Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
1 at 2 Timoteo; Tito; Filemon


“1 at 2 Timoteo; Tito; Filemon,” Manwal ng Guro ng Institute sa Bagong Tipan (2025)

mga young adult na nakangiti at nag-uusap

1 at 2 Timoteo; Tito; Filemon

Nagbahagi si Apostol Pablo ng maraming mensahe ng pag-asa sa kanyang mga sulat kina Timoteo, Tito, at Filemon. Kabilang sa mga mensaheng ito, hinikayat ni Pablo si Timoteo na maging halimbawa ng mga mananampalataya at huwag mahiya sa kanyang patotoo kay Jesucristo. Ipinropesiya ni Pablo ang mga panahon ng kapighatian at panganib sa mga huling araw, at pinatotohanan niya ang kapangyarihan ng mga salita ng Diyos upang maging matalino tayo tungo sa kaligtasan. Hinikayat ng Apostol si Filemon na tanggapin si Onesimo bilang kapatid sa ebanghelyo.

Karagdagang Resources

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “1 at 2 Timoteo; Tito; Filemon

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Nahihirapan ka bang magpakita ng halimbawa bilang tagasunod ni Jesucristo? Habang pinag-aaralan mo ang 1 Timoteo 4 at 2 Timoteo 1, hanapin ang payo ni Pablo na makapagbibigay sa iyo ng kakayahang tumayo bilang saksi ni Jesucristo.

  • Ang paggamit ng pera ay karaniwang bahagi ng ating buhay sa araw-araw. Sa pag-aaral mo ng 1 Timoteo 6, hanapin ang mga babalang ibinigay ni Pablo tungkol sa pera, gayundin ang maaari nating pagtuunan ng pansin na maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan.

  • Ipinropesiya ni Pablo ang tungkol sa “mga panahon ng kapighatian.“ (2 Timoteo 3:1) na umiiral sa mga huling araw. Sa pag-aaral mo ng 2 Timoteo 3, bigyang-pansin ang mga saloobin at pag-uugali na ipinropesiya ni Pablo na karaniwan sa ating panahon. Paano makatutulong sa iyo ang mga turo ni Pablo sa talata 15–17 na labanan ang mapanganib na mga araw sa ating panahon?

icon ng talakayan
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanang nalaman nila sa kanilang personal na pag-aaral ng 1 at 2 Timoteo; Tito; at Filemon.

icon ng pagsasanay sa kasanayan
Pagsasanay sa Kasanayan

Ang Filemon 1 ay magandang paggamitan ng kasanayang “Visualizing the Scriptures” sa Scripture Study Skills.

Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

1 Timoteo 4:12–16; 2 Timoteo 1:7–9

Paano ako magiging halimbawa ng mga mananampalataya?

Isiping ipakita ang sumusunod na self-assessment. Bigyan ng oras ang mga estudyante na kumpletuhin ito nang mag-isa.

Para sa bawat isa sa mga sumusunod na pahayag, i-rate ang iyong sarili gamit ang scale mula 1 (talagang hindi totoo) hanggang 5 (napakatotoo).

  1. Sinisikap kong magpakita ng halimbawa bilang tagasunod ni Jesucristo, kapwa sa publiko at sa pribado.

  2. Alam ng mga taong nakakasalamuha ko na sinisikap kong sundin si Jesucristo.

  3. Ang pagtulong sa iba na mapalapit sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng aking mga salita at halimbawa ay mahalaga sa akin.

Hikayatin ang mga estudyante habang nakikibahagi sila sa aktibidad na ito sa pag-aaral na bigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo na makatutulong sa kanila na tumayo bilang mga saksi ni Jesucristo.

