Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Apocalipsis 15–22


“Apocalipsis 15–22,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Apocalipsis 15–22

Inilalarawan sa mga huling kabanata ng Apocalipsis ang mga huling kaganapan sa lupa na tutupad sa plano ng Ama sa Langit na tubusin ang Kanyang mga anak. Nakita ni Juan ang mga anghel na nagsasaya dahil sa kaligtasan na naging posible sa pamamagitan ng pagtatagumpay ni Jesucristo laban sa kasamaan. Nakita ni Juan ang pagbagsak ng masamang Babilonia. Nakita niya ang kaluwalhatian ng Ikalawang Pagparito at ang mga pagpapala ng kadakilaan na inihanda para sa mga matwid. Nakita ni Juan na matatamasa ng mabubuti, yaong mga babangon sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli, ang isanlibong taon ng kapayapaan kasama si Cristo. Pagkatapos ay tatanggapin ng mundo ang kaluwalhatiang selestiyal at magiging walang hanggang tahanan para sa mga tao ng Diyos.

Resources

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Apocalipsis 15:2

Ano ang ipinapakahulugan ng “dagat na kristal [salamin]”?

Ginamit ni Juan ang mga katagang “isang dagat na kristal [salamin] na may halong apoy” upang ilarawan ang kaluwalhatiang selestiyal. Nalaman ni Propetang Joseph Smith na ang “dagat na salamin” ay sumasagisag sa “mundo, sa kanyang banal, walang kamatayan, at walang-hanggang kalagayan.” Inilarawan din ni Joseph Smith ang lugar kung saan naninirahan ang Diyos na “isang daigdig na tulad ng dagat na salamin at apoy.”

Apocalipsis 15:6

Ano ang alam natin tungkol sa pitong anghel?

“Ang Diyos ay nagtalaga ng pitong anghel upang ipatupad ang paghatol. … Ang mga ministro ng katarungan ay mga anghel na matataas ang ranggo, tulad ng ipinahihiwatig ng mga gintong bigkis na suot nila na tulad ng sa Anak ng Tao.”

Apocalipsis 15:7

Ano ang isinasagisag ng pitong maliliit na bote, o mangkok?

Binanggit ng isang iskolar ang “pagkakaiba ng pitong tatak, pitong trumpeta, at pitong mangkok [o ‘maliliit na bote’]. Ipinahahayag ng mga tatak ang mga plano ng Diyos, tumutunog ang mga trumpeta bilang tinig ng babala, at ipinapataw ng mga mangkok ang kanyang paghahatol. … Kinikilala sa kabanatang ito hindi ang Diyos ng awa, kundi ang Diyos ng katarungan. Ipinapakita ni Juan na kailangang magkaroon ng araw ng katarungan. … Ang kabanata labinlima ay nagbigay ng dalawang punto: una, na ang mga salot ay hindi matitigil kapag nagsimula na ang mga ito; at pangalawa, na isinasagawa ng Diyos ang mga ito sa katarungan at paghihiganti sa sanlibutan. Bagama’t ang kaparusahan ay darating nang walang paglubag , ito ay kapwa makatarungan at matwid.”

Apocalipsis 17–18

Bakit ang Babilonia ay simbolo ng kasamaan?

Sa sinaunang daigdig, ang Babilonia ang naging punong lungsod ng imperyong Babilonia noong panahon ng paghahari ni Nebukadnezar. Nang yumaman ang Babilonia dahil sa maraming pananakop nito, nagsimula si Nebukadnezar ng malawakang programa sa pagtatayo ng mga istruktura. Ang Babilonia ay naging pinakadakilang lungsod sa panahon nito. Inilarawan ng mga propeta sa Lumang Tipan ang lunsod na ito bilang “dakilang Babilonia,” “ang kapurihan ng buong lupa,” at “ang kaluwalhatian ng mga kaharian.”

