Marcos 14–15; Lucas 22–23; Juan 18–19
Si Jesus ay Dinakip
Paghatol sa Anak ng Diyos
Matapos manalangin at magdusa si Jesus sa Getsemani, dumating si Judas kasama ang isang malaking grupo ng mga Judiong bantay. Si Judas ay isa sa mga Apostol. Alam niya na madalas pumunta si Jesus sa halamanang ito. Binayaran si Judas ng mga pinunong Judio para tulungan silang mahanap si Jesus upang madakip nila Siya.
Juan 18:2–3
Habang tinatangkang dakipin ng mga bantay si Jesus, binunot ni Pedro ang isang espada. Pinutol niya ang tainga ng tagapaglingkod ng mataas na saserdote.
Juan 18:10
Sinabi ni Jesus kay Pedro na itago ang kanyang espada. Sinabi ni Jesus na kailangan Niyang gawin ang gusto ng Kanyang Ama.
Juan 18:11
Hinipo ni Jesus ang tainga ng alipin at pinagaling ito.
Lucas 22:51
Dinala ng mga bantay si Jesus sa bahay ng mataas na saserdote. Naroon din ang iba pang mga pinunong Judio. Gusto nilang makahanap ng dahilan para maipapatay si Jesus. Nagdala sila ng mga tao para magsabi ng mga kasinungalingan tungkol sa Kanya.
Marcos 14:53–61
Sa huli, tinanong ng mataas na saserdote si Jesus kung Siya ang Anak ng Diyos. Sinabi ni Jesus, “Ako nga.”
Marcos 14:61–62
Dahil dito ay nagalit ang mataas na saserdote at ang iba pang mga lider. Hinampas nila si Jesus, dinuraan Siya, at pinagtawanan nila Siya. Nagkasundo sila na dapat Siyang patayin.
Marcos 14:63–65
Habang nasa bahay ng mataas na saserdote si Jesus, naghintay si Pedro sa labas. Umupo siya sa tabi ng apoy para magpainit. Tatlong beses na sinabi ng mga tao na nakilala nila si Pedro bilang isa sa mga disipulo ni Jesus. Ngunit sa bawat pagkakataon, sinabi ni Pedro na hindi niya kilala si Jesus.
Marcos 14:54, 66–71
Pagkatapos ay tumilaok ang tandang, at naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus: na tatlong beses Siyang itatatwa ni Pedro. Naglakad si Pedro nang umiiyak.
Marcos 14:72
Dinala ng mga pinunong Judio si Jesus kay Pilato, ang gobernador ng Roma. Dumating din ang maraming tao. Nais ng mga lider na ipapatay ni Pilato si Jesus. Sinabi nila kay Pilato na tinawag ni Jesus ang Kanyang sarili na hari ng mga Judio.
Marcos 15:1–3; Lucas 23:2; Juan 18:28–31
Tinanong ni Pilato si Jesus kung Siya ang hari ng mga Judio. Sumagot si Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi mula sa sanlibutang ito.” Ipinaliwanag Niya na pumarito Siya sa mundo upang ituro sa mga tao ang katotohanan.
Juan 18:33–37
Sinabi ni Pilato na hindi siya naniniwala na nakagawa ng mali si Jesus. Ngunit marami sa mga tao ang sumigaw ng “Ipako siya sa krus.” Nagpasiya si Pilato na gawin ang gusto nila at ipinapatay si Jesus.
Marcos 15:12–14; Lucas 23:14–24