“Mateo 5; Lucas 6,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
Mateo 5; Lucas 6
Kabilang sa Sermon sa Bundok ang ilan sa pinakamalalalim na turo ng Tagapagligtas. Ang mga nakarinig sa sermon ay “namangha sa kanyang aral” (Mateo 7:28). Sa Mateo 5 at Lucas 6:17–49, itinuro ng Tagapagligtas ang Beatitudes at ang mas mataas na batas ng ebanghelyo. Napakahalaga ng mga turong ito kaya inulit ito ng Tagapagligtas sa mga Nephita at mga Lamanita nang magpakita Siya sa kanila pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa 3 Nephi 12–15).
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Mateo 5; Lucas 6”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Masayahin ka ba? Basahin ang Mateo 5:1–12, at isipin kung ano ang maituturo sa iyo ng Panginoon tungkol sa kaligayahan.
-
Basahin ang Mateo 5:13–16, at pagkatapos ay panoorin ang “Let Your Light So Shine” (0:42). Pag-isipan ang impluwensya mo sa iba.
0:43 -
Naisip mo na ba kung ano ang maaari mong gawin para maging higit na katulad ng Tagapagligtas? Pag-aralan ang Mateo 5:17–48, at pagnilayan kung paano ipinakita ni Jesus ang mas mataas na batas ng ebanghelyo.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mateo 5; Lucas 6.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang Mateo 5:13–16 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Pag-unawa sa Simbolismo sa mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Mateo 5:1–12
Paano ako makahahanap ng higit na kaligayahan?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon:
Matapos ituro kay Jaron ang tungkol sa mga kautusan, inanyayahan siya ng mga missionary na magpabinyag. Pagkaraan ng mahabang sandali, sinabi niya, “Sa palagay ko, hindi iyan para sa akin. Pakiramdam ko ay kakailanganin kong tanggalin ang mga bagay na nagpapasaya sa akin.”
-
Paano ninyo masusuri ang pagkaunawa ni Jaron tungkol sa kaligayahan?
Ipaliwanag na unang ibinahagi ng Tagapagligtas sa Sermon sa Bundok ang siyam na turo o aral na kilala bilang Beatitudes. Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Mateo 5:3–12 at hanapin ang salitang ginamit sa simula ng bawat beatitude. Ipaliwanag na ang salitang beatitude ay nagmula sa salitang Latin na beatus, na ibig sabihin ay mapalad o masaya (tingnan sa “Mateo 5:3–12. Ano ang Beatitudes?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan para sa karagdagang impormasyon).
Maaari mong ipakita ang sumusunod na katotohanan: Ang pagsisikap na matamo ang mga katangiang itinuro sa Beatitudes ay tumutulong sa atin na lumapit kay Cristo at makaranas ng higit na kaligayahan.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang Mateo 5:3–12 at pumili ng isang beatitude na gusto nilang pag-aralan nang mas malalim. Bigyan sila ng kalakip na handout para matulungan sila na matuto pa. (Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang handout na ito, gagamitin nila ang mga kasanayang “Paghahanap ng Kahulugan ng mga Salita at Parirala” at “Paggamit ng mga Turo ng mga Lider ng Simbahan upang Maunawaan ang mga Banal na Kasulatan” mula sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan).
Maaaring ibahagi ng mga estudyante sa maliliit na grupo o sa klase ang natutuhan nila tungkol sa beatitude na napag-aralan nila. Hikayatin ang mga estudyante na magbahagi ng mga personal na karanasan kung paano nakatulong sa kanila ang pagpapamuhay ng mga katotohanang itinuro sa Beatitudes na lumapit kay Cristo at makaranas ng higit na kaligayahan.
Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan at isulat kung paano nila mas sadyang hahangarin na matamo ang katangian sa beatitude na pinag-aralan nila.
Mateo 5:13–16
Anong impluwensya ang inaasahan ni Jesucristo na maibibigay ko sa mundo?
Maaari mong idispley ang mga sumusunod na larawan ng asin at ilaw:
A Gift of Light [Isang Kaloob na Liwanag], ni Eva Timothy
Sabihin sa ilang estudyante na isipin kung ano ang itinuturo ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng simbolo ng asin sa Mateo 5:13. Sabihin sa iba na isipin kung ano ang itinuturo Niya sa pamamagitan ng simbolo ng liwanag sa Mateo 5:14–16. Maaari mong ipakita at rebyuhin ang mga sumusunod na tanong na makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang simbolismo (tingnan sa “Pag-unawa sa Simbolismo sa mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan para sa karagdagang tulong).
-
Ano ang paghahambing na ginagawa sa talata o sa passage na pinag-aaralan mo?
