Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Inutusan ni Jesus sa mga Apostol na Pakainin ang Kanyang mga Tupa—Pagpapakita ng pagmamahal kay Jesus sa pamamagitan ng pagtuturo sa iba tungkol sa Kanya


Juan 21; Mateo 28:16–20; Marcos 16:15–19

Inutusan ni Jesus ang mga Apostol na Pakainin ang Kanyang mga Tupa

Pagpapakita ng pagmamahal kay Jesus sa pamamagitan ng pagtuturo sa iba tungkol sa Kanya

Nangingisda si Pedro at ang iba pang mga Apostol.

Matapos mabuhay na muli si Jesus, nangisda si Pedro at ang ilan sa iba pang mga Apostol. Kahit magdamag silang nangisngisda, wala silang nahuli.

Juan 21:1–3

Tinatanong ni Jesus ang mga Apostol kung may nahuli silang anumang isda.

Kinaumagahan, nakita ng mga Apostol si Jesus sa pampang, ngunit hindi nila alam na Siya iyon. Itinanong Niya kung may nahuli na silang isda. Sinabi nila na wala silang nahuli.

Juan 21:4–5

Ang mga Apostol na nagtatangkang hilahin sa bangka ang lambat na puno ng isda.

Sinabi ni Jesus sa mga Apostol na ihagis ang kanilang lambat sa kanang panig ng bangka at makahuhuli sila ng isda. Ginawa ng mga Apostol ang sinabi ni Jesus, at mahigit isandaang isda ang pumuno sa lambat! Napakabigat ng lambat kaya hindi ito mahila ng mga Apostol sa bangka.

Juan 21:6

Lumalangoy si Pedro kay Jesus.

Pagkatapos ay natanto ni Juan kung sino ang lalaki. “Ang Panginoon iyon,” ang sabi niya kay Pedro Lumundag si Pedro sa dagat at lumangoy patungo kay Jesus. Dinala ng iba pang mga Apostol ang bangka at isda sa pampang. Nagluluto si Jesus ng ilang tinapay at isda, at inanyayahan Niya ang mga Apostol na samahan Siyang kumain.

Juan 21:7–13

Sinabi ni Jesus kay Pedro na pakainin ang Kanyang mga kordero.

Pagkatapos nilang kumain, tinanong ni Jesus si Pedro, “Minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” Sumagot si Pedro ng oo. Pagkatapos ay sinabi ni Jesus, “Pakanin mo ang aking mga kordero.”

Juan 21:15

Sinasabi ni Pedro kay Jesus na mahal niya Siya.

Pagkatapos ay muling tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal niya Siya. Muling sumagot si Pedro ng oo. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakanin mo ang aking mga tupa.”

Juan 21:16

Itinuturo ni Jesus kay Pedro na alagaan ang mga taong sumusunod sa Kanya.

Tinanong ni Jesus si Pedro sa ikatlong pagkakataon kung mahal niya Siya. “Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay. Nalalaman mo na minamahal kita,” ang sabi ni Pedro. Muling sinabi ni Jesus, “Pakanin mo ang aking mga tupa.” Gusto Niyang pangalagaan ni Pedro ang mga taong sumusunod kay Jesus.

Juan 21:17

Sinasabi ni Jesus sa mga Apostol na ibahagi ang ebanghelyo.

Kalaunan, iniutos ni Jesus sa Kanyang mga Apostol na makipagkita sa Kanya sa isang bundok. Doon ay sinabi Niya sa kanila na ibahagi ang Kanyang ebanghelyo sa buong mundo, turuan ang mga tao ng Kanyang mga kautusan, at binyagan ang lahat ng naniwala. “Kayo ay magiging mga saksi ko,” sabi Niya. Nangako Siya na sasamahan Niya sila at bibigyan sila ng kapangyarihan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Mateo 28:16–20; Marcos 16:15–19; Mga Gawa 1:8

Umakyat si Jesus sa langit.

Pagkatapos ay umakyat si Jesus sa langit sa isang ulap. Bumalik Siya sa Kanyang Ama sa Langit. Habang minamasdan ng mga Apostol ang Kanyang paglisan, dalawang anghel ang nagpakita. Sinabi nila na tulad ng pagpunta ni Jesus sa langit, babalik Siya sa lupa sa gayunding paraan balang araw.

Mga Gawa 1:9–11