Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Pamumuhay nang may Pananampalataya kay Jesucristo—Siya “ang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya”


Mga Hebreo 11–12

Pamumuhay nang may Pananampalataya kay Jesucristo

Siya “ang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya”

Isang lalaki at isang batang babae na nagmamasid sa mga taong winawasak ang kanilang mga palayok.

Hindi palaging madali ang maging tagasunod ni Jesucristo noong mga unang araw ng Simbahan. Kung minsan ay kinamumuhian ng mga tao ang mga miyembro ng Simbahan o kinukutya sila dahil sa kanilang mga paniniwala. Nais ni Pablo na tulungan silang panatilihin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Mga Hebreo 10:32–39

Ang lalaki at ang batang babae na nananalangin, kasama si Pablo sa harapan.

Sumulat si Pablo ng isang liham sa mga Banal na Hebreo, o mga Judio. Itinuro niya na ang ibig sabihin ng pananampalataya ay maniwala at umasa sa isang bagay, kahit hindi natin ito nakikita. Halimbawa, ang pananampalataya kay Jesucristo ay nangangahulugang pagtitiwala sa Kanya at sa Kanyang mga pangako, kahit hindi pa natin natatanggap ang mga pagpapalang inaasam natin.

Mga Hebreo 11:1, 6

Ang batang babae na nakangiti habang binabasa ng lalaki ang mga kuwento tungkol sa mga taong may pananampalataya.

Upang matulungan ang mga Banal na Hebreo na harapin ang kanilang mga hamon nang may pananampalataya, ipinaalala sa kanila ni Pablo ang mga kuwento tungkol sa mga tao sa mga banal na kasulatan na may malaking pananampalataya.

Mga Hebreo 11:4–40

Si Noe na tinitingnan ang mga tagubilin sa pagtatayo ng arka.

Halimbawa, nagkuwento si Pablo tungkol kay Noe. Sinabihan ng Diyos si Noe na magtayo ng arka upang maligtas ang kanyang pamilya mula sa baha. Si Noe ay may pananampalatayang sumunod, bago pa man niya nakita ang ulan.

Mga Hebreo 11:7

Sina Abraham at Sara na nililisan ang kanilang tahanan.

Nagkuwento si Pablo tungkol kay Abraham at Sara, na may pananampalatayang lisanin ang kanilang tahanan dahil nangako ang Diyos na aakayin sila patungo sa mas magandang lugar. Nanampalataya rin sila sa pangako ng Diyos na magkakaroon sila ng napakalaking pamilya, kahit matanda na sila at wala pang mga anak.

Mga Hebreo 11:8–16

Ang ina ni Moises at ang kanyang kapatid na babae na itinatago siya sa isang basket.

Nagkuwento rin si Pablo tungkol sa ina ni Moises na si Jochebed. May pananampalataya siyang itago si Moises, noong siya ay sanggol pa, upang mapanatili siyang ligtas mula sa isang masamang hari.

Mga Hebreo 11:23

Si Moises na nagmamasid sa isang taga-Ehipto na nagmamalupit sa isang Israelita.

Lumaki si Moises sa Ehipto. Maaari sana siyang maging mayaman at komportable. Ngunit isinuko niya ang lahat ng iyon dahil nanampalataya siya sa Diyos at sa Kanyang mga pagpapala.

Mga Hebreo 11:24–27

Si Moises na hinahati ang Dagat na Pula.

Dahil sa kanyang pananampalataya, inakay ni Moises ang mga tao ng Diyos mula sa pagkaalipin. Dumaan pa nga sila sa Dagat na Pula sa tuyong lupa!

Mga Hebreo 11:29

Si Rahab kasama ang kanyang mga anak.

Nagkuwento rin si Pablo tungkol kay Rahab. May pananampalataya siyang tulungan ang mga tao ng Diyos, kahit walang sinuman sa kanyang lungsod ang naniwala sa Panginoon. Ang kanyang pananampalataya ay nagligtas sa kanyang pamilya.

Mga Hebreo 11:30–31

Ang lalaki at ang batang babae na nakatingin sa palayok na inayos nila.

Sinabi ni Pablo na ang maraming halimbawang ito ng pananampalataya ay makakatulong din sa atin na manampalataya kay Jesucristo, kahit mahirap ang buhay. Maaari tayong magsisi sa ating mga kasalanan at umasa kay Jesus, ang “nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya.” Handa Siyang mamatay para sa atin dahil alam Niya na ang Kanyang Pagbabayad-sala ay magdudulot ng malaking kagalakan at paggaling!

Mga Hebreo 12:1–2