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kontekstong may kaugnayan sa ilang turo ni Pablo kay Timoteo, makatutulong na ipaliwanag na si Timoteo ay malapit at mapagkakatiwalaang kasamahan ni Pablo (tingnan sa 1 Corinto 4:17). Si Timoteo ay naglilingkod bilang pinuno ng Simbahan sa Efeso (tingnan sa 1 Timoteo 1:3), na isang malaking lungsod kung saan laganap ang pagsamba sa mga diyus-diyusan at imoralidad (tingnan sa Mga Gawa 19:35). Ipinahiwatig ni Pablo na nag-alinlangan ang ilang miyembro sa kakayahan ni Timoteo sa pamumuno dahil bata pa siya (tingnan sa 1 Timoteo 4:12). Para sa karagdagang impormasyon tungkol kay Timoteo, tingnan sa “Para kanino isinulat ang 1 Timoteo at bakit?” at “Para kanino isinulat ang 2 Timoteo at bakit?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.

Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang 1 Timoteo 4:12–16 at 2 Timoteo 1:7–9, na inaalam ang payo ni Pablo kay Timoteo. Para matulungan ang mga estudyante na talakayin ang nalaman nila, isiping itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang nakita ninyo sa mga talatang ito na makabuluhan sa inyo? Bakit? (Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa mga tanong na ito, matutulungan mo silang matukoy ang mga katotohanan na tulad ng sumusunod: Kung tayo ay mga halimbawa ng mga mananampalataya ni Jesucristo, makatutulong tayo na maihatid ang kaligtasan sa ating sarili at sa iba [tingnan sa 1 Timoteo 4:12, 16]. Kapag taimtim nating hinahangad na mapasaatin ang Espiritu, madaraig natin ang takot at hindi mahihiyang magpatotoo tungkol kay Jesucristo [tingnan sa 2 Timoteo 1:7–9].)

Ipaalala sa mga estudyante na sa 1 Timoteo 4:12, inilista ni Pablo ang maraming paraan para maging halimbawa tayo ng mga mananampalataya. Ipaliwanag na ang salitang “pananalita” sa talatang ito ay tumutukoy sa ating asal o pag-uugali. Isiping isulat ang sumusunod na mga salita mula sa talata 12 bilang mga heading sa pisara: pananalita, pag-uugali, pag-ibig, [saloobin], pananampalataya, at kalinisan. Maaari mong hatiin sa maliliit na grupo ang klase at magtalaga sa bawat grupo ng isa sa mga salitang nakalista sa pisara. Anyayahan sila na talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano naging perpektong halimbawa si Jesucristo sa ganitong paraan?

  • Ano ang mga tiyak na paraan na maaari kayong maging halimbawa ng isang mananampalataya sa ganitong paraan?

Anyayahan ang mga estudyante mula sa bawat grupo na ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga tanong na tinalakay nila. Maaari mong isulat o ng isang miyembro ng bawat grupo ang mga sagot ng mga estudyante sa pisara, sa ibaba ng kaukulang mga heading.

Maaari din ninyong talakayin ang mga tanong na tulad ng sumusunod:

  • Ano ang maaaring magpahirap para maging halimbawa ng mga mananampalataya? Ano ang makatutulong sa atin para madaig ang mga hamong ito?

  • Paano nakatulong sa inyo ang pagsisikap ng iba na maging halimbawa ng mga mananampalataya para mapalapit kayo kay Jesucristo?

Hikayatin ang mga estudyante na alamin kung paano nila mas lubos na maipamumuhay ang payo ni Pablo na maging halimbawa ng mga mananampalataya. Hikayatin silang itala at kumilos ayon sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

1 Timoteo 6

Masama ba ang pagkakaroon ng pera?

Magpakita ng pera sa klase. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong sa katabi nila:

  • Sa anong mga paraan maaaring maging kapaki-pakinabang ang pagkakaroon ng pera?

  • Anong mga espirituwal na panganib ang maiuugnay sa pera?

Ipaliwanag na tinukoy ni Pablo ang maling paniniwala ng ilang miyembro ng Simbahan—na “ang kabanalan ay paraan ng pakinabang” (1 Timoteo 6:5). Hikayatin ang mga estudyante na sa kanilang pag-aaral ng mga turo ni Pablo ay isipin ang maaaring matutuhan nila mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa kanilang mga personal na sitwasyon.

