Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Efeso


“Efeso,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Efeso

Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Efeso tungkol sa pag-oorden noon pa man at ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon. Itinuro niya na ang dugo ni Jesucristo ay nagliligtas kapwa sa mga Judio at mga Gentil. Ang Panginoon ay tumatawag ng mga apostol, propeta, at iba pa upang maglingkod sa Simbahan. Ihahanda nila ang mga Banal, patitibayin ang Simbahan, at pagkakaisahin ang mga Banal sa pananampalataya. Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na alisin ang “dating pagkatao” sa kasalanan at sa pamamagitan ni Cristo ay magbihis ng “bagong pagkatao” sa katuwiran at kabanalan. Pinayuhan ni Pablo ang mag-asawa na mahalin at igalang ang isa’t isa. Hinikayat Niya sila na tumingin sa Tagapagligtas bilang kanilang halimbawa. Itinuro din ni Pablo sa mga Banal na isuot ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang maprotektahan mula sa kasamaan.

Resources

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Para kanino isinulat ang aklat ng Efeso at bakit?

May katibayan na isinulat ni Pablo ang liham na ito para sa mga Banal na naninirahan sa loob at sa paligid ng Efeso na nagsilbing punong-tanggapan ni Pablo sa kanyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero. Lubos na minahal ni Pablo ang mga taga-Efeso.

Ang Efeso ay isang mahalagang lungsod sa Asia Minor. Ito ay may daungan at pangunahing sentro ng komersiyo. Dahil sa lokasyon nito, ito ay “naging sentro ng Simbahang Kristiyano sa Asia Minor.” Binisita ni Pablo ang Efeso nang malapit nang matapos ang kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero at nanirahan doon sa loob ng dalawang taon sa kanyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero.

mapa ng silangang Mediterranean

Mahirap matukoy ang eksaktong petsa ng sulat ni Pablo sa mga taga-Efeso. Sinabi ni Pablo na nakabilanggo siya noong panahong isinulat niya ito. Maaaring isinulat ni Pablo ang liham sa panahon ng kanyang unang pagkabilanggo sa Roma, mga AD 60 hanggang 62, sa parehong panahon na sumulat siya kay Filemon at sa mga taga-Colosas.

Sa kanyang liham, nagsalita si Pablo sa mga Gentil na miyembro ng Simbahan na marahil ay mga bagong binyag. Ang pangunahing layunin niya sa pagsulat ay tulungan silang lumago sa kanilang kaalaman tungkol sa Diyos at sa Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag. Nag-alala si Pablo tungkol sa kawalan ng pagkakaisa ng mga miyembro, lalo na ng mga Banal na Gentil at Judio, at ng mga pamilya. Hinikayat niya ang mga Banal na labanan ang mga kapangyarihan ng kasamaan.

Efeso 1:1

Bakit tinawag ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan bilang mga Banal?

Madalas tawagin ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan bilang mga Banal. Ang salitang Griyego para sa banal ay nangangahulugang “dibino, … tapat, inilaan, [o] itinalaga.” Ang salitang mga banal ay tumutukoy sa mga taong nakatuon sa isang sagradong layunin. Sa pagtawag sa mga miyembro ng Simbahan bilang mga Banal, itinuro ni Pablo na lahat ng sumusunod kay Jesucristo ay ginagawang banal sa pamamagitan Niya. Sinisikap ng mga Banal na mamuhay sa mas banal na mga paraan.

Efeso 1:4–5, 11

Ano ang ibig sabihin ng itinalaga sa pagkukupkop?

Ihambing sa Roma 8:29–30.

Ang salitang Griyego para sa itinalaga (proorizō) ay “naglalarawan sa pagtukoy sa isang bagay nang maaga.” Sa Bagong Tipan, ang gawaing ito ay iniuugnay lamang sa Diyos.

