Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12


“Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)

si Jesus habang papasok sa Jerusalem at napapaligiran ng mga tao

Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12

Matagumpay na pumasok si Jesucristo sakay ng asno sa Jerusalem habang sumisigaw ang karamihan ng “Hosana.” Nilinis Niya ang templo. Sinalungat ng mga pinunong Judio ang awtoridad ni Jesus. Itinuro ng Tagapagligtas ang tungkol sa pag-aasawa, sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, at sa dalawang dakilang utos. Pinagsabihan Niya ang mga pinunong Judio dahil sa kanilang pagiging mapagkunwari.

Karagdagang Resources

Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan], “Matthew 21–23; Mark 11; Luke 19–20; John 12 [Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12]

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Naranasan mo na bang mahirapang ipahayag ang iyong pagmamahal at debosyon sa Tagapagligtas? Isiping panoorin ang “The Lord’s Triumphal Entrance into Jerusalem” (1:22) at pagkatapos ay basahin ang Mateo 21:1–11, 15–16 para makita kung paano ipinahayag ng mga taong ito ang kanilang debosyon.

    1:22
  • Sa pag-aaral mo ng Lucas 19:1–10, isipin ang ginawa ni Zaqueo para ipakita ang kanyang taos-pusong hangaring tanggapin ang Tagapagligtas. Maaari mo ring pagnilayan ang ginawa mo kamakailan para ipakita ang hangarin mong maging bahagi ng iyong buhay ang Tagapagligtas.

  • Habang pinag-aaralan mo ang pagkondena ng Tagapagligtas sa pagkukunwari sa Mateo 23, isipin kung paano mo maiiwasan ang maging mapagkunwari sa buhay mo.

icon ng talakayan
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12.

icon ng pagsasanay sa kasanayan
Pagsasanay sa Kasanayan

Ang Mateo 22:36–40 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Sharing Gospel Truths with Love and Sensitivity” sa Scripture Study Skills.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Mateo 21:1–11, 15–16; Juan 12:1–8

Paano ko maipapahayag ang aking debosyon sa Tagapagligtas?

Maaari mong simulan sa pagsulat sa pisara ng salitang debosyon. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang ito ay pagmamahal, tiwala, at katapatan sa isang tao o adhikain. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang pinagtutuunan ng debosyon ng mga tao sa ating panahon.

  • Ano sa palagay ninyo ang lagay ng pamumuhay ng isang tao kapag siya ay may debosyon kay Jesucristo?

Isiping idispley ang mga larawan sa ibaba. Ipaliwanag na bago Siya matagumpay na pumasok sa Jerusalem, tumigil si Jesucristo sa Betania, kung saan pinahiran ni Maria ng langis ang Kanyang mga paa. Ang mga pangyayaring ito ay makapagbibigay sa atin ng mahahalagang kaalaman kung paano magpapakita ng debosyon sa Tagapagligtas kapwa sa pribado at publiko.

Si Jesus na nakasakay sa isang batang asno patungong Jerusalem

Christ’s Triumphal Entry into Jerusalem [Ang Matagumpay na Pagpasok ni Cristo sa Jerusalem], ni Harry Anderson

Pinapahiran ni Maria ng langis ang mga paa ni Cristo

Larawang-guhit ni Brian Call

Ipakita ang sumusunod na mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral. Sabihin sa mga estudyante na talakayin sa isang kapartner o sa maliliit na grupo ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong.

Matapos bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante para makumpleto ang kanilang napiling aktibidad, anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa debosyon sa Tagapagligtas. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga natutuhan, isipin kung makatutulong ba ang alinman sa mga sumusunod na tanong para mapalalim ang kanilang pag-unawa:

  • Sa salaysay na ito, ano ang inihahayag ng mga salita at kilos ng mga tao tungkol sa kanilang nadarama para sa Tagapagligtas? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Maipapakita natin ang ating pagmamahal at debosyon kay Jesucristo sa pamamagitan ng ating mga salita at kilos.)

  • Ano ang ilang salita at kilos na makapagpapakita ng ating pagmamahal at debosyon sa Tagapagligtas?

  • Ano ang nadama ninyo nang ipahayag ninyo ang pagmamahal at debosyon sa Tagapagligtas?

Isiping bigyan ng oras ang mga estudyante na mag-isip ng isang bagay na magagawa nila para makapagpakita ng mas matinding debosyon sa Tagapagligtas kapwa sa publiko at sa pribado.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Mateo 22:34–40

Paano ko maipamumuhay nang mas mabuti ang dalawang dakilang utos?

