Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Juan 7–10


“Juan 7–10,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)

Hawak ni Jesus ang kamay ng isang babae

Juan 7–10

Sa mga pagdiriwang ng Kapistahan ng mga Tabernakulo, itinuro ni Jesus na sa pamamagitan lamang ng tapat na pagsunod sa Kanyang salita malalaman ng mga tao ang Kanyang identidad at mga turo. Nahabag Siya sa isang babaeng nahuli sa pangangalunya. Sa pagtugon sa Kanyang mga kritiko, higit na naipaunawa ni Jesus ang Kanyang kabanalan at misyon. Matapos pagalingin ang isang bulag na lalaki, itinuro ni Jesus ang matitinding katotohanan tungkol sa espirituwal na pagkabulag. Itinuro Niya na Siya ang Mabuting Pastol.

Karagdagang Resources

Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan], “Juan 7–10

Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari mong ipadala sa mga estudyante ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ang ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • May mga tanong ka ba tungkol sa katotohanan ng anumang alituntunin ng ebanghelyo? Pag-aralan ang Juan 7:14–17, at pagnilayan ang sagot ng Tagapagligtas.

  • Nakadama ka na ba ng pagiging hindi karapat-dapat dahil sa mga bagay na nagawa mo? Basahin ang Juan 8:1–11 at isipin kung paano ka matutulungan ng Tagapagligtas.

    3:18
  • Anong mga hamon ang dumarating sa pagkabulag? Pag-aralan ang Juan 9:1–38, na inaalam kung ano ang maaaring maging sanhi ng espirituwal na pagkabulag.

  • Ano ang nagpaparamdam sa iyo na hindi ka ligtas? Pag-aralan ang Juan 10:1–15, at pagnilayan kung paano mo madarama ang higit na kaligtasan sa pagsunod sa Mabuting Pastol.

icon ng talakayan
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga ideya at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Juan 7–10.

icon ng pagsasanay sa kasanayan
Pagsasanay sa Kasanayan

Ang Juan 8:1–11 ay magandang paggamitan ng kasanayang “Visualizing the Scriptures” sa Scripture Study Skills. Ang Juan 8:31–32 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Memorizing Scripture Passages” sa Scripture Study Skills. Ang Juan 10:7–15 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Asking Questions That Invite Diligent Learning” sa Scripture Study Skills.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Juan 7:10–18

Paano ko malalaman para sa aking sarili kung ano ang totoo?

Maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pagpapakita ng sumusunod na mga tanong at pag-anyaya sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot:

  • Ano ang ilan sa mga turo ni Jesucristo na mayroon kang patotoo?

  • Ano ang isang turo na may mga tanong ka?

  • Paano natin malalaman ang katotohanan ng mga turo ng Tagapagligtas?

Ipabasa sa mga estudyante ang Juan 7:10–18, na inaalam ang itinuro ni Jesus kung paano malalaman ang katotohanan ng Kanyang doktrina. (Tulungan ang mga estudyante na tukuyin ang isang alituntunin na tulad ng sumusunod: Kapag ginawa natin ang kalooban ng Ama sa Langit at sinunod ang Kanyang mga kautusan, malalaman natin na totoo ang Kanyang doktrina. Kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa kahulugan ng doktrina, maaari ninyong panoorin at talakayin ang “What Is Doctrine?” [3:42]).

3:42
  • Bakit mahirap ipamuhay ang isang katotohanan ng ebanghelyo na hindi natin lubos na nauunawaan?

  • Paano makatutulong ang pamumuhay ng mga katotohanan ng ebanghelyo sa isang taong nahihirapang maniwala sa isang partikular na doktrina ng ebanghelyo?

Isiping ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Bonnie L. Oscarson:

Pangulong Bonnie L. Oscarson

Ang tunay na pagbabalik-loob ay pagkilos ayon sa ating pinaniniwalaan. … Kung minsan ay kabaligtaran ang ginagawa natin. Halimbawa, maaaring ganito ang pamamaraan natin: Handa akong sundin ang batas ng ikapu, pero kailangan ko munang malaman kung ito ay totoo. Siguro ipinagdarasal pa natin na magkaroon ng patotoo tungkol sa batas ng ikapu at umaasa tayo na ibibigay sa atin ng Panginoon ang patotoong iyan bago pa man natin sulatan ang tithing slip. Hindi sa ganyang paraan mangyayari iyan. Inaasahan ng Panginoon na mananalig tayo. Dapat ay patuloy tayong magbayad ng buo at tapat na ikapu para magkaroon tayo ng patotoo sa ikapu. Angkop din ito sa lahat ng alituntunin ng ebanghelyo. (“Magbalik-loob Kayo,” Liahona, Nob. 2013, 76–77)

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang kanilang mga sagot sa unang tanong na ipinakita mo (“Ano ang ilan sa mga turo ni Jesucristo na mayroon kang patotoo?”).

