“Juan 1,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
In the Beginning Was the Word [Sa Simula ay ang Salita], ni Eva Timothy
Juan 1
Ipinakilala ni Apostol Juan ang Tagapagligtas bilang “ang Salita” (Juan 1:1), ang Tagapaglikha ng sanlibutang ito (tingnan sa Juan 1:3), “ang buhay” (Juan 1:4), “ang Ilaw” (Juan 1:7), at “ang tanging Anak ng Ama” (Juan 1:14). Nagpatotoo si Juan na Tagapagbautismo na si Jesus “ang Kordero ng Diyos” na ipinadala upang alisin ang mga kasalanan ng sanlibutan (Juan 1:29). Ang iba pang mga disipulo, kabilang na sina Andres at Nathanael, ay nagpatotoo rin tungkol kay Jesucristo.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Juan 1”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Pag-isipan kung ano ang matututuhan mo tungkol kay Jesucristo mula sa Kanyang mga tungkulin at titulong natukoy mo sa Juan 1:1–14.
-
Ano ang alam mo tungkol sa Pagsasalin ni Joseph Smith? Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–19 (Gospel Library), at isipin kung anong mahahalagang kabatiran at paglilinaw ang ibinibigay nito. (Paalala: Ang mga pagbabago sa Pagsasalin ni Joseph Smith ay mga naka-italicize)
-
Basahin ang Juan 1:35–51 para malaman kung bakit mahalagang anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo. Maaari mong anyayahan ang isang tao na dumalo sa institute sa linggong ito.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Juan 1.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–19 (Gospel Library) ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Paggamit ng mga Banal na Kasulatan ng Panunumbalik upang Maunawaan ang Biblia” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Sabihin sa mga estudyante na maging responsable sa kanilang pag-aaral. Pag-isipan ang iyong estilo ng pagtuturo. Ikaw ba ay nakatuon sa pagtuturo o sa tinuturuan? Ang iyong mga estudyante ba ay walang kibo o aktibong mag-aaral? Sino ang mas palaging nagsasalita sa klase mo—ikaw ba o ang mga estudyante mo? Habang naghahanda ka para sa bawat klase, itanong sa iyong sarili, “Ano ang magagawa ng aking mga estudyante ngayon para maging responsable sa sarili nilang pag-aaral?” (Para sa karagdagang mga ideya, basahin ang “Tinulungan ng Tagapagligtas ang Iba na Maging Responsable sa Kanilang Pag-aaral” sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2022], 24–25.)
Juan 1:1–14, 29, 34, 36, 41, 49, 51
Ano ang matututuhan ko tungkol kay Jesus mula sa Kanyang mga titulo, pangalan, at tungkulin?
Maaari kang magsimula sa pagtatanong ng mga sumusunod:
-
Sa inyong palagay, gaano karaming titulo, pangalan, at tungkulin ang mayroon si Jesus? Ano ang ilan sa Kanyang mga titulo, pangalan, at tungkulin? (Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para magbahagi o maghanap ng mga sagot. Maaari mo silang anyayahang basahin ang “50 Names and Titles of Jesus Christ” [ComeuntoChrist.org] upang makakita ng mga halimbawa mula sa Biblia.)
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang mas alamin pa ang kahulugan ng mga titulo, pangalan, at tungkulin ni Jesus?
Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Juan 1:1–14, 29, 34, 36, 41, 49, 51, na inaalam ang mga titulo, pangalan, at tungkulin ni Jesus. Maaaring gawin ito ng mga estudyante sa mga grupo at pagkatapos ay isulat sa pisara ang nalaman nila. Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi kung ano ang pinakanakaantig sa kanila tungkol sa ilan sa mga titulo, pangalan, at tungkulin ni Jesucristo na nakalista sa pisara.
Para mapalalim ang pag-aaral, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na makipagtulungan sa isang kapartner at pumili ng isa sa mga titulo, pangalan, o tungkulin at alamin pa ang tungkol dito.
Paalala: Kung makatutulong, ipakita sa mga estudyante ang ilang resources o tools na tulad ng mga sumusunod: Gabay sa mga Banal na Kasulatan, (tingnan sa “Paghahanap ng Kahulugan ng mga Salita at Parirala” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan).
