“Roma 1–6,” Manwal ng Titser sa Institute para sa Bagong Tipan (2025)
Roma 1–6
Itinuro ni Apostol Pablo na kailangan ng lahat ng tao ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, tayo ay nabibigyang-katwiran, nagtatamo ng kapatawaran ng ating mga kasalanan, at tumatanggap ng kaligtasan. Nilinaw ni Pablo na ang kaligtasan ay dumarating sa pamamagitan ng biyaya ng Tagapagligtas, hindi sa pamamagitan ng batas ni Moises. Ang biyaya ng Diyos ay hindi kinukunsinti ang kasalanan, bagkus ay pinalalakas tayo para madaig ito. Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog ay sumasagisag sa paghuhugas ng ating kasalanan at sa ating panibagong buhay kay Cristo.
Karagdagang Resources
Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan], “Romans 1–6 [Roma 1–6]”
Paunawa: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang apat na sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, isiping magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa sumusunod na mga mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Naranasan mo na bang gipitin o laitin ng iba dahil pinili mong sundin si Jesucristo? Pag-isipan kung paano ka maaaring tulungan ng mga turo ni Pablo sa Roma 1:1–17 na maging mas matapang na disipulo.
-
Maaaring iniisip ng iba, “Bakit natin kailangan ng Tagapagligtas?” Pagnilayan kung paano ka tutugon sa tanong na ito habang pinag-aaralan mo ang Roma 3:10–12, 23–25; 5:1–2, 8–11, 20–21; 6:23.
-
Nadarama mo ba na nadaraig ka o pinanghihinaan-ng-loob sa mga bagay na dinaranas mo? Alamin kung bakit hinikayat ni Pablo ang mga Banal na “[ma]galak [sa] mga kapighatian” habang pinag-aaralan mo ang Roma 5:1–5.
-
Paano mo ilalarawan ang katapatan mo sa ebanghelyo ng Tagapagligtas? Sa pag-aaral mo ng Roma 6:1–12, bigyang-pansin ang inaasahan ng Tagapagligtas sa mga tao na pinipiling sumunod sa Kanya.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Roma 1–6.
Training sa Kasanayan
Ang Roma 1:13–17 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Using Teachings of Church Leaders to Understand the Scriptures” sa Scripture Study Skills. Ang Roma 3:10–12, 23–25; 5:1–2, 8–11, 20–21; 6:23 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Finding the Meaning of Words and Phrases” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming inilaang opsyon sa pag-aaral para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsyon o mga opsyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Roma 1:1–17
Bakit hindi ko kailangang ikahiya kailanman ang ebanghelyo ni Jesucristo?
Anyayahan ang mga estudyante na isulat sa pisara ang mga dahilan kung bakit maaaring ikahiya ng isang tao na siya ay isang alagad ni Jesucristo o miyembro ng Kanyang Simbahan.
-
Paano makakaimpluwensya ang damdamin ng kahihiyan o pagkahiya sa paraan ng pagsasabuhay natin ng ebanghelyo?
Ituro na maraming pambabatikos at oposisyong naranasan si Apostol Pablo sa panahon ng kanyang ministeryo. Gayon pa man, buong tapang niyang ipinahayag sa simula ng kanyang liham sa mga Romano na “hindi [niya] ikinahihiya ang ebanghelyo [ni Cristo]” (Roma 1:16). Sama-samang basahin ang Roma 1:1–17, na inaalam ang mga posibleng dahilan kung bakit hindi ikinahiya ni Pablo ang ebanghelyo ng Tagapagligtas.
-
Ano ang nadama ni Pablo tungkol kay Jesucristo? Ano ang nadama niya tungkol sa kanyang tungkulin bilang Apostol?
-
Ano ang matututuhan natin mula kay Pablo tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo? (Maaari mong ibahagi ang sumusunod na alituntuning ibinatay ni Elder Dieter F. Ucthdorf sa talata 16: “Dahil ‘ang ebanghelyo [ni Cristo] … [ang] kapangyarihan ng Diyos [tungo] sa kaligtasan’ [Roma 1:16], maaari [kang] magkarooon ng tiwala, [tapang, at pagpapakumbaba] sa pagbabahagi nito” [“Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” Liahona, Mayo 2019, 17].)
