Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Juan 14–17


“Juan 14–17,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)

si Jesus na nagdarasal

Not My Will, But Thine [Huwag ang Kalooban Ko, Kundi ang sa Iyo], ni Dan Wilson

Juan 14–17

Sa huling gabi ng Kanyang ministeryo sa lupa, itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol ang mahahalagang katotohanan tungkol sa pagmamahal, pagsunod, at Espiritu Santo. Ang mga katotohanang ito ang maghahanda sa kanila para sa kanilang mga tungkulin bilang mga mamumuno sa Kanyang kaharian. Bago pumasok sa Halamanan ng Getsemani, nag-alay ang Tagapagligtas ng Panalangin ng Pamamagitan.

Karagdagang Resources

Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan], “John 14–17 [Juan 14–17]

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Naniniwala ang ilang tao na ang katotohanan ay depende sa pagkaunawa nila—na bawat isa sa atin ay maaaring magpasiya para sa ating sarili kung ano ang totoo. Basahin ang Juan 14:1–6, na inaalam ang pananaw ng Tagapagligtas tungkol sa katotohanan.

  • Gaano kadalas mo sinisikap na gawin ang mga bagay-bagay nang mag-isa? Basahin ang Juan 15:1–8, at pagnilayan kung bakit palagi mong kailangan ang Tagapagligtas.

  • Kailangan mo ba ng tulong para makayanan ang buhay sa araw-araw? Basahin ang Juan 14:16, 26–27; 15:26–27; 16:13–14, at pagnilayan kung paano ka matutulungan ng Espiritu Santo.

  • Habang binabasa mo ang Juan 17, pag-isipan kung ano ang maaaring maging pakiramdam na marinig ang Tagapagligtas na nananalangin para sa iyo.

icon ng talakayan
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Juan 14–17.

icon ng pagsasanay sa kasanayan
Pagsasanay sa Kasanayan

Ang Juan 14:6 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Using Teachings of Church Leaders to Understand the Scriptures” sa Scripture Study Skills.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Juan 13:36–37; 14:1–6

Ano ang ibig sabihin na si Jesucristo ang “ang daan, ang katotohanan, at ang buhay”?

Isiping talakayin ang sumusunod na sitwasyon:

Matapos mong anyayahan ang isang kaibigan na malaman pa ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, sumagot siya: “Nirerespeto ko ang mga paniniwala mo kay Jesus, pero sa palagay ko hindi Siya mahalaga sa buhay ko. Isa lamang si Jesus sa maraming dakilang guro ng moralidad. Kung susundin ko man Siya o ang iba ay hindi talaga mahalaga. Ang mahalaga ay natagpuan ko ang aking katotohanan at ipinamumuhay ko ito sa gusto kong paraan.”

Ipabasa sa mga estudyante ang Juan 14:1–6, na hinahanap ang katotohanang maibabahagi nila sa kaibigan sa sitwasyon. Isiping basahin ang Juan 13:36–37 at ipaliwanag na ang Juan 14:1–6 ay tugon sa pag-aalala ni Pedro na hindi siya makakasama ng Panginoon. Isiping itanong:

  • Ano ang itinuturo ni Jesucristo tungkol sa katotohanan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang alituntunin na tulad ng sumusunod: Si Jesucristo ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.)

  • Bakit mahalagang malaman na si Jesucristo ang “daan, ang katotohanan, at ang buhay” at hindi lamang isang daan, isang katotohanan, o isang buhay? (Isiping basahin at talakayin ang Mga Gawa 4:12; Mosias 3:17.)

  • Paano naaapektuhan ng pagkaalam na si Jesus “ang daan, ang katotohanan, at ang buhay” ang inyong pananampalataya sa Kanya? Paano makakaimpluwensya ang paniniwalang ito sa inyong mga desisyon at kilos?

Ipabasa sa mga estudyante ang Juan 14:6–13 at alamin kung paano ipinakita sa atin ni Jesucristo ang daan patungo sa Ama sa Langit.

  • Paano nakatulong sa inyo ang mga turo, halimbawa, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo na mapalapit sa Ama sa Langit?

Para mapalalim ang pang-unawa ng mga estudyante sa Juan 14:6, anyayahan silang gamitin ang search function sa Gospel Library para hanapin ang mga turo ng mga lider ng Simbahan tungkol sa talatang ito (tingnan ang kasanayang “Using Teachings of Church Leaders to Understand the Scriptures” sa Scripture Study Skills). Hikayatin ang mga estudyante na i-highlight at i-tag ang mga sipi na nakita nila na lubos na makabuluhan (tingnan ang kasanayang“Tagging Scriptures and Other Gospel Teachings” sa Scripture Study Skills).

