Mga Gawa 1–4
Pinamunuan ng mga Apostol ni Jesus ang Kanyang Simbahan
Pagtuturo, pagbibinyag, papapagaling, at pagbabahagi ng lahat ng bagay
Matapos bumalik si Jesus sa Kanyang Ama sa Langit, ang mga Apostol ang mga pinuno ng Simbahan. Itinuro nila ang ebanghelyo ng Tagapagligtas, inanyayahan ang mga tao na sumapi sa Kanyang Simbahan, at nakagawa ng maraming himala sa kapangyarihan ng Diyos. Nangako si Jesus na tutulungan sila sa pamamagitan ng pagpapadala ng Espiritu Santo.
Mga Gawa 1:8–13; 2:41–47
Dahil namatay si Judas, labing-isang Apostol lamang ang mayroon. Ipinagdasal ng mga Apostol na malaman kung sino ang nais ng Diyos na pumalit kay Judas at maging natatanging saksi ni Jesucristo. Pinili ng Diyos ang isang lalaking nagngangalang Matias. Siya ay naging isa sa Labindalawang Apostol.
Mga Gawa 1:15–26
Sa isang espesyal na pista-opisyal ng mga Judio, magkakasama ang mga disipulo sa Jerusalem. Biglang tila napuno ng hangin mula sa langit ang bahay. Nakita nila ang liwanag na parang apoy na nakalaan sa kanila, at napuspos silang lahat ng Espiritu Santo. Dahil sa Espiritu Santo, nakapagsalita sila sa iba pang mga wika.
Mga Gawa 2:1–4
Nang marinig ito ng mga tao sa Jerusalem, isang malaking grupo ng mga tao ang nagtipon. Bagama’t ang mga tao ay mula sa maraming bansa at nagsasalita ng iba’t ibang wika, narinig ng bawat isa sa kanila ang sinabi ng mga Apostol sa sarili niyang wika. Namangha ang mga tao!
Mga Gawa 2:5–13
Tumayo si Pedro at nagsalita sa mga tao. Sinabi niya sa kanila ang tungkol kay Jesucristo. Nagpatotoo siya na si Jesus ang Tagapagligtas at nabuhay na muli.
Mga Gawa 2:14–36
Nang marinig ito ng mga tao, nadama nila na kailangan nilang magbago. Tinanong nila ang mga Apostol kung ano ang dapat nilang gawin.
Mga Gawa 2:37
At sinabi sa kanila ni Pedro, “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo upang mapatawad ang inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.” Mga 3,000 katao ang nabinyagan at sumapi sa Simbahan nang araw na iyon.
Mga Gawa 2:38–43
Kalaunan, nagpunta sina Pedro at Juan sa templo. Nakita nila ang isang lalaking hindi makalakad. Nakaupo siya roon araw-araw, humihingi ng pera sa mga tao.
Mga Gawa 3:1–2
Humingi ng pera ang lalaki kina Pedro at Juan. Tumigil sila at tumingin sa kanya. Sabi ni Pedro, “Tingnan mo kami.”
Mga Gawa 3:3–4
Sinabi ni Pedro na wala silang pilak o ginto. Pero may mas magandang bagay sila. “Sa pangalan ni Jesucristong taga-Nazaret,” sinabi niya, “tumayo ka at lumakad.” Tinulungan siya ni Pedro na tumayo. Sa unang pagkakataon sa kanyang buhay, nakatayo ang lalaki! Masayang-masaya siya kaya tumalon siya at pumasok sa templo kasama sina Pedro at Juan.
Mga Gawa 3:6–8
Namangha ang mga tao. Sinabi sa kanila ni Pedro na hindi ang kanyang kapangyarihan o kapangyarihan ni Juan ang nagpagaling sa lalaki. Siya ay pinagaling ng kapangyarihan ni Jesucristo at ng pananampalataya sa Kanya. Sinabi sa kanila ni Pedro na magsisi at maniwala kay Jesus.
Mga Gawa 3:9–26
Hindi gusto ng ilan sa mga pinuno ng mga Judio ang itinuturo nina Pedro at Juan. Sinabi nila na walang sinumang pinayagang magturo tungkol kay Jesus.
Mga Gawa 4:1–18
Sinabi nina Pedro at Juan na susundin nila ang Diyos, at nais ng Diyos na sabihin nila sa mga tao ang nalalaman nila tungkol kay Jesucristo.
Mga Gawa 4:19–20
Patuloy na itinuro ng mga Apostol ang ebanghelyo ng Tagapagligtas nang may dakilang kapangyarihan. Parami nang parami ang mga taong sumapi sa Kanyang Simbahan. Sila ay napuspos ng Espiritu Santo. Minahal nila ang isa’t isa at ibinahagi ang lahat. Ipinagbili nila ang mayroon sila at ibinigay ang pera sa mga Apostol para ibigay sa mga maralita.
Mga Gawa 4:31–37