Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Ibinigay ni Jesus sa Kanyang mga Apostol ang mga Susi ng Priesthood—“Sa batong ito itatayo ko ang aking simbahan”


Mateo 16–17

Ibinigay ni Jesus sa Kanyang mga Apostol ang mga Susi ng Priesthood

“Sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan”

Si Jesus na kinakausap ang Kanyanng mga disipulo.

Isang araw, tinanong ni Jesus ang Kanyang mga disipulo kung sino Siya sa palagay ng mga tao. Sumagot ang Kanyang mga disipulo na ipinapalagay ng ilang tao na Siya ay si Juan Bautista. Ipinapalagay naman ng iba na Siya ay isang propeta mula sa Lumang Tipan na nagbalik.

Mateo 16:13-14

Si Pedro na tumutugon kay Jesus.

Tinanong ni Jesus sa Kanyang mga disipulo kung sino Siya sa palagay nila. Sabi ni Pedro, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay.”

Mateo 16:15–16

Kinakausap ni Jesus si Pedro.

Masaya si Jesus na marinig na sabihin ito ni Pedro. Sinabi niya kay Pedro na hindi niya nalaman kung sino si Jesus mula sa ibang tao. Ipinahayag ito ng Ama sa Langit sa kanya.

Mateo 16:17

Nangangako si Jesus na ibibigay kay Pedro ang mga susi ng priesthood.

Sinabi ni Jesus kay Pedro, “At sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan.” Pagkatapos ay nangako Siya na ibibigay kay Pedro ang mga susi ng priesthood, o awtoridad mula sa Diyos, upang mapamunuan niya at ng iba pang mga Apostol ang Kanyang Simbahan sa lupa.

Mateo 16:18–19

Dinala ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan sa isang bundok.

Makalipas ang ilang araw, dinala ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan sa isang mataas na bundok upang manalangin.

Mateo 17:1; Lucas 9:28

Si Jesus na nagdarasal.

Habang nagdarasal si Jesus, ang Kanyang mukha ay nagningning na parang araw. Maging ang Kanyang kasuotan ay mukhang maliwanag.

Mateo 17:2; Lucas 9:29

Nagpakita sina Moises at Elijah.

Dalawang propeta mula sa Lumang Tipan, sina Moises at Elijah, ay nagpakita. Kinausap nila si Jesus tungkol sa Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli, na malapit nang mangyari sa Jerusalem. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuting pumarito tayo.”

Mateo 17:3–4; Lucas 9:30–33

Naririnig ni Jesus at ng iba ang tinig ng Diyos.

Habang nagsasalita si Pedro, isang maliwanag na ulap ang pumalibot sa kanila. Narinig nila ang tinig ng Ama sa Langit na nagpapatotoo, “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; siya ay inyong pakinggan.” Sina Pedro, Santiago, at Juan ay natakot at bumagsak sa lupa.

Mateo 17:5-6

Sinabi ni Jesus kina Pedro, Santiago, at Juan na huwag matakot.

Hinawakan ni Jesus ang Kanyang mga Apostol at sinabing, “Bumangon kayo, at huwag kayong matakot.” Tumingala sila. Wala na sina Moises at Elijah. Sa bundok na ito, natanggap nina Pedro, Santiago, at Juan ang mga susi ng priesthood na ipinangako ni Jesus sa kanila.

Mateo 17:7–9; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 27:12–13