Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
1 Corinto 1–7


“1 Corinto 1–7,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

1 Corinto 1–7

Hinangad ni Apostol Pablo na palakasin ang mga bagong binyag sa Corinto. Nahirapan silang talikuran ang mga nakaraang paniniwala at gawain. Binalaan sila ni Pablo laban sa pagkakabaha-bahagi sa mga kongregasyon ng Simbahan. Binigyang-diin niya na kailangan ang pagkakaisa. Nagbabala si Pablo laban sa seksuwal na imoralidad. Itinuro Niya na ang katawan ay templo para sa Banal na Espiritu. Itinuon niya ang kanilang pansin sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa Kanyang ipinangakong pagbabalik. Tinugunan din niya ang mga partikular na tanong tungkol sa kasal.

Mga Resources

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Para kanino isinulat ang 1 Corinto at bakit?

Ang liham na ito ay isinulat ni Apostol Pablo sa mga Banal na naninirahan sa Corinto, ang punong lungsod ng lalawigang Acaia ng Roma. Ang Corinto ay isang maunlad na sentro ng kalakalan at umaakit sa mga tao mula sa iba’t ibang panig ng Imperyong Romano.

mapa ng Mediterranean na may label na Corinto, Efeso, at Jerusalem

Maraming buwan na ang ginugol ni Pablo sa Corinto sa kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero, ilang taon bago isinulat ang liham na ito. Nagtatag siya ng sangay [branch] ng Simbahan doon noong mga AD 50–51. Ilang panahon matapos siyang umalis, nalaman ni Pablo na nagkaroon ng mga problema sa sangay sa Corinto. Nawala na ang orihinal na mensaheng natanggap ni Pablo, pati na ang sagot ni Pablo. Muling nabalitaan ni Pablo ang mga problema sa Corinto habang siya ay nangangaral sa Efeso. Sumulat siya ng isa pang liham—isang liham na makikilala bilang 1 Corinto—sa pagitan ng AD 55 at 57.

Ang mga bagong binyag sa Corinto ay dumanas ng maraming pagsubok. Naharap sila sa lipunang puno ng sekular na pilosopiya, laganap na imoralidad, at kasamaan.

Sa 1 Corinto, hinikayat ni Pablo ang nahihirapang mga miyembro na huwag bumalik sa mga dating paniniwala at gawi. Ang sumusunod ay ilan sa mga pangunahing paksa na tinalakay ni Pablo sa liham na ito:

  • Mga pagkakabaha-bahagi sa Simbahan ng Corinto

  • Pag-aasawa at diborsyo

  • Hindi pagkakaunawaan sa doktrina

  • Pagsamba ng mga kababaihan

  • Espirituwalidad

  • Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

  • Ang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas

  • Ang pagbabalik sa wakas ni Jesucristo sa lupa

Bagama’t malinaw na itinuturo ng mga isinulat ni Pablo sa mga taga-Roma at Galacia na ang kaligtasan ay hindi matatamo sa pamamagitan ng pagsunod sa batas, mas maraming itinuro si Pablo sa 1 Corinto. Sa mga taga-Corinto, binigyang diin niya ang kahalagahan ng “pagtupad sa mga utos ng Diyos.” at ang batas ni Cristo.

1 Corinto 1:10–17

Bakit nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga Banal sa Corinto?

Sa panahon ni Pablo, maunlad ang ekonomiya ng Corinto. Ito ay humantong sa pagkakabaha-bahagi sa lipunan at ekonomiya. Ang pilosopiya at kultura ng mga Griyego ay lumaganap sa lungsod. Ang impluwensya ng kultura ng Griyego ay maaaring nag-udyok din ng pakikipagkumpitensya at paghahangad na mahigitan ang isa’t isa. Ang impluwensyang ito ng kultura ay maaaring nag-ambag sa kapalaluan at pagkakabaha-bahagi na tinalakay ni Pablo sa kanyang liham.