Sa kasamaang palad, ang kayamanan at kaluwalhatian ng Babilonia ay humantong sa moral na katiwalian at kasamaan. Isinulat ng isang historyador na nang masakop ni Alexander the Great ang Babilonia, “nabigla siya sa moralidad ng Babilonia.” Napakasama ng Babilonia na ang pangalan mismo nito ay naging simbolo ng kamunduhan, espirituwal na kasamaan, at kaharian ni Satanas. Naobserbahan ng isang iskolar na ang Babilonia ay sumasagisag sa “mga tiwaling pamahalaan, institusyon, negosyo, at simbahan na umiiral sa mga huling araw, lahat nang ito, para sa kayamanan, katanyagan, o kapangyarihan, maling paggamit at pagsira sa mga nasa ilalim ng kanilang nasasakupan o impluwensya.”

Apocalipsis 17:4–5

Bakit inilarawan ni Juan ang Babilonia na “ina ng mga mahalay na babae”?

Sumunod si Juan sa huwaran ng mga propeta na matatagpuan sa Lumang Tipan na inilalarawan kung minsan ang mga bansa o grupo bilang mga babae, nobya, o mahahalay na babae. Sa kasong ito, ang babaeng nakita ni Juan sa kanyang paghahayag ay isang mahalay na babae. Ang isang patutot o mahalay na babae ay isang taong tumatanggap ng pera para gumawa ng kahalayan. Ang magarbo at mamahaling pananamit ng patutot ay nagpapahiwatig ng kanyang kayamanan at “lakas ng panghalina sa mga nasa pinakamatataas na katungkulan.” Sa ganitong paraan, ang patutot ay “sumasagisag sa mga pilosopiya at maling teolohiya na umaakit, gumagapos, at bumubulag sa sangkatauhan mula pa sa simula.” Ang mga pangalang nakasulat sa kanyang noo ay nagpapakita ng kanyang paghihimagsik laban sa Diyos at sa Kanyang mga tipan. Ang patutot na ito ay may taglay na kapangyarihan sa lahat ng bansa at tao. Darating ang panahon, ang mga taong kanyang pinamamahalaan ay babaling laban sa kanya at sa isa’t isa.

Apocalipsis 19:7–9

Ano ang isinasagisag ng hapunan ng kasalan ng Kordero?

Ang Kordero ay sumasagisag kay Jesucristo, na siyang lalaking ikakasal. Ang piging ng kasal ay sumasagisag sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Ang nobya ay sumasagisag sa matatapat na Banal ng Simbahan ni Cristo na umaasa sa pagbabalik ng Tagapagligtas. Nakasuot ng puting damit ang nobya na sumasagisag sa kanyang kadalisayan. Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland na ang mga miyembro ng Simbahan ngayon ay “[may] responsibilidad na ihanda ang Simbahan ng Kordero ng Diyos na tanggapin ang Kordero ng Diyos—nang personal. … Ang buhay na ihaharap natin sa Kanya sa sagradong sandaling iyon ay kailangang maging karapat-dapat sa Kanya!” Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Yaong sumusunod sa mga utos ng Panginoon at nagpapamuhay ng Kanyang mga panuntunan hanggang sa huli, [ay] mga tao na tanging pinahihintulutang maupo sa maluwalhating piging na ito.”

Apocalipsis 19:11–13

Bakit nakasuot ng pulang damit ang Tagapagligtas at nakasakay sa puting kabayo sa pangitain ni Juan?

Ang puting kabayo ay sumisimbolo sa pagsupil at tagumpay. Ang dugo sa damit ng Tagapagligtas ay maaaring tumutukoy sa Kanyang mga natalong kaaway. Kapag nangyari ang kaganapang ito, “ang kanyang tinig ay maririnig: aking tinapakan ang pisaan ng ubas nang mag-isa, at nagbigay ng paghuhukom sa lahat ng tao; … at akin silang niyurakan sa aking matinding galit, at niyapakan ko sila sa aking galit, at ang kanilang dugo ay aking iwinilig sa aking mga kasuotan, at nabahiran ang lahat ng aking damit; sapagkat ito ay araw ng paghihiganti na nasa aking puso.” Dahil nadungisan ng dugo ang mga damit bago pa nagsimula ang digmaan, maaari ding tinutukoy nito ang pagdurusa ni Cristo sa Getsemani at sa krus. Sinabi ni Elder Neal A. Maxwell: “Dahil sa paglabas ng dugo sa bawat butas ng Kanyang balat, gaano na lang kapula ang kanyang kasuotan sa Getsemani, napakapula ng balabal na iyon! Hindi nakapagtataka na kapag dumating si Cristo sa kapangyarihan at kaluwalhatian, Siya ay darating na nakasuot ng damit na pula na nagpapaalala (tingnan sa D at T 133:48), na hindi lamang nagpapahiwatig ng pisaan ng kapootan, kundi ibinabalik sa ating alaala ang Kanyang pagdurusa para sa bawat isa sa atin sa Getsemani at sa Kalbaryo!”

