Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Muling Binuhay ni Jesus si Lazaro—“Ako ang pagkabuhay na mag-uli, at ang buhay”


Juan 11:1–46

Muling Binuhay ni Jesus si Lazaro

“Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang buhay”

Sina Maria, Marta, at Lazaro.

Sina Maria, Marta, at Lazaro ay nakatira sa isang lungsod na tinatawag na Betania. Naniwala sila kay Jesus, at minahal Niya sila. Sina Maria at Marta ay mga kapatid na babae ni Lazaro.

Juan 11:1, 5

Nagkasakit si Lazaro.

Nagkasakit nang malubha si Lazaro. Si Jesus ay nasa ibang lungsod. Nagpadala sa Kanya sina Maria at Marta ng mensahe para ipaalam sa Kanya na may sakit ang Kanyang kaibigan.

Juan 11:1–3

Sinasabi ni Jesus na bubuhayin Niyang muli si Lazaro.

Naghintay si Jesus nang dalawang araw. Pagkatapos ay sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo na pupunta sila sa Betania. Nag-alala ang mga disipulo dahil gustong saktan ng ilan sa mga taong malapit sa Betania si Jesus. Ngunit gustong tulungan ni Jesus si Lazaro. Sinabi ni Jesus na namatay na si Lazaro, at ibababalik Niya siyang muli sa pagkabuhay.

Juan 11:6–16

Sinalubong ni Marta si Jesus.

Nakita ni Marta si Jesus sa labas ng lungsod. Sinabi niya na kung dumating si Jesus nang mas maaga, hindi sana namatay si Lazaro. Pinangako ni Jesus na muling mabubuhay si Lazaro.

Juan 11:17–24

Nakikipag-usap si Marta kay Jesus.

Sinabi ni Jesus, “Ako ang pagkabuhay na mag-uli at ang buhay.” Tinanong Niya si Marta kung naniniwala siya sa Kanya. Sabi niya, “Naniniwala ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos.”

Juan 11:25–27

Sina Marta, Maria, at Jesus.

Bumalik si Marta sa bahay at sinabi kay Maria na dumating na si Jesus. Dumating si Maria at nagpatirapa sa paanan ni Jesus, na umiiyak tungkol sa kanyang kapatid. Umiyak din si Jesus. Minahal Niya sina Lazaro, Maria, at Marta.

Juan 11:28–36

Nagpunta si Jesus sa kuwebang pinaglibingan kay Lazaro.

Nagpunta sina Jesus, Marta, Maria, at iba pa sa kuweba kung saan inilibing si Lazaro. Isang malaking bato ang nakatakip sa pasukan. Sinabi ni Jesus na tanggalin ang bato.

Juan 11:38–39

Sinabi ni Jesus kay Marta na maniwala sa Kanya.

Ngunit sinabi ni Marta kay Jesus na apat na araw nang patay si Lazaro. Ipinaalala ni Jesus kay Marta ang Kanyang pangako. Hiniling Niya sa kanya na maniwala.

Juan 11:39–40

Sinabi ni Jesus kay Lazaro na lumabas.

Pagkatapos ay nanalangin si Jesus sa Kanyang Ama. Pinasalamatan Niya ang Diyos sa palaging pagdinig sa Kanya. Nais ni Jesus na maniwala ang mga tao na isinugo Siya ng Diyos upang maging Tagapagligtas. Pagkatapos ay sinabi ni Jesus, “Lazaro, lumabas ka.“

Juan 11:41–43

Naglalakad si Lazaro palabas ng kuweba.

Lumabas si Lazaro mula sa kuweba. Nakabalot pa rin siya sa mga damit at kumot na ipinanlibing sa kanya. Sinabi ni Jesus sa mga tao na alisin ang nakabalot sa kanya. Marami sa mga taong nakamasid noong araw na iyon ang naniwalang tunay nga na si Jesus ang Tagapagligtas, ang Anak ng Diyos.

Juan 11:44–45