“Apocalipsis 1–5,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
The Figure of Cristo [Ang Anyo ni Cristo], ni Heinrich Hofmann
Apocalipsis 1–5
Habang nasa pulo ng Patmos, tumanggap si Apostol Juan ng paghahayag mula kay Jesucristo. Gumamit ang Tagapagligtas ng simbolismo upang magturo tungkol sa Kanyang kapangyarihan at walang-hanggang misyon. Inutusan Niya si Juan na magbigay ng payo at pagtutuwid sa pitong sangay ng Simbahan. Nakita ni Juan ang Diyos Ama na nakaupo sa trono sa langit at sumasamba sa Kanya ang mga dinakilang nilalang. Hawak ng Diyos sa kanyang mga kamay ang isang aklat na may pitong tatak na tanging si Jesucristo lamang ang karapat-dapat na magbukas.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Apocalipsis 1–5”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaaring magpadala sa mga estudyante ng isa o higit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Madalas na gumagamit ang Panginoon ng mga simbolo para ituro sa atin ang tungkol sa Kanyang sarili at ang Kanyang ebanghelyo. Ang aklat ng Apocalipsis ay puno ng makapangyarihang simbolismo. Sa pag-aaral ninyo ng Apocalipsis 1, bigyang-pansin kung anong mga simbolo ang matatagpuan ninyo at kung ano ang itinuturo ng mga ito sa inyo tungkol kay Jesucristo. Nilinaw sa Joseph Smith Translation, Revelation 1:1–8 (Gospel Library) ang ilan sa simbolismo.
-
Isipin ang mga sandali na nadama ninyo na nahihirapan kayo sa mga hamon at tukso sa buhay. Sa pag-aaral ninyo ng Apocalipsis 2–3, hanapin ang mga pangako ng Panginoon sa mga taong tapat na nadaig ang mga kasalanan at kapighatian ng mundo. Alin sa mga ipinangakong pagpapala ang pinakaaasam ninyo?
-
Kapag nalaman natin ang higit pa tungkol sa kung sino si Jesucristo, ang ating pagmamahal at pagpipitagan sa Kanya ay maaaring lumalim. Habang binabasa ninyo ang Apocalipsis 4–5, bigyang-pansin ang natututuhan ninyo na makatutulong sa inyo na madama ang higit na pagmamahal at pagpipitagan sa Tagapagligtas.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga nalaman at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Apocalipsis 1–5.
Pagsasanay sa Kasanayan
Dahil ang aklat ng Apocalipsis ay puno ng simbolismo, maaaring makatulong ito para magamit ang kasanayang “Understanding Symbolism in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Gamitin ang Mga Tulong sa Banal na Kasulatan. Kapag naghahanda, pag-aralan nang mabuti ang materyal sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan. Ang resources na ito ay makatutulong sa paglilinaw ng doktrina, pagbibigay ng tulong sa mga tanong ng mga estudyante, o pagkakaroon ng mga ideya para sa klase. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gamitin ang Mga Tulong sa Banal na Kasulatan sa kanilang paghahanda para sa klase. Hikayatin sila na gamitin ang mga tulong na ito upang mapahusay, ngunit hindi para palitan, ang pag-aaral nila ng mga talata sa banal na kasulatan.
Apocalipsis 1
Ano ang matututuhan ko tungkol kay Jesucristo mula sa mga simbolo sa Apocalipsis?
Maaaring isulat sa pisara ang mga salitang mga simbolo. Ipaliwanag na madalas gumamit ang Panginoon ng simbolismo sa mga banal na kasulatan upang tulungan tayong mas maunawaan kung sino Siya at turuan tayo tungkol sa Kanyang ebanghelyo. Anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong sa kapartner:
-
Ano ang ilang simbolong maiisip ninyo na binanggit sa mga banal na kasulatan?
-
Ano ang maituturo sa inyo ng mga simbolong ito tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo?
Bigyang-diin na ang aklat ng Apocalipsis ay puno ng mayamang simbolismo. Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang Apocalipsis ay isinulat ni Apostol Juan. Sa aklat na ito, itinala ni Juan ang mga katotohanang inihayag sa kanya tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang ginampanang papel sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, sa mga kaganapan bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito, at sa Kanyang paghahari sa Milenyo. (Para sa karagdagang impormasyon ng background nito, tingnan sa “Para kanino isinulat ang aklat ng Apocalipsis at bakit?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
Sa aktibidad na ito sa pag-aaral, matututo ang mga estudyante mula sa ilan sa mga simbolong matatagpuan sa Apocalipsis 1. Para ihanda ang mga estudyante sa aktibidad na ito, maaaring ituro sa kanila ang tatlong tip mula sa “Understanding Symbolism in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.
