1 at 2 Timoteo
Mga Liham kay Timoteo
Pinayuhan ni Pablo ang kanyang batang kaibigan
Si Timoteo ay isang binatilyo na may malakas na pananampalataya kay Jesucristo. Ang kanyang inang si Eunice at ang kanyang lolang si Lois ay mga babae ring may malaking pananampalataya. Tinuruan nila si Timoteo mula sa mga banal na kasulatan, kahit noong bata pa siya.
2 Timoteo 1:5; 3:15
Sina Timoteo at Pablo ay matalik na magkaibigan. Magkasama silang nagtrabaho at naglakbay, naglilingkod sa Panginoon at nagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo. Minahal ni Pablo si Timoteo na katulad ng isang anak na lalaki.
Filipos 2:19–22; 1 Timoteo 1:2
Hiniling ni Pablo kay Timoteo na pamunuan ang Simbahan sa Efeso. Kinailangang pumunta ni Pablo sa ibang lungsod. Habang malayo siya, sumulat siya kay Timoteo ng isang liham upang tulungan siya.
1 Timoteo 1:1–3
Kalaunan, noong nasa bilangguan si Pablo sa Roma, sumulat siya kay Timoteo ng isa pang liham. Binalaan niya si Timoteo na darating ang mahihirap na panahon. Ang ilang tao ay tatalikod sa katotohanan at mamahalin nila ang mga bagay ng mundo nang higit kaysa sa Diyos. Magtuturo sila ng mga bagay na hindi totoo.
2 Timoteo 3:1–7; 4:3–4
Sinabihan ni Pablo si Timoteo na huwag matakot. Sinabi niya, “Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan kundi ng espiritu ng kapangyarihan at ng pag-ibig.” Sinabihan ni Pablo si Timoteo na patuloy na gawin ang mga bagay na natutuhan niya. Aakayin siya ng mga banal na kasulatan patungo kay Jesucristo.
2 Timoteo 1:7–9; 3:14–17
Alam ni Pablo na patapos na ang kanyang buhay. Ngunit hindi siya natatakot na mamatay. Sinabi ni Pablo kay Timoteo na kahit marami siyang naranasang hamon sa kanyang buhay, pinanatili niyang malakas ang kanyang pananampalataya. Nagtiwala siya na bibigyan siya ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ng buhay na walang hanggan.
2 Timoteo 4:6–8