  • Paano pinalakas ng pamumuhay ayon sa mga turo ng Tagapagligtas ang iyong patotoo at pagbabalik-loob?

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang kanilang mga sagot sa pangalawang tanong (“Ano ang isang turo na mayroon kang mga tanong?”). Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan kung paano makakaimpluwensya sa kanilang patotoo ang pagsasabuhay ng turong ito. Maaari silang magsulat ng isang simpleng plano upang ilakip ang turo o katotohanang iyon sa kanilang buhay.

Juan 8:1–11; Joseph Smith Translation, John 8:11

Ano ang tingin sa atin ng Tagapagligtas kapag nagkakasala tayo?

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Mahalin ang mga tinuturuan mo. Upang makapagturo tulad ng Tagapagligtas, dapat tayong magmahal tulad ng pagmamahal Niya (tingnan sa Juan 13:34–35). Ang pagmamahal na tulad ng kay Cristo ay nadaragdagan kapag nakikita natin ang kahalagahan at banal na potensyal ng lahat ng mag-aaral. Ipagdasal ang kaloob na ito araw-araw (tingnan sa Moroni 7:48), at ipagdasal ang mga tinuturuan mo (tingnan sa 3 Nephi 17:17).

Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan at sitwasyon:

babaeng umiiyak

Ako ay isang masamang tao. Talagang nakakahiya ang ginawa ko. Kung alam ng iba ang ginawa ko, bababa ang tingin nila sa akin. Tiyak kong walang pakialam ang Diyos sa akin.

Bakit maaaring ganito ang nararamdaman ng ibang tao?

Paano nakakaapekto sa atin ang mga damdaming ito?

Ipaliwanag na habang nagtuturo ang Tagapagligtas sa templo, dinala sa Kanya ng mga eskriba at Fariseo ang isang babae at ipinahayag sa publiko na ito ay nahuling nangangalunya. (Maaaring epektibong idispley ang larawan sa ibaba sa bahaging ito at sanayin ang kasanayan sa pag-aaral na “Visualizing the Scriptures” sa Scripture Study Skills.)

  • Ano sa palagay ninyo ang nadama ng babaeng ito nang akusahan siya ng mabigat na kasalanan sa publiko?

hinahatak ng isang lalaki ang babae sa gitna ng maraming tao

Basahin nang sama-sama ang Juan 8:1–11, kabilang na ang Joseph Smith Translation, John 8:11. Sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano tinulungan ng Tagapagligtas ang babaeng ito na iwaksi ang pakiramdam na hindi ito karapat-dapat at luwalhatiin ang Diyos. Maaari mong itanong ang mga sumusunod upang makatulong na mapalalim ang pag-unawa ng mga estudyante:

3:18
  • Ano ang mensahe ng Tagapagligtas sa mga eskriba at Fariseo? Paano natin maiaangkop ang mensaheng ito sa ating sarili at sa iba?

  • Ano ang napansin ninyo sa pakikitungo ng Tagapagligtas sa babaeng ito? Ano ang mensahe ng Tagapagligtas sa kanya? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Bagama’t hindi kinukunsinti ng Tagapagligtas ang kasalanan, kaaawaan Niya tayo kung tayo ay magsisisi.)

  • Paano nakatulong sa inyo ang pagsisisi na madama ang pagmamahal at awa ng Tagapagligtas? Paano makatutulong ang pagtutuon sa Tagapagligtas para madaig natin ang pakiramdam na hindi tayo karapat-dapat?

Maaari ninyong talakayin ang sumusunod na pahayag ni Sister Amy A. Wright:

Sister Amy A. Wright

Ang tugon ni Cristo sa minamahal na anak na ito ng Diyos ay … “Humayo ka na at mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” [Juan 8:11]. Ang isa pang paraan ng pagsasabi ng “humayo ka na, at mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” ay maaaring “humayo ka na at mula ngayo’y magbago.” Inanyayahan siya ng Tagapagligtas na magsisi: na baguhin ang kanyang pag-uugali, ang mga tao sa paligid niya, ang nadarama niya tungkol sa kanyang sarili, sa kanyang puso.

Dahil kay Cristo, ang desisyon nating “humayo at mula ngayo’y magbago” ay maaari ding magtulot sa atin na “humayo at mula ngayo’y gumaling,” sapagkat Siya ang pinagmumulan ng paggaling ng lahat ng nawasak sa ating buhay. (“Pinagagaling ni Cristo ang Nawasak,” Liahona, Mayo 2022, 82)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para matanggap ang awa ng Tagapagligtas.

Juan 8:12–58

Paano ako mabibigyan ng Tagapagligtas ng tunay na kalayaan?