Apocalipsis 19:15–16

Ano ang matalas na tabak na ginamit sa pagtaga ng mga bansa at ang tungkod na bakal na ginamit sa paghahari sa mga bansa?

Ang matalas na tabak at ang tungkod na bakal ay kapwa sumasagisag sa salita ng Diyos. Nilinaw ni Propetang Joseph Smith ang mga talatang ito ayon sa sumusunod: “At mula sa kanyang bibig ay lumalabas ang salita ng Diyos, at sa pamamagitan nito ay babagabagin niya ang mga bansa; at kanyang paghaharian sila sa pamamagitan ng salita ng kanyang bibig.”

Apocalipsis 19:17–18, 21

Ano ang “hapunan ng dakilang Diyos”?

Sa kanyang paghahayag, nakita ni Juan ang pagkalipol ng masasama, na ipinakita ng pagkain ng mga ibon sa kanilang laman. Ganito rin inilarawan ni Ezekiel ang pagkalipol ng masasama. Nilinaw ng Joseph Smith Translation na ang “hapunan ng dakilang Diyos” ay ang pagkalipol ng mga “nakikipagdigma sa Kordero.” Ang kakila-kilabot na “hapunan ng dakilang Diyos” ay ganap na kabaligtaran ng masayang “hapunan ng kasalan ng Kordero.” Ibang-iba ang magiging karanasan ng masasama sa mga matwid sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Apocalipsis 20:1–3

Ano ang alam natin tungkol sa katayuan ni Satanas sa Milenyo?

Sa kanyang paghahayag, nakita ni Juan na si Satanas ay igagapos sa panahon ng Milenyo. Ang “hukay na di-matarok ang kalaliman” ay tumutukoy sa lugar kung saan mabibilanggo si Satanas at ang mga sumusunod sa kanya. Isang anghel ng Panginoon ang bibigyan ng kapangyarihang buksan ang hukay at ilagay roon si Satanas. Sa loob ng isang libong taon, hindi magkakaroon ng kapangyarihan si Satanas na linlangin o tuksuhin ang sinuman. Sa panahong ito, ang “mga anak ay magsisilaking walang kasalanan tungo sa kaligtasan.” Itinuro ni propetang Nephi na si Satanas ay magagapos din dahil sa pagiging matwid ng mga Banal.

Apocalipsis 20:4

Sino ang itatalaga ng Diyos bilang ating mga hukom?

Hindi tinukoy o pinangalanan ni Juan ang mga nakaupo sa trono upang maghatol. Marahil na sila ang Labindalawang Apostol na tinawag noon ni Jesus sa Kanyang ministeryo sa lupa. Sinabi ni Jesus na ang Kanyang mga Apostol ay uupo sa mga trono at hahatulan ang Israel. Sa ating panahon, binibigyan ng Panginoon ang mga may hawak ng mga susi ng priesthood ng awtoridad na maging mga hukom sa Israel. Sa huli, hahatulan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang lahat.

Apocalipsis 20:5

Ano ang alam natin tungkol sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli?

Nakita ni Juan sa kanyang pangitain na marami sa mga patay ang mabubuhay na mag-uli sa tinatawag na “unang pagkabuhay na mag-uli.” Si Jesucristo ang unang nabuhay na mag-uli. Matapos Siyang mabuhay na mag-uli, ang mga taong matwid sa nakalipas na mga panahon ay nabuhay na mag-uli. Binanggit din sa mga banal na kasulatan ang Unang Pagkabuhay na Mag-uli na mangyayari sa hinaharap. Mula sa banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik nalaman natin na ang mga mapupunta sa kaluwalhatiang selestiyal ay babangon sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli.

