Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Ibinigay ni Jesus ang Kanyang Buhay para sa Atin—Isang sakripisyo upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan


Mateo 27; Lucas 23; Juan 19

Ibinigay ni Jesucristo ang Kanyang Buhay para sa Atin

Isang sakripisyo upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan

Naglagay ang mga kawal ng koronang tinik sa ulo ni Jesus.

Matapos magpasiya si Pilato na ipapako sa krus si Jesus, sinabi niya sa kanyang mga kawal na kunin si Jesus. Hinagupit nila Siya, dinuraan Siya, naglagay ng koronang tinik sa Kanyang ulo, at pinagtawanan Siya.

Marcos 15:15–20

Si Jesus na nagdadala ng mabigat na krus na yari sa kahoy.

Pinapasan ng mga kawal si Jesus ng mabigat na krus na kahoy. Dinala nila Siya sa isang lugar sa labas lamang ng Jerusalem na tinatawag na Golgota.

Juan 19:17

Ipinako ng mga kawal si Jesus sa krus.

Ipinako ng mga kawal ang mga kamay at paa ni Jesus sa krus. Hiniling ni Jesus sa Kanyang Ama sa Langit na patawarin ang mga kawal, dahil hindi nila alam na ipinapako nila sa krus ang Anak ng Diyos.

Lucas 2:33–34; tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia sa Lucas 23:25

Tinitingnan ng mga tao si Jesus at ang dalawang kriminal na ipinako sa krus.

Dalawang kriminal ang ipinako sa krus kasama si Jesus sa araw na iyon. Sinabi ng isa sa kanila sa Kanya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami.”

Lucas 23:39

Kinausap ni Jesus ang isa sa mga kriminal.

Sinabi ng isa pang kriminal na karapat-dapat silang parusahan, ngunit walang nagawang mali si Jesus. Hiniling Niya kay Jesus na alalahanin siya sa Kanyang kaharian. Sinabi sa kanya ni Jesus na hindi magtatagal ay magkakasama sila sa daigdig ng mga espiritu.

Lucas 23:40–43

Sinabi ni Jesus kay Juan na alagaan ang kanyang ina.

Maraming babaeng sumunod kay Jesucristo ang pumunta sa krus upang makasama Siya. Isa sa mga babae ang ina ni Jesus na si Maria. Nakita siya ni Jesus at sinabi kay Juan, isa sa Kanyang mga Apostol, na pangalagaan siya.

Juan 19:25–27; tingnan din sa Lucas 8:1–3; Marcos 15:40–41

Nababalot ng kadiliman ang lupain.

Sa loob ng tatlong oras, binalot ng kadiliman ang lupain. Labis na nalungkot si Jesus. Pakiramdam niya ay iniwan Siya ng Kanyang Ama sa Langit.

Mateo 27:45–46

Isinuko ni Jesus ang Kanyang buhay.

Sa huli, alam ni Jesus na natapos na Niya ang Kanyang pagdurusa. Sabi niya, “Ama, naganap na, nangyari na ang inyong kalooban.” Pagkatapos ay yumuko si Jesus at isinuko ang Kanyang buhay. Para makita kung talagang patay Na Siya, isang kawal ang tumusok sa Kanya sa tagiliran gamit ang isang sibat.

Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 27:54; Juan 19:28–30, 34

Napunit sa gitna ang tabing sa templo.

Nang mamatay si Jesus, nayanig ang mundo. Nadurog ang mga bato. Ang tabing sa templo, ang kurtina na tumatakip sa pinakabanal na lugar sa templo, ay napunit sa gitna.

Mateo 27:51

Natakot ang mga kawal na nakamasid kay Jesus.

Natakot ang mga kawal. “Tunay na ito ang Anak ng Diyos,” sabi nila.

Mateo 27:54

Inilagay ng ina ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang Kanyang katawan sa libingan.

Ibinalot ng mga disipulo ni Jesus ang Kanyang katawan sa tela at inilagay Siya sa isang libingan sa isang halamanan. Kalaunan, nagpagulong sila ng isang malaking bato sa harap ng pintuan ng libingan.

Mateo 27:57–61; Juan 19:38–41