Nakatanggap si Pablo ng ulat tungkol sa mga problema sa Simbahan sa Corinto. Ang balita ay nagmula sa isang kongregasyon na nagtitipon sa bahay ni Cloe. Si Cloe ay isang kilalang babae sa mga Banal sa Corinto. Nalaman ni Pablo na ang mga miyembro ng Simbahan ay nahahati sa mga paksyon. Ang ilan sa mga pagkakabaha-bahaging ito ay tila nag-ugat sa mga pagkakaiba sa kabuhayan. Nagkaroon din ng pagkakabaha-bahagi dahil sa katapatan sa iba’t ibang lider ng Simbahan. Ipinagmamalaki ng ilang miyembro kung sino ang nagbinyag sa kanila. Sinabi sa kanila ni Pablo na ang mga miyembro ay dapat magkaisa kay Cristo bilang kanilang pinuno.

1 Corinto 1:17–31; 2:1–13

Ano ang ibig sabihin ng “karunungan ng sanlibutan”?

Makikita na sa Corinto, ang mga may matataas na pinag-aralan na mga miyembro ay naimpluwensyahan ng mga ideya ng pilosopiyang Griyego. Ang mga ideyang ito ay bahagi ng tinatawag ni Pablo na “karunungan ng sanlibutan? Ang ganitong uri ng karunungan sa mundo ay nagtulak sa ilan na isipin nang may kapalaluan na sila ay nakahihigit sa mga batas ng Diyos. Sa 1 Corinto, tinalakay ni Pablo ang sumusunod na mga problema sa doktrina at pag-uugali na naimpluwensyahan ng mga ideya ng mga Griyego:

  • Sinasabi ng ilan na lahat ng bagay ay matuwid sa kanila.

  • Itinuturing ng ilan na masama ang pisikal na katawan at ang mga hangarin nito. Ang iba naman ay kabaligtaran ang pananaw at pakiramdam nila ay walang masama na tugunan ang anumang “pagnanasa ng katawan.”

  • May mga naniniwalang katanggap-tanggap ang pagsali sa mga paganong kulto.

  • Binabalewala ng ilan ang mga kombensyong panlipunan.

  • Ang ilan ay nahihirapang tanggapin si Jesucristo bilang Mesiyas dahil namatay Siya sa krus.

Nagsalita si Pablo laban sa “karunungan ng sanlibutang ito” at nagbabala laban sa makamundong pilosopiya na inililihis ang mga miyembro mula sa pagkaunawa at pamumuhay sa dalisay na ebanghelyo ni Jesucristo.

1 Corinto 2:14–16

Ano ang “taong hindi ayon sa espiritu”?

Ang salitang Griyego na psychikos ay isinalin bilang “hindi ayon sa espiritu” o “hindi espirituwal” sa Bagong Tipan. Kung gayon, ang taong hindi ayon sa espiritu ay “isang tao na pumapayag na maimpluwensiyahan ng mga silakbo ng damdamin, pagnanasa, gana, at damdamin ng laman kaysa ng mga panghihikayat ng Banal na Espiritu. Ang gayong tao ay nakauunawa ng mga pisikal na bagay ngunit hindi ng mga espirituwal na bagay.”

1 Corinto 3:16–17

Paano maaaring kumatawan ang isang kongregasyon sa templo ng Diyos?

Sa mga talatang ito, ang templo ng Diyos ay tumutukoy sa kongregasyon ng Corinto gayundin sa Simbahan sa kabuuan. Ang Espiritu ng Diyos ay maaaring manahan sa mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon. Nagbabala si Pablo na malaki ang kabayarang ibibigay ng mga naghahangad na wasakin o sirain ang mga tao ng Diyos. Sa 1 Corinto 6:19, inihambing ni Pablo ang pisikal na katawan ng tao sa isang templo.

1 Corinto 4:9–14

Paano naging panoorin ng sanlibutan ang mga Apostol?

Ang salitang panoorin ay may kaugnayan sa ideya ng isang teatro. “Ipinapaisip [nito] ang imahe ng mga bilanggo ng digmaan na hayagang nilalapastangan sa isang panlabas na teatro.” Dito ipinahiwatig ni Pablo na ang mga Apostol ay dadanas ng pag-uusig at maging ng kamatayan.

1 Corinto 5:1–13

Bakit pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na alisin ang isang miyembro sa kanilang kongregasyon?