Apocalipsis 20:12

Ano ang mga aklat na hahatol sa atin?

Sa kanyang pangitain, nakita ni Juan ang araw na lahat ng anak ng Diyos ay tatayo sa harap ni Cristo upang hatulan batay sa mga aklat. Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee: “Ang ‘mga aklat’ na binanggit ay tumutukoy sa mga ‘talaan [ng ating mga gawa] na iningatan sa lupa. … Ang aklat ng buhay ang talaang iniingatan sa langit.’” Ang nakapagliligtas na mga ordenansa at iba pang mga gawa ng pananampalataya at katapatan ay nakatala sa mga aklat. Ang “mga aklat” ay maaari ding tumutukoy sa mga banal na kasulatan, na naglalaman ng mga salita at kautusan ng Diyos na dapat nating isabuhay. Ang mga pangalan ng mga matwid ay itatala rin sa aklat ng buhay.

Apocalipsis 21:1

Ano ang mangyayari sa mundo sa pagdating ni Cristo?

Bilang bahagi ng Pagkahulog ni Adan, ang mundo ay nahulog sa isang kalagayang telestiyal mula sa malaparaisong kalagayan. Kapag bumalik na si Cristo at nalipol ang kasamaan, “Maghahari si Cristo sa mundo; at, ang mundo ay babaguhin at matatanggap nito ang malaparaisong kaluwalhatian.” Matapos ang isanlibong taon ng paghahari ni Cristo, ang mundo ay mababago muli. Inilarawan ni Propetang Joseph Smith ang pagbabagong ito: “Ang mundong ito ay ibabalik sa harapan ng Diyos at puputungan ng Kaluwalhatiang Selestiyal.”

Apocalipsis 21:2–22:5

Ano ang simbolismo ng lungsod na nakita ni Juan sa pangitain?

Nakita ni Juan sa pangitain ang isang lungsod na tinatawag na Bagong Jerusalem na bumaba mula sa langit. Ang lungsod ay inilarawan bilang isang napakalaking kubiko, na nagpapaalala sa mga sukat ng kubiko ng Kabanal-banalang Dako sa templo ni Solomon. Nakita ni Juan ang mga mamahaling bato, perlas, at ginto sa lungsod. Ang mga mamahaling bato ay ginamit sa banal na kasulatan upang sumagisag sa mga taong sumusunod sa Panginoon sa kabutihan at nadalisay ng mga paghihirap at pagsubok.

Apocalipsis 22:4

Ano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga tagapaglingkod ng Diyos ng Kanyang pangalan sa kanilang noo?

Ang pagdadala ng pangalan sa noo ng isang tao ay maaaring pagpapahiwatig ng katapatan at pagmamahal. Ang pagdadala ng pangalan ay nagpapakita rin na taglay niya ang mga katangian ng pangalang dinadala. Ang mga taong may pangalan ng Diyos sa kanilang noo ay maaaring tumutukoy sa mga taong tinaglay sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansa ng ebanghelyo at naging katulad Niya.

Tingnan din sa “Apocalipsis 7:2–3. Ano ang ibig sabihin ng maglagay ng tatak sa noo ng mga tagapaglingkod ng Diyos?

Apocalipsis 22:11–12

Ano kaya ang mangyayari sa Huling Paghuhukom?

Tinutukoy ang Apocalipsis 22:11–12 at mga katulad na talata, itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Mula sa mga turong iyan, masasabi natin na ang Huling Paghuhukom ay hindi lamang pagsusuri ng lahat-lahat ng mabubuti at masasamang gawa—na ating ginawa. Ito ay batay sa huling epekto ng mga ginawa at iniisip natin—kung ano ang naging tayo. Hindi sapat para sa sinuman na basta gumawa lang. Ang mga kautusan, ordenansa, at tipan ng ebanghelyo ay hindi parang listahan ng mga depositong kailangang ilagak sa bangko ng langit. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang plano na nagpapakita kung paano tayo magiging tulad ng ninanais ng ating Ama sa Langit.”

Apocalipsis 22:18–19

Ano ang ibig sabihin ni Juan nang sabihin niyang walang dapat idagdag sa “aklat na ito”?

