Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Apocalipsis 6–14


“Apocalipsis 6–14,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Apocalipsis 6–14

Bilang bahagi ng kanyang paghahayag, nakita ni Apostol Juan ang isang pangitain na binubuksan ng Kordero ng Diyos ang unang anim na tatak ng aklat na tinatakan. Nagsulat siya ng mga propesiya tungkol sa mahahalaga at nakababagabag na mga kaganapan na mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Nakita niya ang dalawang propetang papatayin sa Jerusalem at mabubuhay na mag-uli pagkaraan ng tatlo’t kalahating araw. Inilarawan ni Juan ang Digmaan sa Langit at ang mga pagsisikap ni Satanas na lipulin ang mga tagasunod ni Jesucristo sa lupa. Ipinropesiya rin niya ang Pagpapanumbalik ng Simbahan ng Tagapagligtas at ang paghihiwalay ng mabubuti at ng masasama.

Resources

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Apocalipsis 6

Ano ang alam natin tungkol sa unang anim na tatak?

Ang aklat, o balumbon, na may pitong tatak ay sumasagisag sa 7,000 taon ng kasaysayan ng sangkatauhan. Ang bawat tatak ay sumasagisag sa 1,000 taon. Si Jesucristo lamang ang karapat-dapat na magbukas ng bawat tatak. Matapos buksan ang bawat tatak, nakita ni Juan ang mga pangitain ng mga kaganapan sa kasaysayan ng sangkatauhan. Isang iskolar ang nagsabi: “Ang mga paglalarawan sa mga tatak ay mga simbolo na nagpapakita ng buong plano kung paano dadaloy ang kasaysayan, ngunit hindi dapat isipin nang sobrang literal ang mga paglalarawang ito. Kung pagsasama-samahin, ipinapakita ng mga ito ang pababang takbo ng buhay ng sangkatauhan sa kalahatan na magreresulta sa malaking labanan sa mga huling araw.”

Tinutukoy sa sumusunod na chart ang magkakasunod na yugto ng panahon ng unang 6,000 taon. Nagbibigay rin ito ng mga posibleng interpretasyon sa mga simbolong nakita ni Juan.

Tatak

Mga Posibleng Kahulugan

Unang tatak (Apocalipsis 6:1–2)

Ang kulay puti ay karaniwang sumisimbolo sa kadalisayan. Ang pana, bilang sandata, ay maaaring sumisimbolo sa digmaan. Ang korona ay maaaring sumisimbolo sa tagumpay. Ang unang tatak ay maaaring tumutukoy sa isang panahon na “nakamit ng sanlibutan ang pinakamalaking tagumpay sa ngalan ng katwiran at kabutihan. Sa panahong ito inilatag ni Enoc at ng kanyang mga tao ang pundasyon ng Sion, at ang kabutihan ay tunay na lumalaban.”

Ikalawang tatak (Apocalipsis 6:3–4)

Ang kulay pula “ay nagpapahiwatig na ang sakay ay nagdadala ng kamatayan sa pamamagitan ng karahasan at pagdanak ng dugo.” Sa kamay ng sakay ay may tabak, na sumisimbolo sa “marahas na kamatayan na pinag-ibayo ng lahat ng galit ng digmaan. Dala rin nito ang layunin ng awtoridad na magparusa sa paggawa ng masama.” Ang ikalawang tatak ay maaaring tumutukoy sa laganap na kasamaan at karahasan sa mga panahon ni Noe. Labis-labis sa kasamaan ang panahong ito na tinangkang patayin ng mga tao ang propetang si Noe.

Ikatlong tatak (Apocalipsis 6:5–6)

Ang kulay itim ay sumisimbolo sa “pagdurusa at kamatayan na dulot ng salot, taggutom, sakit, at tagtuyot.” Ang “timbangan,” ay ginamit sa panahon ng matinding taggutom upang timbangin ang tinapay. Ang isang takal na trigo ay sapat nang pagkain ng isang matanda sa loob ng isang araw at nagkakahalaga ng isang denario. Ang isang denario ay isang araw na sahod, kaya kinailangan ang buong araw na pagtatrabaho upang makabili ng pagkain para sa isang araw. Ang ikatlong tatak ay maaaring tumutukoy sa panahon nina Abraham, Isaac, at Jacob, na nakilalang panahon ng taggutom.

