Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
1 at 2 Pedro


“1 at 2 Pedro,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)

ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas na ipinapakita sa mga tao ang mga bakas ng mga pako sa Kanyang mga kamay

Christ in the Midst [Nasa Gitna si Cristo], ni Judith Mehr

1 at 2 Pedro

Ang makapangyarihang patotoo ni Pedro tungkol kay Jesucristo ay nilayong magbigay ng pag-asa sa mga Banal na inuusig dahil sa kanilang pananampalataya. Itinuro ni Pedro na kung titiisin nila nang mabuti ang pag-uusig, tatanggap sila ng kaligtasan at walang hanggang kaluwalhatian. Ipinaalala niya sa kanila na pinili at tinawag sila ng Tagapagligtas upang maging isang banal na bayan. Isinulat ni Pedro ang tungkol sa ministeryo ni Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu matapos ang Pagpapako sa Kanya sa Krus. Sa kanyang ikalawang sulat, hinikayat ni Pedro ang mga disipulo ni Jesucristo na maging “kabahagi sa likas ng Diyos” (2 Pedro 1:4). Nagbabala rin si Pedro tungkol sa “mga bulaang propeta” at “mga bulaang guro” (2 Pedro 2:1).

Karagdagang Resources

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “1 at 2 Pedro

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaaring magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Paano kayo tumutugon sa mga pagsubok at paghihirap? Basahin ang 1 Pedro 1:3–9; 2:19–24; 3:14–17; 4:12–19, na naghahanap ng mga alituntuning gagabay sa inyo sa pagharap ninyo sa mga pagsubok at paghihirap.

  • Alam ba ng mga kaibigan ninyo at ng mga nakakasalamuha ninyo na disipulo kayo ni Jesucristo? Basahin ang 1 Pedro 1:13–16, 22–23; 2:9–10; 3:8–10, 15; 4:8–11 at hanapin ang mga dahilan kung bakit nais ng Panginoon na maging naiiba at natatangi kayo sa iba.

  • Basahin ang 1 Pedro 3:18–22; 4:6 upang malaman kung paano nakaapekto sa hindi mabilang na tao ang ministeryo ni Cristo sa daigdig ng mga espiritu. Maaari din ninyong basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:16–20, 28–37.

  • Ano ang maaari ninyong kahinatnan sa tulong ng Panginoon? Basahin ang 2 Pedro 1:1–8 para malaman kung ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga sumusunod sa Kanya.

icon ng talakayan
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga nalaman at katotohanan na natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng 1 at 2 Pedro.

icon ng pagsasanay sa kasanayan
Pagsasanay sa Kasanayan

Ang 1 Pedro 3:18–22; 4:6 at 2 Pedro 1:1–8 ay maaaring magandang paggamitan ng mga kasanayang “Using Restoration Scripture to Understand the Bible” at “Searching in the Scriptures and in Gospel Library” sa Scripture Study Skills.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

1 Pedro 1:3–9; 2:19–24; 3:14–17; 4:12–19

Paano ako matutulungan ni Jesucristo kapag nahaharap ako sa mga pagsubok at dumaranas ng paghihirap?

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita: mga pagsubok at paghihirap.

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga pagsubok at paghihirap na kinakaharap ng mga young adult?

  • Paano ninyo nakitang tumugon ang mga tao sa mga ganitong uri ng karanasan?

Bigyang-diin na noong isulat ni Pedro ang kanyang mga sulat, ang mga miyembro ng Simbahan ay dumaranas ng matinding pag-uusig. (Tingnan sa “Para kanino isinulat ang mga sulat ni Pedro at bakit?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.) Sa unang sulat ni Pedro, itinuro niya ang mga alituntuning gagabay sa atin kapag nahaharap tayo sa mga pagsubok at nakakaranas ng paghihirap. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nila maipamumuhay ang mga alituntuning ito.

Anyayahan ang mga estudyante na bumuo ng mga grupong may tigtatatlong miyembro, at bigyan ang mga estudyante ng handout na “Mga Patnubay na Alituntunin sa Panahon ng Pagsubok at Pagdurusa.”

handout na Mga Patnubay na Alituntunin sa Panahon ng Pagsubok at Pagdurusa

Matapos turuan ng mga estudyante ang isa’t isa, maaari mo silang anyayahan na ibahagi ang isang bagay na natutuhan nila sa kanilang mga talakayan sa grupo. Maaari din nilang isulat sa pisara ang mga alituntuning natutuhan nila habang nagbabahagi sila.

