“Apocalipsis 6–14,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Bagong Tipan (2025)
Composite art ni Eric Johnson; The Grand Council [Ang Malaking Kapulungan], ni Robert T. Barrett; lipumpon ng mga bituin sa kagandahang-loob ng European Space Agency
Apocalipsis 6–14
Sa kanyang pangitain, nakita ni Juan ang mga paghatol ng Diyos na ibinuhos sa mga naninirahan sa lupa sa mga huling araw. Ang Simbahan at ang mga Banal ng Diyos ay makararanas ng maraming kapighatian at pag-uusig. Nakita rin ni Juan ang gantimpalang naghihintay sa matatapat na nahugasang malinis sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ni Cristo. Inilarawan niya ang Digmaan sa Langit at ang tagumpay ni Cristo laban kay Satanas. Nakita ni Juan ang mga kaganapan sa Pagpapanumbalik, pati na ang pagtitipon ng Israel.
Karagdagang Resources
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan, “Apocalipsis 6–14”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay kung paano gamitin ang sumusunod na apat na pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaaring magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:
-
Anong mga hamon ang labis na bumabagabag sa inyo tungkol sa pamumuhay sa mga huling araw? Basahin ang Apocalipsis 6–7 at hanapin ang mga mensaheng makatutulong sa inyo na mamuhay nang may higit na pag-asa.
-
Ano ang alam ninyo tungkol sa Digmaan sa Langit? Basahin ang Apocalipsis 12, o Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:1–17 (Gospel Library), at pagnilayan kung paano makatutulong ang pag-unawa sa Digmaan sa Langit para madaig ninyo si Satanas dito sa lupa.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga nalaman at katotohanang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng Apocalipsis 6–14.
Pagsasanay sa Kasanayan
Ang Apocalipsis 7:1–10; 10:1–11; Ang 14:6–7 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Using Restoration Scripture to Understand the Bible” sa Scripture Study Skills. Maaari din ninyong gamitin ang kasanayang “Understanding Symbolism in the Scriptures” sa Scripture Study Skills kapag pinag-aaralan ang Apocalipsis 12.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Maging flexible sa pagsasanay ng kasanayan na ginagamit mo sa klase. Isa sa mga pangunahing resulta ng kursong ito ay tulungan ang mga estudyante na madagdagan ang kanilang kakayahan na maunawaan ang mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng epektibong paggamit ng mga kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Gamitin ang mga mungkahing ito o magsanay ng iba pang mga kasanayan, depende sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.
Apocalipsis 6–7
Paano ko haharapin ang mga hamon sa mga huling araw nang may lakas at pag-asa?
Maaari mong simulan ang aktibidad na ito sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagdispley ng sumusunod na larawan ng isang sinaunang balumbon o scroll na may pitong tatak.
Ipaliwanag sa mga estudyante na ang mga sinaunang scroll ay kadalasang tinatatakan ng kaunting clay o wax. Isang singsing o pantatak ang idinidiin sa clay o wax bago ito tumigas. Ang pantatak na ito ay nangangahulugan ng awtoridad ng taong nagtatak ng scroll. Ipaalala sa mga estudyante na sa pangitain ni Juan, hawak ng Diyos sa Kanyang kanang kamay ang isang scroll, o aklat, na may pitong tatak. Si Jesucristo, ang Kordero, ay inilarawan bilang tanging karapat-dapat na magbukas ng bawat tatak (tingnan sa Apocalipsis 5:1–9; 6:1).
-
Ano ang maaaring isinisimbolo ng balumbon o scroll na ito? (Maaaring basahin ang Doktrina at mga Tipan 77:6–7.)
Idispley ang sumusunod na chart at anyayahan ang mga estudyante na gumawa sa maliliit na grupo para matukoy kung ano ang ipinropesiya sa bawat tatak, o yugto ng panahon, na inilarawan sa Apocalipsis 6. Bilang bahagi ng kanilang pag-aaral, maaaring basahin ng mga estudyante ang “Apocalipsis 6. Ano ang alam natin tungkol sa unang anim na tatak?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.