Ikaapat na tatak (Apocalipsis 6:7–8)

Ang salitang Griyego na isinalin na maputla ay madalas na ginagamit upang ilarawan ang isang taong may sakit o patay na. Ang impiyerno, na maaaring tumutukoy sa bilangguan ng mga espiritu, ay sumisimbolo sa lugar ng mga patay. Ang ikaapat na tatak ay tila tumutukoy sa panahon ng digmaan ng mga imperyo ng Asiria, Egipto, Babilonia, Persia, Grecia, at Roma. Dahil hindi tinanggap ang mga babala ng mga propeta, ang mga kaharian ng Israel at Judah ay madalas matagpuan ang kanilang sarili na mga biktima ng mga mapanlupig na imperyong iyon. Nilabanan din ng Israel at Judah ang isa’t isa, na nagresulta sa pagkamatay ng maraming tao.

Ikalimang tatak (Apocalipsis 6:9–11)

Sa kanyang pangitain, nakita ni Juan ang mga taong pinaslang sa ilalim ng dambana o altar dahil sa kanilang mga patotoo sa Diyos. Noong panahon ng Lumang Tipan, ang mga dambana sa bahay ng Panginoon ay ginagamit sa paghahain ng mga hayop. Ang dugo ng mga inihaing hayop na ito ay ginagamit sa iba’t ibang paraan. Nabanggit ng isang iskolar: “Sa ilang ritwal, ang dugo ay inilalagay sa isang mangkok at ibinubuhos sa paanan ng dambana ng paghahain. (Tingnan sa Levitico 4 para sa mga halimbawa.) Ipinapahiwatig ng pagbubuhos ng dugo ang kusang-loob, at ganap na pagsusuko ng buhay sa Panginoon. … Ang mga kaluluwang nakita ni Juan sa ilalim ng dambana ay ganap na isinuko sa Panginoon ang lahat. … Ibinuhos nila ang kanilang buhay sa dambana ng Diyos.” Marami sa mga naunang Kristiyano, kabilang na ang halos lahat ng orihinal na Labindalawang Apostol, ang nagbuwis ng kanilang buhay para sa ebanghelyo ni Jesucristo. Binigyan sila ng mga puting damit, na sumisimbolo sa kadalisayan at “hudyat ng kanilang tagumpay sa moralidad at sa pangako rin [ng Panginoon] para sa walang hanggang kaluwalhatian sa hinaharap.”

Ikaanim na tatak (Apocalipsis 6:12–17; 7:1–17)

Ang ikaanim na tatak ay sumasagisag sa panahon bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Bumanggit si Juan ng pitong kaganapan na mangyayari sa panahong ito: paglindol, pagdidilim ng araw, pagkukulay dugo ng buwan, pagkahulog ng mga bituin, pagbukas ng kalangitan na tulad ng balumbon o scroll, pag-alis ng mga bundok at pulo sa kanilang mga kinalalagyan, at mga taong nagtatangkang magtago. Nakatala ang parehong mga kaganapan sa iba pang bahagi ng banal na kasulatan. Tinukoy rin ni Juan ang pitong uri ng kalamidad at pitong klase ng mga tao na magtatago. Ang numero pito ay kadalasang sumasagisag sa pagiging ganap at maaaring nagpapahiwatig na walang mga kaaway ng Diyos ang makatatakas sa Kanyang poot sa mga huling araw.

Apocalipsis 7:1–2

Ano ang alam natin tungkol sa apat na anghel at anghel na umaakyat mula sa silangan?

Inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na ang apat na anghel na nakita ni Juan sa kanyang pangitain ay mga sugo ng Diyos. Ang apat na anghel na ito ay “[binigyan ng] kapangyarihan sa apat na bahagi ng mundo, upang magligtas ng buhay at magwasak; sila ang mga yaon na may walang hanggang ebanghelyo upang ipagkatiwala sa bawat bansa, lahi, wika, at tao, na may kapangyarihan na ipinid ang kalangitan, upang pagbuklurin sa buhay, o ibulid sa mga pook ng kadiliman.” Ang “anghel na umaakyat [mula] sa silangan ang siyang pinagkalooban ng tatak ng buhay na Diyos sa labindalawang lipi ni Israel.”

Apocalipsis 7:2–3

Ano ang ibig sabihin ng maglagay ng tatak sa noo ng mga tagapaglingkod ng Diyos?

(Ikumpara sa Apocalipsis 9:4.)