Maaari ninyong sabay-sabay na basahin at talakayin ang 1 Pedro 2:19–24. Maaaring itanong ang mga sumusunod upang mapalalim ang inyong talakayan:

  • Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Jesucristo tungkol sa pagtitiis sa mga pagsubok? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na sa panahon ng paghihirap, magkakaroon tayo ng lakas sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Jesucristo.)

  • Paano nakaimpluwensya ang halimbawa ni Cristo sa sarili ninyong pagtugon sa mga pagsubok at pagdurusa?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang mga alituntuning tinalakay nila sa araw na ito at isulat kung paano nila maipamumuhay ang natutuhan nila. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung paano sila matutulungan ng Tagapagligtas.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

1 Pedro 1:13–16, 22–23; 2:9–10; 3:8–10, 15; 4:8–11

Bakit nais ng Panginoon na ako ay maging isang taong “pag-aari ng Diyos”?

Maaaring idispley ang sumusunod na pahayag ni Sister Rebecca L. Craven, dating Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency:

Sister Rebecca L. Craven

Dahil tayo’y mga tao ng tipan, hindi tayo inaasahang gumaya sa iba sa mundo. Tinawag na tayong “kakaibang mga tao” [1 Pedro 2:9]—napakagandang papuri! Habang lalong tinatanggap ng mga impluwensya ng mundo ang kasamaan, masigasig tayong magsikap na manatiling matibay sa landas na ligtas tayong inaakay patungo sa Tagapagligtas, na mas lalong nakatuon sa pagtupad ng ating mga tipan at hindi na gaanong naiimpluwensyahan ng mga opinyon ng mundo. (“Maingat Laban sa Kaswal,” Liahona, Mayo 2019, 10)

  • Sa inyong palagay, bakit hindi inaasahang gagaya ang mga pinagtipanang tao ng Panginoon sa iba pang mga tao sa mundo?

  • Bakit maaaring mahirap na umiwas na gumaya sa iba pang mga tao sa mundo?

Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang 1 Pedro 2:9–10 at tukuyin ang mga paraan kung paano inilarawan ni Pedro ang mga pinagtipanang tao ng Panginoon. Maaari mong ilista ang mga paglalarawang ito sa pisara.

  • Ano ang mensahe sa mga talatang ito para sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang mga pinagtipanang tao ng Panginoon ay pinili, banal, at mga taong pag-aari ng Diyos.)

  • Paano nagiging pinili, banal, at “pag-aari ng Diyos” ang isang tagasunod ni Jesucristo? (Para sa konteksto kung paano ginagamit ni Pedro ang salitang pag-aari ng Diyos, maaari ninyong basahin ang “1 Pedro 2:9–10. Ano ang ibig sabihin ng maging isang ‘lahing pinili’ at ‘sambayanang pag-aari ng Diyos’?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)

  • Paano nakatulong sa inyo ang paggawa at pagtupad ng mga tipan na maging naiiba sa iba pang mga tao sa mundo?

Idispley ang mga sumusunod na scripture passage: 1 Pedro 1:13–16, 21–23; 3:8–10, 15; 4:8–11. Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Maaari akong maging banal, pinili, at tagasunod na pag-aari ni Jesucristo sa pamamagitan ng …

Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang isa o mahigit pa sa mga nakadispley na talata, na naghahanap ng mga paraan para makumpleto ang pahayag sa pisara. Matapos bigyan ng oras ang mga estudyante para mag-aral, sabihin sa kanila na ibahagi kung paano nila kukumpletuhin ang pahayag. Habang nagbabahagi sila, maaaring itanong ang mga sumusunod para mapalalim ang kanilang pag-unawa:

  • Bakit kung minsan ay mahirap ipamuhay araw-araw ang alituntuning ito?

  • Kailan ninyo nakita na ipinamuhay ang alituntuning ito?

  • Sino ang pagpapalain kung ipamumuhay ninyo ang alituntuning ito?

Maaaring tapusin ang aktibidad sa pag-aaral sa pamamagitan ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson. Anyayahan ang mga estudyante na isipin kung paano sila magiging isang banal, pinili, at kakaibang tagasunod ni Jesucristo.

