag na ketong. Ang mga taong may ketong ay kinakailangang lumayo sa lahat, maging sa kanilang pamilya, para hindi makahawa sa ibang tao.

Lucas 17:11–12

Hinihiling ng mga lalaki na pagalingin sila ni Jesus.

Tinawag ng mga lalaki si Jesus at hiniling sa Kanya na pagalingin sila. Sinabihan sila ni Jesus na pumunta sa mga saserdote sa bayan. Ang mga saserdote lamang ang makapagpapasiya kung makakasama nilang muli ang ibang tao.

Lucas 17:13–14; tingnan din sa Levitico 14:2–3

Gumaling ang mga lalaki.

Habang naglalakad ang sampung lalaking maysakit para bisitahin ang mga saserdote, isang himala ang nangyari. Nawala ang kanilang sakit. Gumaling sila!

Lucas 17:14

Pinasasalamatan ng isa sa mga lalaki ang Diyos dahil sa kanyang paggaling.

Nang makita ng isa sa mga lalaki na gumaling siya, lumingon siya at nagpasalamat sa Diyos sa malakas na tinig. Isa siyang Samaritano.

Lucas 17:15–16

Kinakausap ni Jesus ang lalaki tungkol sa pananampalataya.

Nagpatirapa ang lalaki sa paanan ni Jesus para pasalamatan Siya sa ginawa Niya. Tinanong ni Jesus kung nasaan ang siyam pang lalaki na pinagaling. Isang lalaki lamang ang bumalik para magpasalamat sa Kanya! At sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumindig ka at humayo: pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

Lucas 17:16–19