-
Anong mga clue ang makikita mo tungkol sa kahulugan ng simbolo sa teksto ng mga banal na kasulatan, mga footnote, at Gabay sa mga Banal na Kasulatan? (Maaari ding basahin ng mga estudyante na pinag-aaralan ang talata tungkol sa asin ang “Mateo 5:13. Ano ang ibig sabihin ng maging ‘asin ng lupa’?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
-
Ano ang itinuturo ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng simbolong ito?
Matapos bigyan ng oras ang pag-aaral, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod:
-
Sa paanong mga paraan maipapakita ng mga disipulo ni Jesucristo ang mga katangian ng magandang uri ng asin? Paano natin “mapapatabang” o maiwawala ang ating positibong impluwensya?
-
Ano ang ibig sabihin ng paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang ating mabuting halimbawa bilang mga disipulo ni Jesucristo ay makahihikayat sa iba na luwalhatiin ang Ama sa Langit.) Maaari ninyong basahin ang turo ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 18:24–25 at talakayin kung paano maiimpluwensyahan ng mga salitang ito ang ating pag-unawa sa Mateo 5:14–16.
-
Isipin ang isang tao na mailalarawan ninyo bilang “asin ng lupa” o “ilaw ng sanlibutan.” Paano nakaimpluwensya sa inyo o sa iba ang mabuting halimbawa ng taong ito sa kabutihan? (Maaaring makatulong na panoorin at talakayin ang “Shine Your Light So Others Can See” [3:19].)
3:20
Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung paano sila magiging mabuting impluwensya sa iba, pati na sa social media. Upang matulungan ang mga estudyante na mapag-isipan ang impluwensya sa kabutihan na mayroon sila o kaya nila, maaari mong ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Susan H. Porter:
Gaano karaming ilaw ang kailangan para matagos ang dilim sa isang silid? Isang munting sinag. At ang sinag ng liwanag sa isang madilim na lugar ay maaaring magmula sa kapangyarihan ng Diyos na nasa inyo.
Bagama’t maaari ninyong madama na nag-iisa kayo habang nagngangalit ang mga unos ng buhay, maaari kayong magliwanag sa dilim ng di-pagkakaunawaan, pagkalito, at kawalan ng paniniwala. Ang inyong liwanag ng pananampalataya kay Cristo ay maaaring maging matatag at tiyak, na umaakay sa mga nasa paligid ninyo tungo sa kaligtasan at kapayapaan.
… Maaaring mabago ang mga puso at mapagpala ang mga buhay kapag nag-alok tayo ng isang kurot ng asin … at isang sinag ng liwanag. (“Mga Aral sa May Balon,” Liahona, Mayo 2022, 61)
Hikayatin ang mga estudyante na tukuyin ang isang bagay na magagawa o dapat nilang patuloy na gawin upang maisakatuparan ang inaasahan ng Tagapagligtas sa atin na maging katulad tayo ng asin at ilaw para sa sanlibutan.
Mateo 5:17–48; Lucas 6:27–38
Paano mababago ng pagpapamuhay ng mas mataas na batas ng Panginoon ang aking buhay?
Ipakita at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks:
Kabaligtaran ng mga institusyon sa daigdig, na nagtuturo sa atin na magkaroon ng kaalaman, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naghihikayat sa atin na magkaroon ng kahihinatnan. (“The Challenge to Become,” Ensign, Nob. 2000, 32)
Ipaliwanag na sa Mateo 5, nagbigay si Jesucristo ng mas mataas na batas na nakahihigit sa batas ni Moises. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Mateo 5:17–20, 48 para malaman kung paano mababago ng pamumuhay natin sa mas mataas na batas ang ating buhay. (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kapag nagsisikap tayong ipamuhay ang mas mataas na batas, tayo ay nagiging higit na katulad ng Ama sa Langit.)
Maaari mong gamitin ang kalakip na handout para tulungan ang mga estudyante na pag-aralan at turuan ang isa’t isa tungkol sa mas mataas na batas ng Tagapagligtas. Maaari mong hatiin ang klase mo sa limang grupo, isa para sa bawat paksa, at anyayahan ang bawat grupo na maghanda at magturo sa klase. Bilang alternatibo, maaari mong bigyan ang bawat estudyante ng isa sa limang paksa at anyayahan sila na bumuo ng isang grupo kasama ang mga taong nag-aral ng iba pang mga paksa. Pagkatapos ay maaari na silang maghanda na ituro ang kanilang paksa sa iba sa grupo.
Sa halip na sabihin sa mga estudyante na magreport sa talakayan sa kanilang grupo (o matapos silang magreport), maaari mo silang anyayahang pumili ng isa sa mga alituntuning itinuro ng Tagapagligtas at pag-isipan kung ano ang magagawa nila para mas maipamuhay ang alituntuning ito.