“Mga Hebreo 7–13,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
Gethsemane’s Path [Landas ng Getsemani], ni Steve McGinty
Mga Hebreo 7–13
Itinuro ni Apostol Pablo na si Jesucristo ang ating Dakilang Pinakapunong Saserdote at Tagapamagitan, na nag-alay ng Kanyang sariling buhay para sa mga kasalanan ng lahat ng tao. Itinuro ni Pablo na ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan ngunit hindi nakikita. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoon, ang mga kalalakihan at kababaihan sa sinaunang Israel ay nakagawa ng maraming dakilang gawa. Hinikayat din ni Pablo ang mga Banal na tiisin ang pagdidisiplina ng Diyos, na indikasyon ng pagmamahal ng Diyos.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Mga Hebreo 7–13”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaaring magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Paano kayo nagkakaroon ng pag-asa kapag nahaharap sa mga hamon? Basahin ang Mga Hebreo 8; 9:6–15, 24–28 at maghanap ng mensahe ng pag-asa.
-
Paano ninyo mapapalakas ang inyong pananampalataya? Basahin ang Mga Hebreo 11 para malaman ang tungkol sa pagpapalakas ng inyong pananampalataya.
-
Mag-isip ng isang pagkakataon na itinuwid kayo ng Panginoon. Paano kayo tumugon? Basahin ang Mga Hebreo 12:5–11 at pag-isipan kung bakit maaaring mahalaga para sa inyo na tumanggap ng pagtutuwid mula sa Panginoon.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga nalaman at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mga Hebreo 7–13.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang Mga Hebreo 11 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Finding the Meaning of Words and Phrases” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Pagtulong sa mga estudyante na turuan ang isa’t isa. Ang pagbibigay ng mga pagkakataon sa mga estudyante na turuan ang isa’t isa ay makatutulong sa kanila na mas maunawaan at maipamuhay ang mga katotohanang natutuhan nila. Habang tinuturuan ng mga estudyante ang isa’t isa, manatiling aktibo sa pamamagitan ng pag-upo sa mga grupo para makinig, matuto, at manghikayat.
Mga Hebreo 8; 9:6–15, 24–28
Paano ako magkakaroon ng pag-asa kapag nahaharap sa mga hamon?
Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na nadismaya sila tungkol sa isang bagay. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga sumusunod na tanong:
-
Paano ninyo hinarap ang karanasang ito?
-
Ano ang ginawa ninyo na nakatulong?
-
Ano ang hindi nakatulong?
Pagkatapos ay basahin nang sabay-sabay ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Jeffrey R. Holland:
“Dumarating sa bawat isa sa atin ang mga panahon na kailangan nating malaman na bubuti rin ang mga bagay-bagay. … Upang tumatag ang damdamin at lumakas ang espirituwalidad, kinakailangang umasa ang lahat na sila ay mapapanatag, umasa sa isang bagay na mainam at nagpapasigla, at nagbibigay ng pag-asa, makamtan man kaagad ang pagpapalang iyon o malayo pang mangyari. Sapat nang malaman na makararating tayo roon, natantiya man o malayo pa, mayroong pangako ng “mabubuting bagay na darating.” (“An High Priest of Good Things to Come,” Ensign, Nob. 1999, 36)
-
Paano makatutulong sa inyo ang kaalaman na may “mabubuting bagay na darating” para maharap ang mga hamon ng buhay?
Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Mga Hebreo 9:11 (o ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante) na hinahanap ang isang titulo na naglalarawan kay Jesucristo. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference at tanong. Anyayahan ang mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo at pumili ng isa sa mga scripture passage na pag-aaralan nang sama-sama. Dapat hanapin ng mga estudyante ang matututuhan nila tungkol kay Jesucristo bilang “pinakapunong [saserdote] ng mabubuting bagay na darating.”
Para tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang background at mga simbolo ni Jesucristo bilang ating Dakilang Pinakapunong Saserdote, maaari nilang basahin ang “Mga Hebreo 9. Ano ginawa ng pinakapunong saserdote sa Araw ng Pagtubos?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.