Noong sinaunang panahon, ang isang tatak ay ginagamit “upang ipahiwatig ang pagmamay-ari at pangangalaga.” Sa talatang ito, ang tatak na inilagay sa noo ng mga tagapaglingkod ng Diyos ay “simbolo ng banal na pangangalaga na magpapanatiling ligtas sa mga matwid sa darating na panahon ng alitan at pagkalipol.” Kabilang sa tatak na ito ang pisikal at espirituwal na pangangalaga. Sinabi ng isang iskolar, “Ang pagtatatak ay nagbibigay-daan sa [mga tagapaglingkod ng Diyos] na tumugon nang may pananampalataya sa mga pagsubok na kanilang pagdadaanan, upang ang mga pagsubok na ito ang maging kasangkapan nila na lumakas pa sa kanilang pananampalataya.”

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith na ang paglalagay ng tatak sa noo ng mga tagapaglingkod ng Diyos ay “nangangahulugan ng pagbubuklod ng pagpapala sa kanilang ulo, ibig sabihin, ang walang hanggang tipan, sa gayon ay tinitiyak ang kanilang tungkulin at pagkahirang.” (Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagtatatak na ito, tingnan sa “Apocalipsis 22:4. Ano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pangalan ng Diyos sa noo ng Kanyang mga tagapaglingkod?”)

Apocalipsis 7:4–8

Sino ang 144,000?

(Ikumpara sa Apocalipsis 14:1–5.)

Ipinaliwanag ng Panginoon kay Joseph Smith na ang 144,000 ay “matataas na saserdote [priest], inordenan sa banal na orden ng Diyos, upang pamahalaan ang walang hanggang ebanghelyo; dahil sa sila ang yaong mga inordenan mula sa bawat bansa, lahi, wika, at tao, sa pamamagitan ng mga anghel na siyang pinagkalooban ng kapangyarihan sa mga bansa sa lupa, upang makapagdala ng mga nagnanais na magtungo sa simbahan ng Panganay.” Ang gawain ng 144,000 high priest ay maaaring simbolikong tumutukoy sa gawaing isinasagawa sa ilalim ng mga susi ng priesthood sa mga templo sa mga huling araw. Ang Simbahan ng Panganay ay tumutukoy sa mga taong tapat sa kanilang mga tipan kay Jesucristo at nagiging kabahagi ng Kanyang kaluwalhatian. (Tingnan sa “Mga Hebreo 12:22–23. Ano ang Bundok ng Sion at ang Simbahan ng Panganay?”)

Apocalipsis 7:9, 13–14

Sino ang mga taong nakasuot ng puting damit?

Ang mga taong nakasuot ng puting damit na nakatayo sa harap ng trono ay ang mga taong matwid na tinipon ng 144,000 mula sa bawat bansa. Nakatayo sila sa harapan ng Ama at ng Anak, na natanggap ang kanilang kadakilaan Ang paglalarawan sa mga matwid na tao na may mga hawak na sanga ng palma sa kanilang mga kamay ay katulad ng matagumpay na pagpasok ng Tagapagligtas sa Jerusalem. Ang mga sanga ng palma ay maaaring sumisimbolo sa tagumpay at kagalakan. Ang mga damit na hinugasan at “pinaputi sa dugo ng Kordero” ay sumisimbolo sa mga taong matwid na dinadalisay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Apocalipsis 8–11

Ano ang alam natin tungkol sa pitong anghel na may mga trumpeta?

Ang pagbubukas ng ikapitong tatak sa pangitain ni Juan ay sinamahan ng mga nakakatakot na paglalarawan ng pagkawasak. Inihayag ng Panginoon na ang pitong anghel na umiihip ng kanilang mga trumpeta ay sumasagisag sa panahon na “pababanalin ng Panginoong Diyos ang lupa, at lulubusin ang kaligtasan ng tao … ; at ang pagtunog ng mga pakakak [trumpeta] ng pitong anghel ay paghahanda at pagtatapos ng kanyang gawain, sa pasimula ng ikapitong libong taon—ang paghahanda ng daan bago ang oras ng kanyang pagparito.” Ang numero pito ay kadalasang sumasagisag sa kaganapan o pagkumpleto.

Apocalipsis 8:11

Ano ang anjenjo [wormwood]?

Ang anjenjo ay isang halaman na may mapait na lasa. Ang anjenjo ay maaaring sumisimbolo sa “mapait na mga kaguluhan, kalamidad, at sakuna na magaganap” sa mga huling araw.

