“Mateo 13; Lucas 8; 13,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
Si Jesucristo. Mga Talinghaga. Wheat and Tares [Trigo at Damo], ni Cody Bell
Mateo 13; Lucas 8; 13
Habang nakaupo si Jesus sa dalampasigan, nagsimula Siyang magturo sa pamamagitan ng mga talinghaga sa maraming tao. Ang mga taong espirituwal na handang makarinig, makakita, at makaunawa ay naunawaan ang mas malalim na kahulugan ng mga talinghaga, samantalang ang mga walang “pandinig [para] makinig” (Mateo 13:9, 43) ay mga kuwento lamang ang narinig. Kapag natutuhan ng mga disipulo ni Cristo na matanggap ang mga espirituwal na mensahe ng Kanyang mga talinghaga, ihahayag ng Panginoon ang magagandang katotohanan sa kanila nang sagana (tingnan sa Joseph Smith Translation, Matthew 13:10–11 [sa Matthew 13:12, footnote a]).
Karagdagang Resources
Scripture Helps: New Testament, “Matthew 13; Luke 8; 13”
Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Nang simulang turuan ni Jesus ang mga tao gamit ang mga talinghaga, tinanong Siya ng mga disipulo kung bakit. Pansinin kung paano Siya sumagot sa Mateo 13:10–17, at dumating sa klase na handang makita, marinig, at maunawaan ang mga turo ng Tagapagligtas.
-
4:38
-
Basahin ang mga talinghaga sa Mateo 13:24–52, at isipin kung ano ang maituturo sa iyo ng mga simbolo tungkol sa bahagi mo sa Simbahan ng Panginoon.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang nalaman nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mateo 13; Lucas 8; 13.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang Mateo 13:4–7 ay magandang paggamitan ng kasanayang “Visualizing the Scriptures” sa Scripture Studies Skills. Ang kasanayang “Understanding Symbolism in Scripture” ay magagamit sa pag-aaral ng Mateo 13:24–52.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Mateo 13:1–9, 18–23; Lucas 8:4–15
Ano ang magagawa ko para matiyak na ang ebanghelyo ng Tagapagligtas ay talagang tumitimo sa puso ko?
Sabihin sa mga estudyante na isipin at talakayin ang sumusunod na sitwasyon, o gamitin ang isa sa sarili mong halimbawa:
Magkatabi ang dalawang magkaibigan sa isang sacrament meeting. Isa sa kanila ang nasisiyahan sa pakikinig sa mga tagapagsalita at iniisip sa sarili, “Talagang ramdam na ramdam ko ang Espiritu ngayon!” Ang isa naman ay inip na inip na at panay ang tingin sa relo, umaasang matapos na kaagad ang miting.
-
Sa palagay ninyo, bakit kaya magkaibang-magkaiba ang nararamdaman ng dalawang tao na parehong nasa miting, at parehong mga mensahe ang naririnig?
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Pag-aangkop sa nilalaman ng lesson. Iangkop ang mga ideya sa pagtuturo na matatagpuan sa manwal na ito para matugunan nang husto ang mga pangangailangan ng mga estudyante. Ayon sa pahiwatig ng Espiritu Santo, gamitin ang sarili mong mga ideya, halimbawa, at personal na karanasan. Maging flexible habang iniaangkop ang materyal sa lesson.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung gaano sila kahandang makinig at tumanggap ng salita ng Diyos. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na rebyuhin ang talinghaga tungkol sa manghahasik. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan ang mga paraan na mas magiging bukas at handa sila sa mga salita ng Diyos.
Ipabasa sa mga estudyante ang Mateo 13:3–8, na inaalam kung paano ginamit ng Tagapagligtas ang mga bagay, tao, at mga kilos sa talinghaga. Maaaring idrowing ng mga estudyante ang mga bagay na ito para matulungan sila na maisalarawan ang talinghaga. Pagkatapos ay maaari nilang talakayin ang sa palagay nila ay itinuturo ng Tagapagligtas. Maaari mong gamitin ang kasanayang “Visualizing the Scriptures” sa Scripture Study Skills.