Idispley ang mga sumusunod na tagubilin. Anyayahan ang mga estudyante na gamitin ang mga tip para maunawaan ang simbolismo at humingi ng espirituwal na patnubay sa kanilang pag-aaral.
-
Pag-aralan ang Apocalipsis 1:3–6, 9–20 (kabilang ang Joseph Smith Translation para sa Revelation 1:1–8 [Gospel Library] at 1:20 [sa Revelation 1:20, footnoteb]).
-
Gamitin ang resources na matatagpuan sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Apocalipsis 1–5,” para mas maunawaan ninyo ang kahulugan at simbolismo ng mga talatang ito.
-
Maghandang ibahagi ang sumusunod:
-
Isang simbolo na nahanap ninyo
-
Ano ang maituturo sa inyo ng simbolo tungkol kay Jesucristo, sa inyong kaugnayan sa Kanya, o sa Kanyang papel na ginagampanan sa plano ng Diyos
-
Bigyan ng oras ang mga estudyante na ibahagi sa kapartner o maliit na grupo ang natuklasan nila. Pagkatapos ay magtanong ng tulad ng mga sumusunod, at anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga nalaman:
-
Ano ang ilang katotohanang nalaman ninyo tungkol kay Jesucristo mula sa mga simbolong pinag-aralan ninyo? (Kabilang sa ilang halimbawa ng maraming katotohanan na maaaring ibahagi ng mga estudyante ay: Sa pamamagitan ni Jesucristo maaari tayong malinis sa ating mga kasalanan [tingnan sa Apocalipsis 1:5]. Binabantayan at pinangangalagaan ni Jesucristo ang Kanyang matatapat na tagasunod [tingnan sa Apocalipsis 1:13, 20]. Si Jesucristo ay isang niluwalhati, at nabuhay na mag-uling nilalang na may kapangyarihan sa kamatayan at impiyerno [tingnan sa Apocalipsis 1:17–18].)
-
Paano makaaapekto sa inyo ang pag-alala sa mga katotohanang ito tungkol sa Tagapagligtas?
Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na hangaring maunawaan ang simbolismo sa kanilang pag-aaral ng aklat ng Apocalipsis. Maaari kang mag-follow up sa mga susunod na lesson sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga simbolong nahanap nila.
Apocalipsis 2–3
Bakit sulit ang pagsikap na daigin ang mundo?
Maaari mong simulan ang aktibidad na ito sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagtalakay ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Kasalukuyan tayong nabubuhay sa tiyak na pinakamagulong panahon sa kasaysayan ng mundo. Ang mga kaguluhan at hamon ay nagpapadama ng kalungkutan at kapaguran sa maraming tao. (“Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 95)
-
Ano ang ilan sa mga kaguluhan at hamon sa buhay na maaaring magdulot ng kalungkutan o kapaguran sa mga tao? (Maaaring isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
Ipaliwanag na ang mga Banal na pinatutungkulan ni Juan sa aklat ng Apocalipsis ay nabubuhay rin noon sa magulong panahon. Naharap sila sa maraming hamon, kabilang na ang matinding pag-uusig at apostasiya sa loob ng Simbahan. Sa pamamagitan ni Juan, nagbigay ang Tagapagligtas ng mga payo at pampatibay ng loob. Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mga partikular na hamon na maaaring kinakaharap nila sa kanilang buhay. Hikayatin sila sa pag-aaral nila na bigyang-pansin ang itinuturo sa kanila ng Espiritu Santo tungkol sa pagdaig sa kanilang mga hamon.
Idispley ang mga sumusunod na scripture passage. Ipaliwanag na ang bawat passage ay mensahe sa isa sa pitong sangay ng Simbahan na tinukoy ni Juan sa aklat ng Apocalipsis.