Itinuturo ng talatang ito na ang mga mananampalataya ay itinadhana, o inorden noon pa man, para sa pagkupkop sa pamamagitan ni Jesucristo. Itinuro ni Pablo ang kahulugan ng pagkupkop sa Roma. Doon isinulat niya “na, kay Cristo, tayo ay kinupkop at sa gayon ay nagiging ‘mga anak ng Diyos’ (Roma 8:15–16; tingnan din sa Gal 4:1–9) at samakatuwid ay mga tagapagmana ng kaluwalhatiang selestiyal.” Ang mga pagpapalang inorden noon pa man ay hindi ibinibigay nang walang kundisyon kundi nakasalalay sa matwid na paggamit ng kalayaan sa buhay na ito.

Efeso 1:10

Ano ang “dispensasyon ng kaganapan ng panahon”?

“Ang dispensasyon ng ebanghelyo ay isang itinakdang panahon kung kailan tumatawag ang Panginoon ng kahit isa man lamang na tagapaglingkod na binigyang-karapatan sa mundo na nagtataglay ng mga susi ng banal na pagkasaserdote. Bawat isa kina Adan, Enoc, Noe, Abraham, Moises, Jesucristo, Joseph Smith, at iba pa ay nagpasimula ng bagong dispensasyon ng ebanghelyo. Kapag nagsasaayos ang Panginoon ng isang dispensasyon, ang ebanghelyo ay muling ipinahahayag nang sa gayon ang mga tao ng dispensasyong iyon ay hindi kinakailangang umasa sa mga lumipas na dispensasyon upang magkaroon ng kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan. Ang dispensasyong sinimulan ni Joseph Smith ay kilala bilang ‘dispensasyon ng kaganapan ng panahon.’”

Itinuro ni Joseph Smith na ang dispensasyong ito “ay magpapakita ng mga bagay na naihayag na sa lahat ng naunang dispensasyon; pati na ang iba pang mga bagay na hindi pa naihahayag. Ipadadala niya si Elijah, ang Propeta, at iba pa, at ibabalik ang lahat ng bagay kay Cristo.” Ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon ay ang huling dispensasyon, na maghahanda sa mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Efeso 1:12–14

Paano tinitiyak ng Banal na Espiritu ng Pangako ang mga pagpapala sa hinaharap?

“Ang Banal na Espiritu ng Pangako ay nagpapatibay na kapangyarihan ng Espiritu Santo.” Kapag tinanggap at tinupad natin ang mga ordenansa at tipan sa kabutihan, pinagtitibay ng Espiritu Santo na katanggap-tanggap ang mga ito sa Panginoon. Itinuro ni Elder David A. Bednar na ang pagtanggap ng Banal na Espiritu ng Pangako ay tulad ng “pagtanggap ng [isang] ‘tatak ng pagsang-ayon’ mula sa Espiritu Santo.” Itinuro ni Pablo na ang Banal na Espiritu ng Pangako ay katulad din ng isang pangako o garantiya na tatanggap tayo ng buhay na walang hanggan, isang pamana sa kahariang selestiyal. Sa madaling salita, ang Banal na Espiritu ng Pangako ay nagbibigay ng katiyakan na tatanggapin natin ang kabuuan ng gantimpala sa langit.

Efeso 2:20–21

Ano ang kahalagahan ng batong panulok?

“Ang batong panulok ang unang batong inilalagay sa pundasyon ng isang gusali, sa isang sulok ng istraktura.

“… Ang batong panulok ang halos pumapasan sa bigat ng panlabas na istruktura ng isang gusali, at ikinokonekta at pinagdudugtong ang dalawa sa mga pader. Pagkatapos itong ilagay, lahat ng iba pang mga bato at ang mga anggulo nito ay sinusukat mula rito.

“… Noong unang panahon, ang batong panulok ay karaniwang isa sa pinakamalalaki, pinakamatitibay na bato na kinailangang tiyakin ng nagtatayo ng gusali. Susuriing mabuti ng nagtatayo ng gusali ang kanyang mga bato at pipiliin niya ang pinaka-angkop na bato bilang batong panulok, tinatanggihan ang anumang mga bato na tila hindi angkop.”

Efeso 3:4

Anong hiwaga ang nalaman ni Pablo?