Ipabasa sa mga estudyante ang paliwanag ng Tagapagligtas tungkol sa talinghaga tungkol sa manghahasik sa Mateo 13:19–23 (tingnan din sa Lucas 8:12–15) at talakayin ang natutuhan nila.
Isiping ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks:
Ang iba’t ibang lupang kinahulugan ng mga binhi ay kumakatawan sa iba’t ibang paraan ng pagtanggap at pagsunod ng mga tao [sa mga turo ng Panginoon at Kanyang mga tagapaglingkod]. …
Ang talinghaga ng manghahasik ay nagbababala sa atin tungkol sa mga sitwasyon at saloobin na maaaring humadlang sa sinumang nakatanggap ng binhi ng mensahe ng ebanghelyo na magkaroon ng magandang ani. …
… Tayo na ang magtatakda ng mga prayoridad at gagawa ng mga bagay para maging mabuti ang ating lupa at umani tayo nang sagana. (“Ang Talinghaga ng Manghahasik,” Liahona, Mayo 2015, 32, 35)
Para matulungan ang mga mag-aaral na suriin ang kanilang mga priyoridad at kung ano ang ginagawa nila para “maging mabuti ang [kanilang] lupa at umani [sila] nang sagana” isiping bigyan ang mga estudyante ng sumusunod na self-assessment:
Matapos makumpleto ng mga estudyante ang self-assessment, maaari mong tapusin ang lesson sa pagtalakay sa sumusunod na mga tanong:
-
Anong paraan ang inilaan ng Tagapagligtas para mabunot ang mga damo, maitapon ang mga bato, at mapagyaman ang lupa?
-
Paano magdudulot sa inyo ng pag-asa ang kaalaman na mapapangalagaan ninyo ang mabubuting binhi sa inyong puso?
Isiping anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi kung paano sila napalapit sa Tagapagligtas dahil sa paglilinang ng kanilang lupa at pagtulong sa kanila na matamasa ang mabuting bunga ng Kanyang ebanghelyo.
Mateo 13:10–17, 34–35
Ano ang dapat kong gawin para malaman ang mga hiwaga ng Diyos?
Isiping ipakita ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: “Ang pagsisisi ay tulad ng …” Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pisikal na bagay na maaaring sumagisag sa pagsisisi.
O maaari mong idispley ang sumusunod na mga larawan at anyayahan ang mga estudyante na ipaliwanag kung paano natutulad ang bawat larawan sa pagsisisi.
-
Ano ang kahalagahan ng paggamit ng pisikal na mga bagay sa pagtuturo ng mga espirituwal na katotohanan?
Ituro na madalas gamitin ng Tagapagligtas ang mga tao, bagay, at kilos sa mga simpleng kuwento, o talinghaga, “upang ilarawan at ituro ang espirituwal na katotohanan o alituntunin” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Talinghaga,” Gospel Library).
Ipakita ang sumusunod na itinanong ng mga disipulo ng Tagapagligtas sa Kanya: “Bakit ka nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga?” (Mateo 13:10). Sabihin sa mga estudyante na alamin ang sagot ng Tagapagligtas sa Mateo 13:11–17. Pagkatapos ay anyayahan sila na ibahagi ang kanilang nalaman. Habang nagbabahagi sila, isipin kung ang alinman sa sumusunod na mga tanong ay maaaring magpalalim sa kanilang natututuhan:
-
Ano ang “mga hiwaga ng kaharian”? (Mateo 13:11). (Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pagsagot sa tanong na ito, maaari mo silang anyayahang basahin ang “Mga Hiwaga ng Diyos” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan [Gospel Library]).
-
Ano ang humahadlang sa mga tao na malaman ang mga hiwaga ng Diyos? Ano kaya ang ibig sabihin ng mga mata na hindi nakakakita, mga tainga na hindi nakakarinig, o isang puso na hindi makaunawa?
