Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Pinagaling ni Jesus ang Isang Babae at Ibinangon ang Anak na Babae ni Jairo—”Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang”


Marcos 5:21–43

Pinagaling ni Jesus ang Isang Babae at Ibinangon ang Anak na Babae ni Jairo

“Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang”

Si Jairo kasama ng kanyang asawa’t anak na babae.

Isang lalaking nagngangalang Jairo ang nakatira kasama ang kanyang asawa at anak na babae sa isang bayan malapit sa Dagat ng Galilea. Si Jairo ay isang pinuno sa sinagoga, kung saan sinasamba ng mga Judio ang Diyos.

Marcos 5:22

Nagkasakit nang malubha ang anak na babae ni Jairo.

Ang anak na babae ni Jairo, na 12 taong gulang lamang, ay nagkasakit nang malubha. Nasa bingit na siya ng kamatayan. Alam ni Jairo na kailangan niya ng tulong. Alam din niya na si Jesus ay nasa bayan nila.

Marcos 5:22–23

Hiniling ni Jairo kay Jesus na pagalingin ang kanyang anak na babae.

Nilisan ni Jairo ang kanyang tahanan at natagpuan si Jesus. Lumuhod siya sa paanan ni Jesus at hiniling sa Kanya na pagalingin ang kanyang anak na babae. Alam ni Jairo na kung babasbasan ni Jesus ang kanyang anak na babae, mabubuhay ito. Sinundan ni Jesus si Jairo papunta sa kanyang tahanan. Sumunod sa Kanya ang maraming tao.

Marcos 5:23–24

Nais ng isang babae sa gitna ng mga tao na mapagaling ni Jesus.

Kailangan din ng isang babae sa bayan ding iyon ang tulong ni Jesus. Labindalawang taon na siyang mayroong malubhang sakit. Ginugol niya ang lahat ng pera niya sa mga doktor, pero walang makapagpagaling sa kanya—sa halip ay lumala lamang ang sakit niya. Nanampalataya siya na mapagagaling siya ni Jesus. Pero paano siya makalalapit sa Kanya sa karamihan ng tao?

Marcos 5:25–27

Jesus Heals Woman Raises Jairus' Daughter

Naniwala siya na kung mahihipo lamang niya ang damit ni Jesus, gagaling siya. Hinawakan niya si Jesus habang dumaraan Siya. Nang mahawakan niya ang laylayan ng Kanyang damit, gumaling ang kanyang karamdaman.

Mateo 9:20; Marcos 5:27–29; Lucas 8:44

Nagtanong si Jesus kung sino ang humipo sa Kanya.

Kaagad na tumigil si Jesus sa paglalakad. Nakadama Siya ng kapangyarihang lumabas sa Kanya. “Sino ang humawak sa akin?” tanong Niya. Nalito ang Kanyang mga disipulo. Maraming tao ang humihipo sa Kanya—napaliligiran sila ng mga tao. Tumingin si Jesus sa paligid upang makita kung sino ang humipo sa Kanya.

Marcos 5:30–32; Lucas 8:45

Sinasabi ni Jesus sa babae na humayo nang payapa.

Nakita ni Jesus ang babaeng nakahawak sa Kanyang mga damit. Sinabi niya kay Jesus ang tungkol sa kanyang karamdaman, at na napagaling siya ni Jesus. Sinabihan siya ni Jesus na mapanatag. Gumaling ang babae dahil sa kanyang pananampalataya kay Jesus. “Humayo kang payapa,” sabi ni Jesus sa kanya.

Marcos 5:33–34; Lucas 8:47–48

Nalaman ni Jairo na namatay na ang kanyang anak na babae.

Pagkatapos ay isang lalaki ang dumating mula sa bahay ni Jairo. Sinabi niya na huli na ang lahat: namatay na ang anak na babae ni Jairo. Hindi na dapat abalahin ni Jairo si Jesus.

Marcus 5:35

Sinabi ni Jesus kay Jairo na maniwala sa Kanya.

Nang marinig ito ni Jesus, sinabi Niya kay Jairo, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.” Pagkatapos ay nagpunta sila sa bahay ni Jairo.

Marcos 5:36–38

Sinasabi ni Jesus sa anak na babae ni Jairo na bumangon.

Dinala ni Jairo at ng kanyang asawa si Jesus kung saan nakahiga ang kanilang anak na babae. Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Bumangon ka.”

Marcos 5:41

Muling nabuhay ang anak na babae ni Jairo.

Agad tumayo ang anak na babae ni Jairo mula sa kanyang kama. Hindi na siya patay! Hiniling ni Jesus kay Jairo at sa kanyang asawa na kumuha ng pagkain para sa kanya. Namangha sila sa ginawa ni Jesus para sa kanilang anak na babae. Hiniling niya sa kanila na huwag sabihin sa iba ang tungkol sa himalang ito.

Marcos 5:42–43