Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Pinalaya ng Isang Anghel si Pedro mula sa Bilangguan—Sinasagot ng Diyos ang mga panalangin


Mga Gawa 12:1–17

Pinalaya ng Isang Anghel si Pedro mula sa Bilangguan

Sinasagot ng Diyos ang mga panalangin

Ibinilanggo si Pedro.

Isang haring nagngangalang Herodes ang may ayaw sa mga Kristiyano. Pinatay niya si Apostol Santiago. Pagkatapos ay ibinilanggo niya si Pedro. Naglagay siya ng 16 na kawal upang bantayan ang bilangguan.

Mga Gawa 12:1–4

Mga taong nagdarasal para kay Pedro.

Nang marinig ito ng mga miyembro ng Simbahan, taimtim silang nanalangin sa Ama sa Langit para kay Pedro.

Mga Gawa 12:5

Natutulog si Pedro sa bilangguan.

Isang gabi, natutulog si Pedro. Iginapos siya ng dalawang tanikala sa pagitan ng dalawang sundalo.

Mga Gawa 12:6

Nagpakita ang isang anghel kay Pedro.

Biglang nagliwanag ang isang ilaw sa bilangguan, at nagpakita ang isang anghel. “Bumangon kang madali,” sabi ng anghel, at ang mga tanikala ay bumagsak mula sa mga kamay ni Pedro. Sinabi ng anghel kay Pedro na sumunod sa kanya.

Mga Gawa 12:7–8

Ginabayan ng anghel si Pedro upang malagpasan ang mga bantay.

Akala ni Pedro ay nananaginip siya. Sinundan niya ang anghel na nilagpasan ang mga bantay. Ang pintuang bakal na patungo sa lungsod ay bumukas nang mag-isa, at si Pedro at ang anghel ay naglakad papasok dito.

Mga Gawa 12:9–10

Naglakad si Pedro nang mag-isa sa lungsod.

Umalis ang anghel, at natanto ni Pedro na hindi siya nananaginip. Alam niya na isinugo ng Panginoon ang anghel upang iligtas siya.

Mga Gawa 12:10–11

Kumatok si Pedro sa pintuan ng bahay ni Maria.

Nagpunta si Pedro sa tahanan ng isang babaeng nagngangalang Maria, kung saan maraming miyembro ng Simbahan ang pumupunta upang magdasal. Kumatok siya sa pinto.

Mga Gawa 12:12–13

Narinig ni Roda ang tinig ni Pedro sa likod ng pinto.

Isang batang babaeng nagngangalang Roda ang pumunta sa pinto. Nang marinig niya ang tinig ni Pedro, napakasaya niya! Tumakbo siya para sabihin sa iba.

Mga Gawa 12:13–14

Sinabi ni Roda sa mga miyembro ng Simbahan na nasa pintuan si Pedro.

Nang sabihin ni Roda sa lahat na nasa pintuan si Pedro, hindi nila siya pinaniwalaan. Patuloy na kumatok si Pedro.

Mga Gawa 12:15–16

Sinabi ni Pedro sa mga miyembro ng Simbahan na pinalaya siya ng Panginoon mula sa bilangguan.

Sa huli, binuksan nila ang pinto at nakita nila na ito ay totoo. Ligtas si Pedro! Sinagot na ng Panginoon ang kanilang mga panalangin. Sinabi ni Pedro sa lahat kung paano siya pinalaya ng Panginoon mula sa bilangguan.

Mga Gawa 8:16–17