-
Ano ang magagawa natin para maihanda ang ating sarili na tanggapin ang mga hiwaga ng Diyos? (Isiping ipabasa sa mga estudyante ang 1 Nephi 10:19 at Alma 12:9–11. Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung bubuksan natin ang ating isipan at puso sa Diyos, ihahayag Niya sa atin ang Kanyang mga hiwaga.)
Maaaring magsulat ang mga estudyante ng halimbawa ng hiwaga ng Diyos—isang bagay na inihayag sa kanila ng Espiritu Santo—na natanggap nila. Maaari din silang magsulat ng isang bagay na gusto nilang malaman.
Bilang pagtatapos, maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa inyo? Oo! …
Hinihimok ko kayong dagdagan pa ang espirituwal na kakayahan ninyong makatanggap ng personal na paghahayag, sapagkat ipinangako ng Panginoon na “Kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan” [Doktrina at mga Tipan 42:61].
Napakarami pang bagay na nais ng Ama sa Langit na malaman ninyo. Tulad ng itinuro ni Elder Neal A. Maxwell, “Sa mga may matang nakakakita at mga taingang nakaririnig, malinaw na ibinibigay ng Ama ang mga lihim ng sansinukob!” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95)
Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan ang pahayag ni Pangulong Nelson at isulat ang anumang impresyon nila at dapat nilang gawin.
Tandaan: Kung kailangan ng iyong mga estudyante ng ilang patnubay kung paano maunawaan ang mga talinghaga sa mga aktibidad na ito at sa iba pang mga aktibidad sa pag-aaral, isiping rebyuhin ang “Matthew 13. How can we understand parables?” sa Scripture Helps: New Testament.
Mateo 13:24–52; Lucas 13:18–23
Ano ang ginagampanan ko sa pagtatayo ng kaharian ng langit?
Isiping anyayahan ang mga estudyante na isulat ang tatlong dahilan kung bakit dapat maging mahalagang bahagi ng ating buhay ang tapat at personal na pangako kay Jesucristo. Maaari ding isulat ng mga estudyante ang tatlong posibleng kahihinatnan kung hindi tayo tapat. Maaari nilang ibahagi sa kapartner ang isinulat nila.
Ipaliwanag na matutukoy ng mga estudyante ang ilang dahilan kung bakit itinuro ni Jesucristo na mahalaga ang kaharian ng langit, na siyang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. (Maaari ninyong sama-samang basahin ang “Kaharian ng Diyos o Kaharian ng Langit” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan [Gospel Library] para sa karagdagang kaalaman tungkol sa katagang kaharian ng langit.)
Sa pag-aaral ng mga estudyante ng mga talinghaga ni Jesus tungkol sa kaharian ng langit, maaari mo silang anyayahang gamitin ang kasanayan na “Understanding Symbolism in the Scriptures” sa Scripture Study Skills. Maaari mong ipakita at ibahagi ang sumusunod na mga tip para maunawaan ang simbolismo sa banal na kasulatan:
-
Tukuyin ang mga simbolo sa pamamagitan ng paghahanap ng mga paghahambing.
-
Maghanap ng mga clue tungkol sa kahulugan ng mga simbolo sa teksto ng mga banal na kasulatan at sa mga footnote, chapter heading, Gabay sa mga Banal na Kasulatan o iba pang source.
-
Pag-isipan ang simbolismo. Maaari mong itanong sa iyong sarili, “Ano ang katulad ng kaharian ng langit o ng Simbahan ni Jesucristo ?”
Sabihin sa mga estudyante na pahapyaw na tingnan ang Mateo 13:24, 31, 33, 44, 45, at 47, na inaalam ang mga paghahambing na ginawa ng Tagapagligtas sa kaharian ng langit.
Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pangungusap: Ang kaharian ng langit ay tulad ng …
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila kukumpletuhin ang pangungusap batay sa nalaman nila nang basahin nila ang mga talata. (Maaaring kabilang sa mga sagot ang sumusunod: isang lalaking naghahasik ng mabuting binhi, binhi ng mustasa, lebadura o pampaalsa, kayamanan na nakatago sa bukid, mangangalakal na naghahanap ng perlas, at lambat sa pangingisda. Isulat ang bawat isa sa mga ito sa pisara habang tinutukoy ng mga estudyante.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture passage:
-
Mateo 13:24–30
-
Mateo 13:31–32
-
Mateo 13:33
-
Mateo 13:44
-
Mateo 13:45–46
-
Mateo 13:47–50
Sabihin sa mga estudyante na pumili ng ilan sa mga talinghaga na pag-aaralan kasama ang isang kapartner o maliit na grupo. Hikayatin silang maghanap ng mga clue tungkol sa mga kahulugan ng mga talinghaga na kanilang pinag-aaralan. (Maaari ding patingnan sa mga estudyante ang “Matthew 13:3–9, 18–33, 43–50. What can we learn from the parables of gathering?” sa Scripture Helps: New Testament.) Pagkatapos ay sama-samang tatalakayin ng mga grupo ang sumusunod na mga tanong para sa bawat talinghaga na kanilang mababasa:
-
Paano nakatulad ang kaharian ng langit, o ang Simbahan ni Jesucristo, sa paksa ng talinghagang ito?
-
Paano maiaangkop sa atin ang talinghagang ito sa ating panahon?
-
Sa anong mga paraan pinatatatag ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan ngayon?
Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga ideya at katotohanang tinalakay ng kanilang grupo at isulat ang mga ito sa pisara. Maaari mong ibuod ang tinutukoy nila sa pagpapakita ng sumusunod na katotohanan: Tinitipon ng Panginoon ang mabubuti sa kaharian ng langit, na siyang Kanyang Simbahan at kalaunan ay ang kahariang selestiyal.
Pumili ng ilan sa mga kaalaman sa pisara, at sabihin sa mga grupong sumulat nito na mas ipaliwanag pa ito. Maaari mong gamitin ang karagdagang mga tanong tulad ng sumusunod para tulungan ang mga estudyante na gamitin ang mga talinghaga ng Panginoon sa kanilang sarili (maaaring sagutin ng mga estudyante nang malakas ang ilan sa mga ito, pagnilayan ang ilan, o kaya’y isulat nang mag-isa ang mga sagot):
Ang Trigo at ang mga Damo
Tandaan: Maaari mong ituro sa mga estudyante ang mga interpretasyon ng Panginoon sa talinghagang ito sa Mateo 13:36–43 at sa Doktrina at mga Tipan 86.
-
Sa palagay ninyo, bakit hinahayaan ng Panginoon na lumaki ang mabubuti na kasama ng masasama? Ano ang magagawa ninyo para manatiling tapat habang napapaligiran ng masasamang impluwensya?
Butil ng Binhi ng Mustasa
-
Ano ang magagawa natin bilang mga Banal sa mga Huling Araw para matulungan ang Simbahan ng Tagapagligtas na patuloy na umunlad? Paano napagpala ang buhay ninyo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagtulong sa Simbahan na umunlad?
Pampaalsa
-
Paano ninyo nakitang napasigla ng ebanghelyo ni Jesucristo ang mga tao o komunidad? Ano ang mga paraan na maaaring kumilos bilang lebadura o pampaalsa ang mga miyembro ng Simbahan sa pagtulong na mapasigla at maimpluwensyahan ang mundo para sa kabutihan?
Kayamanan sa Isang Bukid at Mamahaling Perlas
-
Paano ninyo ilalarawan ang kahalagahan ng Simbahan ng Panginoon at mga turo sa inyong buhay?
Isang Lambat
Tandaan: Binanggit ni Elder D. Todd Christofferson ang lambat na ito ng ebanghelyo sa kanyang mensaheng “Ang Doktrina ng Pagiging Kabilang” (Liahona, Nob. 2022, 53–56).
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pagtitipon ng Panginoon ng “iba’t ibang uri”? (Mateo 13:47). Paano kayo mapagpapala ng iba’t ibang uri ng tao sa ebanghelyo?
Bilang pagtatapos, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang listahang ginawa nila sa simula ng aktibidad na ito sa pag-aaral at magdagdag ng isa pang dahilan kung bakit mahalagang bahagi ng buhay nila ang Simbahan.