Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Roma 7–16


“Roma 7–16,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Roma 7–16

Nang ipagpatuloy ni Pablo ang kanyang liham sa mga Banal sa Roma, isinulat niya ang tungkol sa pakikibaka sa pagitan ng ating walang-hanggang likas na katangian at nahulog na kalagayan. Itinuro niya na sa pamamagitan ni Jesucristo, madaraig natin ang kahinaan ng laman. Ipinaalala niya sa mga Banal na bilang matatapat na anak ng tipan, maaari silang maging mga tagapagmana ng Diyos at mga kasamang tagapagmana ni Cristo. Isinulat ni Pablo ang tungkol sa pagpili, o pag-oorden sa simula pa. Itinuro niya na pinipili ng Diyos ang kanyang mga tao ayon sa kanilang katapatan, hindi sa kanilang angkan. Pinayuhan ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na ipamuhay ang ebanghelyo upang magkaroon sila ng kapayapaan at pagkakaisa sa Simbahan. Tinapos ni Pablo ang kanyang liham sa isang pagsamo na patuloy na maging tapat ang mga Banal sa pagsunod sa ebanghelyo.

Mga Resources

Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Background at Konteksto

Roma 7:1–4

Paano naging metapora ang kasal sa batas ni Moises?

Ginamit ni Pablo ang isang metapora ng kasal upang ipaliwanag na ang Israel ay dating nakatali sa batas ni Moises, tulad ng isang asawang babae ay nakatali sa kanyang asawa. Ngunit ngayong namatay na ang asawa (natupad na ang kautusan), ang Israel ay itatali sa bagong tipan kay Jesucristo.

Roma 7:5–14; 8:3–4

Paanong hindi naging sapat ang batas ni Moises?

Inakusahan ng ilang debotong Judio si Pablo na nagsasalita nang may kalapastanganan laban sa batas ni Moises. Sa Roma 7–8, nilinaw ni Pablo ang kanyang pahayag sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na ang batas ni Moises ay mabuti ngunit may mga limitasyon. Itinuro ni Pablo na ang batas ni Moises ay “banal” dahil tinulungan nito ang mga tao na maunawaan kung ano ang kasalanan. Ngunit ang batas ni Moises ay walang kapangyarihang daigin ang mga epekto ng Pagkahulog o kahinaan ng tao o magbigay ng paraan para mabago ang mga tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Dahil diyan, kailangan natin ang biyaya na ibinigay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ang propeta sa Aklat ni Mormon na si Abinadi ay nagbahagi ng gayunding patotoo nang ituro niya, “Ang kaligtasan ay hindi darating sa pamamagitan ng batas lamang; at kung hindi dahil sa pagbabayad-sala, na gagawin na rin ng Diyos para sa mga kasalanan at kasamaan ng kanyang mga tao, ay tiyak na di maiiwasan silang masawi, sa kabila ng mga batas ni Moises.”

Roma 8:14–16

Ano ang ibig sabihin ng maging mga kinupkop na anak ng Diyos?

Tinutukoy tayo ng mga banal na kasulatan bilang mga anak ng Diyos sa dalawang magkaibang paraan. Una, ang bawat tao ay literal na minamahal na espiritung anak ng Ama sa Langit. Pangalawa, tayo ay isinilang na muli bilang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Malinaw sa konteksto ng Roma 8:16 na ang tinutukoy ni Pablo ay ang ikalawang kahulugan nang sabihin niyang, “Tayo’y mga anak ng Diyos.” Itinuro ni Pablo na ang mga tumatanggap ng Espiritu ng Diyos ay maaaring maging mga anak sa pamamagitan ng pagkukupkop, kaya’t makakasamo sila ng, Abba! Ama!” Dahil sa mahalagang papel ni Jesucristo sa proseso ng pagbabalik-loob, ang mga isinilang na muli ay maituturing ding Kanyang mga anak na lalaki at babae, dahil sila ay espirituwal na isinilang muli sa pamamagitan Niya.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag tinanggap natin ang ebanghelyo at bininyagan tayo, tayo ay isinilang na muli at tinataglay sa ating sarili ang banal na pangalan ni Jesucristo. Tayo ay mga kinupkop bilang Kanyang mga anak at tinatawag na magkakapatid. Siya ang Ama ng ating bagong buhay.”