Grupo 1: Basahin ang Mga Hebreo 8.
-
Paano nagtuon sa Tagapagligtas ang mga ginawa ng pinakapunong saserdote?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng si Jesus ay “tagapamagitan sa isang higit na mabuting tipan”? (Mga Hebreo 8:6). Ano ang mga pangako ng higit na mabuting tipan na ito?
-
Paano makatutulong sa inyo ang pagtanggap sa bagong tipan na ibinibigay ni Jesucristo na magtiwala na may mabubuting bagay na darating?
Grupo 2: Basahin ang Mga Hebreo 9:6–15, 24–28.
-
Ano ang pagkakaiba ng handog ng pinakapunong saserdote sa tabernakulo at ng handog ng Tagapagligtas?
-
Paano naging Tagapamagitan si Jesucristo ng isang bagong tipan?
-
Paano makatutulong sa inyo ang pagtanggap sa bagong tipan na ibinibigay ni Jesucristo na magtiwala na may mabubuting bagay na darating?
Matapos bigyan ng oras ang mga estudyante para mag-aral, anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila tungkol kay Jesucristo bilang ating Dakilang Pinakapunong Saserdote at Tagapamagitan ng bagong tipan. Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari mo silang tulungan na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Dahil si Jesucristo ang Tagapamagitan ng bagong tipan, makaaasa tayo na may mabubuting bagay na darating.
Maaari mong itanong:
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng papel ni Jesucristo bilang tagapamagitan tungkol sa inyong kaugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng tipan? (Kung makatutulong, maaari ninyong sabay-sabay na basahin ang unang talata sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tagapamagitan,” Gospel Library.)
-
Ano ang inaasahan ninyo dahil sa inyong kaugnayan kay Jesucristo sa pamamagitan ng tipan?
Maaaring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Ulisses Soares:
Dalangin ko na [magagawa nating] … magalak sa nais kong tawagin na “tiwala sa tipan sa pamamagitan ni Jesucristo.” Ang tiwalang ito ay ang tahimik ngunit tiyak na pangakong matatanggap ng mga tutupad sa kanilang mga tipan ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos na kailangang-kailangan para sa napakaraming hamon ng ating panahon. (“Tiwala sa Tipan sa Pamamagitan ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2024, 17)
Anyayahan ang mga estudyante na isipin kung paano sila matutulungan ng “tiwala sa tipan sa pamamagitan ni Jesucristo” na malaman na may mabubuting bagay na darating. Maaaring isulat ng mga estudyante ang kanilang mga naiisip at nadarama. Hikayatin ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang isinulat.
Mga Hebreo 11
Paano ko mapapalakas ang aking pananampalataya kay Jesucristo?
Maaaring idispley at basahin nang sama-sama ang mga sumusunod na pahayag ng mga propeta ng Panginoon:
Pananampalataya [ang] unang alituntunin sa inihayag na relihiyon, at ang saligan ng lahat ng kabutihan. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 58)
Sa lahat ng ating mga pangangailangan, sa palagay ko ang talagang pinakakailangan natin ay pananampalataya. (Gordon B. Hinckley, “Lord, Increase Our Faith,” Ensign, Nob. 1987, 54)
Magalak. Ang hinaharap ay kasingliwanag ng inyong pananampalataya. (Thomas S. Monson, “Magalak,” Liahona, Mayo 2009, 92)
Ang pananampalataya kay Jesucristo ang pinakadakilang kapangyarihang matatamo natin sa buhay na ito. (Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 104)
-
Ano ang mga naiisip ninyo habang binabasa ninyo ang mga pahayag na ito?
-
Ano ang papel na ginagampanan ng pananampalataya kay Jesucristo sa inyong buhay? (Bigyan ng oras ang mga estudyante na tahimik na magnilay at isulat ang kanilang mga naiisip.)
Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Mga Hebreo 11:1–3, at alamin ang kahulugan ng pananampalataya. Maaari silang gumamit ng diksyunaryo, Define feature sa Gospel Library app, at mga footnote para mas maunawaan ang kahulugan ng pananampalataya (tingnan ang kasanayang “Finding the Meaning of Words and Phrases” sa Scripture Study Skills). Pagkatapos ay ipasulat sa mga estudyante ang kahulugan ng pananampalataya sa pisara. Bigyan sila ng oras para rebyuhin ang isinulat ng iba.
-
Matapos tingnan ang mga kahulugan ng pananampalataya sa pisara, sa inyong palagay bakit ang pananampalataya kay Jesucristo ang maaaring pinakamalaking pangangailangan at pinakadakilang kapangyarihan natin?
Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang Mga Hebreo 11 ay naglalaman ng maraming halimbawa ng mga taong sumampalataya kay Jesucristo. Idispley ang mga sumusunod na pangalan at scripture reference at isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong katotohanan: Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, maaari nating … Anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isa o mahigit pang pangalan at basahin ang mga kaugnay na talata. Pagkatapos ay ipatukoy sa mga estudyante ang iba’t ibang paraan ng pagkumpleto sa pahayag.
-
Abel (talata 4)
-
Enoc (talata 5–6)
-
Noe (talata 7)
-
Abraham (talata 8–10, 17–19)
-
Moises (talata 23–27)
-
Mga Israelita (talata 28–39)
Matapos bigyan ng oras ang mga estudyante para mag-aral, anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa pananampalataya. Hikayatin sila na ibahagi rin kung paano nila nakumpleto ang pahayag sa pisara. Maaaring kasama sa kanilang mga sagot ang sumusunod: Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, matitiis natin ang paghihirap, makagagawa ng mga himala, at makatatanggap ng mga banal na pangako.
Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga nalaman at nakumpletong pahayag, maaaring magtanong ng tulad ng mga sumusunod para mapalalim ang kanilang pagkatuto:
-
Paano sumampalataya ang tao sa bawat salaysay?
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga salaysay na ito na makapagpapalakas ng inyong pananampalataya kay Jesucristo?
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Diyos habang pinag-aaralan ninyo ang mga talatang ito?
Maaaring idispley ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ang pananampalataya kay Jesucristo ang saligan ng lahat ng paniniwala at paraan sa pagtatamo ng banal na kapangyarihan. Ayon kay Apostol Pablo, “Kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos” [Mga Hebreo 11:6]. …
Lahat ng mabuti sa buhay—lahat ng pagpapala na maaaring matamo na may walang-hanggang kahalagahan—ay nagsisimula sa pananampalataya. …
Ang Panginoon ay hindi humihingi ng perpektong pananampalataya para magamit natin ang Kanyang perpektong kapangyarihan. Ngunit hinihingi Niya na maniwala tayo.
Mahal kong mga kapatid, ang pakiusap ko sa inyo … ay dagdagan simula sa araw na ito ang inyong pananampalataya. Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, daragdagan ni Jesucristo ang inyong kakayahang maglipat ng mga bundok sa inyong buhay, kasinglaki man ng Mount Everest ang inyong mga personal na problema.
Ang inyong mga bundok ay maaaring kalungkutan, pag-aalinlangan, karamdaman, o iba pang mga personal na problema. Magkakaiba ang mga bundok ninyo, ngunit ang sagot sa bawat isa sa inyong mga problema ay dagdagan ang inyong pananampalataya. Nangangailangan iyan ng paggawa. …
Ang gawin nang mahusay ang anumang bagay ay nangangailangan ng pagsisikap. Hindi naiiba diyan ang pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo. Ang pagpapalakas ng inyong pananampalataya at tiwala sa Kanya ay nangangailangan ng pagsisikap. (“Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 102–3)
-
Anong mga pagsisikap ang nakatulong sa inyo para maragdagan ang inyong pananampalataya kay Jesucristo?
