“Mateo 15–17; Marcos 7–9,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
The Transfiguration of Christ [Ang Pagbabagong-anyo ni Cristo], ni Greg K. Olsen
Mateo 15–17; Marcos 7–9
Si Jesus ay nakararanas ng tumitinding pagsalungat ng marami sa mga eskriba, Fariseo, at Saduceo. Pinagsabihan niya sila dahil sa pagpaprayoridad sa mga tradisyong gawa ng tao kaysa sa batas ng Diyos. Itinuro Niya kung ano ang tunay na nagpaparumi sa atin, kung ano ang ibig sabihin ng pasanin ang ating krus at sumunod sa Kanya, at kung paano paglabanan ang kawalang-paniniwala. Pinatotohanan ni Pedro na si Jesus ang Cristo. Ipinangako ni Jesus kay Pedro ang “mga susi ng kaharian ng langit” (Mateo 16:19). Ang mga susi na ito ay ibinigay kina Pedro, Santiago, at Juan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo.
Karagdagang Resources
Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan], “Matthew 15–17; Mark 7–9 [Mateo 15–17; Marcos 7–9]”
Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Basahin ang Mateo 15:1–20. Isipin kung mayroon kang anumang mga kaugalian o tradisyon na maaaring pumipigil sa iyo na mapalapit sa Tagapagligtas.
-
Pag-aralan ang Mateo 16:18–19, at isiping panoorin ang video na “Where Are the Keys?” (2:51). Maging handang ibahagi sa klase ang iyong mga tanong tungkol sa mga susi ng priesthood.
2:51 -
Nadarama mo ba na nagkukulang ang iyong pananampalataya? Basahin ang Marcos 9:17–27 para malaman kung paano lumakas ang pananampalataya ng isang ama.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mateo 15–17; Marcos 7–9.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang Mateo 16:24–26 at Joseph Smith Translation, Matthew 16:25–26 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Using Teachings of Church Leaders to Understand the Scriptures” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Mateo 15:1–20; Marcos 7:1–23
Paano naiimpluwensyahan ng iyong mga tradisyon at kaugalian ang iyong espirituwalidad?
Maaari mong simulan ang klase sa pagtatanong sa mga estudyante na tukuyin ang ilang karaniwang kaugalian at tradisyon sa kanilang lokal na kultura at ilista ang mga ito sa pisara. Matapos gawin ang listahan, sabihin sa mga estudyante na isipin ang tungkol sa mga tradisyon at kaugaliang ito sa oras ng aktibidad sa pag-aaral na ito.
Ipaliwanag na noong panahon ni Jesus, ang tradisyon ng mga elder, o ang oral law, ay pinahahalagahan nang husto. Ito ay isang sistema ng mga patakaran, kasanayan, at seremonya na nilayon upang tulungan ang mga tao na ipamuhay ang batas ni Moises. Ipabasa sa mga estudyante ang Marcos 7:1–13, na inaalam ang itinuro ni Jesus tungkol sa tradisyon ng paghuhugas ng kamay bago kumain at ang tradisyon ng corban (tingnan sa “Matthew 15:4–9 [Mateo 15:4–9]. How did the Pharisees misuse the practice of corban? [Paano ginamit ng mga Fariseo sa maling paraan ang pagsasagawa ng corban?]” at “Mark 7:1–8 [Marcos 7:1–8]. Why did some scribes and Pharisees criticize the Savior’s disciples for not washing their hands? [Bakit pinuna ng ilang eskriba at Fariseo ang mga disipulo ng Tagapagligtas dahil sa hindi paghuhugas ng kanilang mga kamay?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan]).
-
Paano natin maiaangkop ang mga turo ng Panginoon tungkol sa tradisyon ng mga elder sa mga kaugalian at tradisyon sa ating panahon? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang alituntuning tulad ng sumusunod: Dapat nating iwasan ang mga tradisyon at kaugalian na pumipigil sa atin na mapalapit sa Panginoon at sundin ang Kanyang mga kautusan.)
-
Anong mga lokal na tradisyon o kaugalian ang makahahadlang sa atin na mapalapit sa Panginoon at sundin ang Kanyang mga kautusan? (Maaaring gamitin ng mga estudyante ang alituntunin sa itaas para masuri ang listahan ng mga kaugalian at tradisyon sa pisara.)
Maaari mong ipakita at ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks:
Para matulungan ang mga miyembro nito sa lahat ng panig ng mundo, itinuturo sa atin ng Simbahan na iwaksi ang anumang tradisyon o gawain natin o ng ating pamilya na salungat sa mga turo ng Simbahan ni Jesucristo. … Nakikiusap kami sa … [ating] mga miyembro na iwaksi ang mga tradisyon at kultura o gawain ng angkan na naglalayo sa kanila sa landas ng paglago at pag-unlad. Hinihiling namin sa lahat na paghusayin ang kanilang sarili sa kultura ng ebanghelyo, sa mga gawain at tradisyon na nakabatay sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. (“Ang Kultura ng Ebanghelyo,” Liahona, Mar. 2012, 42–43)
Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na matukoy ang isang kaugalian o tradisyon na maaaring kailanganin nilang alisin sa kanilang buhay upang mas lubos nilang masunod ang Tagapagligtas. Maaari ding magbahagi ang mga estudyante ng ilang kaugalian o tradisyon na tumutulong sa kanila na manatili sa landas ng tipan.
