Mateo 14:13–21; Juan 6
Pinakain ni Jesus ang Libu-libong Tao
Siya ang Tinapay ng Buhay
Nalaman ni Jesus na si Juan Bautista ay pinatay. Nagpunta Siya sa isang lugar na malayo sa mga bayan upang makapag-isa.
Mateo 14:13
Nang marinig ng mga tao kung saan naroon si Jesus, sumunod sila sa Kanya. Nakita sila ni Jesus, at nakaramdam Siya ng pagmamahal para sa kanila. Buong araw Niya silang binasbasan at pinagaling.
Mateo 14:13–14
Sa pagtatapos ng maghapon, gutom na ang mga tao. Inakala ng mga Apostol na dapat pabalikin ni Jesus ang mga tao sa bayan para makakuha ng pagkain. Pero gusto ni Jesus na manatili sila. Hiniling Niya sa mga Apostol na bigyan ang mga tao ng makakain.
Mateo 14:15–16
Nakita ni Apostol Andres ang isang batang lalaki na may limang tinapay at dalawang maliliit na isda para maibigay sa mga tao. Ngunit may 5,000 kalalakihan, bukod pa sa kababaihan at mga bata, na kailangang kumain. Paano nila mapapakain ang napakaraming tao kung kakaunti ang pagkain?
Mateo 14:17, 21; Juan 6:8–10
Hiniling ni Jesus sa mga Apostol na dalhin ang pagkain sa Kanya. Sinabi Niya sa mga tao na umupo sa damuhan. Pagkatapos ay nagdasal si Jesus para pasalamatan ang Ama sa Langit para sa tinapay at isda at para basbasan ito. Pagkatapos ay pinagputul-putol Niya ang tinapay at isda.
Mateo 14:18–19; Juan 6:10–11
Hiniling ni Jesus sa Kanyang mga Apostol na ibigay ang tinapay at isda sa mga tao. Kumain ang lahat, at ang lahat ay nabusog. Matapos silang kumain, mayroon pa ring 12 basket na puno ng natirang pagkain!
Mateo 14:20; Juan 6:11–13
Kinabukasan, muling pumunta ang mga tao kay Jesus. Ngunit alam ni Jesus na marami sa kanila ang sumusunod lamang sa Kanya dahil binigyan Niya sila ng pagkain. Ipinaalala sa kanila ni Jesus na maikling panahon lang tumatagal ang pagkain. May mas mainam Siyang maibibigay sa kanila.
Juan 6:14, 24–27
Sinabi ni Jesus, “Ako ang Tinapay ng Buhay” Ang tinapay ay nagbibigay sa atin ng buhay sa lupa. Ngunit mabibigyan tayo ni Jesucristo ng buhay na walang hanggan sa piling ng Ama sa Langit.
Juan 6:35–58
Hindi gusto ng maraming tao ang itinuturo ni Jesus. Umalis sila at nagpasiyang huwag nang sundin si Jesus.
Juan 6:60, 66
Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa Kanyang mga Apostol, “Ibig din ba ninyong umalis?” Sumagot si Pedro, “Panginoon, kanino kami pupunta? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.” Hindi umalis ang mga Apostol. Alam nila na si Jesucristo ang Tagapagligtas at ang Anak ng Diyos.
Juan 6:67–69