“Mga Gawa 1–5,” Manwal ng Titser sa Institute para sa Bagong Tipan (2025)
Araw ng Pentecostes, ni Sidney E. King
Mga Gawa 1–5
Matapos umakyat sa langit si Jesucristo, si Pedro ang namuno sa pagpili ng isang bagong Apostol. Sa araw ng Pentecostes, napuspos ng Espiritu ang mga Apostol. Ipinangaral nila ang ebanghelyo, at mga tatlong libong tao ang nabinyagan. Ang mga Apostol ay nagsagawa ng mga himala, nagpatotoo tungkol kay Jesucristo, at sila ay binantaan, ibinilanggo, at binugbog. Patuloy na lumago ang Simbahan sa Jerusalem.
Karagdagang Resources
Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan], “Acts 1–5 [Mga Gawa 1–5]”
Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay kung paano gamitin ang apat na sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, isiping magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa sumusunod na mga mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Paano napagpala ng Espiritu ang iyong buhay? Basahin ang Mga Gawa 2, at itala ang anumang mga tanong mo tungkol sa Espiritu. Dalhin sa klase ang iyong mga tanong.
-
Habang binabasa mo ang Mga Gawa 3:1–16, pag-isipan ang mga himalang isinasagawa ng Panginoon sa ating panahon at sa iyong buhay. Kung wala kang maisip na anumang mga himala, isiping panoorin ang “The Miracle of the Ordinary” (3:00).
-
Nais mo ba na sana’y mas may tapang ka kapag nakikipag-usap ka sa iba tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo? Basahin ang Mga Gawa 4:1–20, 29, 31; 5:27–32, 40–42, at tingnan kung ano ang matututuhan mo mula kina Pedro at Juan tungkol sa pagiging matapang.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Mga Gawa 1–5.
Training sa Kasanayan
Ang Mga Gawa 2 ay maaaring magandang pagpraktisan ng kasanayang “Understanding the Scriptures in Context” sa Scripture Study Skills.
Mga Opsyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming inilaang opsyon sa pag-aaral para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsyon o mga opsyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Mga Gawa 1:2–9; 2:1–24, 37–47
Paano ako pinagpapala ng kaloob na Espiritu Santo?
Maaari mong idispley ang sumusunod na larawan ng Pag-akyat sa Langit ni Jesucristo. Ipaliwanag na pagkatapos ng Kanyang 40 araw na ministeryo, umakyat si Jesucristo sa langit (tingnan sa Mga Gawa 1:9–11). Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang maaaring naging pakiramdam ng mga Apostol matapos umakyat sa langit ang Tagapagligtas.
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit, ni Harry Anderson
-
Ano kaya ang mga tanong o alalahanin ninyo kung kayo ang nasa sitwasyon ng mga Apostol?
Sama-samang basahin ang Mga Gawa 1:5–8, na inaalam kung ano ang ipinangako ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo bago lamang Siya umakyat sa langit.
-
Bakit kaya naging sabik ang mga disipulo ng Panginoon na matanggap ang Espiritu Santo nang mawala na si Jesucristo? (Kung makakatulong, maaari mong rebyuhin nang bahagya ang itinuro sa kanila ni Jesucristo tungkol sa Espiritu Santo bago Siya namatay [tingnan sa Juan 14:13, 16–17, 26–27; 15:26; 16:7–8, 13–14].)
Ipaliwanag na natanggap ng mga Apostol sa araw ng Pentecostes ang ipinangakong kaloob na Espiritu Santo. (Maaari ninyong sama-samang basahin ang “Mga Gawa 2. What was important about the day of Pentecost? [Ano ang mahalaga tungkol sa araw ng Pentecostes?]” at “Acts 2:1–6 [Mga Gawa 2:1–6]. How was the Holy Ghost manifest on the day of Pentecost? [Paano nadama ang Espiritu Santo sa araw ng Pentecostes?]” sa Scripture Helps: New Testament [Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan].)
Isiping pagpartnerin ang mga estudyante sa paggawa, at bigyan sila ng handout na “Ang Araw ng Pentecostes.” Ipaaral sa isang kapartner ang part 1 at sa isa naman ang part 2. Pagkatapos ay ipabahagi sa kanila sa isa’t isa ang natutuhan nila.
Pagkaraan ng oras na ibinigay sa mga estudyante para tapusin ang kanilang talakayan, anyayahan silang ibahagi sa klase ang anumang mga kabatiran nila. Maaari din ninyong sama-samang talakayin ang sumusunod na tanong:
-
Ano ang ilang paraan na napagpala kayo ng Espiritu Santo kamakailan? (Maaari ninyong panoorin ang “How Does the Holy Spirit Guide?” [3:25] para sa mga karagdagang halimbawa.)
