Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano—Pagmamahal sa ating kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili


Lucas 10:25–37

Ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano

Pagmamahal sa ating kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili

Isang lalaki na nagtatanong kay Jesus.

Tinanong ng isang abogado si Jesus kung paano makatatanggap ng buhay na walang hanggan. Tinanong siya ni Jesus kung ano ang nakasulat sa mga banal na kasulatan. Sumagot ang abogado na sinasabi sa mga banal na kasulatan na mahalin ang Diyos at mahalin ang ating kapwa. Sinabi ni Jesus na tama siya. Pagkatapos ay tinanong ng abogado, “Sino ang aking kapwa?” Sinagot ni Jesus ang lalaki sa pamamagitan ng isang talinghaga o kuwento.

Lucas 10:25–29

Isang lalaking Judio ang sinaktan ng mga magnanakaw.

Sa talinghaga, ang isang lalaki na Judio ay naglalakbay mula Jerusalem patungong Jerico. Biglang dumating ang ilang magnanakaw. Ninakaw nila ang kanyang mga damit, sinaktan siya nang husto, at iniwan siya roon.

Lucas 10:30

Hindi pinapansin ng isang saserdote ang sugatang lalaki.

Hindi nagtagal, isang saserdote ang napadaan. Ang saserdote ay isang taong nagtatrabaho sa templo. Nakita niya ang lalaki sa daan ngunit dumaan sa kabilang bahagi.

Lucas 10:31

Hindi pinapansin ng isang Levita ang sugatang lalaki.

Sumunod ay dumating ang isa pang lalaki na naglilingkod din sa templo, na tinatawag na Levita. Nakita niya ang lalaking sinaktan, ngunit dumaan din siya sa kabilang bahagi ng daan.

Lucas 10:32

Napansin ng isang Samaritano ang lalaking Judio.

Pagkatapos ay isang Samaritano ang dumaan. Nakita niya na ang lalaki sa daan ay nasaktan nang husto. Ang mga Samaritano at Judio ay karaniwang hindi nagkakasundo. Ngunit gusto pa ring tulungan ng Samaritanong ito ang lalaki.

Lucas 10:33

Inaalagaan ng Samaritano ang lalaking Judio.

Inalagaan ng Samaritano ang lalaki sa pamamagitan ng paglalagay ng langis at alak sa mga sugat ng lalaki. Inilagay niya ang lalaki sa kanyang asno.

Lucas 10:34

Dinadala ng Samaritano ang lalaking Judio sa isang bahay-panuluyan.

Pagkatapos ay dinala ng Samaritano ang lalaki sa isang bahay-panuluyan, kung saan siya maaaring magpahinga at magpagaling. Bago umalis ang Samaritano kinabukasan, binigyan niya ng pera ang katiwala ng panuluyan at sinabing, “Alagaan mo siya.” Sinabi ng Samaritano na babalik siya sa loob ng ilang araw na may mas maraming pera.

Lucas 10:34–35

Sinabi ni Jesus sa abogado na tularan ang Samaritano.

Sa pagtatapos ng kuwento, nagtanong si Jesus sa abogado. Sino ang kapwa ng lalaking nasaktan? Ang saserdote, ang Levita, o ang Samaritano? Sinabi ng abogado na iyon ang nagpakita ng pagmamahal sa lalaki—ang Samaritano. Sinabi ni Jesus sa abogado na humayo at tularan ang Samaritano.

Lucas 10:36–37