Isiping talakayin ang mga hamong inilahad sa sumusunod na sitwasyon:

Si Maria lamang ang miyembro ng Simbahan sa kanyang pamilya. Kapag dumadalo siya sa mga miting tuwing Linggo, madalas siyang hindi makadalo sa mga aktibidad ng pamilya. Isang araw, sinabi sa kanya ng kanyang kapatid na babae, “Ano ang mas mahalaga sa iyo—ang simbahan mo o ang pamilya natin?”

Matapos talakayin ang sitwasyon sa mga estudyante, ipabasa sa kanila ang Mateo 22:34–40, na inaalam ang mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas na maaaring makatulong kay Maria. Maaari mong itanong ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod:

  • Ano ang mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas? Bakit mahalaga ang mga ito? (Maaaring magsabi ang mga estudyante ng isang bagay na tulad ng sumusunod: Ang una at dakilang utos ay mahalin ang Diyos at ang pangalawa ay mahalin ang ating kapwa.) Paano maiaangkop ang mga katotohanang ito sa sitwasyon ni Maria?

  • Sa palagay ninyo, bakit sa lahat ng utos sa mga banal na kasulatan, tinawag ng Tagapagligtas na pinakadakila ang dalawang ito?

  • Ano ang maaaring mangyari kung uunahin natin ang pangalawang utos kaysa sa unang utos?

Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at ibigay sa kanila ang handout na “Pagmamahal sa Diyos at sa Kapwa.” Ituro na ang talakayang ito ay maaaring magbanggit ng ilang sensitibong paksa. Kung kinakailangan, maaari mong rebyuhin ang kasanayang “Sharing Gospel Truths with Love and Sensitivity” sa Scripture Study Skills.

Handout na Pagmamahal sa Diyos at sa Kapwa

Isiping bigyan ng oras ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa kanilang mga talakayan sa grupo at magtanong ng karagdagang mga tanong. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para mas mahalin ang Diyos at ang kanilang kapwa.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Mateo 23:2–3, 5, 23–30, 34

Paano ko maiiwasang maging mapagkunwari?

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na karanasan:

Sinisikap ni Damon na madaig ang kanyang pagkalulong sa pornograpiya. Matapos mabigo nang ilang beses, pinanghinaan siya ng loob at sinabi sa kanyang priesthood leader, “Dapat po siguro hindi na lang ako magsimba. Pagod na akong magkunwari.” (tingnan sa Bradley R. Wilcox, “Ang Pagiging Karapat-dapat ay Hindi Pagiging Walang Kamalian,” Liahona, Nob. 2021, 62)

  • Ano ang masasabi ninyo sa pag-assess ni Damon sa kanyang sarili?

Ipaliwanag na sa Mateo 23, mariing nangusap si Jesucristo tungkol sa espirituwal na mga bunga ng pagkukunwari (tingnan sa “Matthew 23:13–33 [Mateo 23:13–33]. What is a hypocrite? [Ano ang pagiging mapagkunwari?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan). Sabihin sa mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo, at bigyan sila ng handout na “Nagbabala ang Tagapagligtas tungkol sa Pagkukunwari” upang mapalalim nila ang kanilang pag-unawa sa itinuro ng Tagapagligtas.

Handout na Nagbabala ang Tagapagligtas tungkol sa Pagkukunwari

Maaari mong anyayahan ang bawat grupo na isulat sa pisara ang kahit isang katotohanan o kaalaman na natuklasan nila. Maaaring kabilang sa ilang katotohanan o kaalaman ang sumusunod: Ang pagkukunwari ay hindi paggawa ng itinuturo natin. Ang pagkukunwari ay paggamit ng mga simbolo ng relihiyon upang magmukhang mas mabuti kaysa sa iba. Ang pagkukunwari ay pagtuon sa mga bagay na hindi gaanong mahalaga upang maiwasan ang paggawa ng mas mahahalagang bagay. Ang pagkukunwari ay pagpapanggap na mas mabuti tayo kaysa sa tunay nating pagkatao. Ang pagkukunwari ay hindi pagpansin sa tunay na kalagayan ng ating kaluluwa.

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan kung aling katotohanan ang pinakanauugnay sa kanilang buhay at pag-isipan kung paano nila ito magagawa. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano makatutulong sa kanila ang halimbawa ng Tagapagligtas para maiwasan ang pagkukunwari.

