“Mateo 1; Lucas 1,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
The Annunciation [Ang Pagpapahayag], ni John Scott
Mateo 1; Lucas 1
Nagpakita ang anghel na si Gabriel kay Zacarias at ipinahayag ang pagsilang ni Juan na Tagapagbautismo. Nagpakita rin si Gabriel kay Maria at ipinahayag na ito ang magiging ina ng Anak ng Diyos. Si Jose, na nakatakdang ikasal kay Maria, ay nalaman sa panaginip na isisilang ni Maria ang isang anak na lalaki na siyang magiging Tagapagligtas. Ang anak na ito ay papangalanang Jesus.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Mateo 1; Lucas 1”
Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Paano makatutulong ang mga katotohanang itinuro kay Maria (tingnan sa Lucas 1:31–35) at kay Jose (tingnan sa Mateo 1:20–23) tungkol sa pagsilang ni Jesus para mapalakas ang ating mga patotoo sa Kanyang tungkulin bilang ating Tagapagligtas? Paano tayo matutulungan ng mga katotohanang ito na gawing mas nakasentro kay Cristo ang Pasko?
-
Basahin ang mga patotoo nina Elizabeth at Maria sa Lucas 1:39–55, at isipin kung paano maaaring makaimpluwensya sa iba ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas.
-
Anong paghihirap o problema ang naranasan mo noon o nararanasan mo ngayon? Basahin ang Mateo 1:18–25 at Lucas 1:26–38 para malaman kung ano ang matututuhan mo mula kina Jose at Maria tungkol sa paggawa ng mahihirap na bagay.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mateo 1; Lucas 1.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang Lucas 1:28–35 at Mateo 1:20–25 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Pagtutuon kay Jesucristo sa mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Magtuon sa Tagapagligtas. “Anuman ang itinuturo mo, alalahanin na talagang nagtuturo ka ng tungkol kay Jesucristo at kung paano maging katulad Niya. Matutulungan ka ng Espiritu Santo na malaman ang mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nakatutubos na kapangyarihan sa bawat alituntunin ng ebanghelyo, kautusan, at turo ng propeta (tingnan sa Jacob 7:10–11)” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2022], 6).
Lucas 1:28–35; Mateo 1:20–25
Handa ba ako para kay Cristo?
Anyayahan ang mga estudyante na isipin kung paano nila ipinagdiriwang ang Pasko sa kanilang tahanan o kultura. Pagkatapos ay itanong kung narinig na ba nila ang madalas itanong na “Handa ka na ba para sa Pasko?” Ipaliwanag na iminungkahi ni Elder David A. Bednar na magtanong tayo ng ibang bagay: “Handa ka na ba at ako para kay Cristo?” (tingnan sa “Elder Bednar’s Teachings Help Us Find the Savior in Christmas Symbols,” Dis. 20, 2022, newsroom.ChurchofJesusChrist.org).
-
Paano makatutulong sa inyo ang pag-iisip nang malalim tungkol sa tanong ni Elder Bednar na maging tao na nakasentro kay Cristo? Paano ito makatutulong sa inyo na gawing mas nakasentro kay Cristo ang Kapaskuhan?
Ipaliwanag na nagpakita ang anghel na si Gabriel kay Maria at ipinahayag na ito ang magiging ina ng Anak ng Diyos. Matapos magdalantao si Maria, isang anghel ang nagpakita kay Jose sa isang panaginip at sinabi sa kanya na ang batang ipinagdadalantao ni Maria ay “mula sa Espiritu Santo” (Mateo 1:20). Mula sa mga karanasang ito, natutuhan nina Maria at Jose ang mahahalagang katotohanan tungkol sa pagsilang ni Jesucristo. Ang mga katotohanang ito ay nakatulong sa kanila na maging “handa para kay Cristo.” Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga katotohanang ito, maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na hindi kumpletong pahayag.
|
Si Jesucristo ay … |
… ni Jesucristo |
Maaaring bumuo ang mga estudyante ng maliliit na grupo at saliksikin ang Lucas 1:28–35 at Mateo 1:20–25, na inaalam kung paano kukumpletuhin ang mga pahayag sa pisara. Pagkatapos ay maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat kung paano nila kukumpletuhin ang mga pangungusap na ito. Hikayatin ang mga estudyante na hanapin ang mga pangalan, titulo, at tungkulin ni Jesucristo (tingnan sa “Pagtutuon kay Jesucristo sa mga Banal na Kasulatan,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan).
Matapos maisulat ng mga estudyante ang nakumpleto nilang pahayag, ipabahagi sa kanilang grupo ang nalaman nila. Maaaring kabilang dito ang mga pahayag na tulad ng mga sumusunod: Si Jesucristo ay Anak ng Diyos. Si Jesucristo ay anak ng isang mortal na ina. Si Jesucristo ay maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman. Ililigtas ni Jesucristo ang Kanyang mga tao mula sa kanilang mga kasalanan. Si Jesucristo (Emmanuel) ay mapapasaatin.