Tandaan: Depende sa mga pangangailangan ng mga estudyante, pag-isipang talakayin ang mga paraan na magiging tapat sila sa ebanghelyo ni Jesucristo at kasabay nito ay manatiling magalang sa mga tradisyon ng pamilya o ng kanilang lugar na hindi naaayon sa pamumuhay ng ebanghelyo.
Mateo 16:24–26; Joseph Smith Translation, Matthew 16:25–29; Marcos 8:34–38
Ano ang inaasahan ng Panginoon na gawin ng Kanyang mga disipulo?
Isiping magdispley ng mga larawan ng Tagapagligtas na may pasan-pasang krus. Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga naiisip at nadarama nila kapag nakikita nila ang mga larawang ito. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naiisip at nadarama.
Ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Ulisses Soares:
Sadya at matalinghagang ginamit ni Jesus ang simbolo ng krus upang tulungan ang Kanyang mga disipulo na mas maunawaan kung ano ang tunay na kahulugan ng sakripisyo at debosyon sa gawain ng Panginoon. … Kailangang buksan [natin] ang ating mga puso at isipan upang mas maunawaan pa ang kahalagahan ng pagpapasan sa ating mga sarili ng ating mga krus at sumunod sa Kanya. (“Pasanin ang Ating Krus,” Liahona, Nob. 2019, 113)
Isiping ipakita ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Maaari nating pasanin ang ating krus at sundin si Jesucristo sa pamamagitan ng …
Ipabasa sa mga estudyante ang Mateo 16:24–26 at Joseph Smith Translation, Matthew 16:25–29 (Gospel Library), na inaalam at itinatala ang iba’t ibang paraan para makumpleto nila ang pahayag. Maaaring isulat ng mga estudyante ang kanilang mga kumpletong pahayag sa pisara. Maaaring kabilang sa mga sagot ang sumusunod:
-
Maaari nating pasanin ang ating krus at sundin si Jesus sa pamamagitan ng:
-
Pagkakait sa ating sarili ng lahat ng kasamaan.
-
Pagtalikod sa makamundong pagnanasa.
-
Pagsunod sa mga kautusan.
-
Pagsasakripisyo para sa iba bilang paglilingkod sa Tagapagligtas.
-
Nang mag-isa o may kapartner, maaaring pumili ang mga estudyante ng isa sa mga nakumpletong pahayag at pagkatapos ay palalimin ang kanilang pag-unawa dito sa pamamagitan ng paggamit ng kasanayang“Using Teachings of Church Leaders to Understand the Scriptures” sa Scripture Study Skills. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na maghanda ng maikling paliwanag kung ano ang ibig sabihin ng pahayag. Anyayahan din silang maghanda ng isang sitwasyon o halimbawang hango sa tunay na buhay na nagpapakita kung paano maisasagawa ang pahayag sa pang-araw-araw na buhay.
Kapag natapos na ng mga estudyante ang kanilang paghahanda, maaari silang bumuo ng maliliit na grupo at ibahagi ang inihanda nila.
Maaari mong ipakita ang sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga naisip:
-
Ano ang isang bagay na maaari mong simulan, ihinto, o patuloy na gawin para pasanin ang iyong krus at sundin ang Tagapagligtas?
Tandaan: Kung may mga tanong ang mga estudyante kung bakit hindi natin ginagamit ang simbolo ng krus tulad ng ibang mga Kristiyano, ipabasa sa kanila ang mensahe ni Pangulong Jeffrey R. Holland na “Itinaas sa Krus” (Liahona, Nob. 2022, 77–80).
Mateo 16:13–19; 17:1–13; Marcos 9:2–13
Bakit ko mapagkakatiwalaan ang mga lider ng Panginoon at ang Kanyang Simbahan?
Ipaliwanag na natuklasan ng mga mananaliksik na maraming kabataan ang “walang tiwala sa mga institusyon—kabilang na ang organisadong relihiyon” (Anthony D. Perkins, “The Greatest Cause in History,” Ensign, Hunyo 2019, 63). Maaari mong talakayin nang maikli kung bakit ganito ang nadarama ng maraming kabataan.
Ipaliwanag na sa Mateo 16:13–19, ang Tagapagligtas ay nagbigay ng mahahalagang turo na makapagpapalakas ng ating tiwala sa Kanyang Simbahan at sa mga namumuno rito. Isulat sa pisara Patotoo tungkol sa Tagapagligtas, Ang Batong Ito, at Mga Susi ng Kaharian. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga paksa at bumuo ng maliliit na grupo kasama ang mga nais pag-aralan ang parehong paksa.
Ibigay sa mga estudyante ang sumusunod na handout upang magabayan sila sa kanilang pag-aaral.