Anim na Tatak na Inilarawan sa Apocalipsis 6
Unang tatak: talata 1–2
Ikalawang tatak: talata 3–4
Ikatlong tatak: talata 5–6
Ikaapat na tatak: talata 7–8
Ikalimang tatak: talata 9–11
Ikaanim na tatak: talata 12–17
Matapos mabasa ng mga estudyante ang tungkol sa bawat tatak, anyayahan sila na talakayin sa kanilang grupo ang mga posibleng dahilan na maaaring naisin ng Panginoon na ipabatid sa atin ang tungkol sa mga propesiyang ito. Pagkatapos ay maaari mong ipabahagi sa kanila ang kanilang mga nalaman sa klase.
Ipaalam sa kanila na karamihan sa natitirang mga kabanata sa aklat ng Apocalipsis ay tumatalakay sa ikaanim at ikapitong tatak. Sa madaling salita, nakatuon ang pangitain ni Juan sa mga huling araw—sa ating panahon. Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Apocalipsis 7 kasama ang kanilang mga kagrupo, na inaalam ang maituturo nito sa kanila tungkol sa pamumuhay sa mga huling araw. Maaaring anyayahan ang mga estudyante na basahin din ang Doktrina at mga Tipan 77:8–11 para mas maunawaan ang kabanatang ito. Matapos bigyan ng oras ang mga estudyante na mag-aral at magtalakayan, maaaring itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang itinuturo ng mga scripture passage na ito tungkol sa pagtitipon ng Israel? (Para sa karagdagang kaalaman, maaari ninyong sabay-sabay na basahin ang “Apocalipsis 7:4–8. Sino ang 144,000?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
-
Paano tayo inihahanda ng pagtitipon ng Israel para sa kaluwalhatiang selestiyal?
Maaaring ipakita ang sumusunod na larawan ng kahariang selestiyal, at talakayin ang kasunod na grupo ng mga tanong.
The City Eternal [Ang Lungsod na Walang Hanggan], ni Keith Larson
-
Ano ang maaaring isinasagisag ng mapuputing damit [bata] na inilarawan sa Apocalipsis 7:9? (Para sa karagdagang kaalaman, maaari ninyong basahin ang “Apocalipsis 7:9, 13–14. Sino ang mga taong nakasuot ng mapuputing damit?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
-
Paano kayo makakukuha ng inyong sariling maputing damit? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayo ay maaaring maging dalisay at matamasa ang kaluwalhatiang selestiyal kasama ng Diyos.)
-
Paano nakaiimpluwensya sa pagharap ninyo sa mga kapighatian sa mga huling araw ang kaalaman na magagawa kayong dalisay ng kapangyarihan ng Tagapagligtas?
Maaaring basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen:
Mga kapatid, ipinapangako ko sa inyo na ang pagpapalakas ng inyong pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay magbibigay sa inyo ng dagdag na katatagan at pag-asa. Para sa inyo, na matwid, ang Manggagamot ng ating kaluluwa, sa Kanyang panahon at paraan, ay pagagalingin ang lahat ng inyong sugat. Walang kaapihan, walang pag-uusig, walang pagsubok, walang kalungkutan, walang pighati, walang pagdurusa, walang sugat—gaano man kalalim, gaano man kalawak, gaano man kasakit—na hindi bibigyan ng kapanatagan, kapayapaan, at walang-hanggang pag-asa Niya na ang bukas na mga bisig at sugatang mga kamay ay tatanggapin tayo sa Kanyang kinaroroonan. Sa araw na iyon, pagpapatotoo ni Apostol Juan, ang matwid na “[nanggagaling] sa malaking kapighatian” [Apocalipsis 7:14] ay tatayo na “nangadaramtan ng mapuputing damit … sa harapan ng luklukan ng Diyos.” Ang Kordero ay “lulukuban [tayo] … at papahirin ng Diyos ang bawa’t luha ng [inyong] mga mata” [tingnan sa Apocalipsis 7:13, 15, 17]. Darating ang araw na ito. (“Sugatan,” Liahona, Nob. 2018, 86)
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung paanong ang pagpapalakas ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo ay nagbigay sa kanila ng mas matinding lakas at pag-asa. O sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano sa palagay nila ang pakiramdam ng “may suot ng mapuputing damit … [sa] harapan ng trono ng Diyos” (Apocalipsis 7:13, 15).
Apocalipsis 7:1–10; 10; 14:6–7
Bakit ang mga huling araw ang pinakamagandang panahon para mabuhay sa mundo?
Maaari mong ibigay sa mga estudyante ang sumusunod na quiz na tama-o-mali.
-
Nakita ni Juan na 144,000 katao lamang ang maliligtas sa kahariang selestiyal.