Pangulong Russell M. Nelson

Ang … paanyaya ko ay na kayo ay mamukod-tangi at maging kaiba sa mundo. Alam natin na dapat kayong maging liwanag sa mundo. Kaya, kailangan kayo ng Panginoon na magmukha, magsalitang tulad, kumilos na tulad, at manamit na tulad ng isang tunay na disipulo ni Jesucristo. …

Magtakda ng pamantayan para sa mundo! Tanggapin ang pagiging kakaiba! (“Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], Gospel Library)

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

1 Pedro 3:18–22; 4:6

Ano ang itinuturo sa akin ng ministeryo ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu tungkol sa Kanya?

Idispley ang sumusunod na sitwasyon:

Matapos ang inspiradong talakayan tungkol sa doktrina ni Cristo (tingnan sa 2 Nephi 31), inanyayahan ng ilang missionary si Isabella na tularan ang halimbawa ni Jesucristo at magpabinyag. Matapos marinig ang imbitasyong ito, makikita sa mukha ni Isabella ang pagkabalisa. Sa huli ay bigla niyang sinabi: “Hindi ko maintindihan. Sinasabi ninyo sa akin na kailangan kong mabinyagan upang matamo ang nakatutubos na kapangyarihan ni Cristo at umunlad sa landas ng tipan. Gayunpaman, hindi mabilang na tao—marahil bilyun-bilyon—ang nabuhay sa mundong ito at hindi kailanman narinig ang mensaheng ito at walang alam tungkol sa landas na ito. Paano naging patas ito? Bakit hindi sila isinama? Paano ako magtitiwala sa isang Diyos na hindi pinapansin ang napakaraming anak Niya?”

Ipaliwanag na nagturo si Pedro ng mahahalagang katotohanan na tugon sa alalahanin ni Isabella. Anyayahan ang mga estudyante na makipagtulungan sa isang kapartner at pag-aralan ang 1 Pedro 3:18–22; 4:6, na naghahanap ng mga katotohanan na makatutulong sa pagtugon sa alalahanin ni Isabella.

Idispley ang mga sumusunod na ideya sa pag-aaral para tulungan ang mga estudyante sa paghahanda nila ng sagot para kay Isabella.

  • Maghanap ng isa o dalawang talata sa banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik na nagbibigay ng karagdagang kaalaman sa mga talata sa 1 Pedro. Maaari kang magsimula sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaligtasan para sa mga Patay,” Gospel Library.

  • Basahin ang Mga Paksa at Mga Tanong, “Mga Pagbibinyag para sa mga Patay,” Gospel Library.

  • Gamitin ang search tool sa Gospel Library para malaman kung ano ang sinasabi ng mga makabagong propeta at apostol tungkol sa 1 Pedro 3:18–22; 4:6.

Matapos bigyan ng oras ang mga estudyante na mag-aral, anyayahan silang makipagtulungan sa isa o ibang kapartner at magsalitan sa pagbabahagi ng sagot na inihanda nila para kay Isabella. Habang tinuturuan ng mga estudyante ang isa’t isa, maglakad-lakad sa silid para makinig at matuto sa kanilang mga sagot.

Matapos turuan ng mga estudyante ang isa’t isa, maglaan ng oras para matiyak na nauunawaan nila ang koneksyon ng kaligtasan para sa mga patay at ng pagmamahal ng Diyos. Maaaring itanong ang sumusunod:

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa katangian ni Jesucristo mula sa Kanyang ministeryo sa daigdig ng mga espiritu? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang ministeryo ni Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu ay nagpapakita ng Kanyang pagmamahal sa atin at ng Kanyang pagnanais na magbigay ng kaligtasan sa lahat ng tao.)

  • Paano nakaiimpluwensya ang katotohanang ito sa pagkaunawa ninyo tungkol kay Jesucristo?

  • Paano ninyo matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at maipapakita ang inyong pagmamahal at malasakit sa mga pumanaw nang walang ebanghelyo?

Maaaring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Sa paggawa para sa iba ng hindi nila magagawa para sa kanilang sarili, tinutularan natin ang huwaran ng Tagapagligtas, na gumawa ng Pagbabayad-sala upang pagpalain ang buhay ng ibang tao. (“Personal Preparation for Temple Blessings,” Ensign, Mayo 2001, 34)

Kung may oras pa, anyayahan ang mga estudyante na buksan ang FamilySearch website o ang Family Tree app at hanapin ang mga ninuno na nangangailangan ng mga ordenansa. Hikayatin ang mga estudyante na magtakda ng mithiing dumalo sa templo o magsumite ng mga pangalan ng kapamilya para sa mga ordenansa sa templo.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

2 Pedro 1:1–8

Ano ang aking banal na katangian at tadhana?