Ang salitang Griyego para sa hiwaga ay mystērion, na nangangahulugang isang sagradong katotohanan na malalaman lamang sa pamamagitan ng paghahayag. Ang hiwagang tinutukoy ni Pablo ay ang pagkakaroon ng pagkakataon ng mga Judio at Gentil na maging tagapagmana ng tipang Abraham sa pamamagitan ni Cristo. Ang hiwagang ito ay “inihayag kay Pablo sa pambihirang araw na iyon nang maglakbay siya patungong Damasco (tingnan sa Mga Gawa 9:3–5).”

Efeso 4:11

Ano ang mga ebanghelista at mga pastor?

Itinala ni Pablo ang mga katungkulang ebanghelista at pastor bilang bahagi ng istruktura ng organisasyon ng Simbahan. Ang evangelista o ebanghelista ay “isang taong nagdadala o nagpapahayag ng mabubuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo.” Sa makabagong paghahayag, ang mga patriarch ay inilalarawan bilang “mga mangangaral ng ebanghelyo.” Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Ang evangelista ay isang Patriarch. … Saanman nakatayo ang Simbahan ni Cristo sa mundo, dapat ay mayroong Patriarch para sa kapakanan ng mga inapo ng mga Banal, gaya ni Jacob nang bigyan niya ng patriarchal blessing ang kanyang mga anak.”

Ang pastor ay isang pastol, o isang taong namumuno sa isang kawan. Tinukoy ni Jesucristo ang Kanyang sarili bilang Mabuting Pastol dahil kilala at mahal Niya ang Kanyang mga tupa. Sa kontekstong ito, ang mga pastor ng Bagong Tipan ay katulad ng mga bishop at branch president sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Efeso 4:26–27, 31–32

Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa galit?

Nilinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang Efeso 4:26 tulad ng sumusunod: “Magagalit ba kayo, at hindi magkakasala?” Ang pagbabago sa talatang ito ay tumugma sa iba pang mga turo ni Pablo tungkol sa galit.

Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na huwag silang matulog sa gabi hangga’t hindi nila nadadaig ang galit sa kanilang isipan. Ang Tagapagligtas ay nagturo ng gayon ding mga katotohanan tungkol sa galit.

Efeso 5:21–33

Ano ang mensahe ni Pablo tungkol sa pagpapasakop sa asawa?

Nagsalita si Pablo tungkol sa pagpapasakop sa buong sulat niya. Sa talatang ito, tinalakay ni Pablo ang pagpapasakop sa mga relasyon ng pamilya, na binigyang-diin lalo na ang tungkol sa mag-asawa. Dahil ang salitang pagpapasakop ay maaaring magkaroon ng positibo at negatibong konotasyon, mahalagang maging malinaw kung paano ginamit ni Pablo ang salita.

Bago magsalita tungkol sa buhay may asawa, hinikayat ni Pablo ang mga miyembro ng pamilya na magpasakop sa isa’t isa. Ito ay dapat pagpapasakop sa isa’t isa na nagtataguyod ng “pagkakasundo” sa loob ng pamilya. Inanyayahan din ni Pablo ang mga miyembro ng pamilya na tingnan “ang isa’t isa sa relasyon ng bawat tao sa [Diyos].”

Sa kontekstong ito, ang mag-asawa ay dapat “magpasakop sa isa’t isa bilang pagbibigay-pitagan kay Cristo.” Inanyayahan ni Pablo ang mga asawang babae na kusang magpasakop sa kanilang asawa dahil sa kanilang pagmamahal kay Jesucristo at hindi dahil sa pamimilit o pagdodomina.

Ginamit ni Pablo ang pagmamahal ni Jesucristo sa Simbahan bilang huwaran ng mag-asawa. Kaya, dapat mahalin ng lalaki ang kanyang asawa sa paraang katulad ng pagmamahal at pagsasakripisyo ni Jesucristo para sa Kanyang Simbahan. Dahil ang Tagapagligtas ang huwaran, hindi bibigyang katwiran ang pagkontrol, hindi pagrespeto at pang-aabuso sa asawa.