Pagkatapos ay maaari mong ipakita at sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang matututuhan ninyo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang banal na misyon mula sa titulo, pangalan, o tungkuling pinili ninyo?
-
Paano madaragdagan ng kaalamang ito tungkol kay Jesucristo ang inyong pananampalataya sa Kanya?
Matapos ang sapat na oras na makapag-aral ang mga estudyante, anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi sa klase ang natutuhan o nadama nila nang magtuon sila sa mga titulo, pangalan, o tungkulin ng Tagapagligtas.
Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na abangan ang mga titulo, pangalan, at tungkulin ng Tagapagligtas habang pinag-aaralan nila ang Bagong Tipan.
Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–19
Anong malilinaw at mahahalagang katotohanan ang matututuhan ko tungkol sa Tagapagligtas mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–19?
Ipabasa sa mga estudyante ang Juan 1:18 at pag-isipan kung anong problema sa doktrina ang inilalahad ng talatang ito. Pagkatapos ay ihambing ang talata sa Juan 6:46.
-
Paano natin malulutas ang tila kontradiksyon sa Ebanghelyo Ayon kay Juan? (Paalala: Maaaring ipaliwanag ng mga estudyante na inihahayag sa iba pang mga scripture passage na nagpakita ang Diyos sa mga tao [halimbawa, Exodo 33:11; Mga Gawa 7:55–56; Joseph Smith—Kasaysayan 1:17].)
Kung hindi ito nabanggit ng mga estudyante, ipaliwanag na ang pagsasalin ni Joseph Smith ay maglilinaw sa Juan 1:18 (tingnan sa PJS, Juan 1:19 sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia).
Paalala: Kung hindi pamilyar ang iyong mga estudyante sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, maaari ninyong sama-samang rebyuhin ang “Pagsasalin ni Joseph Smith (PJS)” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (Gospel Library). Maaari mo ring ipaliwanag na ang paggamit ng Pagsasalin ni Joseph Smith at iba pang mga banal na kasulatan ng Panunumbalik ay makatutulong sa atin na mas maunawaan ang Biblia (tingnan sa “Paggamit ng mga Banal na Kasulatan ng Panunumbalik upang Maunawaan ang Biblia” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan).
Ipakita sa mga estudyante kung paano mahahanap ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Juan 1:19 sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia sa bahaging Tulong sa Pag-aaral ng Gospel Library. Basahin ito nang sabay-sabay at ipaliwanag na ang mga inspiradong pagbabago ni Propetang Joseph Smith ay naka-italicize upang makita ang kaibhan nito sa orihinal na ayos ng mga salita na matatagpuan sa King James Version ng Biblia. Pagkatapos ay talakayin kung paano nakatutulong sa atin ang mga inspiradong idinagdag ni Joseph sa Juan 1:19 na mas maunawaan ang tila kontradiksyon dito.
Sabihin sa mga estudyante na alamin pa ang tungkol sa Juan 1 sa Pagsasalin ni Joseph Smith. Bilang bahagi ng aktibidad na ito, maaaring makipagtulungan ang mga estudyante sa isang kapartner o sa maliliit na grupo at talakayin ang mga sumusunod na tanong:
-
Anong mga pagbabago sa Pagsasalin ni Joseph Smith ang nakita ninyong makatutulong?
-
Anong mga kabatiran ang natamo ninyo tungkol kay Jesucristo mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith?
Matapos bigyan ng oras ang talakayan sa grupo, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung ano ang pinakamahalaga para sa kanila tungkol sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng scripture passage na ito. Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na gamitin ang Pagsasalin ni Joseph Smith sa kanilang pag-aaral ng Biblia.
Juan 1:19–34
Ano ang itinuturo sa akin ng mga propeta ng Diyos tungkol kay Jesucristo?
Maaari mong itanong sa mga estudyante kung paano naiiba ang pamantayan ng mundo at ng Diyos sa kadakilaan.
