Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Inihambing ni Pablo ang Simbahan sa Katawan ni Cristo—Pagtuturo tungkol sa mga espirituwal na kaloob, pagkakaisa, at pag-ibig sa kapwa-tao


1 Corinto 12–13

Inihambing ni Pablo ang Simbahan sa Katawan ni Cristo

Pagtuturo tungkol sa mga espirituwal na kaloob, pagkakaisa, at pag-ibig sa kapwa-tao

Sumusulat si Pablo ng isang liham, kasama ang mga tao sa Corinto sa likuran.

Ang Corinto ay isang malaki at abalang lungsod. Maraming miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ang nanirahan doon. Ngunit lahat sila ay mula sa iba’t ibang lugar at ibang-iba mula sa isa’t isa. Nais ni Pablo na tulungan silang magkaisa at makita ang mabuti sa isa’t isa. Kaya sumulat siya sa kanila ng isang liham.

1 Corinto 1:11–13

Mga tao sa Corinto na may iba’t ibang kaloob mula sa Diyos.

Sa kanyang liham, sinabi ni Pablo sa mga Banal na lahat sila ay may mga espesyal na kaloob mula sa Diyos. Ang ilang tao ay may kaloob na pananampalataya. Ang iba ay may kaloob na gumawa ng mga himala. Ang ilan ay matatalino, at ang ilan ay nakapagpapagaling ng iba. Ang ilang tao ay nakapagsasalita ng iba pang mga wika. Ang lahat ng Banal ay may iba’t ibang kaloob, ngunit ang lahat ng iyon ay nagmula sa Diyos.

1 Corinto 12:3–11, 29–30

Mga tao sa Corinto na binibinyagan.

Itinuro ni Pablo na kahit naiiba ang mga Banal mula sa isa’t isa, ang kanilang pananampalataya kay Jesus ay nagbubuklod sa kanila. Nang magpasiya silang sundin ang mga turo ni Jesus, magpabinyag, at sumapi sa Kanyang Simbahan, sila ay naging isang grupo, nagkakaisa kay Jesucristo.

1 Corinto 12:27

Dalawang taong pinagsasaluhan ang tinapay; dalawang taong naglalakad nang magkasama; isang ina at ang kanyang mga anak.

Sinabi ni Pablo na ang Simbahan ay katulad ng isang katawan, may ulo, mga bisig, mga binti, at mga paa. Ang bawat bahagi ng katawan ay gumagawa ng mga magkakaibang bagay. Hindi dapat sumama ang loob ng tainga dahil naiiba ito mula sa mata. At hindi masasabi ng ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” Ang bawat bahagi ay mahalaga, at nagtutulungan ang lahat ng iyon.

1 Corinto 12:12–14

Magkakasamang nagtipon ang mga tao sa Corinto.

Tinawag ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na “katawan ni Cristo.” Gusto niyang magtulungan sila katulad ng iba’t ibang bahagi ng isang katawan, gamit ang kanilang iba’t ibang kaloob upang tulungan at pagpalain ang isa’t isa.

1 Corinto 12:15–27

Sumusulat si Pablo ng isang liham; binibigyan ni Jesus ng tinapay sa isang lalaki.

Upang magawa ito, kailangan ng mga tao ng napakaespesyal na uri ng pagmamahal, na tinatawag na pag-ibig sa kapwa-tao. Ito ang pagmamahal na mayroon si Jesucristo para sa lahat. Sinabi ni Pablo na ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao ay pagiging mapagpasensiya sa iba, kahit hindi sila mabait. Ang ibig sabihin nito ay hindi pagiging marahas, makasarili, o mainggitin. Ang ibig sabihin nito ay pagmamahal sa katotohanan at pagkakaroon ng pag-asa.

1 Corinto 13:1–7; Moroni 7:47

Isang lalaking nagbibigay ng tinapay sa isang babae.

Sinabi ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagtatagal magpakailanman. Anuman ang iba pang mga kaloob na mayroon tayo, kailangan nating lahat na magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao. Sinuman sa atin ay maaaring magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao kung hihilingin natin ito sa Ama sa Langit nang buong puso at sisikapin nating maging tunay na tagasunod ni Jesucristo.

1 Corinto 13:1–3, 8; Moroni 7:48