Sa pagtuon kay Jesucristo, nagbigay si Pablo ng malinaw na tagubilin kung paano uunawain ang pagpapasakop. Mula sa buhay ni Jesucristo, nakikita natin na ang pagpapasakop ay maaaring maging banal na katangian kapag kinapapalooban ito ng pagpapakumbaba, kaamuan, kahinahunan, at pagsunod sa Diyos. Sa kontekstong ito, “ang pagpapasakop ay nangangailangan ng kahanga-hangang lakas ng pagkatao, katapatan sa tipan, di-pangkaraniwang karunungan, at di-makasariling pagmamahal—na nagpapaalala sa Isa na uliran sa pagpapakumbaba.”

Sa kultura ng panahon ni Pablo, ang mga tungkulin ng kababaihan ay kadalasang limitado, at ang mga asawang lalaki at ama ay itinuturing na may awtoridad o pinakapuno sa loob ng pamilya. Ang mensahe ni Pablo ay hamon sa nakaugaliang iyon. “Bagama’t ang mga tahanang Kristiyano ay patuloy pa rin sa pagiging patriarchal at hierarchical, ang mga pagbabagong ito ay naghikayat sa kanila na magkaroon ng higit na pagkakapantay-pantay at paggalang sa bawat tao.”

Efeso 6:5–8

Sinang-ayunan ba ni Pablo ang pang-aalipin?

Sa panahon ng Bagong Tipan, ang pang-aalipin o pagkakaroon ng alipin ay gawaing karaniwan na sa buong Imperyo ng Roma. Maaaring maraming miyembro ng Simbahan ang mga alipin o may mga alipin na bahagi ng kanilang tahanan. Ang mga tao ay nagiging alipin kapag nabihag sa digmaan, ipinagbili para makabayad ng utang, o na-kidnap. Ang payo ni Pablo tungkol sa kung paano dapat kumilos ang mga alipin ay hindi nagpapahiwatig na sinang-ayunan niya ang pang-aalipin. Tinuturuan niya ang mga miyembro ng Simbahan, na namumuhay sa isang kultura na may mga alipin at mga panginoon, kung paano magagabayan ng ebanghelyo ni Jesucristo ang mga ugnayang iyon.

Alamin ang Iba Pa

Pag-oorden Noon Pa Man

Saligan ng mga Apostol at mga Propeta

  • Mga Paksa at Mga Tanong, “Mga Propeta,” Gospel Library

Pagsasama ng Mag-asawa

Media

Mga Video

“Mga Dispensasyon: Ang Pattern ng Apostasiya at Pagpapanumbalik” (6:52)

6:55

“The armor of God” (2:06)

2:6

Mga Larawan

mga guho sa Efeso
isang batong panulok sa pader na bato
isang lalaking nakasuot ng buong kasuotang pandigma na may kalasag at espada

Mga Tala

  1. “Hindi tulad ng iba niyang mga liham, hindi nagpadala si Pablo ng anumang personal na pagbati sa mga partikular na indibiduwal sa liham na ito at umasa na narinig ng mga tagapakinig ang kanyang paglilingkod sa kanila (Efeso 3:2). Bukod dito, ang pariralang ‘[nasa Efeso]’ (1:1) ay wala sa ilan sa mga pinakaunang manuskrito ng liham na ito. Ang mga impormasyong ito ang dahilan kung bakit kinuwestiyon ng ilang iskolar kung totoo ang liham na ito gayundin ang pagbibigyan nito. Ngunit malinaw na malaki ang pagmamalasakit ni Pablo sa mga pamayanang Kristiyano sa silangan ng Efeso, tulad ng Colosas at Laodicea, kahit ‘hindi pa [nila nakita siya] nang mukhaan’ (Colosas 2:1). Kaya makatwiran na isipin na ang liham na ito ay orihinal na liham na nilayon ni Pablo para sa lahat sa mga kongregasyong Kristiyano sa loob at paligid ng Efeso, katulad sa layunin niya sa kanyang mga liham sa ‘mga iglesia ng Galacia’ (Galacia 1:2)” (Frank F. Judd Jr., “The Epistles of the Apostle Paul: An Overview,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, pat. Lincoln H. Blumell [2019], 435–36).