Matapos maglaan ng oras para sa pag-aaral at talakayan, ipasulat sa mga estudyante ang kanilang mga alituntunin o natutuhan sa ilalim ng angkop na heading sa pisara kung hindi pa nila ito nagawa. Pagkatapos ay ipabasa sa mga estudyante ang ibang komento.
Matapos mabasa ng mga estudyante ang mga komento ng kanilang mga kaklase, maaari mo silang anyayahan na ibahagi ang natutuhan at nadama nila mula sa karanasang ito. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano naiimpluwensyahan ang kanilang tiwala sa Simbahan ng kanilang kaalaman na si Jesucristo ay nagbibigay ng paghahayag at mga susi ng priesthood sa Kanyang propeta at mga Apostol upang pamahalaan ang Kanyang Simbahan.
Marcos 9:14–29
Paano kung ang pananampalataya ko kay Jesucristo ay hindi kasinglakas ng gusto ko?
Maaari kang magpakita ng larawan ni Jesucristo. Sabihin sa iyong mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang pinakamatibay mong paniniwala tungkol sa Tagapagligtas?
-
Sa anong mga paraan maaaring kulang ang pananampalataya mo sa Tagapagligtas?
Anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mga paraan para mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo kapag nadama nilang kulang ito.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Tulungan ang mga estudyante na makita kung paano sila personal na nakakaugnay sa mga banal na kasulatan. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng mga banal na kasulatan, hikayatin sila na pagnilayan at pakinggan ang itinuturo sa kanila ng Espiritu. Maaari nilang itanong sa kanilang sarili: Paano ko maihahalintulad ang mga katotohanang natututuhan ko sa sarili kong buhay? (tingnan sa 1 Nephi 19:23).
Basahin nang sama-sama bilang klase ang Marcos 9:17–27 , na inaalam kung paano nakatulong ang Tagapagligtas na palakasin ang pananampalataya ng isang lalaki. Maaari mong gawin ang isa sa mga sumusunod para matulungan ang mga estudyante na maisalarawan sa isipan ang karanasang ito:
Panoorin ang “Finding Faith in Christ” (mula sa time code na 9:55 hanggang 10:47).
Panoorin, basahin, o pakinggan ang muling pagsasalaysay ni Pangulong Jeffrey R. Holland ng salaysay na ito sa kanyang mensaheng “Panginoon, Nananampalataya Ako” (mula sa time code na 0:00 hanggang 3:47; Liahona, Mayo 2013, 93).
Isipin kung alin sa mga sumusunod na tanong ang maaaring makatulong para mapalalim ang natututuhan ng mga estudyante:
-
Ano ang makabuluhan para sa inyo tungkol sa lumuluhang pakiusap ng ama, “[Panginoon], nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya!”? (Marcos 9:24). Kailan kayo, o ang isang kakilala ninyo, nakadama ng tulad ng nadarama ng amang ito?
-
Paano tayo matutulungan ng karanasang ito kapag nararamdaman nating nagkukulang ang ating pananampalataya? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Kapag humingi tayo ng tulong sa Panginoon, mapapalakas Niya ang ating pananampalataya.)
-
Kailan kayo, o ang isang kakilala ninyo, tinulungan ng Panginoon na madaig ang kakulangan ng pananampalataya?
Bilang klase o sa maliliit na grupo basahin at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Jeffrey R. Holland.
Ang una kong napansin sa salaysay na ito ay nang magkaroon ng hamon sa pananampalataya, ginawa muna ng ama ang kanyang magagawa at saka niya kinilala ang kanyang limitasyon. Sumagot muna siya ng oo at walang pag-aatubiling sinabing: “[Panginoon,] nananampalataya ako.” Sasabihin ko sa lahat ng nais maragdagan ang pananampalataya, alalahanin ang lalaking ito! Sa mga sandali ng takot o pag-aalinlangan, panindigan ang inyong pananampalataya, kahit limitado pa iyon. …
Ang pangalawang napuna ko ay naiiba nang kaunti sa una. Kapag dumarating ang mga problema at tanong, huwag ninyong simulan ang paghahanap ng pananampalataya sa pagsasabi kung gaano karami ang wala sa inyo, simula sa inyong “kakulangan ng pananampalataya.” … Hindi ko hinihiling na magkunwari kayong may pananampalataya kahit wala. Hinihiling ko na maging tapat kayo sa pananampalatayang taglay ninyo. …
Ang huling napansin ko: kapag kayo ay nag-aalinlangan o nahihirapan, huwag matakot na humingi ng tulong. Kung hihingin natin ito sa mapagpakumbaba at tapat na paraan tulad ng amang ito, makakamtan natin ito. (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” Liahona, Mayo 2013, 93–94)
-
Ano ang iba pa ninyong naisip at nadama habang binabasa ninyo ang mensaheng ito?
-
Paano ninyo magagamit ang natutuhan ninyo para mapalakas ang inyong pananampalataya?
Sabihin sa mga estudyante na kumilos ayon sa anumang nadama o impresyon nila ngayon na makatutulong sa kanila na mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.