Ipinahayag ni Elder Neil L. Andersen: “Bawat tao sa mundo ay ‘supling’ [Mga Gawa 17:28] ng Diyos, ngunit ang matawag na ‘mga anak ng Diyos’ ay mas lalong makahulugan. Kapag lumalapit tayo kay Jesucristo at nakikipagtipan sa Kanya, tayo ay nagiging ‘kanyang binhi’ at ‘mga tagapagmana ng kaharian’ [Mosias 15:11], ‘mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae’ [Mosias 5:7].”

Roma 8:17

Ano ang ibig sabihin ng maging “mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo”?

Bilang Panganay ng Ama at Bugtong na Anak sa laman, si Jesucristo ang likas na tagapagmana ng Ama sa Langit. Siya ay “[tumanggap ng] kaganapan ng kaluwalhatian ng Ama, tinanggap niya ang lahat ng kapangyarihan, maging sa langit at sa lupa.”

Itinuro ni Pablo na yaong mga isinilang na muli bilang mga anak ng Diyos sa tipan ay magiging “mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Jesucristo.” Sa pamamagitan ng Tagapagligtas, matatanggap natin ang lahat ng mayroon ang Ama, kabilang na ang kaloob na buhay na walang hanggan.

Roma 8:29

Ano ang ibig sabihin ng “maging katulad sa larawan ng kanyang Anak”?

Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at ng pagkabuhay na mag-uli, at pagsunod sa ebanghelyo, tayo ay muling aayon na [maging katulad ng] larawan ng kanyang Anak na si Jesucristo; pagkatapos ay nakamit na natin ang larawan, kaluwalhatian, at pagkatao ng Diyos.”

Roma 8:29–30

Ano ang doktrina ng pag-oorden noon pa man?

Ang terminong Griyego na proorizō, na isinalin bilang “predestinate” sa King James Version ng Biblia, ay nangangahulugang “italaga nang maaga ang isang bagay.” Ang paggamit ni Pablo ng salitang proorizō sa Romans 8 ay tumutukoy sa doktrina ng pag-oorden noon pa man. “Sa daigdig ng mga espiritu bago tayo isinilang, pumili ang Diyos ng ilang espiritu na tutupad sa mga natatanging misyon sa mundo. Tinatawag itong pag-oorden noon pa man. Ang pag-oorden noon pa man ay hindi garantiya na tatanggap ng mga tiyak na tungkulin o responsibilidad ang mga tao. Dumarating sa buhay na ito ang gayong mga oportunidad bunga ng matwid na paggamit ng kalayaang pumili, tulad ng pag-oorden noon pa man sa isang tao bunga ng kabutihan niya sa buhay bago siya isinilang.”

Roma 9–11

Ano ang itinuro ni Pablo sa mga Judio tungkol sa sambahayan ni Israel?

Maraming Kristiyanong Judio sa panahon ni Pablo ang may alalahanin tungkol sa pagtalikod sa batas ni Moises. Ang ilan ay nag-aatubili ring tanggapin ang mga gentil na nagbalik-loob sa Simbahan. Ang parehong mga alalahanin ay may kaugnayan sa kanilang mga paniniwala tungkol sa kung ano ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng sambahayan ni Israel. Naniniwala ang mga Judio na pinili ng Diyos ang Israel na maging Kanyang piniling bayan at ang pagsunod sa batas ni Moises ay nagpapakita ng pagiging iba ng mga pinili. Bukod pa riyan, sa tingin ng ilang Judio ay maliit lamang ang papel na ginagampanan ng mga Gentil sa kaharian ng Diyos dahil hindi sila orihinal na bahagi ng sambahayan ni Israel.

Tinalakay ni Pablo ang mga alalahaning ito sa Roma 9–11. Binigyang-diin niya na hindi angkan ang nagpapamarapat sa isang tao na maging bahagi ng mga anak ng tipan ng Diyos; ito ay katapatan kay Jesucristo at sa Kanyang mga kautusan. Itinuro Niya na pinili ng Diyos ang Israel na maging Kanyang mga tao ng tipan noong unang panahon, ngunit pinatigas nila ang kanilang puso laban sa Kanya. Ipinangako rin ni Pablo na ang pagtanggi ng Israel sa tipan ay hindi magiging permanente. Nagpatotoo siya na aalalahanin ng Panginoon ang Kanyang tipan at na maliligtas ang Israel—pati na ang mga Gentil na tumanggap ng ebanghelyo.

Roma 9:11–24; 11:5, 7, 28

Ano ang pagpili?