Magpakita ng larawan ni Juan na Tagapagbautismo. Talakayin ang pagkakaiba ng tingin sa kanya ng mga tao ayon sa paglalarawan sa kanya sa Marcos 1:6–7 at ang tingin sa kanya ng Tagapagligtas ayon sa inilarawan sa Lucas 7:28.
John Preaching in the Wilderness [Nangangaral si Juan sa Ilang], ni Del Parson
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano sa palagay nila ang dahilan kaya naging isa si Juan na Tagapagbautismo sa pinakadakilang mga propeta ng Panginoon.
Maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang Juan 1:19–34, na inaalam ang matututuhan nila mula sa ministeryo ni Juan na Tagapagbautismo.
-
Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa tungkulin ng propeta? Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pangalan at titulong Elias, tingnan sa “Juan 1:19–28. Sino si Elias” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
Matapos bigyan ng oras ang pag-aaral, maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:
-
Ano ang misyon at mensahe ni Juan na Tagapagbautismo?
-
Ano ang maituturo sa atin ng pagtutuon ni Juan na Tagapagbautismo sa Tagapagligtas tungkol sa mga propeta? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang mga salita ng mga propeta ay nagtuturo sa atin kay Jesucristo. Maaari mo ring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen: “Ang pinakamahalagang tungkulin ng propeta ng Panginoon ay turuan tayo tungkol sa Tagapagligtas at akayin tayo sa Kanya” [“Ang Propeta ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 25].)
-
Paano naimpluwensyahan ng mga turo ng mga propeta at apostol ni Jesucristo ang inyong nadarama para sa Kanya?
Maaari mong ipanood ang video na “Living Apostles Testify of Jesus Christ” (2:16). Hikayatin ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga iniisip at impresyon habang nakikinig sila sa mga patotoong ito. Anyayahan silang pag-isipan kung sino ang maaari nilang pagbahagian ng video na ito.
Juan 1:35–51
Bakit mahalagang anyayahan ko ang iba na lumapit kay Cristo?
Kung may isang tao sa klase mo na ipinakilala sa Simbahan ng isang kaibigan, anyayahan siyang ibahagi ang kanyang karanasan. O sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na inanyayahan sila ng isang tao na mas sundin ang Tagapagligtas. Maaari mo ring ibahagi ang sarili mong karanasan sa pag-anyaya mo sa isang tao o pag-anyaya sa iyo ng isang tao na lumapit kay Cristo.
Ipaliwanag na noong ministeryo ni Juan na Tagapagbautismo, maraming tao ang naghahanap sa Mesiyas. (Kung kinakailangan, maikling rebyuhin ang kahulugan ng salitang Mesiyas [tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mesiyas,” Gospel Library].) Bigyan ang mga estudyante ng sumusunod na handout at sabihin sa kanila na alamin kung paano natagpuan nina Andres, Pedro, Felipe, at Nathanael ang tunay na Mesiyas.
Matapos makumpleto ng mga estudyante ang handout, maaari nilang ibahagi sa isang kapartner o sa maliliit na grupo ang isinulat nila. Pagkatapos ay maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Paano maiiba ang mga karanasang ito kung hindi sinabi nina Juan na Tagapagbautismo, Andres, at Felipe sa kanilang mga kaibigan ang paanyayang “halikayo at tingnan ninyo”? (Juan 1:39).
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga karanasang ito? (Tulungan ang mga estudyante na matuklasan ang sumusunod na katotohanan: Kapag inanyayahan natin ang iba na lumapit kay Cristo, matatanggap nila ang sarili nilang patotoo sa Kanyang kabanalan.)
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga paraan na inanyayahan nila ang iba na lumapit kay Jesucristo. Para makapag-isip ng mga ideya, maaari ninyong panoorin ang isa sa mga sumusunod na video. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung sino ang maaari nilang sabihan ng paanyayang “halikayo at tingnan ninyo” ang Tagapagligtas.
-
“Inviting Others to ‘Come and See’” (1:17)
1:23 -
“Inviting All to Come unto Christ: Sharing the Gospel” (4:30)
4:30 -
“Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya” (13:03; panoorin mula sa time code na 8:28 hanggang 9:42)
13:3