Lucas 15
Isang Nawawalang Tupa, Isang Nawawalang Barya, at Isang Nawawalang Anak
Tatlong talinghaga tungkol sa pagmamahal ng Diyos
Nakita ng ilang pinunong Judio si Jesus na nakikipag-usap at kumakain kasama ang mga taong inakala nilang makasalanan. Inakala ng mga lider na mali para kay Jesus na kumain kasama ang mga makasalanan. Nagkuwento si Jesus sa mga lider ng tatlong kuwento o talinghaga upang tulungan silang maunawaan na nais Niyang tulungan ang lahat na magsisi at kung gaano Siya kasaya kapag ginagawa nila ito.
Lucas 15:1–3
Ang unang talinghaga ay tungkol sa isang lalaking may 100 tupa. Isa sa kanyang mga tupa ang nawala.
Lucas 15:4
Iniwan ng lalaki ang ibang 99 na tupa at hinanap ang isang nawawala. Patuloy siyang naghanap hanggang sa matagpuan niya ito.
Lucas 15:4
Nang sa wakas ay matagpuan na niya ang kanyang nawawalang tupa, napakasaya niya! Dinala niya ang tupa sa kanyang balikat pauwi at sinabi sa kanyang mga kaibigan at kapitbahay na magalak kasama niya. Sinabi ni Jesus na ganito ang nadarama ng Ama sa Langit kapag nagsisisi ang isang tao sa kanilang mga kasalanan at bumabalik sa Kanya.
Lucas 15:5–7
Ang pangalawang talinghaga ay tungkol sa isang babae na may 10 pilak na barya. Nang mawala ang isa, nagsindi siya ng isang kandila at winalis ang kanyang bahay, hinahanap ang nawawalang barya. Patuloy siyang naghanap hanggang sa matagpuan niya ito.
Lucas 15:8
Nang sa wakas ay natagpuan niya ang nawawala niyang barya, napakasaya niya! Sinabi niya sa kanyang mga kaibigan at kapitbahay na magalak kasama niya. Sinabi ni Jesus na ganito ang nadarama ng mga anghel sa langit kapag pinagsisihan ng isang tao ang kanyang mga kasalanan.
Lucas 15:9–10
Ang pangatlong talinghaga ay tungkol sa isang lalaking may dalawang anak na lalaki. Ayaw na ng nakababatang anak na manirahan kasama ang kanyang ama. Hiniling niya sa kanyang ama na ibigay na ngayon ang kanyang bahagi sa pera ng pamilya nila. Pagkatapos ay umalis ang anak na lalaki sa tahanan at nagpunta sa isang malayong bansa.
Lucas 15:11–13
Gumawa ng ilang masasamang pagpili ang anak. Sinayang niya ang perang ibinigay sa kanya ng kanyang ama.
Lucas 15:13
Nang mawala na ang kanyang pera, nagutom siyang lubos. Walang nagbigay sa kanya ng anumang makakain. Sa wakas ay nakakita siya ng trabaho na pagpapakain ng mga baboy. Sa laking gutom ng anak na lalaki, gusto na niyang kumain ng kaning-baboy. Alam niya na kailangan niyang bumalik sa kanyang ama.
Lucas 15:14–18
Pero hindi sigurado ang anak na lalaki na malugod siyang tatanggapin ng kanyang ama. Nagpasiya siyang tanungin ang kanyang ama kung maaari siyang maging isa sa kanyang mga tagapaglingkod.
Lucas 15:17–19
Habang naglalakad ang anak na lalaki pauwi, nakita siya ng kanyang ama mula sa malayo. Masayang-masaya ang ama, tumakbo siya papunta sa kanyang anak!
Lucas 15:20
Niyakap ng ama ang kanyang anak at hinalikan siya. Sinabi niya sa kanyang mga tagapaglingkod na dalhin ang pinakamagandang damit para sa kanyang anak at maghanda ng piging. Gusto niyang magdiwang at maging masaya ang lahat dahil umuwi na ang kanyang anak.
Lucas 15:20–24
Sa panahong ito, nagtatrabaho sa bukid ang panganay na anak na lalaki. Pagbalik niya sa bahay, narinig niya ang musika at pagsasayaw. Tinanong niya ang isang tagapaglingkod kung ano ang nangyayari. Sinabi sa kanya ng alipin na umuwi na ang kanyang nakababatang kapatid na lalaki, kaya naghanda sila ng piging upang magdiwang.
Lucas 15:25–27
Nagalit ang nakatatandang kapatid na lalaki. Inanyayahan siya ng kanyang ama sa piging, pero ayaw niyang pumunta. Sinabi niya sa kanyang ama na maraming taon na siyang naglingkod sa kanya, ngunit kailanman ay walang naghanda ng piging para sa kanya. Sinabi sa kanya ng ama, “Lahat ng mayroon ako ay sa iyo,” ngunit mabuting maging masaya kapag nagsisisi at umuwi ang isang tao!
Lucas 15:28–32