Mateo 14:22–33
Naglalakad si Cristo sa Tubig
Nadaraig ng pananampalataya ang takot
Gusto ni Jesus na mapag-isa para manalangin. Pinasakay Niya ang Kanyang mga disipulo sa isang bangka sa kabilang panig ng Dagat ng Galilea. Nagpunta si Jesus sa isang bundok para manalangin.
Mateo 14:22–23
Noong gabing iyon, malakas ang hangin, at mataas ang mga alon. Buong magdamag na nagsikap ang mga disipulo ni Jesus na papuntahin ang bangka sa kabilang panig ng dagat.
Mateo 14:24–25
Nang halos matatapos na ang gabi, nakita ng mga disipulo na may naglalakad papunta sa kanila sa ibabaw ng tubig. Inakala nila na iyon ay isang multo, at natakot sila. Hindi iyon isang multo; iyon ay si Jesus! Tinawag Niya sila, “Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.”
Mateo 14:25–27
Hiniling ni Pedro kay Jesus na anyayahan siyang lumapit sa Kanya sa ibabaw ng tubig. “Halika!” ang sabi ni Jesus. Umalis si Pedro sa bangka at nagsimulang maglakad sa ibabaw ng tubig, tulad ni Jesus!
Mateo 14:28–29
Nang makita ni Pedro ang malakas na hangin at malalaking alon, natakot siya. Nagsimula siyang lumubog sa tubig. Tinawag niya si Jesus, “Panginoon, iligtas mo ako.”
Mateo 14:30
Tinulungan at nahawakan ni Jesus si Pedro. Tinanong niya si Pedro kung bakit siya nag-alinlangan sa halip na mas magtiwala sa Kanya.
Mateo 14:31
Nang makabalik sa bangka sina Jesus at Pedro, huminto ang hangin. Namangha ang mga disipulo sa nangyari. Alam nila na si Jesus ang tunay na Anak ng Diyos, at sinamba nila Siya.
Mateo 14:32–33