Sa pagtugon sa maling pagkakaunawa sa talatang ito, itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland:

“Isa sa mga katwirang madalas gamitin sa anumang pagtatanggol sa nakasarang kasulatan ay ang talata sa Bagong Tipan na nakatala sa Apocalipsis 22:18: ‘Aking sinasaksihan sa bawat taong nakikinig sa mga salita … ng aklat na ito: Kung ang sinoman ay magdadagdag sa mga ito, ay daragdagan siya ng Dios ng mga salot na nakasulat sa aklat na ito.’ Gayunman, may matinding pagkakasundo ngayon ang [halos lahat ng] mga iskolar sa Biblia na ang talatang ito ay ukol lamang sa aklat ng Apocalipsis, at hindi sa buong Biblia. Kinikilala ng mga iskolar sa ating panahon ang ilang ‘aklat’ sa Bagong Tipan na halos tiyak na isinulat matapos matanggap ni Juan ang paghahayag sa Pulo ng Patmos. Kabilang sa kategoryang ito ang aklat man lang ni Judas, ang tatlong Sulat ni Juan, at malamang ay ang buong Ebanghelyo ayon kay Juan mismo. Marahil nga ay hindi lang ito.

“Ngunit may mas simple pang sagot kung bakit ang talatang iyon sa huling aklat ng kasalukuyang Bagong Tipan ay hindi maaaring tumukoy sa buong Biblia. Iyon ay dahil ang buong Bibliang alam natin—na isang koleksyon ng mga tekstong pinagsama-sama sa iisang aklat—ay wala pa nang isinulat ang talatang iyon. Ilang siglo matapos ipalabas ni Juan ang kanyang isinulat, ang hiwa-hiwalay na mga aklat ng Bagong Tipan ay lumaganap nang paisa-isa o marahil ay kasama ng ilang iba pang teksto, ngunit halos hindi kailanman bilang isang buong koleksyon. …

“Ang totoo ay halos lahat ng propeta ng Luma at Bagong Tipan ay nagdagdag ng banal na kasulatan sa mga natanggap ng mga nauna sa kanila.”

Alamin ang Iba Pa

Ang Piging ng Kasalan

Paghatol, Paghuhukom

  • Dallin H. Oaks, “The Challenge to Become,” Liahona, Nob. 2000, 32–34

  • Dallin H. Oaks, “Mga Kaharian ng Kaluwalhatian,” Liahona, Nob. 2023, 26–29

Media

Video

“Final Judgment” (3:50)

3:51

Mga Larawan

isang leon at isang kordero na magkasamang nakaupo sa isang madamong kaparangan

Without Any Ire [Walang Anumang Alitan], ni Nancy Glazier

Si Jesucristo na nakasuot ng pulang damit na bumababa mula sa langit sakay ng isang puting kabayo
Si Jesucristo na nakatayo suot ang isang pulang damit habang ang mga tao ay inaabot Siya

Christ in a Red Robe [Si Cristo na Nakasuot ng Pulang Damit], ni Minerva Teichert

ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ay nakatayo na nakaunat ang mga bisig habang ang mga tao na nasa Kanyang kanan ay lumalapit para sumamba at ang mga tao na nasa Kanyang kaliwa ay tumatalikod sa pagdadalamhati

The Last Judgement [Ang Huling Paghuhukom], ni John Scott

sinasalubong ni Jesucristo ang mga taong nabuhay na mag-uli sa kahariang selestiyal

The City Eternal [Ang Lungsod na Walang Hanggan], ni Keith Larson

Mga Tala

  1. Tingnan sa Richard D. Draper at Michael D. Rhodes, The Revelation of John the Apostle (2016), 578, tala para sa Apocalipsis 15:2.

  2. Doktrina at mga Tipan 77:1.

  3. Doktrina at mga Tipan 130:7.

  4. Richard D. Draper, Opening the Seven Seals: The Visions of John the Revelator (1991), 169. Ang pitong anghel ay nakasuot ng damit na katulad ng mataas na saserdote [high priest] sa Lumang Tipan, na nagpapahiwatig na handa na sila para sa paglilingkod sa harapan ng Diyos.