3:25
Magpatotoo tungkol sa hangarin ng Tagapagligtas na pagpalain sila sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo. Hikayatin ang mga estudyante na hingin ang patnubay ng Espiritu Santo sa sarili nilang buhay.
Mga Gawa 3:1–16
Paano ako makatatanggap ng pagpapagaling sa pamamagitan ni Jesucristo?
Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan at itala ang isang paraan na nais nila ang Tagapagligtas na pagalingin sila o ang isang taong kilala nila. Sabihin sa kanila na isaisip ito sa oras ng karanasang ito sa pag-aaral.
Idispley ang mga sumusunod na larawan. Sama-samang basahin ang Mga Gawa 3:1–2, at anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano kaya ang pakiramdam ng hindi makalakad mula nang isilang at kailanganing mamalimos araw-araw para mabuhay.
-
Ano kaya ang ilang karaniwang tugon ng mga tao sa isang taong nasa sitwasyon ng lalaking ito sa ating panahon?
Sama-samang basahin ang Mga Gawa 3:3–11 o panoorin ang “Peter and John Heal a Man Crippled Since Birth” (3:28), na inaalam kung paano tumugon sina Pedro at Juan sa paghingi ng limos (mga donasyon) ng lalaki.
-
Ano ang pinaka-hinangaan ninyo sa salaysay na ito? (Anyayahan ang mga estudyante na mag-ukol ng ilang sandali sa pagsubok na isipin na nakita nila ang pagpapagaling na ito sa mga mata ng lalaking lumpo, nina Pedro at Juan, at ng iba pang mga tao na nasaksihan ang himala.)
Sama-samang basahin ang Mga Gawa 3:11–16, na inaanyayahan ang mga estudyante na alamin kung ano ang itinuro ni Pedro nang makita niya na namangha ang mga tao sa paggaling ng lalaki.
-
Anong mahalagang mensahe ang ibinigay ni Pedro para sa mga nakakita ng himala? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad ng sumusunod: Sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo, maaari tayong mapagaling.)
-
Ano ang iba’t ibang paraan na maaari tayong mapagaling ng Tagapagligtas? Paano ninyo naranasang mapagaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas?
-
Ano kaya ang sasabihin ninyo sa isang tao na taos-pusong nagnanais na mapagaling ng kapangyarihan ng Tagapagligtas pero hindi pa ito nararanasan?
Maaari ninyong sama-samang basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Matthew L. Carpenter:
Hindi natin matutukoy ang panahon kung kailan magaganap ang pagpapagaling ni Cristo sa ating mga pisikal na karamdaman. Ang paggaling ay nangyayari ayon sa Kanyang kalooban at karunungan. Sa mga banal na kasulatan, may mga taong maraming taon nang nahihirapan dahil sa sakit; ang iba naman, sa buong buhay nila. Ang mga karamdaman sa buhay na ito ay magdadalisay sa atin at magpapalalim sa ating pananalig sa Diyos. At kapag tinulutan natin si Cristo na pagalingin tayo, palagi Niya tayong palalakasin sa espirituwal upang maaari tayong magkaroon ng mas malaking kakayahan na matiis ang ating mga pasanin.
Sa huli, alam natin na lahat ng pisikal na sakit, karamdaman, o kapansanan ay mapagagaling sa Pagkabuhay na Mag-uli. Iyan ang kaloob sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Mapagagaling ni Jesucristo hindi lamang ang ating pisikal na katawan. Mapagagaling din Niya ang ating espiritu. (“Ibig Mo Bagang Gumaling?,” Liahona, Nob. 2018, 102)
-
Ano ang nakaagaw ng iyong pansin sa pahayag ni Elder Carpenter?
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa pagtitiwala sa panahon, kalooban, at karunungan ng Panginoon habang pinag-iisipan nila ang kapangyarihang magpagaling ng Panginoon.
Iparebyu sa mga estudyante ang itinala nila sa simula ng aktibidad na ito sa pag-aaral. Hikayatin sila na pagnilayan kung paano maiaangkop ang natutuhan at nadama nila sa pagpapagaling na nais nila o ng isang taong kilala nila.
Mga Gawa 4:1–20, 29, 31; 5:27–32, 40–42
Paano ako magiging mas matapang sa aking patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Ebanghelyo?
Isiping ibahagi ang sumusunod na karanasan ni Elder Gary E. Stevenson:
Naaalala ko noong minsang nakasakay ako sa loob ng taxi nang 45 minuto papunta sa New York City. Matapos magkaroon ng masayang kuwentuhan kasama ang drayber habang nakasakay ako papunta sa paliparan, binayaran ko siya at naghanda na akong lumabas ng taxi. Pero bigla kong natanto na hindi pa ako nagbibigay ng patotoo tungkol sa ibinahagi ko. (“Mga Pahiwatig ng Espiritu,” Liahona, Nob. 2023, 44)
-
Naranasan na ba ng sinuman sa inyo ang isang sitwasyon kung saan naisip ninyo, “Dapat ba akong magbahagi ng aking patotoo?” Ano ang mga naisip o nadama ninyo sa mga sandaling iyon?
