“2 Corinto 1–7,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
2 Corinto 1–7
Nagsulat si Apostol Pablo tungkol sa awa at kaaliwan o kapanatagan ng Diyos. Pinayuhan niya ang mga Banal sa Corinto na mahalin at patawarin ang isa’t isa. Itinuro Niya sa kanila kung paano makipagkasundo sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at maging mga bagong nilalang. Natuwa si Pablo nang matanggap niya ang balitang tinanggap ng mga Banal sa Corinto ang kanyang payo sa isang liham noon at nagsisi.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “2 Corinto 1–7”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Ikaw ba o ang mahal mo sa buhay ay kasalukuyang dumadaan sa pagsubok? Isipin kung paano makatutulong ang mga turo ni Pablo sa 2 Corinto 1.
-
Nakaramdam ka na ba ng pagnanais na magbago? Sa pag-aaral mo ng 2 Corinto 5:14–21, alamin ang itinuro ni Pablo na makatutulong sa iyo na maging isang tao na nagbago. Sa halip na magbasa, maaari mong panoorin ang video na “Reconciled to God” (1:59).
1:60 -
Basahin ang 2 Corinto 7:9–10 para malaman ang sasabihin ni Pablo tungkol sa kalungkutang naaayon sa Diyos at kalumbayang ayon sa sanglibutan. Maaaring mo ring basahin ang bahaging may pamagat na “Kalumbayang Mula sa Diyos” mula sa mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Magagawa na Ninyo Iyan Ngayon!” (Liahona, Nob. 2013).
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng 2 Corinto 1–7.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang 2 Corinto 7:8–10 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Looking for Contrasts in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
2 Corinto 1:3–9; 11:23–28
Paano ako matutulungan ng Diyos habang dumaranas ako ng mga pagsubok at problema?
Sabihin sa mga estudyante na isulat ang ilang pagsubok na naranasan nila o kinakaharap nila ngayon. Pagkatapos ay anyayahan silang pag-isipan ang sumusunod na tanong:
-
Ano ang karaniwang pagtugon ninyo sa mga pagsubok at problemang kinakaharap ninyo?
Ipaliwanag na sa kanyang ministeryo, naharap si Pablo sa maraming pagsubok. Maaaring basahin ng mga estudyante ang 2 Corinto 11:23–28 at hanapin ang mga pagsubok na dinanas ni Pablo. Matapos mabasa ng mga estudyante ang listahang ito ng mga pagsubok ni Pablo, anyayahan silang pag-aralan ang 2 Corinto 1:3–7, na inaalam ang payo ni Pablo kung paano haharapin ang mga pagsubok at problema. (Kung kinakailangan, ipaliwanag na isang maliit na grupo ng mga miyembro ng Simbahan sa Corinto ang sumalungat kay Pablo at ayaw nilang maimpluwensyahan sila nang labis ni Pablo. Sa mga talatang ito, binati ni Pablo ang mga Banal sa Corinto at sinabi sa kanila ang kapanatagan at kaaliwan na ibinigay ng Diyos sa kanya at sa kanyang mga kasama sa misyon.)
Maaari ninyong talakayin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa katangian ng Diyos? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang Ama sa Langit ay Diyos ng kaawaan, na pumapanatag sa atin sa ating mga pagsubok at problema.)
-
Ano ang mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan tungkol sa Ama sa Langit o ni Jesucristo na pinapanatag ang mga tao sa kanilang mga pagsubok at problema? Ano naman ang mga halimbawa mula sa sarili ninyong buhay?
Para mas madama at malaman ng mga estudyante na ang Ama sa Langit ay Diyos ng kaawaan at kapanatagan, isiping panoorin ang “Damhin ang Pag-ibig at Kabutihan ng Panginoon sa Panahon ng mga Pagsubok” (4:18).
-
Ayon sa 2 Corinto 1:3–4, ano ang resulta ng makatanggap ng awa at kapanatagan ng Ama sa Langit?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder John C. Pingree Jr.:
Ang ating mga pagsubok ay tumutulong sa atin na matuklasan at ihanda ang gawain ng Ama sa Langit para sa atin. Ipinaliwanag ni Alma, “Matapos ang labis na pagdurusa, …ginawa akong kasangkapan [ng Panginoon] sa kanyang mga kamay” (Mosias 23:10). Tulad ng Tagapagligtas, na natutulungan tayo dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo (tingnan sa Alma 7:11–12), magagamit natin ang natutuhan mula sa mahihirap na karanasan natin upang bigyang-inspirasyon, palakasin, at pagpalain ang iba. (“Ako ay May Gawain Para sa Iyo,” Liahona, Nob. 2017, 34)
Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa kung paano nila napanatag o napalakas ang ibang tao dahil sa impluwensya ng Tagapagligtas. O kaya naman ay ibahagi nila kung paano sila napanatag o napalakas ng ibang tao.
Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang mga pagsubok na isinulat nila sa simula ng aktibidad na ito. Bigyan ng oras ang mga estudyante na magnilay at isulat ang kanilang mga naisip sa mga sumusunod na tanong:
-
Sa anong mga paraan kayo maaaring bigyan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ng kapanatagan at awa sa inyong sitwasyon?
-
Paano kayo maaaring ihanda ng mga pagsubok at problema para panatagin, pasiglahin, palakasin, at pagpalain ang iba?
Sa pagtatapos, maaari ninyong pakinggan o kantahin nang sabay-sabay ang “Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?” (Mga Himno, blg. 74). Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa o makinig sa mga salita o parirala na makabuluhan sa kanila at makatutulong sa kanilang kalagayan.
2 Corinto 5:11–21
Pwede ba talaga akong magbago?
Isiping ipakita ang sumusunod na larawan ng isang caterpillar na nagiging isang paruparo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang ikinamangha nila sa pagbabagong ito. Pagkatapos ay isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag at ipatala sa bawat estudyante kung paano nila ito kukumpletuhin. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang isinulat.
Tulad ng isang caterpillar na maaaring maging isang paruparo, ang mga tao ay maaaring maging …
Ipaliwanag na sa 2 Corinto 5:11–21, itinuro ni Pablo na maaari tayong maging mga bagong nilalang. Sabihin sa mga estudyante na saliksikin ang 2 Corinto 5:14–21, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa pagbabagong ito.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maging bagong nilalang?
-
Maaaring makatulong na bumuo ng maliliit na grupo ang mga estudyante at pumunta sa Topical Guide at basahin ang ilang talata sa ilalim ng heading na “Man, New, Spiritually Reborn.” Sabihin sa kanila na maghanap ng mga salita at parirala na nagpapaliwanag sa ibig sabihin ng maging isang bagong nilalang. Anyayahan sila na ibahagi ang kanilang mga nalaman. Batay sa kanilang natutuhan, maaaring baguhin ng mga estudyante ang pahayag na isinulat nila sa simula ng aktibidad na ito.
-
Ano ang naging bahagi ni Jesucristo sa iyong pagiging bagong nilalang? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Sa pamamagitan ni Jesucristo maaari tayong makipagkasundo sa Ama sa Langit at maging mga bagong nilalang.)
-
Ano ang ibig sabihin ng “ministeryo ng pakikipagkasundo ni Jesucristo”? (Maaaring basahin ng mga estudyante ang “2 Corinto 5:18–21. Ano ang ibig sabihin ng makipagkasundo sa Diyos?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
-
Ano ang mga nadarama ninyo para kay Jesucristo, batid na sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala ay maaari kayong makipagkasundo sa Ama sa Langit at maging isang bagong nilalang?
Para matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang mga katotohanang natututuhan nila, maaari mong ipakita ang sumusunod na sitwasyon:
Pinanghihinaan ng loob si Kofi dahil sa pagkakaroon niya ng masasamang bisyo. Gusto niyang paglabanan ito pero minsan parang imposibleng gawin ito. Matapos makagawa ng pagkakamali kamakailan, pinanghinaan siya ng loob at iniisip na wala nang pag-asa ang sitwasyon niya.
-
Batay sa ating talakayan, anong mga katotohanan ang maaaring magdulot ng pag-asa kay Kofi?
Isiping ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Kevin S. Hamilton:
Isa sa mga pinakamalaking kasinungalingan ni Satanas ang pagsasabing hindi na maaaring magbago ang kalalakihan at kababaihan. …
Ang ating pinakamalaking mga kahinaan ay maaaring maging pinakamalaking kalakasan natin. Maaari tayong magbago at “[maging] mga bagong nilikha” [Mosias 27:24–26; tingnan din sa 2 Corinto 5:17]. …
Isinagawa ng Tagapagligtas ang Kanyang walang katapusan at walang hanggang Pagbabayad-sala upang tayo ay talagang magbago, magsisi, at maging mas mabuti. Tayo ay talagang maaaring isilang na muli. Madaraig natin ang mga nakagawian, adiksyon, at maging ang “hangarin pang gumawa ng masama” [Mosias 5:2]. Bilang mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit, nasa atin ang kakayahang magbago. (“Sa Gayon ay Gagawin Ko ang Mahihinang Bagay na Maging Malalakas,” Liahona, Mayo 2022, 52)
-
Ano sa pahayag na ito ang maaaring makatulong kay Kofi? Paano kayo nito matutulungan? (Maaaring itala ng mga estudyante ang kanilang mga naisip.)
-
Ano ang ilang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan o sa sarili ninyong buhay na nagpapakita na ang mga tao ay talagang maaaring magbago at maging mga bagong nilalang sa tulong ng Tagapagligtas? (Kung makatutulong, maaari ninyong panoorin ang “Kanyang Biyaya: Ang Pagbabago ay Posible sa Pamamagitan ni Cristo” [3:29].)