Isang miyembro ng kongregasyon sa Corinto ang nagkaroon ng seksuwal na ugnayan o nakiapid sa kanyang madrasta. Nang malaman ito ni Pablo, kinondena niya ang matinding seksuwal na kasalanang ito. Pinagsabihan din niya ang Simbahan dahil sa hindi pag-aksiyon sa makasalanang pag-uugali na ito. Pinayuhan niya na alisin ang indibiduwal sa Simbahan. Ipinaliwanag niya na kung ang nagkasala ay hahayaang manatili sa Simbahan, ang impluwensya ng kasamaan ay lalaganap sa mga miyembro.

Sa naunang liham, pinayuhan ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na huwag makisama sa mga taong seksuwal na imoral. Sa mga talatang ito, pinalawak ni Pablo ang pagbabawal na ito upang isama ang iba pang mga kasalanan.

1 Corinto 6:1–7

Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga usaping legal sa pagitan ng mga kapwa miyembro?

Ang ilang miyembro ng Corinto ay nagsampa ng kaso laban sa mga kapwa miyembro. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga kongregasyon. Pinayuhan sila ni Pablo na lutasin sa kanilang sarili ang mga hindi pagkakaunawaan. Itinuro ng Tagapagligtas ang gayon ding mga alituntunin.

1 Corinto 6:12

Ang lahat ba ng bagay ay talagang katanggap-tanggap sa paningin ng Diyos?

(ikumpara sa 1 Corinto 10:23)

Bagama’t nakasaad sa talatang ito na isinulat ni Pablo na ang lahat ng bagay ay naaayon sa batas o pinahihintulutan niya, idinagdag ng Joseph Smith Translation ang sumusunod na paglilinaw: “Ang lahat ng bagay na ito ay hindi matuwid sa akin, at ang lahat ng bagay na ito ay hindi kinakailangan. Ang lahat ng bagay ay hindi matuwid para sa akin, kaya’t hindi ako madadala sa ilalim ng kapangyarihan ng sinuman.”

1 Corinto 6:13–20

Ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa seksuwal na imoralidad?

Ang pakikiapid, o seksuwal na imoralidad, ay isang malaking problema sa mga banal sa Corinto. Tinutulan ni Pablo ang argumento sa Corinto na kung paanong ang pisikal na gutom ay wastong natutugunan sa pagkain, gayon din ang ating sekswal na pagnanasa ay wastong natutugunan ng pakikiapid. Nagbabala si Pablo na ang seksuwal na imoralidad ay kasalanan laban sa ating sariling katawan. Ipinaliwanag niya na kapag ang isang tao ay may seksuwal na relasyon sa isang patutot (prostitute), ang dalawang tao ay nagiging isang katawan. Ang pagsasamang ito ay magpapadumi sa buong katawan.

Sinabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland tungkol sa talatang ito: “Ang ating kaluluwa ang nakataya dito—ang ating espiritu at ating katawan. Naunawaan ni Pablo ang doktrinang iyon ng kaluluwa. … Ang halaga ng pagbili para sa ating kagalakan—katawan at espiritu na walang hanggan—ay ang dalisay at walang-sala na dugo ng Tagapagligtas ng mundong ito. Hindi natin masasabi kung gayon sa kamangmangan o pagsuway, ‘Buhay ko ito,’ o mas masahol pa, ‘katawan ko ito.’ Hindi totoo iyan. ‘Kayo ay hindi sa inyong sarili,’ sabi ni Pablo. ‘Kayo ay binili sa isang halaga.’ Kaya bilang sagot sa tanong na, ‘Bakit napakahigpit ng Diyos sa seksuwal na paglabag? bahagi nito ay dahil sa mahalagang kaloob na inihandog ng kanyang Bugtong na Anak at sa pamamagitan ng kanyang Bugtong na Anak upang tubusin ang mga kaluluwa—katawan at espiritu—madalas din nating naaabuso ang kaloob na ito sa mababaw at walang kabuluhang paraan.”

1 Corinto 7:1–5

Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa pag-aasawa?

Nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith na sinagot ni Pablo ang mga tanong ng mga taga-Corinto sa kabanatang ito. Hindi natin alam ang lahat ng tanong na sinagot ni Pablo. Ngunit may mga clue o pahiwatig sa teksto na makatutulong sa atin na ilagay sa konteksto ang mga turo ni Pablo. Halimbawa, tila may mga naniniwala na “mabuti para sa isang lalaki na huwag humipo [makipagtalik] sa isang babae.” Bilang tugon, pinagtibay ni Pablo na angkop ang seksuwal na relasyon sa isang lalaki at isang babae na ikinasal.

Ang ibang mga miyembro sa Corinto ay naniniwala na hindi dapat magtalik pati ang mag-asawa. Bilang tugon, itinuro ni Pablo na ang seksuwal na intimasiya sa pagsasama ng mag-asawa ay mahalagang paraan para sa mag-asawa na magbigay ng “karapatan,” o magbigay sa isa’t isa ng kanilang “karapatan bilang asawa.”

“Inakala ng ilan na ang sinasabi lamang ni Pablo ay tungkol sa karaniwang pagmamagandang-loob sa talatang ito [1 Corinto 7:3]. Sa kontekstong ito ay binabanggit niya ang kasunduan sa kontrata sa pagitan ng mag-asawa, kabilang ang papel na ginagampanan ng intimasiya. Sa ibang pagpapakahulugan: Bilang mag-asawa, bahagi ng inyong pagkatao ay bahagi na ng bawat isa sa inyo. Huwag mong dayain o bawiin ang ipinangako mong ibibigay. Ipagkaloob sa iyong asawa ang iyong sekswal na monopolyo at huwag ipagkait ang karapatang iyon, dahil kung ang isang mag-asawa ay gumugugol ng maraming oras na malayo sa isa’t isa, maaaring samantalahin ni Satanas na impluwensiyahan sila.”

Mahalaga na ang mga turo ni Pablo tungkol sa intimasiya sa relasyon ng mag-asawa ay nagagamit nang tama. Ipinaliwanag ni Pangulong Howard W. Hunter: “Ang pagiging magiliw at paggalang—hindi kailanman pagka-makasarili—ang dapat maging gabay na alituntunin sa matalik na ugnayan ng mag-asawa. Ang bawat isa ay dapat na may pang-unawa at madaling makaramdam ng pangangailangan at naisin ng isa’t isa. Ang anumang pagdodomina, mahalay, o di-masupil na pag-uugali sa matalik na ugnayan ng mag-asawa ay kasumpa-sumpa sa Panginoon.”

1 Corinto 7:7–40

May asawa ba si Pablo?

Ang ilang pahayag sa kabanatang ito ay nagpaisip sa ilan na maniwala na hindi kasal si Pablo. Dito, at sa ibang mga liham, malinaw na itinuro ni Pablo ang kahalagahan ng buhay may-asawa at pamilya. Marami sa mga tagubilin ni Pablo sa kabanatang ito ang malamang na nilayon para tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na maunawaan na angkop na ipagpaliban ang kasal para sa paglilingkod bilang full-time missionary.

Ipinahihiwatig ng ilang iskolar na marahil ay ikinasal si Pablo dahil sa pakikisama niya sa Sanedrin. Upang maging miyembro ng Sanedrin kailangang sundin ni Pablo ang panuntunan nito na dapat siyang magpakasal. Kahit hindi bahagi ng Sanedrin si Pablo, inaasahan na siya ay mag-aasawa upang makaayon sa lahat ng tinatanggap na kaugalian ng mga Judio.

1 Corinto 7:12–19

Ano ang ipinayo ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan na may asawa na hindi mananampalataya?

Pinayuhan ni Pablo ang mga miyembro na kasal sa mga hindi mananampalataya na huwag hiwalayan ang kanilang asawa dahil sa kawalan nila ng pananampalataya. Hinikayat niya ang mga miyembro na manatiling may asawa at mamuhay bilang matatapat na disipulo ni Cristo. Sa paggawa nito, ang asawa ay maaaring maging daan sa pagpapabanal sa di-nanampalatayang asawa.

1 Corinto 7:14

Ano ang itinuturo ni Pablo tungkol sa mga anak ng mga mag-asawa na ang isa ay mananampalataya at ang isa ay hindi mananampalataya?