Anyayahan ang mga estudyante na tahimik na pagnilayan ang pahayag ni Pangulong Nelson at isulat ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Anong personal na hamon o sitwasyon ang kinakaharap ninyo ngayon?
-
Paano makatutulong ang pagdaragdag sa inyong pananampalataya kay Jesucristo sa hamon o sitwasyong ito?
-
Anong mga pagsisikap ang magagawa ninyo para maragdagan ang inyong pananampalataya kay Jesucristo?
Mga Hebreo 12:3–11
Bakit tayo dinidisiplina ng Diyos?
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita: kastiguhin, parusahan, ituwid, disiplinahin, pahirapan.
Kung kinakailangan, anyayahan ang mga estudyante na alamin ang kahulugan ng mga salitang ito. Pagkatapos ay itanong:
-
Naiugnay na ba ninyo ang mga salitang ito sa pagmamahal? Kung oo, bakit?
Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Mga Hebreo 12:3–11, na inaalam ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa dahilan kung bakit tayo kinakastigo o dinidisiplina ng Diyos.
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng talata 5–11 tungkol sa pagmamahal ng Diyos?
-
Ano ang mga layunin ng Diyos sa pagdisiplina sa atin? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Dahil mahal tayo ng Diyos, dinidisiplina, o itinutuwid Niya tayo upang matamasa natin ang mapayapang bunga ng katuwiran.)
-
Sa anong mga paraan tayo dinidisiplina, o itinutuwid ng Panginoon?
Maaaring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson:
Kung handa tayong tanggapin ito, ang kinakailangang pagtutuwid ay darating sa maraming anyo at maraming pagmumulan. Maaari itong dumating sa ating pagdarasal dahil ang Diyos ay nangungusap sa ating mga isip at puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo (tingnan sa D at T 8:2). Maaaring dumating ito sa mga panalangin na sinagot ng hindi o iba sa ating inaasahan. Ang pagtutuwid ay maaaring dumating kapag nagbabasa tayo ng mga banal na kasulatan, at napapaalalahanan sa ating mga pagkukulang, pagsuway, o pagpapabaya sa mga simpleng bagay.
Ang pagtutuwid ay maaaring magmula sa ibang tao, lalo na [sa mga apostol, propeta, patriarch, bishop, at iba pa] na mga nabigyang-inspirasyon ng Diyos upang magkaroon tayo ng kaligayahan. …
Ang pagtutuwid, na sana ay mahinahon, ay maaaring manggaling sa asawa. …
Maaari at kailangang ituwid, at parusahan din ng mga magulang, ang kanilang mga anak upang hindi mapasailalim sa kalupitan ng kaaway at ng mga kampon nito. …
Tandaan na kapag hindi natin tinanggap ang pagtutuwid, hindi na tayo itutuwid pa ng iba, kahit mahal nila tayo. Kapag paulit-ulit tayong hindi tumutugon sa pagtutuwid ng isang mapagmahal na Diyos, titigil din Siya. (“Ang Lahat Kong Iniibig, ay Aking Sinasaway at Pinarurusahan,” Liahona, Mayo 2011, 99–100)
-
Ano ang pinakatumimo sa inyo sa mensahe ni Elder Christofferson?
Anyayahan ang mga estudyante na tahimik na pagnilayan ang isang pagkakataon na nadama nila na kinastigo o dinisiplina sila ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan at isulat ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang naging reaksyon ninyo sa pagdidisiplina o pagtutuwid sa inyo?
-
Ano ang sinikap na ituro sa inyo ng Panginoon?
-
Ano ang maaari ninyong gawin para maging mas handang tanggapin ang pagdidisiplina ng Panginoon?
Para tapusin ang klase, maaari ninyong panoorin ang “The Will of God” (3:02) o ibahagi ang kuwento ni Pangulong Hugh B. Brown tungkol sa currant bush (tingnan sa Hugh B. Brown, “Liahona Classic: The Currant Bush,” Liahona, Mar. 2002, 22).