-
Paano makakaimpluwensya ang maranasan ninyo mismo ang kapangyarihan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas sa paraan ng pagbabahagi ninyo nito?
Para matulungan ang mga estudyante na pag-isipan nang mas malalim ang Roma 1:16, maaari silang magtrabahong mag-isa o makipagtulungan sa isang kapartner at gamitin ang seach tool sa Gospel Library o sa Scripture Citation Index (scriptures.byu.edu) para malaman kung ano ang sinabi ng mga pinuno ng Simbahan tungkol sa Roma 1:16. (Kung kailangan ng tulong ng mga estudyante sa paggamit ng alinman sa mga mapagkukunang ito, maaari mong rebyuhin sa kanila ang “Using Teachings of Church Leaders to Understand the Scriptures” sa Scripture Study Skills.) Matapos ang oras ng pag-aaral ng mga estudyante, hilingin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.
Sa pagtatapos, anyayahan ang mga estudyante na suriin kung gaano nila naipapakitang mabuti na hindi nila ikinahihiya si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo. Anyayahan silang isipin din kung ano ang magagawa nila para maging mas matatapang na saksi ng Tagapagligtas. Isiping bigyan ng oras ang mga estudyante na itala ang kanilang mga iniisip at impresyon mula sa Espiritu Santo.
Roma 3:10–12, 23–25; 5:1–2, 8–11, 20–21; 6:23
Bakit ko kailangan si Jesucristo?
Isiping ibahagi ang sumusunod na karanasang ikinuwento ni Elder D. Todd Christofferson:
Kanina, tinanong ako ng isang tao na matagal nang miyembro ng Simbahan, “Bakit ko ba kailangan si Jesucristo? Sinusunod ko ang mga kautusan; mabuting tao ako. Bakit ko kailangan ng isang Tagapagligtas?” Kailangan kong sabihin na nagulat ako sa [mga tanong] ng miyembrong [ito]. (“Bakit Natin Kailangan si Jesucristo,” Liahona, Dis. 2020, 19–20)
-
Magugulat ka rin ba rito? Bakit oo o bakit hindi?
Ipaliwanag na sa Roma 2–6, tinalakay ni Pablo ang paniniwala ng ilang Kristiyanong Judio na kailangang sumunod ang mga Kristiyanong Gentil sa batas ni Moises para maligtas (tingnan sa Roma 2:25–29; 4:9–12). Dahil nakatuon sa pagsunod sa batas ni Moises, hindi lubos na naunawaan ng mga miyembrong ito ng Simbahan ang mahalagang tungkuling ginagampanan ni Jesucristo sa kanilang kaligtasan.
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga talata:
-
Roma 3:10–12, 23–25; 5:1–2, 8–11, 20–21; 6:23. Tingnan din sa 2 Nephi 2:5-8.
Anyayahan ang mga estudyante na magtulungan sa maliliit na grupo, na sinasaliksik sa mga talatang ito ang mga sagot sa tanong na “Bakit natin kailangan ng Tagapagligtas?”
Paunawa: Maaaring kabilang sa mga talatang ito ang mga salitang hindi pamilyar sa iyong mga estudyante. Hikayatin sila na gamitin ang resources na nakalista sa “Finding the Meaning of Words and Phrases” sa Scripture Study Skills para matuklasan ang ibig sabihin ng mga salita. Isiping ipakita ang halimbawa ng kasanayang ito sa pagtuturo na dahil madalas tumukoy si Pablo sa “biyaya” sa mga talatang ito (tingnan sa Roma 3:24; 5:2, 20–21), mahalagang maunawaan ang ibig sabihin nito. Anyayahan ang mga estudyante na hanapin ang “biyaya” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o Mga Paksa at mga Tanong (Gospel Library) para malinawan ito.
Pagkatapos ng oras para sa pag-aaral at talakayan sa maliit na grupo, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila na makakasagot sa tanong na “Bakit natin kailangan ng Tagapagligtas?” Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng mga sumusunod: Lahat tayo ay nagkasala at hindi nagtamo ng kaluwalhatian ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng matapat na pagtanggap kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala matatanggap natin ang Kanyang biyaya para mabigyang-katwiran at maligtas.