  2. Tingnan sa Mga Gawa 19:1, 9–10.

  3. Tingnan sa Mga Gawa 20:17, 34–38.

  4. Bible Dictionary, “Ephesus.”

  5. Tingnan sa Mga Gawa 18:19.

  6. Tingnan sa Mga Gawa 19:10.

  7. Tingnan sa Efeso 3:1; 4:1; 6:20.

  8. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” Gospel Library.

  9. Tingnan sa Efeso 2:11.

  10. Tingnan sa Efeso 1:15–16.

  11. Tingnan sa Efeso 1:15–19; 3:14–19.

  12. Tingnan sa Efeso 2:11–22; 4:1–6.

  13. Tingnan sa Efeso 5:22–33; 6:1–4.

  14. Tingnan sa Efeso 4:17–32; 5:1–18; 6:10–18.

  15. Tremper Longman III at Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), 1038, entry 40.

  16. Tingnan sa Bible Dictionary, “Saint.”

  17. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, “Ang salitang Banal ay tumutukoy lang sa lahat ng naghahangad na pabanalin ang kanilang buhay sa pakikipagtipang sundin si Cristo” (“Ang Kahalagahan ng Pangalan,” Liahona, Nob. 2011, 80).

  18. Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 621.

  19. Tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 621.

  20. S. Kent Brown, The Epistle to the Ephesians: Brigham Young University New Testament Commentary (2023), 47.

  21. Sa pamamagitan ng makabagong paghahayag, nalaman natin na ang pag-oorden noon pa man ay hindi garantiya na tatanggap tayo ng mga partikular na pagpapala. Sa halip, ang pagtatamo ng mga pagpapalang inorden noon pa man ay “bunga ng matwid na paggamit ng kalayaang pumili” (Mga Paksa at Mga Tanong, “Pag-oorden Noon Pa Man,” Gospel Library).

  22. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Dispensasyon,” Gospel Library.

  23. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 597; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 128:18.

  24. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 112:30–32; 138:48; tingnan din sa “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo,” Gospel Library.

  25. David A. Bednar, “Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” Liahona, Mayo 2007, 22.

  26. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Banal na Espiritu ng Pangako,” Gospel Library.

  27. David A. Bednar, “Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” 22. Itinuro din ni Elder Bednar, “Maaaring mabalewala ang pagbubuklod na ito sa pamamagitan ng kasamaan at paglabag” (“Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” 22).

  28. Ginagamit ng King James Version ng Biblia ang pariralang “ang katibayan ng ating mana” (Efeso 1:14) upang ilarawan ang pangako o garantiyang ito. Sa mga bagay ng mundo, kapag ang isang mamimili ay nagbigay ng pera bilang katibayan, tinitiyak ng mamimili sa nagbebenta na gusto niyang bumili ng ilang ari-arian. Ginamit ni Pablo ang pananalitang ito upang ipaliwanag na ang Diyos ay nagbibigay ng katiyakan ng mga pagpapala sa mga taong namumuhay ayon sa kalooban ng Diyos.

  29. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:3–4; 131:5.

  30. Ito ay tinatawag kung minsan na “pagtiyak sa ating pagkakatawag at pagkakahirang” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagkakatawag at Pagkakahirang,” Gospel Library). Tingnan din sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary [1971], 2:493–95; Joseph Smith, sa History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], volume C-1, 8, josephsmithpapers.org; Brian M. Hauglid, “Joseph Smith’s Inspired Commentary on the Doctrine of Calling and Election,” sa Shedding Light on the New Testament: Acts–Revelation, mga pat. Ray L. Huntington at iba pa (2009), 209–10.

  31. The Cornerstone,” Ensign, Ene. 2016, 74.

  32. Tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 536. Tingnan din sa Alma 12:9–11.

  33. Tingnan sa Efeso 3:6; Mosias 5:7; 15:11; 27:25–26.

  34. Brown, The Epistle to the Ephesians, 202.

  35. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ebanghelista,” Gospel Library.