Bigyan ng oras ang mga estudyante na ibahagi ang mga turo ng mga lider ng Simbahan na nakikita nilang pinakanauugnay at makabuluhan. Sa pagbabahagi ng mga estudyante, maaari kang magbigay ng mga tanong na nag-aanyaya ng pagsasabuhay, tulad ng:

  • Paano ninyo maipamumuhay ang turong ito?

  • Kailan kayo napagpala sa pagsunod sa alituntuning ito?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang sitwasyon mula sa simula ng aktibidad sa pag-aaral. Maaari nilang talakayin kung paano sila tutugon batay sa natutuhan nila ngayon.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Juan 15:1–8

Ano ang ibig sabihin ng manatili sa Tagapagligtas?

Isiping magpakita ng isang sanga na naputol mula sa puno, palumpong, o maliit na halaman. Talakayin kung ano ang mangyayari sa sanga sa kalaunan. Ipabasa sa mga estudyante ang Juan 15:1–8 at ipahanap ang itinuro ng Tagapagligtas gamit ang analohiya ng isang sanga na nakahiwalay sa puno ng ubas.

  • Ano ang itinuturo sa atin ng titulong “tunay na puno ng ubas” tungkol kay Jesucristo? Ano kaya ang kinakatawan ng mga bunga?

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng analohiyang ito tungkol sa inyong kaugnayan sa Tagapagligtas? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntunin na tulad ng sumusunod: Kapag nanatili ako kay Jesucristo, magbubunga ako ng “maraming bunga.”)

  • Anong mga bunga, o pagpapala, ang dumating sa buhay ninyo nang umasa kayo sa Tagapagligtas?

Isiping talakayin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Jeffrey R. Holland (o maaari mong piliing panoorin ang “True Vine” [2:37]):

Pangulong Jeffrey R. Holland

[Ang ibig sabihin] ng pandiwang Ingles na “abide,” … ay “manatili, mamalagi.” …

Sinabi ni Jesus, “Sapagkat kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa” [Juan 15:5]. … [Si Cristo] ang lahat-lahat sa atin at dapat tayong “manatili” sa Kanya nang palagian, matatag, matibay, magpakailanman. Para sumibol at pagpalain ng bunga ng ebanghelyo ang ating buhay, dapat tayong matatag na mabigkis sa Kanya, na Tagapagligtas nating lahat, at dito sa Kanyang Simbahan, na nagtataglay ng Kanyang banal na pangalan. Siya ang punong tunay na pinagmumulan ng ating lakas at tanging pinanggagalingan ng buhay na walang hanggan. Sa Kanya hindi lang tayo makakatiis kundi mananaig tayo at magtatagumpay sa banal na layuning ito na hindi bibigo sa atin. (“Manatili sa Akin,” Liahona, Mayo 2004, 32)

Ipakita ang mga sumusunod na hindi kumpletong pahayag, at sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pinaka-interesado sila. O maaaring gumawa ang mga estudyante ng sarili nila.

  • Kapag nahaharap sa malubhang problema sa kalusugan, maaari akong manatili sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng …

  • Kapag may mga tanong ako tungkol sa ebanghelyo o sa Simbahan, maaari akong manatili sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng …

  • Kapag may nanakit sa akin o hindi makatarungan ang pagtrato sa akin, maaari akong manatili sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng …

  • Kapag may pumanaw na isang mahal sa buhay, maaari akong manatili sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng …

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi at ipaliwanag ang kanilang nakumpletong pahayag. Hikayatin sila na patuloy na maghanap ng mga paraan na mas lubos silang mananatili kay Cristo sa kanilang buhay sa araw-araw.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Juan 14:15–24; 15:9–14

Paano mababago ng pagmamahal ng Diyos ang buhay ko?

Isiping basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Susan H. Porter, o panoorin ang “I Feel My Savior’s Love” (3:39). Pagkatapos ay talakayin kung bakit isang karanasan na nagpapabago ng buhay ang maranasan ang pagmamahal ng Diyos.

3:40
Pangulong Susan H. Porter

Kapag nalaman at naunawaan ninyo kung gaano kayo ganap na minamahal bilang anak ng Diyos, babaguhin nito ang lahat ng bagay. (“Pag-ibig ng Diyos: Ang Labis na Nakalulugod sa Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2021, 33)

Ipaliwanag na sa huling gabi ng Kanyang ministeryo sa lupa, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang mahahalagang katotohanan tungkol sa pagmamahal. Sabihin sa mga estudyante na magtipon sa maliliit na grupo para pag-aralan ang Juan 14:15–24; 15:9–14, na naghahanap ng mga katotohanan tungkol sa pagmamahal. Upang mapalalim ang kanilang pang-unawa sa itinuro ng Tagapagligtas, maaari nilang hanapin ang kaugnayan ng pagmamahal at …

  • Pagsunod.

  • Ama sa Langit.