Isulat sa pisara ang sumusunod:

  • Liwanag laban sa Kadiliman

  • Katotohanan laban sa Kasinungalingan

  • Kalayaan laban sa Pagkaalipin

Ipaliwanag na paulit-ulit na sinalungat ng ilang pinunong Judio si Jesucristo at ang Kanyang mga turo. Sa Juan 8, hinarap ni Jesus ang Kanyang mga kritiko at itinuro ang makapangyarihang mga katotohanan tungkol sa magkakasalungat na konseptong nakasulat sa pisara. Maaaring magsalitan ang mga estudyante sa pagbabasa nang malakas ng Juan 8:12–58 at markahan ang mga salita at parirala na makatutulong sa kanila na mas maunawaan ang mga konsepto sa pisara.

4:26

Matapos mabasa ng mga estudyante ang salaysay, sabihin sa kanila na isulat sa pisara ang anumang salita, parirala, o katotohanan na tutulong sa kanila na maunawaan ang mga konseptong ito. Pagkatapos ay bigyan ng oras ang mga estudyante na magsalitan sa pagtatanong sa isa’t isa tungkol sa isinulat nila sa pisara. Kung kinakailangan, maaari mong itanong ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong:

  • Paano nauugnay ang mga salitang liwanag, katotohanan, at kalayaan sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon?

  • Paano tayo binibigyan ni Jesucristo ng kalayaan? (Tulungan ang mga estudyante na magtuon sa mga salita ng Tagapagligtas, “Kung kayo’y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo’y mga alagad ko. At inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo” [Juan 8:31–32].)

  • Anong mga karanasan ang nagturo sa inyo na ang pagsunod kay Jesucristo at pamumuhay sa Kanyang mga turo ay nagpapalaya sa atin?

  • Paano nauugnay sa kaaway ang mga salitang kadiliman, kasinungalingan, at pagkaalipin?

  • Paano humahantong sa pagkaalipin ang kasalanan?

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan ang natutuhan nila sa talakayang ito. Maaari kang maglaan ng oras sa pagpraktis ng pagsasaulo ng inspiradong katotohanan: “Kung kayo’y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo’y mga alagad ko. At inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo” (Juan 8:31–32). Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang katotohanang ito sa buong linggo.

Tandaan: Ipinagmamalaki ng mga Judio na sila ay binhi ni Abraham, o mga anak. Inakala nila na nagbigay ito sa kanila ng espesyal na espirituwal na katayuan. Hinamon ni Jesus ang kanilang mga paniniwala sa pagpapahayag na Siya ang Diyos ni Abraham (tingnan sa Juan 8:58). Kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa ibig sabihin nito, sabay-sabay na basahin ang “John 8:58–59 [Juan 8:58–59]. Why did the Jews want to stone Jesus when He said, ‘Before Abraham was, I am’? [Bakit gustong batuhin ng mga Judio si Jesus nang sabihin Niyang, ‘Bago pa man si Abraham ay Ako Nga’?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan].

Juan 9:1–39

Paano mapapabuti ng Tagapagligtas ang aking espirituwal na paningin?

Isiping isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Ang espirituwal na pagkabulag ay nangyayari kapag … Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano nila kukumpletuhin ang pahayag. Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang matututuhan nila tungkol sa pagdaig sa espirituwal na pagkabulag habang pinag-aaralan nila ang kuwento tungkol sa pagpapagaling ng Tagapagligtas sa isang lalaking isinilang na bulag.

Basahin ang Juan 9:1–7.

7:51

Ipaliwanag na nakatala sa Juan 9:8–38 na ang lalaking isinilang na bulag ay paulit-ulit na tinanong kung paano siya gumaling. Hatiin ang mga estudyante sa anim na grupo. (Kung maliit ang klase mo, maaaring indibiduwal na mag-aral ang mga estudyante.) Atasan ang bawat grupo na pag-aralan ang isa sa mga sumusunod na reperensyang banal na kasulatan: Juan 9:8–12; Juan 9:13–16; Juan 9:17–20; Juan 9:24–25; Juan 9:26–29; Juan 9:30–34. Sabihin sa bawat grupo na maghanda ng maikling paglalarawan (isa o dalawang pangungusap) tungkol sa kanilang nabasa at maghanap ng mga sagot sa mga sumusunod na tanong. Maaari mong idispley ang mga tanong na ito o magbigay ng mga kopya nito sa mga estudyante:

  • Paano sinagot ng lalaki ang mga tanong kung paano siya gumaling? Ano ang sinabi niya tungkol kay Jesus sa kanyang sagot?

  • Ano ang naging tugon ng mga nagtatanong sa sagot ng lalaki?

