Mateo 5–7
Itinuro ni Jesus ang Sermon sa Bundok
Pagtulong sa atin na maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit
Nagpunta si Jesus at ang Kanyang mga disipulo sa isang bundok malapit sa Dagat ng Galilea. Doon ay itinuro sa kanila ni Jesus kung paano tayo magiging masaya at magiging higit na katulad ng ating Ama sa Langit.
Mateo 5:1–2
Itinuro ni Jesus na ang mga tao ay pinagpapala at masaya kapag sila ay mapagpakumbaba, dalisay ang puso, at nagsisikap na gawin ang tama. Ang mga taong nagpapatawad sa iba ay maaaring mapatawad. Ang mga tao na nagiging mga tagapamayapa ay tatawaging mga anak ng Diyos.
Mateo 5:3–9
Sinabi ni Jesus na ang Kanyang mga disipulo ay ilaw para sa sanlibutan—tulad ng isang lungsod sa isang burol na nakikita ng lahat. Hindi natin dapat itago ang ating liwanag.
Mateo 5:14
Kapag sinusunod natin si Jesus, tayo ay parang isang kandila na nagbibigay ng liwanag sa lahat ng nasa silid. Ang ating mabubuting gawa ay makakatulong sa mga tao na maniwala sa Ama sa Langit.
Mateo 5:15–16
Sinabi ni Jesus na dapat nating mahalin ang lahat—maging ang mga taong hindi nagmamahal sa atin. Dapat tayong manalangin para sa kanila. Itinuro ni Jesus na dapat nating sikaping tularan ang ating Ama sa Langit. Itinuro niya na kapag tinutulungan natin ang mga tao, hindi natin kailangang sabihin sa lahat ang ginawa natin. Nakikita ng Diyos ang mabubuting bagay na ginagawa natin, at pagpapalain Niya tayo.
Mateo 5:38–48; Mateo 6:1–4
Kapag nagdarasal tayo, hindi natin dapat alalahanin ang iniisip ng ibang tao tungkol sa atin. Hindi natin dapat palaging sinasabi ang parehong mga salita kung hindi naman talaga taos sa puso ang mga ito. Dapat tayong magsalita mula sa ating puso. Dinidinig ng Ama sa Langit ang ating mga dalangin at alam niya ang kailangan natin. Kahit walang sinumang nakaririnig sa atin, naririnig Niya tayo.
Mateo 6:5–8
Itinuro ni Jesus na hindi natin dapat isipin na mas mabuti tayo kaysa sa ibang tao. Dapat nating tandaan na lahat tayo ay may mga hamon. Sa halip na husgahan ang iba, dapat nating pag-isipan kung paano tayo magiging mas mabuti. Dapat nating pakitunguhan ang iba ayon sa pakikitungong gusto nating gawin ng iba sa atin.
Mateo 7:1–5, 12
Pagkatapos ay nagkuwento si Jesus tungkol sa isang hangal na lalaking nagtayo ng kanyang bahay sa buhangin at isang matalinong lalaki na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Pagdating ng ulan, bumagsak ang bahay sa buhangin, at nanatiling nakatayo ang bahay sa bato. Sinabi ni Jesus na kung narinig natin ang Kanyang mga turo at sinunod ang mga ito, tayo ay katulad ng matalinong tao.
Mateo 7:24–28