Lucas 24:1–12, 36–49; Juan 20
Siya’y Nagbangon
Dinaig ni Jesucristo ang kamatayan para sa lahat
Inilagay ng mga disipulo ni Jesus ang Kanyang katawan sa libingan. Gusto nilang gumawa ng higit pa upang mapangalagaan ang Kanyang katawan, ngunit halos Sabbath na. Nagplano silang bumalik pagkatapos ng Sabbath para tapusin ito.
Lucas 23:52–56
Maagang-maaga sa ikatlong araw ng pagkamatay ni Jesus, nagpunta si Maria Magdalena at ang iba pa sa libingan.
Lucas 20:1; Juan 20:1
Pagdating nila, nakita nila na ang batong pantakip sa libingan ay iginulong na palayo. Pumasok sila sa libingan, at wala roon ang katawan ni Jesus.
Lucas 24:2–3; Juan 20:1
Tumakbo si Maria para sabihin kina Pedro at Juan na may kumuha ng katawan ni Jesus. Tumakbo sina Pedro at Juan papunta sa libingan.
Juan 20:2–4
Pagdating nila sa libingan, pumasok sina Pedro at Juan. Nakita nila na wala na ang katawan ni Jesus. Naroon pa rin ang telang ibinalot sa Kanya.
Juan 20:5–7
Umuwi sina Pedro at Juan, ngunit nanatili si Maria sa tabi ng libingan, na umiiyak. Tumingin siya sa libingan at nakakita ng dalawang anghel. Tinanong nila kung bakit siya umiiyak. Sinabi niya na may kumuha ng katawan ni Jesus, at hindi niya alam kung nasaan ito.
Juan 20:11–13
Pagkatapos ay dumating si Jesus, ngunit hindi alam ni Maria na Siya iyon. Tinanong siya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak?” Inakala ni Maria na Siya ang hardinero. Itinanong niya kung nasaan ang bangkay ni Jesus.
Juan 20:14–15
“Maria,” ang sabi ni Jesus. Lumingon siya. Ngayo’y alam na niyang si Jesus iyon! “Guro,” ang sabi naman niya sa Kanya. Hiniling ni Jesus sa kanya na sabihin sa iba pang mga disipulo na kailangan Niyang pumunta sa Kanyang Ama sa Langit. Natagpuan ni Maria ang iba pang mga disipulo at sinabi sa kanila na nakita na niya si Jesus at Siya ay nabuhay na muli!
Juan 20:16–18
Noong gabing iyon, marami sa mga Apostol ang magkakasama. Isinara nila ang mga pintuan, natatakot na baka subukan ng mga pinuno ng mga Judio na hanapin sila. Bigla nilang nakita si Jesus na nakatayo sa gitna nila. Noong una ay natakot sila. Inakala nila na Siya ay isang espiritu. “Kapayapaan ang mapasainyo,” ang sabi ni Jesus.
Lucas 24:33–38; Juan 20:19
Inanyayahan ni Jesus ang mga Apostol na hipuin ang Kanyang mga kamay at paa. Nais Niyang malaman nila na Siya ay may katawan, hindi lamang isang espiritu. Kumain pa nga Siya ng isda at pulot-pukyutan kasama nila. Napakasaya ng mga disipulo na makita Siya!
Lucas 24:39–44; Juan 20:20
Pagkatapos ay tinulungan ni Jesus ang Kanyang mga Apostol na maunawaan ang mga banal na kasulatan na nagturo tungkol sa Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli. Nais Niyang ituro nila sa lahat na dahil sa Kanya, maaari silang magsisi at mapatawad. Ang mga Apostol ang magiging mga saksi Niya.
Lucas 24:44–48
Wala roon si Apostol Tomas nang dumating si Jesus. Sinabi niya na hindi siya maniniwala na si Jesus ay buhay maliban kung makikita niya ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay.
Juan 20:24–25
Makalipas ang walong araw, ang mga disipulo ay sama-samang nagtipon. Muling nagpakita si Jesus. Sa pagkakataong ito ay naroon si Tomas.
Juan 20:26
Inanyayahan ni Jesus si Tomas na hawakan ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at tagiliran. “Huwag kang mag-alinlangan kundi sumampalataya,” ang sabi Niya kay Tomas “Aking Panginoon at aking Diyos,” ang sabi ni Tomas. Ngayo’y naniwala na si Tomas na si Jesus ay nabuhay na muli. Sinabi ni Jesus na pinagpapala ang mga tao kapag naniniwala sila, kahit hindi nila Siya nakikita.
Juan 20:27–29