  5. Draper, Opening the Seven Seals, 169−70.

  6. “Ang lungsod ay parisukat, at ang Eufrates ay dumadaloy sa gitna nito. Ayon kay Herodotus ang mga pader ay may 56 na milya ang palibot, 335 talampakan ang taas, at 85 talampakan ang lapad. Ang malaking bahagi ng lungsod ay binubuo ng magagandang parke at hardin. Ang pangunahing gusali ay ang sikat na templo ni Bel” (Bible Dictionary, “Babylon or Babel”).

  7. Daniel 4:30.

  8. Jeremias 51:41.

  9. Isaias 13:19.

  10. Will Durrant, Our Oriental Heritage: The Story of Civilization, tomo 1 (1954), 244.

  11. Richard D. Draper, “Teaching the Book of Revelation: Five Considerations,” Religious Educator, tomo 14, blg. 1 (2013), 95.

  12. Tingnan sa Michael D. Coogan at iba pa, mga pat., The New Oxford Annotated Bible: New Revised Standard Version, ika-5 ed. (2018), 1825, tala para sa Apocalipsis 17:1–18. Tingnan din sa Isaias 23:15–18.

  13. Kung minsan ang mga banal na kasulatan ay gumagamit ng paglalarawan ng isang patutot o mahalay na babae upang sumagisag sa espirituwal na apostasiya at imoralidad (tingnan sa Isaias 1:21; Hosea 4:15; 1 Nephi 14:17).

  14. Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 648.

  15. Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 647, tala para sa Apocalipsis 17:4.

  16. Tingnan sa Apocalipsis 17:5. Ang unang pangalan na nakasulat sa kanyang noo ay “misteryo,” na mula sa salitang Griyego na ang ibig sabihin ay “lihim.” Ang ideya ay ang pagkakakilanlan ng babaeng ito ay nakatago sa mundo, at ang kanyang tunay na pagkatao ay malalaman lamang sa pamamagitan ng banal na paghahayag (tingnan sa Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words [2023], entry 3466, pahina 1110; Coogan at iba pa, The New Oxford Annotated Bible, 536).

  17. Tingnan sa Apocalipsis 17:1–2; 1 Nephi 14:10–13.

  18. Tingnan sa Apocalipsis 17:16; 1 Nephi 22:13–14; Doktrina at mga Tipan 45:68–69.

  19. Tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary (1973), 3:563.

  20. Tingnan sa Apocalipsis 19:8. Tingnan din sa Apocalipsis 7:14; 19:14. Ang paglalarawan sa kasintahang babae na nadaramitan ng puting damit ay nagpapakita ng malaking kabaligtaran sa patutot o mahalay na babae na nakasuot ng marangyang damit na naunang inilarawan sa aklat ng Apocalipsis, (tingnan sa Apocalipsis 17:3–6; 18:16).

  21. Jeffrey R. Holland, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Liahona, Dis. 2013, 4.

  22. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 192. Tingnan din sa Mateo 22:2–14; Doktrina at mga Tipan 58:8–11.

  23. Tingnan sa D. Kelly Ogden at Andrew C. Skinner, Verse by Verse: Acts through Revelation (2006), 341.

  24. Harold W. Attridge at iba pa, mga pat., The HarperCollins Study Bible: New Revised Standard Version, Including the Apocryphal/Deuterocanonical Books (2006), 2110, tala para sa Apocalipsis 19:13. Tingnan sa Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 739.

  25. Doktrina at mga Tipan 133:50–51.

  26. Nicholas J. Frederick, “The Paradoxical Lamb and the Christology of John’s Apocalypse,” sa Thou Art the Christ, the Son of the Living God: The Person and Work of Jesus in the New Testament, pat. Eric D. Huntsman at iba pa (2018), 270.

  27. Neal A. Maxwell, “Overcome … Even as I Also Overcame,” Ensign, Mayo 1987, 72.

  28. Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 19:15 (Gospel Library); ang mga italiko ay nagpapahiwatig ng pagbabago sa teksto.

  29. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 29:18–21.

  30. Tingnan sa Ezekiel 39:17–22; Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 747–48, tala para sa Apocalipsis 19:18.

