Lucas 2; Mateo 2:1–15
Isinilang ang Tagapagligtas
Ang pangako ng Diyos ay natupad
Sina Jose at Maria ay nanirahan sa Nazaret. Malapit nang manganak si Maria. Lahat ay kailangang magpunta sa kanilang bayang sinilangan para mabuwisan. Nangangahulugan ito na kailangang magpunta nina Jose at Maria sa Bethlehem, ang bayang sinilangan ni Jose. Kailangan nilang maglakbay nang mahaba para makarating doon.
Lucas 2:1–5
Hindi naging madali kay Maria ang paglalakbay. Dahil napakaraming tao ang nagpunta sa Bethlehem, sina Maria at Jose ay walang makitang lugar para maisilang ni Maria ang kanyang sanggol.
Lucas 2:6–7
Nakahanap sila ng isang lugar kung saan karaniwang itinatago ang mga hayop. Sa mapagpakumbabang lugar na ito, isinilang si Jesus. Minahal at pinangalagaan nina Maria at Jose ang sanggol na si Jesus. Binalutan nila Siya ng tela para matulungan Siyang hindi malamigan at maging komportable. Inihiga nila Siya sa isang sabsaban para matulog, na karaniwang ginagamit na pakainan ng mga hayop.
Lucas 2:6–7
Sa di-kalayuan, binabantayan ng mga pastol ang kanilang mga tupa sa gabi. Biglang nagkaroon ng isang maningning na liwanag sa kanilang paligid, at nagpakita ang isang anghel. Natakot ang mga pastol.
Sinabi sa kanila ng anghel na huwag matakot, dahil may maganda siyang balita! Ang Tagapagligtas ay isinilang sa Bethlehem, at matatagpuan nila siyang nakahiga sa isang sabsaban. Pagkatapos ay dumating ang mas maraming anghel na nagsasabing “Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.”
Lucas 2:10–15
Nagmadaling pumunta ang mga pastol sa Bethlehem at natagpuan ang sanggol na si Jesus, tulad ng sinabi ng anghel. Sinabi nila sa mga tao ang magagandang bagay na nakita at narinig nila. Alam nila na si Jesus ay isang espesyal na bata.
Lucas 2:16–17
Dinala nina Maria at Jose ang sanggol na si Jesus sa templo upang iharap Siya sa Diyos. Doon nila nakilala ang isang lalaking nagngangalang Simeon. Sinabi ng Espiritu Santo kay Simeon na makikita niya ang Tagapagligtas bago siya mamatay. Hinawakan niya ang sanggol at sinabing ililigtas ni Jesus ang lahat ng anak ng Diyos. Namangha sina Jose at Maria sa sinabi niya.
Lucas 2:22–35
Sa templo ay may isa pang taong nagngangalang Anna. Namatay ang kanyang asawa maraming taon na ang nakararaan. Ngayon ay ginugol ni Ana ang buong panahon niya sa pagsamba sa Diyos sa templo. Pinasalamatan niya ang Diyos sa pagkakataong makilala ang Tagapagligtas. Tuwing makikilala niya ang isang taong naghihintay sa Tagapagligtas, ikinukuwento niya sa kanila ang tungkol kay Jesus.
Lucas 2:36–38
Nang isilang si Jesus, nakita ng mga pantas na lalaki sa ibang lupain ang isang bagong bituin. Alam nilang nangangahulugan itong isinilang ang espesyal na batang magiging Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sanlibutan. Sinimulan nila ang mahabang paglalakbay para bisitahin ang batang ito at sambahin Siya. Gusto nilang magdala sa Kanya ng mga regalo para ipakita ang kanilang pagmamahal sa Kanya.
Mateo 2:1–7
Matapos maglakbay nang matagal, nakarating ang mga pantas na lalaki sa Jerusalem. Sinabi nila na isang bagong hari ng mga Judio, ang Tagapagligtas, ang isinilang, at sila ay dumating upang sambahin Siya. Itinanong nila kung saan nila mahahanap ang bagong hari.
Mateo 2:1–2
Narinig ng isang haring nagngangalang Herodes na hinahanap ng mga pantas na lalaki ang bagong hari. Nag-alala siya. Sinabi sa kanya ng kanyang mga saserdote at eskriba na sinabi sa mga banal na kasulatan na ang bagong hari ay isisilang sa Bethlehem. Sinabi ni Herodes sa mga pantas na lalaki na maghanap sa Bethlehem at pagkatapos ay bumalik at sabihin sa kanya kapag natagpuan nila ang bagong hari.
Mateo 2:3–8
Nagpunta ang mga pantas na lalaki sa Bethlehem. Sinundan nila ang bituin, na umakay sa kanila patungo kay Jesus. Nang matagpuan nila Siya at sina Maria at Jose, binigyan nila si Jesus ng tatlong espesyal na regalo at sinamba Siya. Binalaan sila ng Diyos na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya iba ang kanilang dinaanan sa kanilang pag-uwi.
Mateo 2:9–12
Nang makaalis na ang mga pantas na lalaki, nanaginip si Jose. Sa panaginip, sinabi ng isang anghel kay Jose na nagalit si Herodes. Kailangang dalhin ni Jose sina Maria at Jesus sa Egipto upang manatili silang ligtas.
Mateo 2:13
Agad na tumayo si Jose. Umalis siya patungong Egipto kasama sina Maria at Jesus habang gabi pa.
Mateo 2:14
Nanatili sina Maria, Jose, at Jesus sa Egipto hanggang sa sabihin sa kanila ng anghel na namatay na si Herodes at ligtas nang bumalik. Pagkatapos ay umuwi sila at nanirahan sa Nazaret.
Mateo 2:15, 19–23