Habang nagbabahagi ang mga estudyante ng kanilang mga kabatiran, isiping talakayin ang sumusunod na mga tanong para masuri ang pagkaunawa nila sa mga turo ni Pablo:
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa kaugnayan sa pagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, ng ating mga gawa, at ng biyaya ng Tagapagligtas? (Kung nahihirapan ang mga estudyante na sagutin ang tanong na ito, isiping gamitin ang sitwasyong matatagpuan sa dulo ng aktibidad na ito sa pag-aaral.)
-
Ano ang nadarama ninyo para kay Jesucristo, batid na dahil sa Kanyang biyaya kayo ay maliligtas?
Isiping gawin ang isa sa mga sumusunod para mas madama ng mga estudyante ang pangangailangan nila sa Tagapagligtas:
-
Panoorin ang “Why We Need a Savior” (2:16) o “There Is No Limit to God’s Love | His Grace” (5:38). Anyayahan ang mga estudyante na itala ang sarili nilang mga dahilan kung bakit kailangan nila ang Tagapagligtas.
2:155:37 -
Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa kung paano sila natulungan ng Tagapagligtas at ng Kanyang biyaya.
-
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nakakaapekto sa pamumuhay nila ang pag-unawa sa kanilang pangangailangan sa Tagapagligtas at sa Kanyang biyaya.
Opsyonal na Sitwasyon:
Para maipaunawa sa mga estudyante ang kaugnayan sa pagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, ng ating mga gawa, at ng biyaya ng Tagapagligtas, idispley o idrowing sa pisara ang sumusunod na larawan:
Anyayahan ang mga estudyante na isipin na kunwari ay nasa disyerto sila at uhaw-na-uhaw. Sa kalapit na burol ay may nakita silang bote ng tubig.
-
Alin sa mga sumusunod ang magliligtas sa inyo: (a) ang inyong paniniwala na maililigtas kayo ng tubig, (b) ang pagsisikap ninyong makarating sa tubig at inumin iyon, o (c) ang tubig mismo?
-
Paano natutulad ang tubig sa analohiyang ito kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala?
-
Paano ninyo magagamit ang analohiyang ito para ilarawan ang kaugnayan sa pagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, ng ating mga gawa, at ng biyaya ng Tagapagligtas? (Maaaring makipagtulungan ang mga estudyante sa isang kapartner at magpraktis na gamitin ang analohiya sa pagtuturo tungkol sa pananampalataya, mga gawa, at biyaya.)
Roma 5:1–5
Paano ako matutulungan ng Tagapagligtas sa aking mga pagsubok?
Maaari kang magsimula sa pagsulat sa pisara ng sumusunod na mga heading: Mga pagsubok o hirap na nararanasan natin sa buhay at Mga karaniwang tugon sa mga pagsubok o hirap. Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa na maaaring umakma sa ilalim ng bawat heading.
Maaari mo ring hilingin sa mga estudyante na pag-isipan ang isang pagsubok o hirap na maaaring nararanasan nila sa sarili nilang buhay. Hikayatin ang mga estudyante habang nag-aaral sila na bigyang-pansin ang mga espirituwal na pahiwatig mula sa Espiritu Santo na makakatulong sa kanilang mga personal na sitwasyon.
Ipaliwanag na tulad natin, dumanas ang mga Banal na Romano ng maraming pagsubok. Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Roma 5:1–5, na inaalam ang mga turo na makakatulong sa atin sa mga panahon ng pagsubok o hirap.
-
Bakit mahalagang bumaling sa Tagapagligtas kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang alituntunin na tulad ng sumusunod: Sa pag-access natin sa biyaya ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, maaari tayong magkaroon ng pagtitiis, karanasan, at pag-asa sa pamamagitan ng ating mga kapighatian.)
-
Paano makakatulong ang biyaya ng Tagapagligtas para tayo lumago sa pagtitiis, karanasan, at pag-asa habang dumaranas tayo ng mga pagsubok? (Kung kailangan, sama-samang basahin ang “Biyaya” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.)
-
Kailan nakatulong ang biyaya ng Tagapagligtas sa inyo o sa isang kakilala ninyo sa isang mahirap na karanasan?