  31. Joseph Smith Translation, Revelation 19:18 (sa Revelation 19:18, footnote a).

  32. Apocalipsis 19:17.

  33. Apocalipsis 19:9.

  34. Tingnan sa Moises 7:61–66.

  35. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 84:100; 88:110. Pagkaraan ng isang libong taon, “si Satanas ay pakakawalan sa kanyang bilangguan, at lalabas upang dayain ang mga bansa” (Apocalipsis 20:7–8). Sa huli, siya ay “[ihahagis] sa lawa ng apoy at asupre … at pahihirapan araw at gabi magpakailanpaman” (Apocalipsis 20:10).

  36. Apocalipsis 20:1. Ang salitang Griyego na ginamit dito ay abyssos at kadalasang ginagamit upang ilarawan ang lugar ng mga patay. Sa aklat ng Apocalipsis, ang salitang ito ay mas partikular na tumutukoy sa lugar kung saan nakabilanggo ang masasamang espiritu (tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 26).

  37. Tingnan sa Joseph Smith Translation, Revelation 9:1 (sa Revelation 9:1, footnote a). Tingnan ang katulad na paglalarawan sa 2 Pedro 2:4 at Judas 1:6.

  38. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:28. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 43:31; 45:55.

  39. Doktrina at mga Tipan 45:58.

  40. Tingnan sa 1 Nephi 22:26.

  41. Tingnan sa Mateo 19:28; 1 Nephi 12:9–10; 3 Nephi 27:27; Mormon 3:19; Doktrina at mga Tipan 29:12.

  42. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:71–72.

  43. Tingnan sa Juan 5:22; Mga Gawa 10:42; 2 Nephi 9:41; Doktrina at mga Tipan 76:68.

  44. Apocalipsis 20:5.

  45. Tingnan sa 1 Corinto 15:20.

  46. Tingnan sa Mateo 27:52–53.

  47. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:64–65; 88:28–29, 96–99.

  48. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee (2000), 266.

  49. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 127:6–7, 9; 128:6–7.

  50. Tingnan sa 3 Nephi 27:24–26. Tingnan din sa 2 Nephi 29:11; Doktrina at mga Tipan 20:11–13.

  51. Tingnan sa Alma 5:58. Tingnan din sa Filipos 4:3; Apocalipsis 3:5; 13:8; 17:8; 20:15.

  52. Tingnan sa Genesis 3:17–19.

  53. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 63:20–21.

  54. “Discourse, 5 January 1841, as Reported by William Clayton,” 8, josephsmithpapers.org. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 29:22–25; 88:17–20, 25–26.

  55. Tingnan sa Apocalipsis 21:2. “Ang lungsod ay … isang kaloob mula sa [Diyos] sa kanyang mga tao. Ito ay ibinigay mula sa isang bahagi ng kanyang selestiyal na kaharian at ibinubuklod ang bagong mundo sa mas mataas na kalagayan” (Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 787, tala para sa Apocalipsis 21:2).

  56. Tingnan sa Apocalipsis 21:16.

  57. Tingnan sa 1 Mga Hari 6:19–20; Draper at Rhodes, The Revelation of John the Apostle, 813, tala para sa Apocalipsis 21:16.

  58. Tingnan sa Apocalipsis 21:18–21; Doktrina at mga Tipan 137:1–4.

  59. Tingnan sa Exodo 28:9–10, 17–21; Isaias 62:3; Malakias 3:17; Doktrina at mga Tipan 60:4; 101:1–5.

  60. Tingnan sa Apocalipsis 3:12; 13:16–17; 14:1.

  61. Tingnan sa Paul B. Pieper, “Lahat ng Tao ay Kailangang Taglayin sa Kanilang Sarili ang Pangalang Ibinigay ng Ama,” Liahona, Nob. 2018, 44. Tingnan din sa Robert C. Gay, “Taglayin sa Ating Sarili ang Pangalan ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2018, 97–100.

  62. Tingnan sa 2 Peter 1:4; Moroni 6:2–3; Doktrina at mga Tipan 109:22.

  63. Dallin H. Oaks, “The Challenge to Become,” Ensign, Nob. 2000, 32.

  64. Jeffrey R. Holland, “Ang Aking mga Salita … ay Hindi Kailanman Magwawakas,” Liahona, Mayo 2008, 91–92.