-
Sa simbolikong pagsasalita, ang matatapat ay magkakaroon ng tatak ng Diyos sa kanilang noo.
-
Ang munting aklat na kinain ni Juan ay simbolo ng paglabas ng Aklat ni Mormon.
-
Nakita ni Juan na ang anghel na si Moroni ay gaganap ng mahalagang papel sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo.
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nila sinagot ang mga tanong (1 = mali; 2 = totoo; 3 = mali; 4 = totoo). Ipaliwanag na sa talakayang ito, matututuhan ng mga estudyante ang nakita ni Juan sa kanyang pangitain tungkol sa mga huling araw.
Hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-tatatlong estudyante. Idispley ang mga sumusunod na scripture passage. Bigyang-diin na ang mga talata sa Doktrina at mga Tipan ay nagbibigay ng mahahalagang kaalaman sa mga talata sa Apocalipsis (tingnan sa “Using Restoration Scripture to Understand the Bible” sa Scripture Study Skills). Anyayahan ang bawat estudyante sa mga grupo na pag-aralan ang isa sa mga sumusunod na grupo ng mga banal na kasulatan. Anyayahan sila na alamin kung ano ang inihayag tungkol sa Pagpapanumbalik, pagtitipon ng Israel, at Ikalawang Pagparito. Maaaring idispley ang mga sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga ito sa kanilang grupo.
-
Ano sa palagay ninyo ang mahalaga tungkol sa 144,000 tao mula sa mga lipi ni Israel?
Apocalipsis 7:1–10; Doktrina at mga Tipan 77:8–11; “Apocalipsis 7:4–8. Sino ang 144,000?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan
-
Ano ang kahulugan ng munting aklat na kinain ni Juan?
Apocalipsis 10; Doktrina at mga Tipan 77:14; “Apocalipsis 10:1–2, 9–10. Ano ang isinasagisag ng munting aklat na kinain ni Juan?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan
-
Ano ang tungkuling ginampanan ng mga sugo ng langit sa Pagpapanumbalik?
Apocalipsis 14:6–7; Doktrina at mga Tipan 128:20–21; 133:36–40
Matapos magkaroon ng oras ang mga estudyante na ibahagi sa kanilang grupo ang natutuhan nila, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Si Juan ay nagpropesiya tungkol sa mga huling araw, Pagpapanumbalik, at pagtitipon ng Israel para ihanda tayo sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Depende sa pokus ng inyong talakayan, maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng malagyan ng tatak ng Diyos sa inyong noo? (Tingnan sa Apocalipsis 7:3–4. Kung kinakailangan, maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang “Apocalipsis 7:2–3. Ano ang ibig sabihin ng maglagay ng tatak sa noo ng mga tagapaglingkod ng Diyos?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.)
-
Paano nakaaapekto sa nadarama ninyo tungkol sa hinaharap ang kaalamang magkakaroon ng napakaraming tao sa harapan ng trono ng Diyos? (tingnan sa Apocalipsis 7:9–10).
-
Bakit mahalagang malaman na inilarawan ni Juan ang mga kaganapan sa mga huling araw na parehong matamis at mapait? (tingnan sa Apocalipsis 10:9–10).
-
Paano mababago ng walang-hanggang ebanghelyo ang mundo? Paano kayo nabago nito? (tingnan sa Apocalipsis 14:6–7).
Maaari mong tapusin ang aktibidad sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagbabasa ng sumusunod na pahayag ni Elder Ronald A. Rasband:
Ipinropesiya ni Juan na Tagapaghayag ang tungkol sa isang anghel ng Makapangyarihang Diyos na tinitipong magkakasama ang mahahalagang bahagi ng Pagpapanumbalik sa mga salitang ito: “At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa’t bansa, at angkan, at wika, at bayan” [Apocalipsis 14:6]. Si Moroni ang anghel na iyon. …
Nabubuhay tayo sa panahong iyan na ipinropesiya; tayo ang mga tao na binigyan ng responsibilidad bago ang pagdating ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo; titipunin natin ang mga anak ng Diyos, yaong mga makikinig at tatanggapin ang mga katotohanan, tipan, at pangako ng walang-hanggang ebanghelyo. Tinatawag ito ni Pangulong Nelson na “pinakamalaking hamon, na pinakamagiting na layunin, at ang pinakadakilang gawain sa mundo ngayon.” (“Katuparan ng Propesiya,” Liahona, Mayo 2020, 75–76)
-
Ano ang nadarama ninyo tungkol sa pagiging bahagi ng “pinakamalaking hamon, ng pinakamagiting na layunin, at [ng] pinakadakilang gawain sa mundo ngayon”?
