Mateo 25:31–46
“Ginawa Ninyo Ito sa Akin”
Kapag naglilingkod tayo sa iba, naglilingkod rin tayo kay Jesus.
Sinabi ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo na matapos Siyang bumalik sa Kanyang Ama sa Langit, babalik Siya sa lupa kasama ang lahat ng banal na mga anghel. Sa araw na iyon, ang mga tao mula sa lahat ng bansa ay magtitipon sa Kanyang harapan—ang mga taong sumunod sa Kanya at ang mga taong hindi sumunod sa Kanya.
Mateo 25:31–33
Sasabihin ni Jesus sa mga taong sumunod sa Kanya na maaari silang pumasok sa Kanyang kaharian, dahil noong Siya ay nagugutom, pinakain nila Siya. Noong Siya ay nauhaw, binigyan nila Siya ng inumin.
Mateo 25:34–35
Binigyan nila Siya ng mga damit at lugar para manatili nang kailangan Niya ito. Noong Siya ay maysakit o nasa bilangguan, binisita nila Siya.
Mateo 25:36
Tatanungin ng mga tao si Jesus kung kailan nila ginawa ang alinman sa mabubuting bagay na ito para sa Kanya. Ipaliliwanag ng Tagapagligtas na kapag gumagawa tayo ng mabubuting bagay para sa ibang tao, para tayong gumagawa ng mabubuting bagay para sa Kanya.
Mateo 25:37–40
Sasabihin ni Jesus sa mga taong hindi sumusunod sa Kanya na hindi sila makapapasok sa Kanyang kaharian. Noong Siya ay nagugutom at nauuhaw, hindi nila Siya binigyan ng pagkain o inumin.
Mateo 25:41–42
Hindi nila Siya tinulungan noong kailangan Niya ng mga damit o lugar na matutuluyan. Noong Siya ay maysakit o nasa bilangguan, hindi nila Siya dinalaw.
Mateo 25:43
Ipaliliwanag ni Jesus na kapag pinili nating huwag tulungan ang isang nangangailangan, pinipili nating huwag Siyang tulungan. Kapag pinili nating tulungan ang iba, pinipili nating tulungan si Jesus.
Mateo 25:45