Sa talatang ito, tinalakay ni Pablo ang mga kasal kung saan ang isang asawa ay nagbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo at ang isa naman ay nananatiling tapat sa batas ni Moises. Ang Doktrina at mga Tipan 74 ay nagbibigay ng mahalagang kaalaman sa talatang ito. Ayon sa Doktrina at mga Tipan 74:3, nagkaroon ng mga alitan nang hangarin ng mga di-nanampalatayang ama na tuliin ang kanilang mga anak na lalaki at magpasakop sa batas ni Moises. Ang mga amang ito ay naniniwala na ang kanilang mga anak ay hindi banal maliban kung sila ay tuliin. Malinaw na nang lumaki ang mga batang ito, marami ang piniling ipamuhay “ang mga tradisyon ng kanilang mga ama” at hindi naniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Hindi itinuturo ni Apostol Pablo na ang mga ito o sinumang bata ay ipinanganak na marumi o makasalanan. Sa halip, itinuro niya na ang isang mananampalatayang asawa ay maaaring magkaroon ng mabuting impluwensya sa kanilang di-nananampalatayang asawa at mga anak. Ang kanilang impluwensya ay maaaring mag-udyok sa mga anak, kapag nasa edad na sila ng pananagutan, na sundin ang ebanghelyo at maging “banal” sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Alamin ang Iba Pa

Kultura sa Corinto

Ang Inyong Pisikal na Katawan ay Templo ng Espiritu Santo

Pagsasabuhay ng mga Turo ni Pablo tungkol sa Pag-aasawa

  • Matthew O. Richardson, “Three Principles of Marriage,” Ensign, Abr. 2005, 20–24

Media

Mga Video

“Ye Are the Temple of God” (1:07)

1:8

“Our Body Is Bought with a Price” (1:29)

1:30

Mga Larawan

Si Pablo na nakaupo at nagsusulat sa isang mesa

Si Pablo na sumusulat ng isang liham

mga guho ng Templo ni Apollo sa Corinto

Ang Templo ni Apollo sa Corinto

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mga Gawa 18:1–18.

  2. Tingnan sa 1 Corinto 5:9.

  3. Tingnan sa 1 Corinto 1:11; 16:8.

  4. Tingnan sa Bible Dictionary, “Pauline Epistles,” Gospel Library.

  5. Halimbawa, sa Corinto ay may templong inilaan sa diyosa ng pag-ibig ng mga Griyego, si Aphrodite. “Sa kasumpa-sumpang lugar na ito ay matatagpuan ang mga propesyonal na prostitute (ang sabi ng ilan ay 1,000) na inilaan ang kanilang sarili sa diyosa at kumita ng malaking pera para sa templo at para sa lungsod. Sa katunayan, ang wikang Griyego ay bumuo ng terminong Corinthianize, na nangangahulugang mamuhay nang lango sa imoralidad (Russell P. Spittler, The Corinthian Correspondence [1976], 11, sinipi sa Mary Jane Woodger, “The ‘I’s’ of Corinth: Modern Problems Not New,” sa Go Ye into All the World: Messages of the New Testament Apostles [2002], 46). Tingnan din sa Richard D. Draper and Michael D. Rhodes, Paul’s First Epistle to the Corinthians, Brigham Young University New Testament Commentary (2017), 14; Eric D. Huntsman, “‘The Wisdom of Men’: Greek Philosophy, Corinthian Behavior, and the Teachings of Paul,” sa Shedding Light on the New Testament: Acts–Revelation, ed. Ray L. Huntington and others (2009), 74–75, 77; Bible Dictionary, “Pauline Epistles.”

  6. Tingnan sa 1 Corinto 1–4.

  7. Tingnan sa 1 Corinto 7.

  8. Tingnan sa 1 Corinto 8–10.

  9. Tingnan sa 1 Corinto 11.

  10. Tingnan sa 1 Corinto 12–14.

  11. Tingnan sa 1 Corinto 1:17–18, 30; 6:20; 7:23.

  12. Tingnan sa 1 Corinto 1:23; 2:2, 8; 6:14; 8:11; 10:16; 11:26; 15:3–8, 12–23, 55–57.

  13. Tingnan sa 1 Corinto 1:7–8; 4:5; 5:5.

  14. 1 Corinto 7:19.