Kung minsan maaari tayong makadama ng pag-aalala o takot na tumayo bilang saksi ni Jesucristo. Habang pinag-aaralan natin ang salaysay tungkol sa pagdakip kina Pedro at Juan, bigyang-pansin kung ano ang natututuhan at nadarama ninyo na maaaring magpalakas ng loob ninyo.
Ipaliwanag na sina Pedro at Juan ay naaresto at iniharap sa isang kapulungan dahil nagturo at nagpatotoo sila noon tungkol kay Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 4:1–4). Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Mga Gawa 4:5–21 o panoorin ang “Peter and John Are Judged” (2:54), na inaalam kung ano ang maaari nilang matutuhan tungkol sa pagiging matapang na saksi ng Tagapagligtas.
-
Ayon sa Mga Gawa 4:13, bakit namangha ang mga pinunong Judio sa katapangan, o lakas-ng-loob, nina Pedro at Juan? (Paunawa: Ang “mga karaniwan[g lalaki]” sa King James Version ay maaari ding isalin bilang “mga ordinaryo at simpleng lalaki.”)
-
Ano sa palagay ninyo ang nagtulot kina Pedro at Juan na maging matapang sa kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo? (Kung kailangan, ituon ang pansin ng mga estudyante sa Mga Gawa 4:8 at tumukoy ng isang katotohanang tulad ng mga sumusunod: Tinutulungan ng Espiritu Santo ang mga ordinaryong tao na buong tapang na magturo at magpatotoo tungkol kay Jesucristo.)
-
Paano makakaimpluwensya sa kakayahan ninyong magturo at magpatotoo tungkol kay Jesucristo nang may higit na katapangan ang higit na pagtutuon sa Espiritu Santo kaysa sa inyong mga pangamba at kakulangan?
Ituro na kahit binalaan na sina Pedro at Juan, patuloy pa rin silang nagturo at nagpatotoo tungkol kay Jesucristo at dinakip sila sa ikalawang pagkakataon. Maaari ninyong basahin ang Mga Gawa 5:27–32, 40–42 o panoorin ang “Peter and John Continue Preaching the Gospel” (5:38) at isipin kung anong mga karagdagang aral ang maaari ninyong matutuhan tungkol sa pagiging matapang na saksi ni Jesucristo.
-
Sa palagay ninyo, paano nakaapekto ang patuloy na pangangaral nina Pedro at Juan tungkol kay Jesucristo sa mga tao sa paligid nila?
-
Kailan ninyo napatotohanan o narinig na buong tapang na nagpatotoo ang isang tao tungkol sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo? Ano ang naging epekto ng patotoong iyon sa inyo o sa iba pang naroon?
Isiping talakayin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen:
Sa mga tao sa ating paligid, maging mas tapat tayo, mas handang mangusap tungkol kay Cristo. Sabi ni Pangulong Nelson, “Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay handang lumantad, magsalita, at maiba sa mga tao sa mundo.” …
Habang nababawasan ang pagbanggit ng mundo kay Jesucristo, lalo pa natin Siyang banggitin. Kapag nalantad ang ating mga tunay na katangian bilang Kanyang mga disipulo, marami sa ating paligid ang magiging handang makinig. Kapag ibinahagi natin ang liwanag na natanggap natin mula sa Kanya, ang Kanyang liwanag at Kanyang napakadakilang kapangyarihang magligtas ay magniningning sa mga taong handang buksan ang kanilang puso. Sabi ni Jesus, “Ako’y naparito [bilang] isang ilaw sa sanlibutan.” (Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo, Liahona, Nob. 2020, 88)
Maaari mong tapusin ang klase sa pag-anyaya sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng mga taong kilala nila na “handang lumantad” at “sabihin nang malakas” ang kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Kung may oras pa, maaaring anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Mag-follow-up tungkol sa mga paanyayang kumilos. Para maging katulad ng Tagapagligtas, kailangang kumilos tayo nang may pananampalataya. Kapag nagbibigay tayo ng mga inspiradong paanyaya sa mga estudyante na kumilos, mag-isip ng mga paraan para mag-follow up. Maaari kang magpadala ng mensahe sa buong linggo para ipaalala sa mga estudyante ang tungkol sa paanyaya. Maaaring maging epektibo na anyayahan nang maaga ang partikular na mga estudyante na pumasok sa klase na handang magbahagi ng kanilang mga karanasan. O maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante sa simula ng susunod na klase na ibahagi kung ano ang ginawa nila.
Hikayatin ang mga estudyante na ipagdasal na magkaroon ng mga oportunidad na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas sa labas ng klase. Isiping mag-follow up sa paanyayang ito sa susunod na mga klase.