  • Si Jesucristo.

  • Ang Espiritu Santo.

  • Iba pang mga tao.

(Kabilang sa mga katotohanang matatagpuan ng mga estudyante ang sumusunod: Kung mahal natin ang Panginoon, sisikapin nating sundin ang Kanyang mga kautusan. Ipinangako ng Panginoon ang Espiritu Santo sa mga taong nagmamahal sa Kanya at sumusunod sa Kanyang mga kautusan. Iniutos sa ating magmahalan tulad ng pagmamahal ni Jesus sa atin.)

Maaari mong anyayahan ang mga grupo na ibahagi ang mga katotohanang nahanap nila. Isipin kung may alinman sa sumusunod na mga tanong ang makatutulong sa iyong mga estudyante na madama ang kahalagahan ng kanilang natututuhan:

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa buhay ng Tagapagligtas tungkol sa pagmamahal at pagsunod?

  • Ano ang nadama ninyo nang sinunod ninyo ang mga kautusan dahil sa pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Kailan ninyo nadama ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo? Paano ito nakaapekto sa inyo?

  • Kailan ninyo naranasan ang pagmamahal na tulad ng kay Cristo para sa isang tao o mula sa isang tao?

Bilang pagtatapos sa aktibidad na ito sa pag-aaral, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para tulutang mabago ng pagmamahal ng Diyos ang kanilang buhay.

Tandaan: Karaniwan sa mga tao na sabihin na ang pag-ibig o pagmamahal ng Diyos ay walang kundisyon. Kung mababanggit ito sa klase, maaari mong basahin at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson:

Elder D. Todd Christofferson

Maraming paraan ng paglalarawan at pagtalakay sa banal na pag-ibig. Ang isa sa mga katagang madalas nating marinig ngayon ay “walang kundisyon” ang pag-ibig ng Diyos. Bagama’t sa isang banda ay totoo iyan, ang katagang walang kundisyon ay hindi makikita sa banal na kasulatan. Bagkus, ang Kanyang pag-ibig ay inilarawan sa banal na kasulatan bilang “dakila at kahanga-hangang pag-ibig” [Doktrina at mga Tipan 138:3], “ganap na pag-ibig” [1 Juan 4:18], “mapagtubos na pag-ibig” [Alma 5:26], at “walang hanggang pag-ibig” [Jeremias 31:3]. Mas mabubuting kataga ang mga ito dahil ang salitang walang kundisyon ay maaaring maghatid ng mga maling ideya tungkol sa banal na pag-ibig, tulad ng, pinalalampas at binibigyang-katwiran ng Diyos ang anumang ginagawa natin dahil ang Kanyang pag-ibig ay walang kundisyon, o hindi tayo pagagawin ng Diyos ng anuman dahil ang Kanyang pag-ibig ay walang kundisyon, o lahat ay maliligtas sa kaharian ng Diyos sa langit dahil ang pag-ibig ng Diyos ay walang kundisyon. Ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan at mananatili magpakailanman, ngunit ang kahulugan nito para sa bawat isa sa atin ay depende sa kung paano tayo tumutugon sa Kanyang pag-ibig. (“Magsipanahan sa Aking Pag-ibig,” Liahona, Nob. 2016, 48)

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Juan 14:16, 26–27; 15:26–27; 16:13–14, 33

Bakit kailangan ko ang Espiritu Santo?

Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson.

Pangulong Russell M. Nelson

Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo. (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96)

Sabihin sa mga estudyante na talakayin kung bakit “hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas” kung wala ang Espiritu Santo.

Ipaliwanag na sa huling gabi ng Kanyang ministeryo sa lupa, nangako si Jesus na isusugo ang Espiritu Santo sa Kanyang mga disipulo. Itinuro Niya sa kanila ang mahahalagang katotohanan tungkol sa malaking epekto ng Espiritu Santo sa ating buhay.

Sabihin sa mga estudyante na saliksikin ang Juan 14:16, 26–27; 15:26–27; 16:13–14 para sa iba’t ibang paraan na makukumpleto ang sumusunod na pahayag upang maipakita ang katotohanang natutuhan nila: Ang Espiritu Santo ay … Maaaring gawin ito ng mga estudyante bilang isang klase o sa maliliit na grupo. Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga pahayag. (Hikayatin ang mga estudyante na markahan o i-tag ang mga katotohanang natuklasan nila.)

