Mateo 21:1–16
Sumakay sa Asno si Jesus Papasok sa Jerusalem
Tinanggap ng mga tao ang kanilang Tagapagligtas
Malapit na ang panahon ng Paskua, isang mahalagang piging para sa mga Judio. Maraming tao ang pumunta sa Jerusalem para sa Paskua. Nagpunta rin si Jesus at ang Kanyang mga disipulo. Nang mabalitaan ng maraming tao na darating si Jesus, sinalubong Siya ng mga ito.
Mateo 21:1; Juan 12:12–13
Nang malapit na si Jesus at ang Kanyang mga disipulo sa Jerusalem, hiniling Niya sa kanila na magdala ng asno sa Kanya. Maraming taon na ang nakararaan, sinabi ng isang propeta na darating ang Tagapagligtas nang may pagpapakumbaba, nakasakay sa isang batang asno.
Mateo 21:1–7; tingnan din sa Zacarias 9:9
Pumasok si Jesus sa lungsod nang nakasakay sa asno. Napakasaya ng maraming tao na makita Siya. Tinrato nila Siya na parang isang hari. Naglatag sila sa lupa ang mga palaspas at mga damit upang daanan ng asno. Pinasalamatan nila ang Diyos at sumigaw, “Hosana: Pinagpala ang Hari ng Israel na dumarating sa pangalan ng Panginoon.”
Mateo 21:8–9; Lucas 19:36–38; Juan 12:13
Maraming tao sa Jerusalem ang nag-isip kung ano ang nangyayari. “Sino siya?” tanong nila. Sumagot ang iba na siya si Jesus ng Nazaret.
Mateo 21:10–11
Pagkatapos, nagpunta si Jesus sa templo. May ilang tao roon na nagpapalitan ng pera at nagbebenta ng mga hayop na iaalay. Alam ni Jesus na sila ay hindi tapat.
Mateo 21:12
Hindi gusto ni Jesus na kumikita sila ng pera mula sa mga taong gustong sumamba sa templo. Pinalayas Niya sila sa templo at itinumba ang kanilang mga mesa. Sinabi Niya, “Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan, ngunit ginagawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”
Mateo 21:12–13; tingnan din sa Isaias 56:7; Jeremias 7:11
Ang mga taong bulag o hindi makalakad ay pumunta kay Jesus sa templo, at pinagaling Niya sila. Sumigaw ang mga bata ng “Hosanna,” na nagpupuri kay Jesus at nagsasabing Siya ang Tagapagligtas.
Mateo 21:14–15
Nagalit ang ilan sa mga saserdote at eskriba nang makita nila ang ginawa ni Jesus at narinig ang sinasabi ng mga bata. Ipinaalala sa kanila ni Jesus ang tungkol sa isang talata sa banal na kasulatan na nagsasabing ang Diyos ay gagawa ng perpektong papuri mula sa mga bibig ng mga bata.
Mateo 21:15–16; tingnan din sa Mga Awit 8:2