Apocalipsis 9:1–3

Ano ang hukay ng di-matarok na kalaliman?

Ang salitang Griyego para sa di-matarok na kalaliman ay isinasalin na “palaso ng kalaliman.” Ang ibig sabihin ng salitang Griyego para sa kalaliman ay “lalim” o “pinakababa.” Noong panahon ng Bagong Tipan, marami ang makauunawa na tinutukoy ng hukay na di-matarok ang kalaliman ang isang “malawak na lalim ng lupa na tahanan ng mga patay.”

Nilinaw ni Propetang Joseph Smith na hindi ibinigay kay Satanas ang susi sa hukay na di-matarok ang kalaliman kundi sa “anghel.” Binibigyang-diin sa pahayag na ito na Diyos ang tunay na may kapangyarihan sa lahat ng bagay at may kapangyarihan lamang si Satanas kapag itinutulot ng Diyos.

Apocalipsis 9:3

Ano ang kahulugan ng mga balang at alakdan?

Ang mga balang, o tipaklong, ay isang kakila-kilabot na salot sa mga sinaunang pamayanang agrikultural dahil mabilis nitong nasisira ang mga pananim at nagdudulot ng taggutom. Halimbawa, nakasaad sa Exodo 10:12–15 at Joel 1:2–7 ang mga tala tungkol sa mapanirang lakas ng mga balang. “Kapag pinagsama ang imahe ng mga balang at alakdan, nagdudulot ito ng isang uri ng napakalaking kapinsalaan at sa gayon pinatitindi ang pagkatakot sa nililikha nitong senaryo.”

Apocalipsis 9:4

Sino ang pangangalagaan mula sa mga kalamidad sa mga huling araw?

Nakita ni Apostol Juan sa kanyang pangitain na ang ilang kalamidad na magaganap bago ang Ikalawang Pagparito ay makakaapekto “lamang sa mga … walang tatak ng Diyos sa kanilang noo.” Tumutugma ito sa iba pang mga pangako sa banal na kasulatan na pangangalagaan ang matatapat sa huli.

Bagama’t nangangako ang Panginoon na pangangalagaan ang mga matwid sa mga huling araw, nilinaw ni Propetang Joseph Smith na maaaring ang ilan ay hindi pisikal na mapangangalagaan: “[Ipinaliwanag] ko ang pagparito ng Anak ng Tao; gayundin na maling isipin na matatakasan ng mga Banal ang lahat ng paghatol, habang nagdurusa ang masasama; sapagkat ang lahat ng laman ay kailangang magdusa, at ‘ang mabubuti ay bahagyang makatatakas’ [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 63:34]; gayunman maraming Banal ang makatatakas, sapagkat ang mga matwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya [tingnan sa Habacuc 2:4]; subalit maraming mabubuti [ang] magiging biktima ng sakit, salot, at kung anu-ano pa, dahil sa kahinaan ng laman, subalit maliligtas sa Kaharian ng Diyos.”

Apocalipsis 9:11

Ano ang ibig sabihin ng Abadon at Apolyon?

Abaddon Ang Abadon ay salitang Hebreo na ibig sabihin ay “lugar ng pagkawasak.” Ang Apollyon ay salitang Griyego na ibig sabihin ay “wasakin.” Ang mga salitang ito ay nagpapahiwatig na layunin ng hari ng hukay na di-matarok ang kalaliman na gamitin ang kanyang hukbo upang mangwasak.

Apocalipsis 9:15–16

Ilan ang mamamatay sa digmaan?

Ang mga sugo ng Diyos ay magpapakawala ng isang kakila-kilabot na pagkawasak sa mga huling araw bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ipinahayag ni Juan na isang hukbo ng “dalawang daang libu-libong” (200,000,000) mga tao ang maglalaban-laban sa isang digmaan. Hindi natin alam kung ang bilang na iyan ay may isinisimbolo o literal. Itinala rin ni Juan na “ang ikatlong bahagi ng mga tao” ay mapapatay. Tungkol sa propesiyang ito, sinabi ni Elder Bruce R. McConkie, “Ang pagpaslang ay sasapit sa ikatlong bahagi ng mga naninirahan sa mundong ito, gayunman bilyun-bilyong tao ang maaaring bilang nito.”

Apocalipsis 10:1–2, 9–10

Ano ang isinisimbolo ng munting aklat na kinain ni Juan?