Anyayahan ang mga grupo na pumili ng isang pahayag at talakayin kung paanong ang katotohanang ito tungkol sa Tagapagligtas ay (1) makadaragdag sa ating pag-unawa sa Kanyang banal na misyon at (2) magpapalakas ng ating pananampalataya sa Kanya.
Maaari mong tapusin ang aktibidad na ito sa pagtatanong ng:
-
Sa inyong palagay, paano nakatulong sa paghahanda nina Maria at Jose na maging “handa para kay Cristo” ang mga katotohanang ito na nalaman nila?
-
Paano ninyo maaalala na maging “handa para kay Cristo” sa Kapaskuhan at sa buong taon?
Paalala: Kung nais ng iyong mga estudyante na talakayin ang kahalagahan ng kakaibang kaangkanan ni Jesucristo, maaari ninyong sama-samang rebyuhin ang “Lucas 1:31–35. Bakit kailangan ni Jesus na magkaroon ng mortal na ina at imortal na Ama?” at “Mateo 1:20. Ano ang alam natin tungkol sa paglilihi kay Jesucristo?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.
Lucas 1:39–55, 67–80
Paano tayo pinagpapala ng pakikinig at pagbabahagi ng mga patotoo tungkol kay Jesucristo?
Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng sumusunod na pagsusuri sa sarili. Bigyang-diin na hindi ibabahagi sa iba ang isinulat nila.
Idispley ang mga sumusunod na larawan. Ipaliwanag na ipinapakita nito ang pagbisita ni Maria sa kanyang pinsan na si Elizabeth. Katatapos lang malaman ni Maria mula sa anghel na si Gabriel na siya ang magiging ina ng Anak ng Diyos (tingnan sa Lucas 1:26–38). Sa panahong ito, si Elizabeth ay anim na buwang nagdadalantao kay Juan na Tagapagbautismo (tingnan sa Lucas 1:36).
-
Ano kaya ang maituturo sa atin ng mga babaeng ito tungkol sa Tagapagligtas?
Para matuto mula sa kahanga-hangang kababaihang ito, ipabasa sa ilang estudyante ang mga salita ni Elizabeth sa Lucas 1:39–45 at ipabasa sa iba pa ang mga salita ni Maria sa Lucas 1:46–55. O maaari ninyong panoorin ang “Mary and Elisabeth Rejoice Together” (mula sa time code na 1:13 hanggang 5:14).
Maaari mong itanong ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod:
-
Ano ang naisip at nadama ninyo tungkol kay Elizabeth at kay Maria nang pag-aralan ninyo ang kanilang mga patotoo?
-
Ano ang maaari nating matutuhan tungkol sa Panginoon mula sa mga patotoong ito? Anong kaibhan ang nagagawa ng pagtutuon sa Tagapagligtas kapag nagbabahagi tayo ng patotoo? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na pinalalakas natin ang iba kapag nagtuturo at nagpapatotoo tayo tungkol kay Jesucristo.)
-
Paano kayo naimpluwensyahan ng patotoo ng isang tao tungkol sa Tagapagligtas?
Maaari ninyong sabay-sabay na basahin at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen:
Sa mga tao sa ating paligid, maging mas tapat tayo, mas handang mangusap tungkol kay Cristo. …
Maging mas tapat sa social media sa pagkukuwento tungkol sa tiwala ninyo kay Cristo. …
Ang ilan sa ating mga kapwa Kristiyano, kung minsan, ay nag-aalinlangan sa ating mga paniniwala at motibo. Tunay tayong magalak na kasama nila na sumasampalataya rin kay Jesucristo at sa Bagong Tipan na mahal nating lahat. …
Habang nababawasan ang pagbanggit ng mundo kay Jesucristo, lalo pa natin Siyang banggitin. Kapag nalantad ang ating mga tunay na katangian bilang Kanyang mga disipulo, marami sa ating paligid ang magiging handang makinig. (“Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo,” Liahona, Nob. 2020, 90)
Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para pag-isipan ang tanong na ito: Sino ang maaaring nangangailangan na marinig ang inyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas?
Ipaliwanag na ang pagbabahagi ng ating patotoo tungkol kay Jesucristo ay pagpapakita ng pananampalataya. Maaaring kabilang dito ang nalalaman, pinaniniwalaan, at inaasam nating totoo. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo o gumawa ng video nito sa kanilang phone. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi ang isinulat o na-record nila sa iba pa nilang kaklase, i-text o i-email ito sa isang kaibigan, o i-post ito sa social media.