Pag-aralan nang magkasama ang 1 Timoteo 6:6–10. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga babala ni Pablo tungkol sa kayamanan.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan”? (1 Timoteo 6:10).

Isiping ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks bilang bahagi ng inyong talakayan:

Pangulong Dallin H. Oaks

Walang likas na masama tungkol sa pera. Ginamit ng Mabuting Samaritano ang pera upang paglingkuran ang kanyang kapwa at pera din ang ginamit ni Judas upang ipagkanulo ang Panginoon. ‘Ang pag-ibig sa salapi [ang siyang] ugat ng lahat ng uri ng kasamaan.’ (1 Tim. 6:10; idinagdag ang italics.) Ang mahalagang pagkakaiba ay ang antas ng espirituwalidad na ginagamit natin sa pagtingin, pagsusuri, at pamamahala sa mga bagay ng mundong ito (“Spirituality,” Ensign, Nob. 1985, 63).

  • Paano makakaapekto sa ating kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang labis na pag-una sa pera o ari-arian?

Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Timoteo 6:11–12, 17–19, na inaalam ang payo ni Pablo kay Timoteo at sa mga may kayamanan. Para maanyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga talatang ito, isiping magtanong ng tulad ng sumusunod:

  • Anong payo ang nalaman ninyo na lalong makatutulong? Bakit?

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan ninyo mula sa mga turo ni Pablo na gagabay sa mga prayoridad natin sa ating buhay? (May ilang katotohanan na maaaring matukoy ng mga estudyante sa mga talatang ito, kabilang na ang sumusunod: Ang pagtitiwala sa buhay na Diyos sa halip na sa mga di-tiyak na kayamanan ay naghahanda sa atin para sa buhay na walang hanggan.)

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan at madama ang kahalagahan ng katotohanang ito, sabihin sa kanila na hanapin ang “Kayamanan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (Gospel Library) at pag-aralan ang ilan sa mga kaugnay na talata sa banal na kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng anumang natutuhan nila mula sa kanilang pag-aaral. Maaari mo ring itanong ang tulad ng sumusunod:

  • Ano ang alam ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na makatutulong sa inyo na unahin ang inyong kaugnayan sa Kanila kaysa sa pera o materyal na mga ari-arian? (Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong panoorin ang “We Can Find Happiness” [6:18].)

    6:23

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila maipamumuhay ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon. Sabihin sa kanila na itala ang mga gagawin nila at ang iba pang mga impresyong natanggap nila mula sa Espiritu Santo.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

2 Timoteo 3

Paano ako matutulungan ng salita ng Diyos na makaligtas sa mga panahon ng kapighatian at panganib sa mga huling araw?

Maaari mong simulan ang aktibidad na ito sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagtalakay ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Mahal kong mga kapatid, napakaraming magagandang bagay na mangyayari. Sa mga darating na araw, masasaksihan natin ang mga pinakadakilang pagpapakita ng kapangyarihan ng Tagapagligtas na hindi pa nasasaksihan ng mundo kailanman. Mula ngayon hanggang sa oras ng Kanyang pagbalik “na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” [Joseph Smith—Mateo 1:36], magkakaloob Siya ng napakaraming pribilehiyo, pagpapala, at himala sa matatapat.

Gayunpaman, kasalukuyan tayong nabubuhay sa tiyak na pinakamagulong panahon sa kasaysayan ng mundo. Ang mga kaguluhan at hamon ay nagpapadama ng kalungkutan at kapaguran sa maraming tao. (“Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 95)

  • Ano ang naiisip ninyo tungkol sa pahayag na ito?

  • Ano ang ilan sa mga kaguluhan at hamon sa ating panahon na maaaring magdulot ng kalungkutan at kapaguran sa mga tao?