Inihayag ng Panginoon ang sumusunod tungkol sa munting aklat na kinain ni Juan: “Dapat nating maunawaan na ito ay misyon, at ordenansa, para sa kanya upang tipunin ang mga lipi ni Israel; masdan, ito ay si Elias, na, siyang gaya ng nasusulat, ay kailangang dumating at panumbalikin ang lahat ng bagay.” Ang pagkain ng aklat ay maaaring nagpapahiwatig na tinanggap ni Juan ang kanyang misyon na tipunin ang mga lipi ni Israel. Na ang aklat ay “matamis na parang pulot” sa bibig ni Juan ngunit “mapait” sa kanyang tiyan ay maaaring nagpapahiwatig na maghahalo ang masasaya at masasakit na karanasan sa kanyang misyon.

Apocalipsis 11:2–3, 9–11

Ano ang kahalagahan ng mga yugto ng panahon sa pangitain ni Juan?

Ang banal na lungsod ay “yuyurakan [sa ilalim ng paa]” sa loob ng 42 buwan, o tatlo at kalahating taon. Gayon din, magpopropesiya at magpapatotoo ang dalawang saksi tungkol kay Jesucristo sa loob ng 1,260 araw, o sa loob ng mga tatlo at kalahating taon. Papatayin ang dalawang saksi, at ang kanilang bangkay ay hahandusay sa lansangan sa loob ng tatlo at kalahating araw. Sa mga banal na kasulatan, lalo na sa Apocalipsis, ang numerong tatlo at kalahati ay madalas na naglalarawan ng panahon ng kapighatian kung kailan hinahayaan si Satanas na gawin ang kanyang gawain. Dahil ang tatlo at kalahati ay kalahati ng pito, na sumisimbolo sa pagiging perpekto at ganap, maaaring sumasagisag ito sa isang bagay na naputol sa nilalandas nito o hindi nakumpleto. Maaari ding iminumungkahi nito na hindi pa tapos ang Diyos sa pagsasagawa ng Kanyang gawain at na hindi magtatagal ang gawain ng diyablo.

Apocalipsis 12:1–6

Ano ang matututuhan natin mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith tungkol sa babae, sa anak ng babae, at sa dragon?

Sa kanyang pangitain, nakita ni Juan ang isang babae, ang anak ng babae, at isang dragon. Ibinigay ni Propetang Joseph Smith ang mga sumusunod na kaalaman:

Simbolo

Ano Ang Isinasagisag

Simbolo

Isang babae (Apocalipsis 12:1)

Ano Ang Isinasagisag

“Ang simbahan ng Diyos” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:7 [Gospel Library])

Simbolo

Ang anak ng babae (Apocalipsis 12:2)

Ano Ang Isinasagisag

“Ang kaharian ng ating Diyos at ng kanyang Cristo” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:7 [Gospel Library])

Simbolo

Isang dragon (Apocalipsis 12:3)

Ano Ang Isinasagisag

“Ang diyablo, … na tinatawag ding Satanas” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:8 [Gospel Library])

Malinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith na hindi mananaig si Satanas sa kanyang pakikidigma laban sa kaharian ng Diyos sa lupa.

Sa kasalukuyan, ang Simbahan ng Diyos ay isang organisasyong eklesiastikal. Ngunit kapag muling pumarito ang Tagapagligtas at gumawa ng “ganap na katapusan ng lahat ng bansa,” ang kaharian ng Diyos ay magkakaroon din ng pulitikal na hurisdiksyon sa lahat ng tao sa lupa.

Apocalipsis 12:7–11

Ano ang alam natin tungkol sa Digmaan sa Langit?

Hinangad ni Satanas na wasakin ang ating kalayaang pumili at hinangad ang kaluwalhatian ng Diyos para sa kanyang sarili. Nang piliin ng Ama sa Langit si Jesucristo na maging ating Tagapagligtas, naghimagsik si Satanas at sinimulan ang Digmaan sa Langit. Sa digmaang ito, “Nakipaglaban si Satanas at ang mga kampon nito kay Jesucristo at Kanyang mga tagasunod.” Dahil sa kanilang paghihimagsik, si Satanas at ang kanyang mga kampon ay pinalayas sa langit at pinagkaitan ng karapatang tumanggap ng mga mortal na katawan.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang digmaang ito sa langit ay hindi digmaan na nagpadanak ng dugo. Ito ay digmaan ng magkakasalungat na mga ideya—ang simula ng pagtatalo.” Napansin din niya na ang motibo ni Satanas ay “magkamit ng sariling katanyagan maging ang higitan pa ang Diyos mismo.”