Mateo 1:18–25; Lucas 1:26–38, 46–55
Ano ang matututuhan ko mula kina Maria at Jose tungkol sa paggawa ng mahihirap na bagay?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan at maikling isulat ang isang hamon na kinakaharap nila sa kasalukuyan. Hikayatin sila na magsulat ng mga ideya sa aktibidad sa pag-aaral na ito na makatutulong sa kanila sa kanilang hamon.
Maaari mong idispley ang sumusunod na larawan at ipaliwanag na nang si Maria ay “[itina]kdang ikasal kay Jose” (Mateo 1:18), pumasok sila sa isang kasunduang tinatawag na betrothal. Upang maunawaan ang mga obligasyon ng bethrothal, maaari mong rebyuhin sa mga estudyante ang “Mateo 1:18. Ano ang ibig sabihin ng nakatakdang ikasal?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.
Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Maaaring basahin ng isang estudyante ang tungkol kay Jose sa Mateo 1:18–25, at maaaring basahin ng isa pa ang tungkol kay Maria sa Lucas 1:26–38. Idispley ang mga sumusunod na tanong, at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga ito:
-
Anong hamon ang nadama ni Maria sa sitwasyong ito? Ano naman ang nadama ni Jose? (tingnan sa “Mateo 1:18–25. Ano ang mga opsiyon na mayroon si Jose nang malaman niyang nagdadalantao si Maria?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan).
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagharap sa mahihirap na sitwasyon mula sa paraan ng pagtugon nina Maria at Jose sa kanilang mga kalagayan? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Magagawa natin ang mahihirap na bagay kapag hinangad nating malaman at sundin ang kagustuhan ng Diyos. [Paalala: Ang salitang “pinag-iisipan” sa Mateo 1:20 ay nagmula sa salitang Griyego na enthymeomai, na ibig sabihin ay isaalang-alang o pagnilayan.])
-
Anong mga pagpapala ang dumating kina Maria at Jose dahil pinili nilang sundin ang kalooban ng Diyos?
Matapos talakayin ng magkakapartner ang mga tanong na ito, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga ideya.
Maaari mong ibahagi ang isa o ang lahat ng sumusunod na pahayag at kaugnay na mga tanong upang matulungan ang mga estudyante na kumilos nang matwid sa kanilang buhay.
Habang iniisip natin ang mabubuting impluwensiya ng kababaihan na may epekto sa kawalang-hanggan, isaalang-alang natin si Maria, na “isang mahalaga at piniling nilikha” (Alma 7:10). Sa pagpapakilala ng isang anghel sa walang katulad na banal na pagpapahayag, buong giliw siyang sumunod sa kagustuhan ng Panginoon: “Narito ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita” (Lucas 1:38). Ang kanyang pananampalataya, pagkamasunurin, at kababaang-loob ay nagtakda ng pamantayan sa lahat ng kababaihan. (Virginia U. Jensen, “Ripples,” Ensign, Nob, 2000, 93)
-
Paano makatutulong sa inyo ang magiliw na pagsunod sa kalooban ng Panginoon sa isang hamon na kinakaharap ninyo?
-
Sino ang kilala ninyo na makabagong Maria sa panahong ito? Ano ang matututuhan ninyo mula sa kanyang halimbawa?
Sinasabi sa atin ni Mateo na … [si Jose] ay isang makatarungan at maunawaing lalaki, na sa panaginip ay sinabi sa kanya ng isang anghel kung sino si Jesus, siya ay masunurin, at na pinangalanan niya si Jesus, na ibig sabihin ay tagapagligtas. (Tingnan sa Mat. 1.) Alam natin na dinala niya si Maria sa Betlehem, kung saan ipinanganak si Jesus. (Tingnan sa Lucas 2:4–6.) Wala pang dalawang taon kalaunan, dinala ni Jose ang kanyang pamilya sa Egipto upang takasan si Herodes, matapos mabigyang-babala sa panaginip. Sa Egipto, sinabing muli sa kanya sa panaginip na bumalik, at isa pang panaginip ang nagsabi sa kanya na pumunta sa Galilea. (Tingnan sa Mat. 2:13–15, 19–22.) Apat na panaginip mula sa Diyos! Si Jose ay maaaring isang taong di pangkaraniwan ang pagiging mapangitain at espirituwal na sensitibo. (Gerald N. Lund, Jesus Christ, Key to the Plan of Salvation [1991], 51)
-
Paano makatutulong sa inyo ang paghahangad at pagtanggap ng paghahayag mula sa Ama sa Langit sa isang hamon na kinakaharap ninyo?
-
Sino ang kilala ninyo na makabagong Jose sa panahong ito? Ano ang matututuhan ninyo mula sa kanyang halimbawa?
Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang isang bagay na natutuhan nila mula sa mga kilos o katangian nina Maria o Jose na tulad ng kay Cristo na maaaring angkop sa kanilang sitwasyon. Hikayatin ang mga estudyante na isulat at isagawa ang anumang impresyon na natanggap nila.