Mateo 26; Lucas 22; Juan 13–14
Ang Huling Hapunan
Pinasimulan ni Jesus ang sakramento
Si Jesus at ang Kanyang mga Apostol ay nasa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskua. Ipinagdiriwang ng mga Judio ang Paskua taun-taon. Nakatulong ito sa kanila na maalala na, maraming taon na ang nakararaan, ang kanilang mga pamilya ay mga alipin sa Egipto, at tinulungan sila ng Diyos na makatakas.
Exodo 12:27
Habang sila ay nasa Jerusalem, si Jesus at ang Kanyang mga Apostol ay magkakasamang nagkaroon ng espesyal na salu-salo. Matagal nang inasam ni Jesus na makasama sila sa hapunang ito.
Lucas 22:7–15
Pagkatapos nilang kumain, pinuno ni Jesus ng tubig ang isang lalagyan. Sinimulan Niyang hugasan ang mga paa ng Kanyang mga Apostol.
Juan 13:4–5
Nang si Pedro na ang huhugasan, itinanong niya kung bakit ginagawa ito ni Jesus. Ang paghuhugas ng mga paa ay isang bagay na karaniwang ginagawa lamang ng mga tagapaglingkod.
Juan 13:6
Sinabi ni Jesus na naghuhugas Siya ng kanilang mga paa para magpakita ng halimbawa sa kanila. Nais Niyang paglingkuran at mahalin nila ang isa’t isa tulad ng pagmamahal Niya sa kanila. Kung gagawin nila ito, malalaman ng mga tao na sila ay Kanyang mga disipulo.
Juan 13:14–16, 34–35
Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na malapit na Siyang mamatay. Sinabi ni Pedro na handa siyang mamatay para kay Jesus.
Juan 13:36–38
Ngunit alam ni Jesus na darating ang mahihirap na panahon. Sinabi Niya kay Pedro na bago tumilaok ang tandang kinaumagahan, tatlong beses sasabihin ni Pedro na hindi Niya kilala si Jesus.
Juan 13:38
Alam ni Jesus na maaaring mag-alala at matakot ang Kanyang mga Apostol. Nangako Siya na isusugo sa kanila ng Diyos ang Espiritu Santo. Papanatagin, tuturuan, at tutulungan sila ng Espiritu Santo na maalala ang itinuro sa kanila ni Jesus. Sinabi Niya sa kanila na huwag mag-alala o matakot. Sinabi Niya, “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.”
Juan 14:1, 15–16, 26–27
Pagkatapos ay ginawa ni Jesus ang isang bagay na napakaespesyal para tulungan ang Kanyang mga Apostol na lagi Siyang alalahanin. Ibinigay Niya sa kanila ang sakramento. Una, binasbasan Niya ang tinapay, pinagpira-piraso ito, at ibinigay ito sa Kanyang mga Apostol. Sinabi sa kanila ni Jesus na isipin ang Kanyang katawan nang kainin nila ang tinapay. Hiniling Niya sa kanila na alalahanin na mamamatay Siya para sa kanila.
Mateo 26:26; Lucas 22:19
Pagkatapos ay ibinuhos ni Jesus ang alak sa isang saro. Binasbasan Niya ang alak at sinabi sa mga Apostol na inumin ito. Sinabi sa kanila ni Jesus na isipin ang Kanyang dugo kapag ininom nila ang alak. Hiniling Niya sa kanila na alalahaning Siya ay magdurusa, magpapadanak ng dugo, at mamamatay para sa pasakit at kasalanan ng lahat ng tao upang tayo ay makapagsisi at mapatawad.
Mateo 26:27–28; Lucas 22:20
Pagkatapos, ipinaliwanag ni Jesus na Siya ay parang puno ng ubas, at ang Kanyang mga disipulo ay parang mga sanga. Kung ang isang sanga ay nananatiling nakaugnay sa puno ng ubas, mamumunga ito. Ang isang sanga na hindi konektado sa puno ng ubas ay namamatay at hindi maaaring mamunga. Nais ni Jesus na palaging manatiling malapit sa Kanya ang Kanyang mga disipulo sa pamamagitan ng pagmamahalan sa isa’t isa at pagsunod sa Kanyang mga kautusan.
Juan 15:4–12
Matapos ituro ang mga bagay na ito, kumanta si Jesus at ang Kanyang mga Apostol ng isang himno. Naglakad sila papunta sa isang halamanan na tinatawag na Getsemani.
Mateo 26:30