Ang pagpili ay tumutukoy sa “pagpili ng Diyos sa sambahayan ni Israel na maging mga tao ng tipan na may mga pribilehiyo at responsibilidad, upang sila ay maging daan ng pagpapala sa buong sanlibutan. …

“Ang mga hinirang ay pinili ‘bago natatag ang sanglibutan,’ ngunit wala ni isa ang walang pasubaling nahirang na magkaroon ng buhay na walang hanggan. Bawat isa, para sa kanilang sarili, ay dapat makinig sa ebanghelyo at matanggap ang mga ordenansa at tipan nito mula sa kamay ng mga tagapaglingkod ng Panginoon upang matamo ang kaligtasan. Kung ang isa ay napili ngunit hindi naglilingkod, masasabing walang saysay ang kanyang pagkapili.”

Roma 10:4–13

Ano ang kailangan para maligtas?

Kung walang konteksto, ang mga salita ni Pablo sa Roma 10:9 ay maaaring ipagkamali na ang dapat lang gawin ng isang tao upang maligtas ay ipahayag na naniniwala siya kay Jesucristo. Gayunman, tulad ng nakatala sa ibang mga talata, itinuro ni Pablo na ang pagsisisi, binyag, pagtanggap ng Espiritu Santo, at pagsisikap na sundin ang mga turo ni Jesucristo ay mahalaga rin.

Sa Roma 10:4–13, ang layunin ni Pablo ay hindi magbigay ng buong paglalarawan sa proseso ng kaligtasan. Sa halip, sinusuportahan ni Pablo ang sinabi niya sa talata 4: “Sapagkat si Cristo ang kinauuwian ng kautusan upang maging matuwid ang bawat sumasampalataya.” Binanggit ni Pablo ang Deuteronomio 30:12–14 para ipaliwanag na hindi kailangang “[umakyat] sa langit” o “[manaog] sa kailaliman?” ang isang tao para hanapin si Cristo. Sa halip, lahat ng tao—Judio man o Griyego—ay matatagpuan ang Tagapagligtas sa loob ng kanilang sariling puso kapag ipinagtapat nila na Siya ang Tagapagligtas at sumampalataya sa Kanya.

Roma 12:1–2

Ano ang ibig sabihin ng ialay ang ating katawan bilang handog na buháy?

Nang banggitin ni Pablo ang pag-aalay ng ating katawan bilang “handog na buháy,” siya ay gumagawa ng paghahambing sa kaugalian sa Lumang Tipan ng pagsasakripisyo ng mga hayop. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Inuutusan pa rin tayong magsakripisyo, ngunit hindi sa pamamagitan ng pagbubuhos ng dugo ng mga hayop. Ang pinakamataas nating kahulugan ng sakripisyo ay nakakamit kapag ginagawa nating mas sagrado o banal ang ating sarili.

“Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng ating pagsunod sa mga utos ng Diyos. Sa gayon, laging magkaugnay ang mga batas ng pagsunod at sakripisyo. … Kapag sinunod natin ang mga ito at iba pang mga utos, may magandang nangyayari sa atin. Nagiging disiplinado tayo! Nagiging mga disipulo tayo! Nagiging mas sagrado at banal tayo—tulad ng ating Panginoon!”

Roma 14:1–15:3

Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga hindi pagkakaunawaan sa mga pagkain, kaugalian, at pista opisyal?

Habang lumalaki ang Simbahan sa panahon ni Pablo, naging malinaw ang pagkakaiba ng pamumuhay ng mga binyagang Judio at gentil. Napansin ni Pablo ang pagkakaiba-iba ng mga kagustuhan sa pagkain, kaugalian, kasanayan, at pista opisyal. Ang iba’t ibang pamumuhay na ito ay humantong sa pagkakahati ng mga Banal sa Roma at iba pang mga lugar.

Itinuro ni Pablo sa mga Banal na ang kanilang motibasyon sa pagpili tungkol sa pagkain at iba pang mga gawain ay dapat paglingkuran at bigyang-lugod ang Panginoon. Itinuro din niya na hindi nila dapat husgahan ang mga taong namumuhay nang iba sa kanila. Idinagdag pa niya na dapat handang talikuran ng mga Banal ang ilang gawain kung ang mga ito ay maaaring maging sanhi ng pagkatisod o pagkakamali ng iba na espirituwal na makakaapekto sa kanila. Ang pagtataguyod ng kapayapaan at pagpapatatag sa Simbahan ay binibigyan ng mas mataas na prayoridad kaysa sa pagpapanatili ng mga personal na kagustuhan.

Roma 16:1–2

Sino si Febe?