  36. Doktrina at mga Tipan 107:39.

  37. Mga Turo: Joseph Smith163.

  38. Tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 736.

  39. Tingnan sa Juan 10:11.

  40. Brown, The Epistle to the Ephesians, 305.

  41. Pagsasalin ni Joseph Smith, Efeso 4:26; ang nakahilig na mga salita ay nagpapahiwatig ng binagong teksto.

  42. Tingnan sa Efeso 4:31.

  43. Tingnan sa Efeso 4:26.

  44. Tingnan sa Mateo 5:22; 3 Nephi 11:29–30; 12:22.

  45. Tingnan sa 2 Corinto 9:13; Efeso 6:1; Colosas 2:20–22; 3:20; Tito 3:1; Mga Hebreo 13:17.

  46. Tingnan sa Camille Fronk Olson, “Submit Yourselves … as unto the Lord,” sa Huntington at iba pa, Go Ye into All the World, 100–105. “Sa buong sulat ni Pablo, ang kabutihan ng pagpapasakop ay hinikayat sa iba’t ibang konteksto, bawat isa ay may konotasyon na pagsuporta, pakikipagtulungan, o pagsunod sa pamumuno ng iba sa organisasyon” (Kent R. Brooks, “Paul’s Inspired Teachings on Marriage,” sa Go Ye into All the World: Messages of the New Testament Apostles, mga pat. Ray L. Huntington at ibapa [2002], 92).

  47. Tingnan sa Efeso 5:21.

  48. “Ang pandiwang hypotassō, ‘magpasakop, sumunod,’ ay wala talaga sa talata 22 ngunit ito ay ‘hiniram’ mula sa talata 21; ang kahulugan ng dalawang talata ay “Pasakop kayo sa isa’t isa … mga asawang babae, pasakop kayo sa inyu-inyong mga asawa,” at iba pa sa buong sambahayan, na may mga tagubilin na tumutukoy sa mga paraan para maipakita ng bawat miyembro ng pamilya ang pagpapasakop sa isa’t isa” (Mark D. Ellison, “Family, Marriage, and Celibacy in the New Testament,” sa Blumell, New Testament History, Culture, and Society, 546).

  49. Kenneth L. Barker at iba pa, mga pat., NIV Study Bible: Fully Revised Edition (2020), 2076, tala para sa Efeso 5:21.

  50. Ellison, “Family, Marriage, and Celibacy in the New Testament,” 545.

  51. Michael D. Coogan at iba pa, mga pat., The New Oxford Annotated Bible: New Revised Standard Version, ika-5 ed. (2018), 2058, tala para sa Efeso 5:21.

  52. Tingnan sa Earl D. Radmacher at iba pa, mga pat., NKJV Study Bible, ika-3 ed. (2018), 1773, tala para sa Efeso 5:22–24, 25.

  53. Tingnan sa Brown, The Epistle to the Ephesians, 477.

  54. Itinuro pa ni Elder Ulisses Soares: “Napapaloob sa huwarang patriyarkal na ang mga asawang babae at lalaki ay direktang may pananagutan sa Diyos sa pagtupad sa kanilang banal na mga responsibilidad sa pamilya. Nangangailangan ito ng lubos na pagtutulungan—bukal sa loob na pagsunod sa bawat alituntunin ng pagiging matwid at pananagutan—at nagbibigay ng mga pagkakataon na lumago sa isang kapaligiran na may pagmamahalan at pagtutulungan. Ang mga espesyal na responsibilidad na ito ay hindi nagpapakita ng herarkiya at talagang hindi nagsasama ng anumang uri ng pang-aabuso o maling paggamit ng awtoridad” (“Katuwang ang Panginoon,” Liahona, Nob. 2022, 44).

  55. Olson, “Submit Yourselves … as unto the Lord,” 102.

  56. Ellison, “Family, Marriage, and Celibacy in the New Testament,” 546.

  57. Maraming salin ng Biblia ang gumagamit ng mas magaan na termino na tagapaglingkod, ngunit ang ibig sabihin sa salitang Griyego ay alipin (tingnan sa Longman at Strauss, The Baker Expository Dictionary, 753).

  58. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pang-aalipin sa Bagong Tipan, tingnan sa Andy Mickelson, “Recognizing and Understanding Slavery in the New Testament,” sa The Household of God: Families and Belonging in the Social World of the New Testament, mga pat. Lincoln H. Blumell at iba pa (2022), 201–24.