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang sitwasyon mula sa simula ng aktibidad at talakayin kung tama si Damon sa kanyang pag-assess sa sarili. Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Brother Bradley R. Wilcox:

Brother Bradley R. Wilcox

Hindi ka mapagkunwari dahil sa may masama kang gawi na pinagsisikapan mong itigil. Mapagkunwari ka kung itinatago mo ito, kung nagsisinungaling ka tungkol dito o sinusubukan mong paniwalain ang sarili mo na ang Simbahan ang mali sa pagpapanatili ng mataas na mga pamantayan. Ang pagiging matapat tungkol sa iyong mga ginagawa at ang paggawa ng paraan upang sumulong ay hindi pagiging mapagkunwari. Ito ay pagiging isang disipulo. (Ang Pagiging Karapat-dapat ay Hindi Pagiging Walang Kamalian,” Liahona, Nob. 2021, 62)

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Lucas 19:1–10

Kilala ba ako ng Tagapagligtas?

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Lumikha ng isang ligtas na kapaligiran para sa lahat. May mga pagkakataong nadarama ng karamihan sa atin na tayo ay hinuhusgahan, hindi minamahal, o hindi kailangan. Kapag ganito ang pakiramdam natin, maaaring mahirapan tayong dumalo sa institute. Isipin kung ano ang magagawa ninyo para matulungan ang mga tao na nakadarama ng ganito na makadama na sila ay tinatanggap, kabilang, ligtas, at minamahal. Ipakita sa salita at kilos ang ibig sabihin ng pagpapakita ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo para sa lahat ng anak ng Diyos.

Maaari kang magsimula sa pagpapakita ng sumusunod na pahayag ni Sister Carol F. McConkie, dating Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency. Talakayin nang maikli kung ikaw o ang isang kakilala mo ay nadama na hinusgahan o hindi tanggap sa simbahan, paaralan, trabaho, o sa komunidad:

Sister Carol F. McConkie

May kilala akong mga tao na nagsisimba tuwing araw ng Linggo upang sila ay mabigyang-inspirasyon at mapalakas ngunit umaalis din sila kaagad dahil nadarama nila na sila ay hinuhusgahan, hindi minamahal, hindi kinakailangan. (“Lifting Others” [video], Gospel Library)

Ituro na sa Bagong Tipan, hinahamak ang mga maniningil ng buwis na tulad ni Zaqueo. (Para malaman pa ang tungkol sa mga maniningil ng buwis, maaari mong iparebyu sa mga estudyante ang “Luke 5:27–30 [Lucas 5:27–30]. Why were publicans despised by the Jews? [Bakit hinahamak ng mga Judio ang mga maniningil ng buwis?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)

Ipabasa sa mga estudyante ang Lucas 19:1–10, na inaalam kung paano pinakitunguhan ni Jesus si Zaqueo. Para mapalalim ang pag-unawa ng mga estudyante, isiping itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga salita at kilos ng Tagapagligtas tungkol sa kung paano pakikitunguhan ang mga taong nakadarama na sila ay hinahamak, hindi minamahal, o hinuhusgahan?

  • Kailan ninyo nakita na may isang taong tinatrato ang iba nang may pagmamahal na tulad ng kay Cristo? Ano ang naramdaman ninyo sa nakita ninyo?

  • Ano ang matututuhan natin kay Zaqueo tungkol sa dapat gawin kapag hindi natin nadarama na minamahal o tinatanggap tayo ng iba? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na, anuman ang kalagayan natin sa lipunan, kung hahanapin natin ang Tagapagligtas, malalaman natin na kilala Niya tayo.)

Maaari ninyong basahin at talakayin ang sumusunod na pahayag mula kay Sister Sharon Eubank, dating Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency:

Sister Sharon Eubank

Sa iba-ibang kadahilanan, [maaaring] hindi natin madama na tanggap o katanggap-tanggap tayo. Makikita sa Bagong Tipan ang malaking pagsisikap na ginawa ni Jesus upang tulungan ang lahat ng uri ng tao. … Sa halos lahat ng kuwento, tinutulungan Niya ang isang taong hindi tanggap ng lipunan. …

… Ganito rin ang paanyaya ni Jesus sa atin tulad ng paanyaya Niya kay Zaqueo: “Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung [kayo] ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa [inyo], at hahapong kasalo [ninyo], at [kayo’y] kasalo ko” [Apocalipsis 3:20]. Nakikita tayo ni Cristo sa ating puno. (“Si Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman,” Liahona, Mayo 2019, 74)

Isiping bigyan ng oras ang mga estudyante na mag-isip ng isang taong kilala nila na maaaring nakadarama na hindi siya tinatanggap. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang magagawa nila para matulungan ang taong ito na maunawaan na nakikita at kilala siya ng Tagapagligtas. O kung nadarama ng mga estudyante na hindi sila tinatanggap ng iba, maaari nilang isipin kung ano ang magagawa nila para malaman na nakikita at kilala sila ng Tagapagligtas.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”