Ipaliwanag na kapwa nagbabala ang sinauna at makabagong mga propeta tungkol sa mga kaguluhan at hamong kaugnay ng mga huling araw. Ibinahagi ni Pablo ang ilan sa mga babalang ito sa kanyang ikalawang liham kay Timoteo. Hikayatin ang mga estudyante na sa kanilang pag-aaral ay isipin kung paano makatutulong sa kanila ang payo ni Pablo na malagpasan ang mga hamong kinakaharap nila.

Basahin ang 2 Timoteo 3:1–7, 12–13; 4:3–4, at alamin ang mga paglalarawan ni Pablo sa mga panganib sa mga huling araw. Para matulungan sa mahihirap na salita o parirala sa mga talatang ito, isiping ipabasa sa mga estudyante ang “2 Timoteo 3:1–7. Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga panganib ng mga huling araw?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.

  • Anong mga halimbawa ng mga kalagayang inilarawan ni Pablo ang nakita ninyo sa mundo ngayon?

Maaaring makatulong na ibahagi ang sumusunod na karanasan ni Pangulong Boyd K. Packer habang binabasa ang propesiya ni Pablo na nakatala sa 2 Timoteo 3. Isinalaysay ni Pangulong Packer:

Pangulong Boyd K. Packer

Habang nag-aaral isang araw, nagbasa ako hanggang sa puntong iyon at pinagninilayan ang lahat ng katibayan na nagpapatunay ngayon sa bawat elemento ng propesiyang iyon. Nakadama ako ng matinding lungkot at pangamba, masidhing pagkasiphayo, halos kawalang-pag-asa. Pahapyaw kong binasa ang nakasulat sa pahina, at nahagip ng tingin ko ang mga kataga na kapansin-pansin, hindi iyon nagkataon lang sa palagay ko. Sabik kong binasa ito at pagkatapos ay natuklasan ko na ang apostol na nagpropesiya ng lahat ng alalahaning ito ay naglakip din dito ng panlaban sa lahat ng ito. (“Teach the Scriptures” [mensahe sa Church Educational System religious educators, Okt. 14, 1977], 5).

Ipaliwanag na ang mga salitang napansin ni Pangulong Packer ay mga banal na kasulatan (tingnan sa 2 Timoteo 3:15). Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang 2 Timoteo 3:14–17, na inaalam ang payo ni Pablo tungkol sa maibibigay sa atin ng mga banal na kasulatan sa gitna ng mga panganib sa ating panahon.

  • Sa palagay ninyo, paano makatutulong ang mga salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan sa pagbibigay ng panlaban sa mga panganib sa mga huling araw?

  • Paano ninyo ibubuod ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga banal na kasulatan? (Gamit ang sarili nilang mga salita, matutukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Kapag pinag-aralan natin ang salita ng Diyos, magkakaroon tayo ng karunungan na aakay sa atin sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo.)

  • Ano ang ilan sa mga salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan na nakatulong sa inyo na malagpasan ang mga hamon sa ating panahon? (Isiping anyayahan ang maraming estudyante na sagutin ang tanong na ito. Maaari nilang basahin sa klase ang banal na kasulatan na pinili nila at pagkatapos ay ipaliwanag kung paano sila pinagpala ng mga turo ng Panginoon sa talatang ito.)

Hikayatin ang mga estudyante na mag-isip ng mga paraan na mapagbubuti nila ang kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan upang makatanggap sila ng higit na patnubay ng Panginoon sa kanilang buhay. Hikayatin sila na sundin ang mga pahiwatig na natatanggap nila mula sa Espiritu.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Tulungan ang mga mag-aaral na makahanap ng personal na kaugnayan sa doktrina ni Jesucristo. Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan kasama ang iyong mga estudyante, turuan silang maghanap ng mga detalye sa kuwento at ihambing at iugnay ang mga salaysay sa kanilang sariling buhay. Matutulungan ng Espiritu Santo ang mga estudyante na matukoy kung paano nauugnay ang mga katotohanang pinag-aaralan nila sa kanilang mga personal na pangangailangan at sitwasyon. Tingnan ang mga paraan na makapaglalaan ka ng oras sa klase para maranasan ito ng mga estudyante.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”