-
Apocalipsis 2:1–7
-
Apocalipsis 2:8–11
-
Apocalipsis 2:12–17
-
Apocalipsis 2:18–20, 26–28
-
Apocalipsis 3:1–5
-
Apocalipsis 3:7–12
-
Apocalipsis 3:14–21
Anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isa o higit pa sa mga passage na ito para pag-aralan. Maaari mo silang hikayatin na gamitin ang Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Apocalipsis 1–5,” para tulungan silang maunawaan ang mahihirap na salita o parirala. Anyayahan sila na maghandang magbahagi ng mga sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Anong mga hamon ang inilalarawan sa mga talatang ito na kailangang madaig?
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Panginoon mula sa Kanyang mga itinuro sa mga Banal na ito?
-
Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mga makakapanaig?
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa kapartner o maliit na grupo. Kapag tapos na ang talakayan ng mga estudyante, bigyang-diin na ang bawat payo sa mga Banal ay naglalaman ng pangako ng Panginoon sa mga makakapanaig. Kung kinakailangan, anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang payong ito sa Apocalipsis 2:7, 11, 17, 26–28; 3:5, 12, 21. O maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen:
Ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa mga taong dumaig sa sanlibutan ay kahanga-hanga. Sila ay “daramtang gayon ng mga mapuputing damit … at [malalagay ang] pangalan sa aklat ng buhay.” “Ipapahayag [ng Panginoon] ang [kanilang] pangalan sa harapan [ng] Ama, at sa harapan ng kanyang mga anghel” [Apocalipsis 3:5]. Bawat isa ay magkakaroon ng “bahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli” [Doktrina at mga Tipan 76:64], tatanggap ng buhay na walang hanggan, at “hindi na lalabas pa” [Apocalipsis 3:12] mula sa kinaroroonan ng Diyos. (“Pagdaig sa Sanlibutan,” Liahona, Mayo 2017, 59)
-
Paano ninyo ibubuod ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa mga nagsisikap na madaig ang sanlibutan o mundo at ang mga hamong kaakibat nito? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Kung madaraig natin ang kasamaan ng mundo, bibigyan tayo ng Tagapagligtas ng mga pagpapala ng kadakilaan.)
-
Paano makatutulong sa inyo ang pag-alala sa mga ipinangakong pagpapala ng Tagapagligtas para madaig ang inyong mga hamon?
Maaaring basahin ang Juan 16:32–33 at ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson. Anyayahan ang mga estudyante na talakayin kung paano tayo mabibigyan ng pag-asa ng mga turong ito habang sinisikap nating daigin ang mundo.
Dahil nadaig ni Jesucristo ang masamang mundong ito, at dahil nagbayad-sala Siya para sa bawat isa sa atin, madaraig din ninyo ang makasalanan, makasarili, at madalas na nakapapagod na mundong ito. …
Ang pagdaig sa mundo ay hindi isang kaganapang nangyayari sa isa o dalawang araw. Nangyayari iyon sa buong buhay habang paulit-ulit nating niyayakap ang doktrina ni Cristo. …
Habang nagsisikap tayong isabuhay ang mga nakatataas na batas ni Jesucristo, unti-unting nagbabago ang ating puso at mismong likas na pagkatao. Tinutulungan tayo ng Tagapagligtas na madaig ang impluwensya ng masamang mundong ito sa pamamagitan ng pagkakaloob sa atin ng higit na pag-ibig sa kapwa, pagpapakumbaba, pagiging bukas-palad, kabaitan, disiplina sa sarili, kapayapaan, at kapahingahan. (“Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 96, 97)
Paano ninyo nadama na pinalakas kayo ni Jesucristo para madaig ang mundo at ang mga hamon nito? (Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari ninyong panoorin ang “Overcoming Challenges” [5:02]).
Anyayahan ang mga estudyante na mapanalanging pag-isipan kung ano ang nais ng Panginoon na madaig nila sa tulong Niya. Hikayatin sila na alamin kung ano ang gagawin nila para hingin ang tulong ng Diyos sa pagdaig sa mga hamong ito.
Apocalipsis 4–5
Paanong maaaring lumalim ang pagmamahal at pagpipitagan ko kay Jesucristo kapag naunawaan ko ang higit pa tungkol sa Kanya?
Magdispley ng larawan ni Jesucristo na katulad ng larawan sa simula ng lesson. Anyayahan ang mga estudyante na isipin na nakikipag-usap sila sa isang kaibigang walang gaanong alam tungkol sa Tagapagligtas. Itinanong ng kaibigan, “Ano ang kaibahan ni Jesus sa ibang mga taong gaya mo at gaya ko?”