  15. Tingnan sa 1 Corinto 9:21.

  16. Tingnan sa Woodger, “The ‘I’s’ of Corinth,” 42.

  17. Tingnan sa Huntsman, “The Wisdom of Men,” 71.

  18. Tingnan sa 1 Corinto 1:10–12.

  19. “Isang dahilan kaya lumitaw ang paksyonalismong ito ay bunga ng umiiral na pagkakabaha-bahagi ng mga tao batay sa katayuan sa lipunan, lalo na sa mas mayayamang Kristiyano, na marahil ay siyang madalas na punong-abala sa pagdaraos ng pagsamba sa kanilang mga tahanan, at naisip na natural lamang na sila ang italagang mamuno. Bukod pa rito, maaaring nagkaroon ng ilang sadyang diskriminasyon laban sa mga kapus-palad na miyembro ng kongregasyon (tingnan sa 1 Corinto 11:17–22)” (Huntsman, “The Wisdom of Men,” 73).

  20. Tingnan sa 1 Corinto 1:12; tingnan din sa Kent P. Jackson, “Early Signs of the Apostasy,” Ensign, Dis. 1984, 11.

  21. Tingnan sa 1 Corinto 1:10; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 38:27.

  22. 1 Corinto 1:20.

  23. Tingnan sa Huntsman, “The Wisdom of Men,” 75, 77–78.

  24. Tingnan sa 1 Corinto 6:12–20.

  25. D. Kelly Ogden and Andrew C. Skinner, Verse by Verse: Acts through Revelation (1998), 129.

  26. Tingnan sa 1 Corinto 8:1–13; 10:13–33; 11:1.

  27. Tingnan sa 1 Corinto 11:2–16.

  28. 1 Corinto 1:23.

  29. 1 Corinto 1:20.

  30. Inilalarawan ng Pyschikos ang isang tao o pananaw na karaniwan at mapagtuon sa mga bagay ng mundo (tingnan sa Tremper Longman III and Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words [2023], entry 5591, pahina 593; tingnan din sa 1 Corinto 2:14; 15:44, 46; Judas 1:10).

  31. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Likas na Tao,” Gospel Library; tingnan din sa Mosias 3:19.

  32. Tingnan sa Draper and Rhodes, Paul’s First Epistle to the Corinthians, 206.

  33. Tingnan sa 2 Corinto 6:16; Efeso 2:21–22.

  34. Tingnan sa Draper and Rhodes, Paul’s First Epistle to the Corinthians, 207.

  35. Tingnan sa Longman and Strauss, The Baker Expository Dictionary, entry 2302, pahina 1087.

  36. Kenneth L. Barker and others, mga editor, NIV Study Bible: Fully Revised Edition (2020), 2006, tala para sa 1 Corinto 4:9.

  37. Tingnan sa Draper and Rhodes, Paul’s First Epistle to the Corinthians, 239.

  38. Tingnan sa Levitico 18:8, 29; Deuteronomio 22:30; 27:20.

  39. Tingnan sa 1 Corinto 5:5, 13.

  40. Tingnan sa 1 Corinto 5:6–8; tingnan din sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 32.2.3, Gospel Library.

  41. Tingnan sa 1 Corinto 5:9.

  42. Tingnan sa 1 Corinto 5:11.

  43. Tingnan sa Mateo 5:25; 18:15. Kinikilala ng makabagong banal na kasulatan na may mga pagkakataon na ang mga legal na problema sa pagitan ng mga miyembro ng Simbahan ay maaaring malutas sa pamamagitan ng batas ng lupain (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:78–89).

  44. Joseph Smith Translation, 1 Corinthians 6:12 (sa 1 Corinthians 6:12, footnote a); tingnan din sa Joseph Smith Translation, 1 Corinthians 10:23 (sa 1 Corinthians 10:23, footnote a). Ipinahihiwatig ng iba pang mga salin ng Biblia na sinasagot ni Pablo ang mga maling kasabihang popular sa mga taga-Corinto: “May karapatan akong gawin ang anuman,’ sabi ninyo—ngunit hindi lahat ng mga bagay ay makakatulong. ‘May karapatan akong gawin ang anuman’—ngunit hindi ako paaalipin sa anuman” (1 Corinto 6:12, New International Version; tingnan din sa 1 Corinto 6:12, New Revised Standard Version). Ang talatang na ito ay sumasang-ayon sa paglilinaw ni Joseph Smith na hindi sinasabi ni Pablo na ang lahat ng bagay ay matuwid sa kanya.