Pagkaraan ng ilang minuto, ipabasa sa isang estudyante mula sa bawat grupo ang kanilang maikling paglalarawan at ipabahagi ang kanilang mga sagot sa mga tanong.

Matapos magbahagi ang bawat grupo, isiping itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang katibayan na pinabubuti ng lalaking ito ang kanyang espirituwal na paningin? Sa anong mga paraan bulag sa espirituwal ang mga Fariseo?

  • Ano ang natutuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa banal na kasulatang ito? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Tulad ng pagbibigay ni Jesucristo ng paningin sa mga bulag, maaari Niyang bigyan ng espirituwal na paningin ang mga naniniwala sa Kanya.)

  • Sa anong mga paraan kayo maaaring espirituwal na bulag? Paano kayo matutulungan ng Tagapagligtas na madaig ang espirituwal na pagkabulag?

Maaari mong tapusin ang klase sa sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson. Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa kung paano sila o ang isang taong kilala nila ay tinulungan ng Tagapagligtas na mapabuti ang kanilang espirituwal na paningin.

Pangulong Thomas S. Monson

Yaong mga nakadama ng dantay ng kamay ng Titser ay hindi maipaliwanag ang pagbabagong dumating sa kanilang buhay. May hangaring mamuhay nang mas mainam, maglingkod nang mas tapat, lumakad nang mapakumbaba, at maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Nang mamulat ang kanilang mga matang espirituwal at masulyapan ang mga pangako ng walang hanggan, inulit nila ang mga salita ng bulag na lalaking binigyan ng paningin ng Panginoon: “Isang bagay ang nalalaman ko, na, bagaman ako’y naging bulag, ngayo’y nakakakita ako” [Juan 9:25]. (“Sabik sa Paggawa,” Liahona, Nob. 2004, 58)

Juan 10:1–15

Paano ako mas maliligtas ng Mabuting Pastol?

Isiping idispley ang sumusunod na larawan at ipaliwanag na ang mga pastol noong unang panahon ay itinatago ang kanilang mga tupa sa gabi sa isang kubol na tinatawag na kulungan ng mga tupa. Ang mabuting pastol ay magbabantay sa pasukan ng kulungan ng mga tupa laban sa mga maninila at magnanakaw. O maaari ninyong panoorin ang “Sheepfold” (0:41).

0:41
pastol na nagbabantay ng mga tupa sa kulungan

Ipabasa sa klase ang Juan 10:1–5, na inaalam at tinatalakay ang posibleng simbolismo.

Bigyan ang mga estudyante ng handout na “Pag-aaral ng Talinghaga ng Mabuting Pastol,” at anyayahan silang sanayin ang kasanayang “Asking Questions That Invite Diligent Learning” sa Scripture Study Skills.

handout na Pag-aaral ng Talinghaga Tungkol sa Mabuting Pastol

Matapos pag-aralan ng mga estudyante ang Juan 10:7–15 at isulat ang kanilang mga tanong, sabihin sa kanila na talakayin nang may kapartner o sa maliliit na grupo kung paano nila sasagutin ang kanilang mga tanong.

Matapos ang oras ng talakayan ng mga grupo, maaari mong ipakita ang sumusunod na katotohanan: Kilala ng Mabuting Pastol (Jesucristo) ang Kanyang mga tupa at inialay ang Kanyang buhay para sa kanila.

Isiping ipakita ang sumusunod na larawan ng mga tupa na dinadala sa bundok bago dumating ang taglamig. Ipaliwanag na sa salaysay na ito ni Elder Gary E. Stevenson, mahigit 200 tupa ang nawala.

mga pastol at mga tupa
Elder Gary E. Stevenson

Karamihan sa nawawalang mga tupa ay hindi nawala dahil sa sakit o kamatayan kundi dahil sa mga maninila gaya ng mga leon o koyote sa bundok. Madalas matagpuan ng mga hayop na ito ang mga tupa na humiwalay mula sa kawan, na inilayo ang kanilang sarili sa pangangalaga ng kanilang pastol” (“Pangangalaga sa mga Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2018, 111)

Maaari mong itanong ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod:

  • Anong mga panganib ang kinakaharap natin kapag umalis tayo sa pagliligtas ng Mabuting Pastol at ng Kanyang kawan?

  • Paano ninyo nadama na ligtas kayo sa pananatiling malapit sa Mabuting Pastol? Paano kayo napagpala ng pagiging bahagi ng Kanyang kawan?

  • Ano ang magagawa natin para tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at maging mabubuting pastol sa iba? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang tao na maaari nilang tulungan.)

Maaari mong tapusin ang klase sa pagbabasa, pag-awit, o pakikinig ng himnong “Nasa Puso ng Pastol” (Mga Himno, blg. 134). Maaaring isulat ng mga estudyante ang kanilang mga iniisip, nadarama, at impresyon.