Tungkol sa patuloy na pagsisikap ni Satanas na wasakin tayo, sinabi ni Elder Dale G. Renlund: “Si Lucifer ay tagapagsumbong o tagapag-usig. … Tinuligsa niya tayo sa premortal na buhay, at patuloy niya tayong tinutuligsa sa buhay na ito. Hangad niyang hilahin tayo pababa. Gusto niyang maranasan natin ang walang katapusang kapighatian. Siya ang yaong nagsabi na wala tayong kakayahan, na hindi tayo karapat-dapat, na hindi na tayo makababangon pa mula sa ating pagkakamali. Talagang napakasama niya, siya yaong tumatadyak sa atin kapag nalulugmok tayo.”

Alamin ang Iba Pa

Aklat ng Apocalipsis

Pagdaig sa Tagapagsumbong

Ang Digmaan sa Langit

  • Gordon B. Hinckley, “Walang Katapusang Labanan, Tiyak ang Tagumpay,” Liahona, Hunyo 2007, 4–9

  • Larry R. Lawrence, “Patuloy ang Digmaan,” Liahona, Abr. 2017, 32–39

  • Dieter F. Uchtdorf, “Ang Malaking Pakikipagsapalaran Ninyo,” Liahona, Nob. 2019, 86–90

  • Mga Paksa at Mga Tanong, “Digmaan sa Langit,” Gospel Library

Media

Video

“War in Heaven” (2:05)

2:6

Mga Larawan

isang sinaunang papyrus scroll na may pitong wax seal
diagram na nagpapaliwanag sa pitong tatak ng pangitain ni Juan
apat na mangangabayo ng apocalipsis na sumasagisag sa pananakop, digmaan, taggutom, at kamatayan

Four Horsemen of the Apocalypse [Apat na Mangangabayo ng Apocalipsis], ni Viktor Vasnetsov

mga taong nagtipon para sa Kapulungan sa Langit kasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo

The Grand Council [Ang Malaking Kapulungan], ni Robert T. Barrett

Mga Tala

  1. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 77:6–7.

  2. Tingnan sa Apocalipsis 5:8–9.

  3. Richard D. Draper, “Teaching the Book of Revelation: Five Considerations,” Religious Educator, tomo 14, blg. 1 (2013), 100.

  4. Richard D. Draper at Michael D. Rhodes, The Revelation of John the Apostle (2016), 250; tingnan din sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary (1973), 3:477; Moises 7:13–21.

  5. Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 252.

  6. Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 254.

  7. Tingnan sa Genesis 6:5–13; Moises 7:43; 8:15–30.

  8. Tingnan sa Genesis 6:11–13; Moises 7:33; 8:18.

  9. Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 255.

  10. Tingnan sa Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 255.

  11. Ang salitang denario ay isinalin mula sa salitang Griyego na dēnarion, na tumutukoy sa isang baryang Romano na tinatayang nagkakahalaga ng isang araw na sahod (tingnan sa Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words [2023], 221).

  12. Tingnan sa Genesis 41; Abraham 1:29–30; 2:1, 17, 21.

  13. Tingnan sa Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 259.

  14. Tingnan sa Isaias 5:14. Tingnan din sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Daigdig ng mga Espiritu,” Gospel Library.

  15. Tingnan sa Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 260–61.

  16. S. Michael Wilcox, Who Shall Be Able to Stand? Finding Personal Meaning in the Book of Revelation (2003), 76.

  17. Tingnan sa Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 265. Tingnan din sa Apocalipsis 7:13–14; 3 Nephi 27:19.

  18. Tingnan sa Joseph Smith Translation, Revelation 6:14 (sa Revelation 6:14, footnote a).

  19. Tingnan sa Joel 2:10, 30–31; Hagai 2:6–7; Doktrina at mga Tipan 29:14; 43:25; 88:87–91.

  20. Tingnan sa Corbin Volluz, “A Study in Seven: Hebrew Numerology in the Book of Mormon,” BYU Studies, tomo 53, blg. 2 (2014), 60–62.

