Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Ang Talinghagang Tungkol sa Sampung Birhen—Pagiging handa sa muling pagparito ni Jesus


Mateo 25:1–13

Ang Talinghagang tungkol sa Sampung Birhen

Pagiging handa sa muling pagparito ni Jesus

Tinanong Siya ng mga disipulo ni Jesus kung kailan Siya babalik.

Alam ng mga disipulo ni Jesus na balang-araw, matapos Siyang bumalik sa Kanyang Ama, babalik si Jesus sa lupa. Tinanong nila Siya kung paano nila malalaman kung kailan Siya babalik. Gusto nilang maging handa para sa Kanya. Para masagot sila, nagbahagi si Jesus ng isang talinghaga.

Mateo 24:3.

Sampung babae ang pumupunta sa isang kasalan.

Sa talinghaga, sampung babae ang pupunta sa isang kasalan. Sa gabi ang kasalan, kaya kailangang magdala ang kababaihan ng mga ilawan na puno ng langis upang tanglawan ang kanilang daan. Lima sa kababaihan ay matatalino at nagdala ng maraming langis. Ang lima pang kababaihan ay mangmang at hindi nagdala ng sapat na langis.

Mateo 25:1–4

Natutulog ang kababaihan habang naghihintay sa lalaking ikakasal.

Kailangang hintayin ng kababaihan na dumating ang lalaking ikakasal at ang kanyang partido sa kasal. Ngunit natagalan ang pagdating ng lalaking ikakasal. Habang naghihintay sila, nakatulog silang lahat.

Mateo 25:5

May nagsasabi na sa wakas ay parating na ang lalaking ikakasal.

Pagsapit ng hatinggabi, may sumigaw na sa wakas ay parating na ang lalaki! Oras na para sumama sa kanya ang kababaihan sa pagdiriwang ng kasal.

Mateo 25:6

Limang kababaihan ang nagawang panatilihing nakasindi ang kanilang mga ilawan. Lima pang kababaihan ang walang anumang langis.

Lahat ng kababaihan ay nagtaas ng kanilang mga ilawan upang tanglawan ang kanilang daan. Ngunit ang limang babaeng hindi nagdala ng sapat na langis ay walang anumang ilaw. Ang kanilang langis ay naubos habang hinihintay nila ang lalaking ikakasal.

Mateo 25:7–8

Ang kababaihang walang langis ay bumibili pa.

Hiniling ng limang babae na walang langis sa iba na ibahagi ang kanilang langis. Pero walang sapat na langis para magbahagi. Mabilis na bumili ng langis ang limang babaeng walang langis.

Mateo 25:8–9

Ang lalaking ikakasal ay dumating at nakikipag-usap sa limang babaeng handa na.

Habang wala sila, dumating ang lalaking ikakasal! Ang limang babaeng handa na ay sumama sa kanya sa kasal.

Mateo 25:10

Ang mga babaeng bumili ng langis ay hindi maaaring pumasok sa kasal.

Nang bumalik ang iba pang mga babae, sarado na ang pinto. Kumatok sila sa pinto at hiniling sa lalaking ikakasal na papasukin sila. Pero huli na ang lahat. Hindi na sila maaaring pumasok sa kasal.

Mateo 25:11–12

Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod na maging handa sa Kanyang pagbabalik.

Si Jesus ay katulad ng lalaking ikakasal sa talinghaga. Walang nakakaalam kung kailan Siya muling paparito. Ang Ama sa Langit lamang ang nakaaalam niyan. Kaya sinabi ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod na maging handa na tulad ng limang babaeng may sapat na langis. Ang mga taong sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon at sumusunod sa Espiritu ay magiging handa kapag muling pumarito si Jesucristo.

Mateo 24:36; 25:13; Doktrina at mga Tipan 45:56–57