Maaari mong idispley ang isang larawan ng Tagapagligtas at itanong sa mga estudyante kung ano ang pinakanagustuhan nila tungkol sa Kanya. (Maaari silang maglista ng tatlo hanggang limang bagay sa kanilang mga journal bago magbahagi sa klase.) Isulat ang mga sagot ng mga estudyante sa palibot ng larawan ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung bakit gustung-gusto nila ang mga katangiang iyon ng Tagapagligtas.

Ipaliwanag na tinukoy ni Pedro ang mga katangiang ito bilang “likas ng Diyos” (2 Pedro 1:4) at ipinahayag ang kanyang hangarin na magkaroon din ng mga katangiang ito ang mga Banal. Ipaliwanag sa mga estudyante na ang ibig sabihin ng pagiging “kabahagi sa likas ng Diyos” ay ang pagkakaroon ng pagkatao at mga katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang 2 Pedro 1:1–8 at markahan ang mga salita o parirala na may kaugnayan sa “likas ng Diyos.”

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga talatang ito tungkol sa inyong potensiyal? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanan na tulad ng sumusunod: Sa tulong ng Tagapagligtas, maaari tayong maging katulad ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo.)

  • Ano ang nadarama ninyo sa nalaman na nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na maging katulad Nila kayo?

  • Bakit mahirap maging katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

Anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isang katangian na nais nilang maunawaan nang mas mabuti at mas lubos na mataglay sa kanilang buhay. Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-aralan ang katangiang pinili nila. Maaari nilang gamitin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na resources:

Idispley ang mga sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na isulat ang naiisip nila:

  • Paano ninyo ilalarawan ang katangiang ito sa isang tao na natututuhan pa lamang ito sa unang pagkakataon?

  • Paano ipinakita ni Jesucristo ang katangiang ito?

  • Ano ang maaari ninyong gawin para magkaroon ng katangiang ito?

Matapos magkaroon ng oras ang mga estudyante na pag-aralan ang katangiang pinili nila, sabihin sa kanila na ibahagi sa kanilang kapartner ang natutuhan nila.

Para tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung anong tulong ang matatanggap nila sa pamamagitan ni Jesucristo, maaari ninyong sabay-sabay na basahin ang sumusunod na pahayag mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo:

Ang mga katangiang tulad ng kay Cristo ay mga kaloob mula sa Diyos. Tulad ng lahat ng mabubuting bagay, ang mga kaloob na ito ay dumarating sa pamamagitan ng “biyaya ng Diyos Ama, at gayon din ng Panginoong Jesucristo, at ng Espiritu Santo” (Eter 12:41).

Magtuon kay Cristo habang sinisikap mong taglayin ang Kanyang mga katangian (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:36). Ang mga katangiang ito ay hindi mga bagay sa isang listahan ng gawain. Ang mga ito ay hindi mga pamamaraan na inaaral sa isang programa sa pagpapabuti ng sarili. Ang mga ito ay hindi natatamo sa pamamagitan lamang ng sariling determinasyon. Sa halip, matatanggap mo ang mga ito habang ikaw ay nagsisikap na maging mas tapat na disipulo ni Jesucristo.

Manalangin sa Diyos na ipagkaloob Niya sa iyo ang mga katangiang ito. Mapagkumbabang tanggapin ang iyong mga kahinaan at na kailangan mo ang Kanyang kapangyarihan sa iyong buhay. Kapag ginawa mo ito, “gagawin [Niya] ang mahihinang bagay na maging malalakas sa [iyo]” (Eter 12:27). …

Habang sinisikap mong maging higit na katulad ni Cristo, magbabago ang iyong mga hangarin, iniisip, at kilos. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at kapangyarihan ng Espiritu Santo, magiging dalisay ang iyong pagkatao (tingnan sa Mosias 3:19). (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, [2023], 142)

  • Bakit mahalagang isama ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa pagsisikap ninyong maging katulad Nila?

  • Ano ang gagawin ninyo para isama si Jesucristo sa pagsisikap ninyong magkaroon ng katangiang pinili ninyo? (Hikayatin ang mga estudyante na itala ang kanilang mga naiisip at impresyon.)

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Handout

handout na Mga Patnubay na Alituntunin sa Panahon ng Pagsubok at Pagdurusa