  21. Doktrina at mga Tipan 77:8.

  22. Doktrina at mga Tipan 77:9.

  23. Harold W. Attridge aat iba pa, mga pat., The HarperCollins Study Bible: New Revised Standard Version, Including the Apocryphal/Deuterocanonical Books (2006), 2096, tala para sa Apocalipsis 7:2.

  24. Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 287. Tingnan din sa Apocalipsis 9:4.

  25. G. K. Beale, ayon sa pagkakasipi sa Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 287.

  26. Joseph Smith, sa History, 1838–1856 (Manuscript History of the Church), tomo E-1, 1690, josephsmithpapers.org; ginawang makabago ang pagbabantas.

  27. Doktrina at mga Tipan 77:11.

  28. “Ang bilang ng mga tinawag na maglingkod sa mga huling araw, 144,000, ay pagbibigay-tagubilin. Tulad ng nabanggit, sila ay mga high priest na tinatawag na mga missionary sa mga huling araw. Gayunpaman, ang mensahe ay wala sa dami, sapagkat muli, ang bilang ay hindi kailangang ituring na literal, kundi sa kalidad. Ang labindalawa ay sumasagisag sa priesthood. Ang pag-multiply ng bilang sa parehong bilang ay nagdaragdag ng kabuuan (tulad ng pag-multiply nito sa pito). Kaya nga, ang bilang ay nagpapahiwatig ng kalidad ng priesthood na hawak ng mga tagapaglingkod ng Diyos sa mga huling araw” (Richard D. Draper, “Understanding Images and Symbols in the Book of Revelation,” sa Shedding Light on the New Testament: Acts–Revelation, ed. Ray L. Huntington at iba pa [2009], 275–76).

  29. Tingnan sa Robert L. Millet, “The Second Coming of Christ: Questions and Answers,” sa Sperry Symposium Classics: The Doctrine and Covenants, pat. Craig K. Manscill (2004), 214–15.

  30. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:54–70; 93:20–22.

  31. Tingnan sa Joseph Smith, “Discourse, 12 May 1844, as Reported by Thomas Bullock,” 2, josephsmithpapers.org.

  32. Tingnan sa Apocalipsis 7:15–17. Tingnan din sa Ronald A. Rasband, “Hosana sa Kataas-taasang Diyos,” Liahona, Mayo 2023, 111.

  33. Tingnan sa Mateo 21:8–9; Juan 12:12–13.

  34. Tingnan sa Levitico 23:40; Doktrina at mga Tipan 109:76.

  35. Apocalipsis 7:14. Tingnan din sa Alma 5:21; 13:11–12; 3 Nephi 27:19.

  36. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:89–95.

  37. Doktrina at mga Tipan 77:12. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:94, 99–106.

  38. Tingnan sa Alonzo L. Gaskill, The Lost Language of Symbolism: An Essential Guide for Recognizing and Interpreting Symbols of the Gospel (2003), 124.

  39. Terry B. Ball, “Plants in the New Testament,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, pat. Lincoln H. Blumell (2019), 636.

  40. Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 334.

  41. Joseph Smith Translation, Revelation 9:1 (sa Revelation 9:1, footnote a).

  42. Tingnan sa Apocalipsis 20:1–3; Doktrina at mga Tipan 43:29–33.

  43. Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 338.

  44. Apocalipsis 9:4.

  45. Tingnan sa 1 Nephi 22:17–19; Doktrina at mga Tipan 115:5–6.

  46. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 294.

  47. Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 342.

  48. Bruce R. McConkie, The Millennial Messiah: The Second Coming of the Son of Man (1982), 453.

  49. Doktrina at mga Tipan 77:14.

  50. Tingnan sa Attridge at iba pa, The HarperCollins Study Bible, 2100, tala para sa Apocalipsis 10:9–10.

  51. Apocalipsis 10:10.

  52. Apocalipsis 11:2.

  53. Apocalipsis 11:3.

  54. Apocalipsis 11:9.

  55. Tingnan sa Daniel 7:24–25; 12:7; Lucas 4:25; Apocalipsis 12:14; 13:5.

  56. Tingnan sa Gaskill, “The Lost Language of Symbolism,” 117–19.

  57. Doktrina at mga Tipan 87:6.

  58. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaharian ng Diyos o Kaharian ng Langit,” Gospel Library.

  59. Mga Paksa at Mga Tanong, “Digmaan sa Langit,” Gospel Library.

  60. Russell M. Nelson, “The Canker of Contention,” Ensign, Mayo 1989, 69.

  61. Dale G. Renlund, “Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 105.