Para matulungan ang mga estudyante na pag-isipan nang mas malalim kung paano tayo matutulungan ngayon ng biyaya ng Tagapagligtas sa pagharap natin sa mga hamon, isiping ibahagi ang sumusunod na sitwasyon:
Kapag nahaharap si Mary sa mahihirap na sitwasyon, madalas siyang mawalan ng pasensya. Kapag tumitindi ang kawalan niya ng pasensya, madalas niyang masabi at magawa ang mga bagay na pinagsisisihan niya. Nais niyang tulungan siya ng Tagapagligtas pero pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat para hilingin iyon.
-
Ano kaya ang maling pagkaunawa ni Mary tungkol sa tulong o biyaya ng Tagapagligtas?
-
Ano ang gusto ninyong maunawaan ni Mary tungkol sa pagkatao ng Tagapagligtas?
Isiping ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Brother Bradley R. Wilcox, Unang Tagapayo sa Young Men General Presidency, at hilingin sa mga estudyante na gamitin ito sa sitwasyon:
Alalahanin na handa tayong tulungan agad ng Diyos at ni Cristo. …
… Ang Kanyang biyaya ay hindi lamang gantimpala para sa mga karapat-dapat. Ito ay “banal na pagtulong” na ibinibigay Niya na tumutulong sa atin na maging karapat-dapat. Hindi lamang ito gantimpala para sa matwid. Ito ay “pagkakaloob ng lakas” na ibinibigay Niya na tumutulong sa ating maging matwid. Hindi lamang tayo lumalakad papalapit sa Diyos at kay Cristo. Tayo ay lumalakad kasama Nila. (“Ang Pagiging Karapat-dapat ay Hindi Pagiging Walang Kamalian,” Liahona, Nob. 2021, 67)
Maaari mong hilingin sa mga estudyante na pagnilayan ang pagsubok o hirap na natukoy nila sa simula ng aktibidad na ito sa pag-aaral. Anyayahan silang isipin kung paano makakatulong sa kanila ang paghahangad sa biyaya ng Tagapagligtas ngayon para lumago habang dinaranas nila ang kanilang pagsubok.
Roma 6:1–6, 11–12
Paano ako makakahanap ng panibagong buhay kay Jesucristo?
Maaari mong simulan ang aktibidad na ito sa paghahati sa mga estudyante sa maliliit na grupo at pagbibigay sa kanila ng handout na “Roma 6:1–12”:
-
Pagkatapos ng oras ng talakayan sa maliliit na grupo, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang katotohanang natagpuan nila at kung paano ito naaangkop kay Felix. Maaari nilang matukoy ang mga katotohanang tulad ng mga sumusunod: Kapag pinipili nating sundan si Jesucristo, sinisikap nating talikuran ang ating mga kasalanan at magbagumbuhay. Ang binyag ay sumasagisag sa paghuhugas ng ating kasalanan at sa ating panibagong buhay kay Cristo.
-
Paano napagpala ang inyong buhay sa pagsisikap na talikuran ang kasalanan at maging bagong tao sa pamamagitan ni Jesucristo? (Maaaring makatulong na ituro sa mga estudyante ang 2 Corinto 5:17 at Mosias 27:23–26 bilang karagdagang resources sa banal na kasulatan.)
-
Ano ang maaaring mangyari kung paminsan-minsan lang tayong nagsisikap na sundin si Jesucristo?
Isiping panoorin ang “Newness of Life” (1:18) o sama-samang basahin at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar:
Pagkaahon natin mula sa mga tubig ng binyag, ang ating mga kaluluwa ay kailangang patuloy na nakalubog at nakababad sa katotohanan at liwanag ng ebanghelyo ng Tagapagligtas. Ang paminsan-minsan at mababaw na pagkalubog sa doktrina ni Cristo at bahagyang partisipasyon sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan ay hindi makalilikha ng espirituwal na pagbabago na siyang daan para tayo makapagbagong-buhay. …
Ang lubusang paglubog at pagbabad sa ebanghelyo ng Tagapagligtas ay mahahalagang hakbang sa proseso ng pagsilang na muli. (“Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” Liahona, Mayo 2007, 21)
Isiping ipakita ang sumusunod na continuum. Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung saan nila maaaring ilagay ang sarili nila rito. Anyayahan silang itala kung anong mga pagbabago ang magagawa nila para mas makatutok sa ebanghelyo ng Tagapagligtas upang sila ay maging higit na katulad Niya.