Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Ang Talinghaga ng Tagapaglingkod na Hindi Nagpatawad—Nagturo si Jesus tungkol sa pagpapatawad


Mateo 18:21-34

Ang Talinghaga ng Tagapaglingkod na Hindi Nagpatawad

Nagturo si Jesus tungkol sa pagpapatawad

Nagtatanong si Pedro kay Jesus.

Isang araw, may mahalagang itinanong si Pedro kay Jesus. Gusto niyang malaman kung ilang beses niya dapat patawarin ang mga tao kapag nagkakasala sila. “Hanggang sa makapito?” tanong ni Pedro. Sinagot ni Jesus ang tanong ni Pedro sa pamamagitan ng isang kuwento o talinghaga.

Mateo 18:15-21

May utang na pera ang isang alipin sa hari.

Sa kuwento, may isang hari na maraming tagapaglingkod. Isa sa mga tagapaglingkod ay may utang na sampung libong talento sa hari. Napakalaking pera noon!

Mateo 18:23–24

Hindi kayang bayaran ng tagapaglingkod ang utang.

Hindi kailanman mababayaran ng tagapaglingkod ang hari. Sinabi ng hari na ipagbibili niya ang tagapaglingkod at ang kanyang pamilya para mabayaran ang utang.

Mateo 18:25

Humihingi ng kapatawaran ang tagapaglingkod.

Nang marinig ito ng tagapaglingkod, napaluhod siya. Nagsumamo siya sa hari na bigyan siya ng mas maraming oras. “Pagpasensiyahan ninyo po ako,” sabi niya, “at babayaran ko ang lahat sa inyo.”

Mateo 18:26

Pinatatawad ng hari ang tagapaglingkod.

Kinaawaan ng hari ang tagapaglingkod. Nagpasiya siyang patawarin siya. Hindi na kailangang bayaran ng tagapaglingkod ang pera. Malaya na siyang umalis!

Mateo 18:27

Hinihiling ng tagapaglingkod na bayaran siya ng isang lalaki.

Pagkatapos ay umalis ang tagapaglingkod at nakita ang isang lalaking may utang sa kanya na kaunting pera. Sinunggaban niya ang lalaki at sinabing, “Bayaran mo ako.”

Mateo 18:28

Humihingi ang lalaki ng kapatawaran sa tagapaglingkod.

Napaluhod ang lalaki. “Pagpasensiyahan mo ako,” sabi niya, “at babayaran ko ang lahat sa iyo.” Ngunit hindi siya pinatawad ng tagapaglingkod. Ipinabilanggo niya ito.

Mateo 18:29–30

Sinasabi ng hari sa tagapaglingkod ang tungkol sa pagpapatawad.

Nang malaman ng hari ang nangyari, hiniling niyang makita ang tagapaglingkod. Ipinaalala ng hari sa kanyang tagapaglingkod na napatawad na siya sa isang malaking utang. Sinabi niya sa kanyang tagapaglingkod na dapat din niyang patawarin ang lalaking may utang sa kanya na pera.

Mateo 18:31–33

Kinakausap ni Jesus si Pedro tungkol sa pagpapatawad.

Lahat tayo ay may utang na hindi natin kailanman mababayaran nang tayo lamang. Ipinaliwanag ni Jesus kay Pedro na pinatatawad tayo ng Diyos, kaya dapat din nating patawarin ang iba. At hindi tayo dapat tumigil pagkaraan ng pitong beses kundi dapat ay lagi tayong handang magpatawad.

Mateo 18:22, 34–35; tingnan din sa Mateo 6:14; Doktrina at mga Tipan 64:9–10