3:29
Hikayatin ang mga estudyante na itala ang mga espirituwal na impresyon nila tungkol sa magagawa nila para makaranas ng pagbabago sa pamamagitan ni Jesucristo.
2 Corinto 7:8–10
Paano ako mas mapapalapit kay Jesucristo ng kalungkutang naaayon sa Diyos?
Maaari kang magsimula sa pagbabahagi ng sumusunod na sitwasyon:
Nahuli si John na nagnanakaw ng pera sa kanyang amo. Agad siyang tinanggal sa trabaho. Pinagsisisihan niya ang kanyang ginawa dahil naging dahilan ito ng pagkawala ng kanyang trabaho, pagkasira ng kanyang reputasyon, at kahihiyan sa kanyang pamilya. Nag-aalala siya kung ano ang iisipin ng pamilya at mga miyembro ng ward tungkol sa kanya kapag nalaman nila ang ginawa niya.
-
Ano ang tila pangunahing inaalala ni John? Ano kaya ang kulang?
Ipaliwanag na sa 2 Corinto 7, itinuro ni Pablo ang mahahalagang katotohanan tungkol sa kalungkutang naaayon sa Diyos at makasanlibutang kalungkutan. Ipabasa sa mga estudyante ang 2 Corinto 7:8–10, na inaalam kung bakit mahalagang hangarin ang kalungkutang naaayon sa Diyos sa ating buhay. (Paalala: Maaaring mahalaga para sa mga gumagamit ng King James Version na malaman na ang salitang isinalin bilang “ipinagdaramdam” sa talata 8 ay nangangahulugang “pinagsisisihan.” Gayundin, ang “hindi [dapat] ipinagdaramdam” ay nangangahulugang “hindi pinagsisisihan.”)
-
Ano ang natututuhan natin kay Pablo tungkol sa kalungkutang naaayon sa Diyos at makasanlibutang kalungkutan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga sumusunod na katotohanan: Ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay humahantong sa taos-pusong pagsisisi at buhay na walang panghihinayang. Ang makasanlibutang kalungkutan ay humahantong sa espirituwal na kamatayan o pagkahiwalay sa Diyos.)
-
Paano ninyo mas maipapaliwanag ang pagkakaiba ng kalungkutang naaayon sa Diyos at makasanlibutang kalungkutan? (Maaaring basahin ng mga estudyante ang “2 Corinto 7:8–11. Ano ang kalungkutang naaayon sa Diyos?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
Ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na miyembro noon ng Unang Panguluhan. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang itinuturo niya tungkol sa kalumbayang mula sa Diyos o kalungkutang naaayon sa Diyos.
Ang kalumbayang mula sa Diyos ay humahantong sa pagbabalik-loob at pagbabago ng puso. Nagiging dahilan ito para kamuhian natin ang kasalanan at mahalin ang kabutihan. Hinihikayat tayo nitong bumangon at lumakad sa liwanag ng pagmamahal ni Cristo. Ang tunay na pagsisisi ay tungkol sa pagbabago, hindi paghihirap o pagdurusa. Oo, ang taos-pusong pagdadalamhati at taos na pagsisisi dahil sa pagsuway ay kadalasang masakit at napakahalagang mga hakbang sa sagradong proseso ng pagsisisi. Ngunit kapag ang pagkabagabag ay humantong sa pagkasuklam sa sarili o pinigilan tayong bumangong muli, humahadlang ito sa halip na maghikayat sa atin na magsisi …
… May mas mabuting paraan. … May kampeon tayo, isang Tagapagligtas,na lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan alang-alang sa atin. Ibinigay Niya ang Kanyang sarili para tubusin tayo sa ating mga kasalanan. Walang may lalong dakilang pag-ibig kaysa rito … . Inako Niya ang ating pagdurusa. Pinasan Niya ang ating mga pasanin, ang ating kasalanan sa Kanyang mga balikat. (“Magagawa Na Ninyo Iyan Ngayon!,” Liahona, Nob. 2013, 56)
-
Paano ninyo ilalarawan ang “mas mabuting paraan” na itinuro ni Pangulong Uchtdorf?
-
Paanong ang pagtutuon sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala ay maghahantong sa atin sa kalungkutang naaayon sa Diyos, taos-pusong pagsisisi, at tunay na pagbabago?
Maaari mong ipasulat muli sa mga estudyante ang sitwasyon tungkol kay John sa paraang nagpapakita na nakakaranas siya ng kalungkutang naaayon sa Diyos dahil sa kanyang mga ginawa. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang ginawa nilang rebisyon.
Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung ano ang magagawa nila para maging mas madaling makadama ng kalungkutang naaayon sa Diyos sa kanilang buhay.