-
Ano ang ilang simpleng paraan na maihahanda ninyo ang inyong sarili at ang iba para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo? (Hikayatin ang mga estudyante na isulat ang anumang impresyon na natatanggap nila.)
Apocalipsis 12
Paano makatutulong sa akin ang pag-aaral tungkol sa Digmaan sa Langit sa mga pakikipaglaban ko kay Satanas?
Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na heading: Digmaan sa Langit
Anyayahan ang mga estudyante na maikling ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa Digmaan sa Langit o itanong ang anumang tanong nila. Maaari mong isulat sa pisara ang mga nalaman o tanong nila at pagkatapos ay itanong:
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalaga para sa atin na malaman ang tungkol sa Digmaan sa Langit?
Ipaliwanag na inilalarawan sa talata 7–12 ang Digmaan sa Langit. Inilalarawan sa iba pang mga talata sa Apocalipsis 12 kung paano sinisikap ng dragon (Satanas) na wasakin ang Tagapagligtas at ang Kanyang Simbahan.
Anyayahan ang mga estudyante na makipagtulungan sa isang kapartner at pag-aralan ang Apocalipsis 12, o Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:1–17 (Gospel Library), na naghahanap ng malalaman nila tungkol kay Satanas at kung paano siya matatalo. Bilang bahagi ng kanilang pag-aaral, maaaring basahin ng mga estudyante ang mga entry na may kaugnayan sa mga talatang ito sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan.
Matapos bigyan ng oras ang mga estudyante para mag-aral, maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang isinasagisag sa paglalarawang ito ng Apocalipsis 12. Maaari nilang gamitin ang kasanayang “Understanding Symbolism in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.
Anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang natutuhan nila tungkol kay Satanas at sa kanyang mga alagad nang pag-aralan nila ang Apocalipsis 12. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa kung paano nadaig ng mga tagasunod ni Jesucristo si Satanas sa Digmaan sa Langit. (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Dinaig ng mga tagasunod ni Jesucristo si Satanas sa pamamagitan ng pag-asa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pananatiling tapat sa kanilang patotoo.)
Maaaring itanong ang gaya ng mga sumusunod para tulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pagkaunawa sa katotohanang ito:
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng katotohanang ito tungkol sa kapangyarihan ni Jesucristo?
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng katotohanang ito tungkol sa kapangyarihan ng personal na patotoo?
-
Paano makatutulong sa inyo ang pag-alala sa katotohanang ito sa inyong pakikipaglaban kay Satanas?
Maaaring basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Ronald A. Rasband:
Alam ni Satanas na bilang na ang kanyang mga araw at kakaunti na lang ang oras. Bagama’t siya ay tuso at mapanlinlang, hindi siya mananalo. Gayunman, patuloy siyang nakikipaglaban para mahila niya ang ating mga kaluluwa. Para sa ating kaligtasan, dapat tayong magtayo ng isang muog ng espirituwalidad at proteksyon para sa ating mga kaluluwa, isang muog na hindi mapapasok ng yaong masama. … Ang inyong patotoo tungkol kay Jesucristo ay ang inyong personal na muog, ang kaligtasan para sa inyong kaluluwa. … Kapag ipinamumuhay natin ang ebanghelyo ni Jesucristo, kapag umaasa tayo sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sumusulong nang may pananampalataya, nang hindi natatakot, tayo ay napapalakas laban sa mga tukso ng kaaway. (“Magtayo ng Isang Muog ng Espirituwalidad at Proteksyon,” Liahona, Mayo 2019, 108, 110)
Para tapusin ang aktibidad na ito sa pag-aaral, maaari mong idispley ang mga sumusunod na prompt at anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isa:
-
Isipin kung paano kayo pinalakas ng inyong patotoo kay Jesucristo laban kay Satanas at isulat ang inyong mga naiisip at impresyon.
-
Pag-isipan kung paano nagdala o magdadala sa inyo ng mas malaking kapanatagan ang pagtitiwala kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Kung hindi kayo sigurado sa inyong patotoo kay Jesucristo, isulat kung ano ang magagawa ninyo para mapalakas ang inyong patotoo sa Kanya.
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga nasasaisip. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa anumang impresyon na natanggap nila.