  45. Tingnan sa Monte S. Nyman, “The Stumbling Blocks of First Corinthians,” sa Sperry Symposium Classics: The New Testament, ed. Frank F. Judd Jr. and Gaye Strathearn (2006), 285–86.

  46. Jeffrey R. Holland, “Of Souls, Symbols, and Sacraments” (Brigham Young University devotional, Ene. 12, 1988), 5, speeches.byu.edu.

  47. “Ngayon hinggil sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin, sinasabing, Mabuti para sa isang lalaki na huwag humipo sa isang babae” (Pagsasalin ni Joseph Smith, I Mga Taga-Corinto).

  48. Humipo, isang idyoma para sa ‘makipagtalik’” (Harold W. Attridge and others, mga editor, The HarperCollins Study Bible: New Revised Standard Version, Including the Apocryphal/Deuterocanonical Books [2006], 1940, tala para sa 1 Corinto 7:1).

  49. 1 Corinto 7:2. Sa ating panahon, ipinahayag ng Panginoon, “Ang sinumang nagbabawal na mag-asawa ay hindi inorden ng Diyos, sapagkat ang kasal ay inorden ng Diyos sa tao” (Doktrina at mga Tipan 49:15).

  50. 1 Corinto 7:3.

  51. Barker and others, NIV Study Bible (2009), tala para sa 1 Corinto 7:4.

  52. “Mapapansin din ng mga mambabasa na hindi binanggit ni Pablo ang pag-aanak sa mga talatang ito. Nakipagtalo si Pablo sa mga nangangaral na ang tanging dahilan ng pisikal na relasyon sa mag-asawa ay ang pagkakaroon ng mga anak. Walang ibang manunulat sa banal na kasulatan na kasing prangka o positibo tungkol sa papel na ginagampanan ng pisikal na intimasiya sa pagsasama ng mag-asawa” (Woodger, “The ‘I’s’ of Corinth,” 48).

  53. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Howard W. Hunter (2015), 236.

  54. Tingnan sa 1 Corinto 7:7–8. “May ilang pagsasalin na nagtatakda ng maling paghahambing, tulad ng sumusunod na mga halimbawa: ‘manatiling walang asawa tulad ko’ (Revised Standard Version); ‘manatiling walang karelasyon, tulad ko’ (Phillips); ‘manatiling walang asawa, tulad ko’ (New International Version). Sa katunayan hindi ito nakasaad sa tekstong Griyego. Dalawang beses na ginawa ang paghahambing ‘maging gaya ko’ (t. 7) o ‘mananatiling gaya ko’ (t. 8). Anumang pahiwatig kung si Pablo ay ikinasal o hindi ay hindi binanggit sa mga talatang ito” (Richard Lloyd Anderson, Guide to Acts and the Apostles’ Letters [1981], 59, sinipi sa D. Kelly Ogden and Andrew C. Skinner, New Testament Apostles Testify of Christ: A Guide for Acts through Revelation [1998], 135).

  55. Tingnan sa 1 Corinto 7:2; 11:11; Efeso 5:21–6:4; 1 Timoteo 3:2.

  56. Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, 1 Corinto 7:29, 32–33 (Gospel Library).

  57. Tingnan sa Mga Gawa 8:3; 9:1–2; 22:5; 26:10.

  58. Ogden and Skinner, New Testament Apostles Testify of Christ, 135.

  59. Noong 1832, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 74, na nagbibigay ng mahalagang konteksto para sa problemang tinalakay ni Pablo sa 1 Corinto 7:14.

  60. Doktrina at mga Tipan 74:4.

  61. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 74:7.

  62. Tingnan sa 1 Corinto 7:14; Doktrina at mga Tipan 74:1.