Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Mga Himala sa Paglalakbay ni Pablo patungo sa Roma—Pinagpala ng Panginoon ang Kanyang tagapaglingkod


Mga Gawa 21–22; 26–28

Mga Himala sa Paglalakbay ni Pablo patungo sa Roma

Pinagpala ng Panginoon ang Kanyang tagapaglingkod

Si Pablo na hinuli sa Jerusalem.

Sinabihan ng Espiritu si Pablo na pumunta sa Jerusalem. Hindi nagustuhan ng maraming tao roon ang itinuro ni Pablo tungkol kay Jesucristo. Hinuli nila siya at iginapos ng mga tanikala. Sinabi ni Pablo sa lahat ang tungkol sa panahong nakakita siya ng liwanag mula sa langit, narinig niya ang tinig ni Jesus, at nabinyagan siya.

Mga Gawa 21:4, 12–13, 27–40; 22:1–16

Nagpakita si Jesus kay Pablo sa bilangguan.

Ipinabilanggo si Pablo. Habang naroon siya, si Jesus ay nagpakita at nagwikang, “Pablo, lakasan mo ang iyong loob.” Sinabi Niya na magpapatotoo si Pablo tungkol sa Kanya sa Roma.

Mga Gawa 23:10–11

Nagpatotoo si Pablo tungkol kay Jesucristo.

Si Pablo ay dinala sa harap ng mga gobernador at isang hari. Matapang siyang nagpatotoo tungkol kay Jesucristo sa mga makapangyarihang pinuno na ito. Nais niyang maniwala ang lahat kay Jesus.

Mga Gawa 24:10–27; 25:6–8, 17–19; 26:1–29

Sinabihan ni Pablo ang mga tauhan ng barko na maghintay hanggang sa mas gumanda ang panahon.

Ipinadala ng hari si Pablo sa Roma upang hatulan ni Cesar, ang emperador. Naglakbay si Pablo sakay ng barko kasama ang iba pang mga bilanggo, tumitigil-tigil sa ilang lugar. Sa isang pagtigil, alam ni Pablo na malapit na ang taglamig. Kung patuloy silang maglalakbay, lalo silang manganganib. Sinabihan niya ang mga tauhan ng barko na maghintay hanggang sa mas gumanda ang panahon.

Mga Gawa 27:1–10

Inabutan ng bagyo ang barko.

Walang sinumang naniwala kay Pablo, kaya patuloy silang naglayag. Dumating ang isang malaking bagyo, at ang barko ay binayo ng mga alon sa loob ng maraming araw. Hindi nila makita ang araw o ang mga bituin. Akala nila ay mamamatay na sila sa bagyo.

Mga Gawa 27:11–20

Nagpakita ang isang anghel kay Pablo sa barko.

Isang gabi, binisita ng isang anghel ng Diyos si Pablo at sinabing, “Huwag kang matakot, Pablo.” Sinabi ng anghel na makakarating si Pablo sa Roma, katulad ng ipinangako ng Panginoon. Sinabi niya na poprotektahan ng Diyos ang lahat sa barko—wala ni isa sa kanila ang mamamatay.

Mga Gawa 27:23–24

Ikinuwento ni Pablo sa mga tao sa barko ang tungkol sa anghel.

Sinabi ni Pablo sa lahat ang sinabi ng anghel. “Lakasan ninyo ang inyong loob,” sabi ni Pablo, “sapagkat ako’y sumasampalataya sa Diyos.”

Mga Gawa 27:21–25

Si Pablo at ang iba pa na nasa isang islang tinatawag na Melita.

Makalipas ang ilang araw, ang barko ay nasira at lumubog. Ngunit katulad ng ipinangako ng anghel, walang namatay sa barko. Lumangoy silang lahat papunta sa isang islang tinatawag na Melita.

Mga Gawa 27:40–44; 28:1

Ang mga tao sa Melita na tinulungan si Pablo at ang iba pa.

Ang mga taong nakatira sa Melita ay mabait kay Pablo at sa iba pang mula sa barko. Nagsindi sila ng apoy upang mainitan ang lahat.

Mga Gawa 28:2

Isang ahas ang tumuklaw kay Pablo, ngunit hindi siya nasaktan.

Biglang lumabas ang isang ahas mula sa apoy at tinuklaw nito si Pablo sa kamay. Ngunit hindi nasaktan si Pablo. Ipinagpag lamang niya ang ahas. Namangha ang mga tao!

Mga Gawa 28:3–6

Binasbasan ni Pablo ang ama ni Publio.

Isang lalaking nagngangalang Publio ang nagpatuloy kay Pablo sa kanyang tahanan. Napakalubha ng sakit ng ama ni Publio. Ipinatong ni Pablo ang kanyang mga kamay rito at ginamit niya ang kapangyarihan ng Diyos upang pagalingin ito.

Mga Gawa 28:7–8

Dumating si Pablo sa Roma.

Nanatili si Pablo nang tatlong buwan sa Melita. Tinulungan siya ng Panginoon na gumawa ng maraming himala, binabasbasan at pinagagaling ang mga taong maysakit. Pagkatapos, katulad ng ipinangako ng Panginoon, naglakbay si Pablo patungong Roma.

Mga Gawa 28:9–16

Nagtuturo si Pablo tungkol sa ebanghelyo habang nakabilanggo.

Isa pa ring bilanggo si Pablo noong nasa Roma siya. Ngunit tinulutan ng kanyang mga bantay na bisitahin siya ng mga tao. Nagturo si Pablo tungkol kay Jesucristo sa sinumang makikinig. Sumulat din siya ng mga liham sa mga miyembro ng Simbahan sa maraming lugar. Ang ilan sa mga liham na ito, o mga sulat, ay nasa Bagong Tipan.

Mga Gawa 28:16–31