Mateo 10; Lucas 5:1–11; 6:12–16
Pinili ni Jesus ang Kanyang mga Apostol
Isang paanyaya na maging “mga mamamalakaya ng mga tao”
Isang araw, dumating ang mga tao sa Dagat ng Galilea para pakinggan ang mga turo ni Jesus. Tinuruan sila ni Jesus mula sa isang bangka habang nakikinig sila sa dalampasigan. Ang bangka ay pag-aari ng isang mangingisda na nagngangalang Simon.
Lucas 5:1–3
Nang matapos si Jesus sa pagtuturo, hiniling Niya kay Simon na dalhin ang bangka sa malalim na bahagi ng dagat. Sinabi niya kay Simon na ihulog ang kanyang lambat sa tubig para makahuli ng ilang isda. Sinabi ni Simon na buong magdamag na siyang nangisda at hindi nakahuli ng anumang isda. Ngunit dahil inutusan siya ni Jesus, susubukan niya itong muli.
Lucas 5:4–5
Nahuli ni Simon ang napakaraming isda kaya nasira ang kanyang lambat! Tinawag niya ang kanyang mga kaibigan sa ibang bangka para tulungan siya. Hindi nagtagal, ang mga bangka ay napuno ng mga isda kaya nagsimula silang lumubog. Namangha si Simon at ang kanyang mga kaibigan!
Lucas 5:6–7, 9
Lumuhod si Simon sa harapan ni Jesus. Sabi niya, “Ako’y taong makasalanan, O Panginoon.” Alam niya na isinugo ng Diyos si Jesus. Sinabi sa kanya ni Jesus na huwag matakot.
Lucas 5:8
Inanyayahan ni Jesus si Simon, ang kanyang kapatid na si Andres, at ang kanyang mga kaibigang sina Santiago at Juan, na sumunod sa Kanya. Sa halip na manghuli ng isda, tutulungan nila ang mga tao na lumapit kay Jesus.
Marcos 1:16–17; Lucas 5:10–11
Nilisan nina Simon, Santiago, at Juan ang kanilang mga bangkang pangisda at naging mga Apostol ni Jesus. Kalaunan, ibinigay ni Jesus kay Simon ang pangalang Pedro. Ang Apostol ay isang natatanging saksi ni Jesucristo. Tumawag si Jesus ang 12 kalalakihan na maging Kanyang mga Apostol. Ipinagdasal Niyang malaman kung sino ang dapat Niyang tawagin. Binigyan Niya ang Kanyang mga Apostol ng awtoridad ng priesthood para pamunuan ang Kanyang Simbahan.
Mateo 10; Lucas 6:12–16; 9:1–2
Dahil ang mga Apostol ay may kapangyarihan ng Diyos, maaari din silang magpagaling ng mga taong maysakit, bumuhay ng mga tao matapos silang mamatay, at gumawa ng iba pang mga himala.
Mateo 10:8
Isinugo ni Jesus ang Kanyang mga Apostol sa maraming lungsod upang ituro sa mga tao ang Kanyang ebanghelyo. Sinabi niya na tutulungan sila ng Banal na Espiritu na malaman kung ano ang sasabihin. Sinabi ni Jesus na hindi magugustuhan ng ilang tao ang itinuturo nila, ngunit kapag naglingkod sila nang tapat, makakasama nila ang Diyos.
Mateo 10:5–7, 19–22