Mga Gawa 10
Tinanggap ni Cornelio at ng Kanyang mga Kaibigan ang Espiritu Santo
Ang ebanghelyo ay para sa lahat
Si Cornelio ay isang pinuno ng mga kawal na Romano. Naniniwala sila ng kanyang pamilya sa Diyos, ngunit hindi sila mga Judio at hindi nila alam ang tungkol kay Jesucristo. Ibinahagi ni Cornelio kung ano ang mayroon siya sa mga maralita at madalas na nanalangin sa Diyos.
Mga Gawa 10:1–2
Isang hapon, isang anghel ang dumating kay Cornelio habang nag-aayuno at nagdarasal siya. Sabi ng anghel, “Cornelio, dininig ang panalangin mo.” Nakita ng Diyos ang kanyang kabaitan. Sinabi ng anghel kay Cornelio na hanapin si Apostol Pedro, na nananatili sa isang lungsod na tinatawag na Joppa. Sasabihin ni Pedro kay Cornelio kung ano ang gagawin.
Mga Gawa 10:3–6, 30–32
Sinabi ni Cornelio sa kanyang mga tagapagsilbi ang sinabi ng anghel. Pinapunta niya sila sa Joppa para hilingin kay Pedro na bisitahin siya.
Mga Gawa 10:7–8
Sa Joppa, nagdarasal si Pedro habang nasa bubong ng bahay. Gutom na siya at halos kakain na, nang bigla siyang nakakita ng isang pangitain.
Mga Gawa 10:9–10
Nakita ni Pedro ang isang malaking kumot na bumababa mula sa langit, na puno ng lahat ng uri ng hayop at ibon. Pagkatapos ay narinig ni Pedro ang isang tinig na nagsasabing dapat niyang kainin ang mga hayop na iyon. Ngunit ang mga ito ay mga hayop na hindi pinahintulutang kainin ng mga Judio. Sinabi ng batas ni Moises na marumi ang mga ito. Ayaw silang kainin ni Pedro.
Mga Gawa 10:11–14
Sinabi ng tinig na kung ginawang malinis ng Diyos ang isang bagay, hindi ito dapat tawaging marumi. Tatlong beses na inulit ang pangitain. Inisip ni Pedro kung ano ang ibig sabihin nito.
Mga Gawa 10:15–17
Sa sandaling iyon, sinabi ng Espiritu kay Pedro na tatlong lalaki ang naghahanap sa kanya. “Sumama ka sa kanila,” sabi ng Espiritu, “sapagkat sila’y aking isinugo.”
Mga Gawa 10:16–21
Ang tatlong lalaki ay mga tagapagsilbi ni Cornelio. Sinabi nila kay Pedro ang tungkol sa anghel na nakita ni Cornelio at hiniling kay Pedro na pumunta at turuan siya. Ang mga Judio ay karaniwang hindi pumapasok sa tahanan ng mga taong hindi Judio, at hindi itinuro sa kanila ng mga Apostol ang ebanghelyo. Ngunit nang maalala niya ang kanyang pangitain, nagpasiya si Pedro na pumunta.
Mga Gawa 10:22, 28
Pagdating ni Pedro, hinihintay siya ni Cornelio kasama ang maraming kaibigan at kapamilya nito. Sinabi niya kay Pedro na handa silang marinig ang anumang iniutos sa kanya ng Diyos na sabihin sa kanila.
Mga Gawa 10:26, 33
Ngayon, naunawaan na ni Pedro ang itinuturo sa kanya ng Diyos sa pangitain. Sinabi ni Pedro sa lahat na hindi mahal ng Diyos ang isang bansa o grupo ng mga tao nang higit sa iba. Tinatanggap ng Diyos ang sinumang sumusunod sa Kanya at ginagawa ang tama. Itinuro ni Pedro kay Cornelio at sa kanyang pamilya at mga kaibigan ang tungkol kay Jesucristo.
Mga Gawa 10:34–43
Habang nagtuturo siya, nadama ng lahat ng nakikinig ang Espiritu Santo. Inanyayahan sila ni Pedro na magpabinyag sa pangalan ni Jesucristo. Nalaman ni Pedro na lahat ng anak ng Diyos ay malugod na tinatanggap sa Simbahan ni Jesucristo. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ipinangaral sa lahat.
Mga Gawa 10:44–48