Ang mga sumusunod ay ilang posibleng paraan para makumpleto ng mga estudyante ang pahayag:

Ang Espiritu Santo ay …

  • nagtuturo sa atin ng lahat ng bagay. (Juan 14:26)

  • magpapaalala ng lahat ng bagay. (Juan 14:26)

  • nagdudulot sa atin ng kapayapaan. (Juan 14:27)

  • nagbibigay ng kapanatagan. (Juan 14:16; 15:26)

  • nagpapatotoo tungkol kay Cristo. (Juan 15:26)

  • pumapatnubay sa atin sa lahat ng katotohanan. (Juan 16:13)

  • nagpapakita sa atin ng mga bagay na darating. (Juan 16:13)

  • niluluwalhati ang Tagapagligtas. (Juan 16:14)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na naimpluwensyahan sila ng Espiritu Santo sa isa sa mga paraan na nakalista sa pisara. Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang kanilang karanasan sa kapartner, sa maliit na grupo, o sa klase.

Karaniwan sa mga young adult na magkaroon ng mga tanong tungkol sa kung paano kumikilos ang Espiritu Santo sa kanilang buhay. Maaari mong idispley ang mga tanong sa ibaba at sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa na sa palagay nila ay pinakanauugnay sa kanila. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay isa silang lider ng Simbahan sa isang Face to Face devotional at tinanong ng mga tanong na pinili nila. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga tugon.

Kung makatutulong, maaari mong ibahagi ang isa o mahigit pa sa sumusunod na mga video para malaman kung paano sinagot ng iba, pati na ng mga lider ng Simbahan, ang mga tanong na ito.

  • How can I tell the difference between the Holy Ghost and my emotions? ” (4:39)

    4:39
  • How can I feel the Holy Ghost more often? ” (4:12)

    4:12
  • How does the Holy Spirit guide?” (3:25)

    3:25

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang isang bagay na magagawa nila para maanyayahan ang Espiritu sa kanilang buhay.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Juan 17:1–26

Ano kaya ang isasama ni Jesus sa isang panalangin para sa akin?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na nanalangin sila para sa ibang tao o nang marinig nila ang ibang tao na nanalangin para sa kanila o sa iba. Ipabahagi sa isa o dalawang estudyante ang nadama nila.

Ipaalala sa mga estudyante na ipinagdasal tayo ng Tagapagligtas bago Siya pumasok sa Halamanan ng Getsemani. Kilala ito bilang Panalangin ng Pamamagitan. Ipaliwanag na ang tagapamagitan ay isang taong nagtataguyod o nagsusumamo sa ngalan ng iba.

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Juan 17:3, 11–17, 22–26 nang magkakapatner o sa maliliit na grupo at markahan sa kanilang mga banal na kasulatan kung paano nila makukumpleto ang sumusunod na pahayag: Nanalangin si Jesucristo upang tayo ay …

Matapos magkaroon ng oras ang mga estudyante na magbasa, sabihin sa kanila na iulat ang natuklasan nila at isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Maaaring ganito ang hitsura ng inyong nakumpletong listahan: Nanalangin si Jesucristo upang …

  • tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 17:2–3)

  • ating makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo. (Juan 17:3)

  • tayo ay maingatan (maprotektahan) ng Ama sa Langit. (Juan 17:11)

  • tayo ay maging isa, kung paanong Siya at ang Kanyang Ama ay iisa. (Juan 17:11, 21–23)

  • tayo ay mailayo sa kasamaan ng mundo. (Juan 17:11, 14–16)

  • ating taglayin ang Kanyang kagalakan. (Juan 17:13)

  • tayo’y maging banal. (Juan 17:17, 19)

  • tayo’y maging perpekto. (Juan 17:23)

  • ating makasama Siya. (Juan 17:24)

  • ating madama ang pagmamahal ng Ama. (Juan 17:26)

Pagkatapos makumpleto ang listahan, maaari mong itanong:

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng panalanging ito tungkol kay Jesucristo at sa Ama sa Langit?

  • Ano ang nadarama ninyo tungkol sa Tagapagligtas, batid na nais Niyang matamo ninyo ang mga pagpapalang ito?

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kaugnayan ng Panalangin ng Pamamagitan ng Tagapagligtas sa Kanyang Pagbabayad-sala, ipaalala sa kanila na inialay Niya ang panalanging ito bago Siya magdusa sa hardin. Burahin ang hindi kumpletong pahayag na “Nanalangin si Jesucristo upang …” at palitan ito ng “Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong …

  • Ano ang nakikita ninyong kaugnayan ng Panalangin ng Pamamagitan at ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanan na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari nating matanggap ang mga pagpapalang ipinagdasal Niya sa Kanyang Panalangin ng Pamamagitan.)

  • Ano ang nadarama ninyo tungkol sa Tagapagligtas, batid na ibinigay Niya ang Kanyang buhay para matamo ninyo ang mga pagpapalang ito?

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang listahan sa pisara at piliin ang isa o dalawang pagpapalang gusto nilang matamo sa kanilang buhay. Sabihin sa mga estudyante na palaging manalangin upang maipagkaloob sa kanila ng Panginoon ang mga pagpapalang iyon.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”