-
Ano ang isasagot ninyo sa inyong kaibigan?
Ipaliwanag na nakakita si Apostol Juan ng isang pangitain na makatutulong sa atin na maunawaan ang kapangyarihan at kamaharlikaan ni Jesucristo. Hikayatin ang mga estudyante na habang pinag-aaralan nila ang salaysay na ito na maging sensitibo sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo na makatutulong sa kanila na madama ang higit na pagmamahal at pagpipitagan sa Tagapagligtas.
Para ituro sa mga estudyante ang pangitaing ito, ipaliwanag na nakita ni Juan ang Diyos Ama na nakaupo sa Kanyang trono sa langit. Nakapalibot sa trono ang iba’t ibang niluwalhating nilalang at mga hayop na nagpupuri at sumasamba sa Kanya. (Tingnan sa Apocalipsis 4:1–11. Para tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang simbolismo mula sa mga talatang ito, maaari mong isangguni sila sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Apocalipsis 1–5.” Maaari din nilang pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 77:1–5.)
Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Apocalipsis 4:8–11, na inaalam kung ano ang sinabi at ginawa ng mga nakapalibot sa Ama sa Langit.
-
Ano ang pinakanapansin ninyo tungkol sa mga salita at ginawa ng mga nakapalibot sa trono ng Diyos? Bakit?
-
Ano ang maaaring isinasagisag ng paghahagis ng matatanda o mga elder ng kanilang korona sa harapan ng trono ng Ama sa Langit? (Kabilang sa mga posibleng sagot ay ang pagkilala nila sa kadakilaan ng Ama sa Langit; ang kanilang pagkilala na utang nila ang kanilang kadakilaan sa Kanya; at ang kanilang pagpipitagan, pagmamahal, at mapagpakumbabang katapatan sa Kanya.)
Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Apocalipsis 5:1–14, na inaalam ang mahalagang papel na ginampanan ni Jesucristo sa pangitaing ito. Bigyang-diin na maraming simbolo sa mga talatang ito. Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Apocalipsis 1–5,” para matulungan sila na maunawaan ang ilan sa mga simbolong ito. (Makatutulong din sa iyo bilang titser na maging pamilyar sa mga nilalaman ng bahaging ito ng Mga Tulong sa Banal na Kasulatan upang maging handa ka sa pagtalakay sa mga nalaman at tanong ng mga estudyante.)
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang mga natutuhan nila mula sa Apocalipsis 5. Kung kinakailangan, maaari mong gamitin ang mga tanong na tulad ng sumusunod:
-
Anong mga katotohanan ang natutuhan o nadama ninyo tungkol kay Jesucristo habang pinag-aaralan ninyo ang mga talatang ito? (Sa pagsagot ng mga estudyante, maaaring matukoy ng ilan ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Tinubos tayo ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.)
-
Bakit si Jesucristo lamang ang karapat-dapat at may kakayahang tumubos sa atin?
-
Paano makaaapekto sa mga desisyong gagawin ninyo ang nadaramang taos-pusong pagmamahal at pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Ipaalala sa mga estudyante ang sitwasyon sa simula ng aktibidad sa pag-aaral. Anyayahan sila na maghanap ng iba pang mga talata sa banal na kasulatan na maibabahagi nila sa kanilang kaibigan na tutulong sa kanya na maunawaan ang mahalagang papel ni Jesucristo sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Maaari silang maghanap ng mga scripture passage nang mag-isa, o maaari nilang pag-aralan ang ilan sa mga sumusunod: Juan 14:6; Mosias 3:17; 15:1; Doktrina at mga Tipan 19:16–19; 38:1–3.
Pagkatapos mag-aral ng mga estudyante, bigyan sila ng pagkakataong ibahagi sa isang kapartner o maliit na grupo ang nahanap nila. Anyayahan sila na ipaliwanag kung bakit sa palagay nila ay makabuluhan ang mga passage na pinili nila. Bilang alternatibo, maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na magsulat ng sagot sa kaibigan mula sa sitwasyon. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi ang mga sagot na iyon sa kapartner o sa maliit na grupo.
Maaaring anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo. Maaari mong tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng sarili mong patotoo.