Sa pagtatapos ng kanyang liham, lubos na pinuri ni Pablo ang isang miyembro ng Simbahan na nagngangalang Febe, na nagdala ng sulat ni Pablo sa mga Banal sa Roma. Mula sa paglalarawan ni Pablo kay Febe, nalaman natin na naglingkod siya sa Simbahan at sinuportahan ang marami sa mga Banal, kabilang na si Pablo. Ang sulat ng papuri ni Pablo kay Febe ay isang halimbawa ng ginagawa ng mga naunang Kristiyano na pagdadala ng liham ng rekomendasyon kapag naglalakbay sa iba pang Kristiyanong kongregasyon.

Roma 16:22

Isinulat ba ni Pablo ang kanyang sariling mga liham?

Sa pagtatapos ng Sulat sa mga taga-Roma, ang sumulat ng liham sa ilalim ng pamamahala ni Pablo ay nagsingit ng kanyang sariling pagbati sa mga Banal sa Roma. Maaaring gumamit si Pablo ng mga tagasulat para isulat ang karamihan o lahat ng kanyang mga liham. Ang mga sinaunang tagasulat ay may iba’t ibang antas ng impluwensiya sa kanilang mga isinulat.

Pinagdebatihan ng ilang iskolar kung ang ilang mga sulat ba na nakapangalan kay Pablo ay talagang si Pablo ang sumulat. Karamihan sa mga debateng ito ay tumatalakay sa bahagyang mga pagkakaiba sa estilo at pananalitang ginamit sa mga sulat. Gayunpaman, ang ilan sa mga pagkakaibang ito ay maaaring ipaliwanag sa pamamagitan ng paggamit ni Pablo ng iba’t ibang mga tagasulat sa iba’t bang okasyon na may iba’t ibang antas ng personal na input.

Alamin ang Iba Pa

Pag-iwas sa mga Nasa ng Laman

“Sa Lahat ng mga Bagay ang Diyos ay Gumagawa sa Ikabubuti ng mga Umiibig sa Kanya.”

Halimbawa ng Debosyon ni Febe

  • Camille Fronk Olsen, “Phebe,” Ensign, Ago. 2019, 38–39

Media

Si Pablo sa bilangguan, nagdidikta ng isang liham sa isang tagasulat

Si Pablo na nagdidikta ng isang liham mula sa bilangguan

mga lalaking nag-aalaga ng puno ng olibo

Mga lalaking nag-aalaga ng puno ng olibo

Si Febe na pinapanatag ang loob ng isang babae

Here Bring Your Wounded Hearts [Dito Dalhin ang Inyong mga Sugatang Puso], ni Elspeth Young. Si Febe na pinapanatag ang loob ng isang babae

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mga Gawa 21:28.

  2. Roma 7:12.

  3. Tingnan sa Roma 7:7, 12–13.

  4. Tingnan sa Roma 7:14; 8:3–4; tingnan din sa Galacia 3:21.

  5. Mosias 13:28. Pinatotohanan din ni Nephi ang kataas-taasang kapangyarihan ni Jesucristo sa batas ni Moises sa 2 Nephi 25:24–27.

  6. Tingnan sa Malakias 2:10; Mga Gawa 17:29; Mga Hebreo 12:9.

  7. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Anak na Lalaki at Babae ng Diyos, Mga,” Gospel Library.

  8. Roma 8:14–16.

  9. Tingnan sa Mosias 5:7.

  10. Russell M. Nelson, “Children of the Covenant,” Ensign, Mayo 1995, 34.

  11. Neil L. Andersen, “Pagsunod kay Jesus: Pagiging Isang Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2022, 18.

  12. Tingnan sa Colosas 1:13–15.

  13. Tingnan sa Juan 1:14.

  14. Doktrina at mga Tipan 93:16–17.

  15. Roma 8:17.

  16. Tingnan sa Tito 3:7; Apocalipsis 21:7; Doktrina at mga Tipan 84:38; 132:19.

  17. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 61; tingnan din sa 2 Corinto 3:18; 1 Juan 3:2; Alma 5:14.

  18. Tremper Longman III and Mark L. Strauss, The Baker Expository Dictionary of Biblical Words (2023), “Predestinate,” 621.

  19. Tingnan sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Pag-oorden Noon Pa Man,” Gospel Library. Tingnan din sa Efeso 1:3–4; 1 Pedro 1:2; Abraham 3:22–23.

  20. Tingnan sa Mga Gawa 21:17–22.

  21. Tingnan sa Mga Gawa 11:1–2; Bible Dictionary, “Gentile”; Frank F. Judd Jr., “The Jerusalem Conference: The First Council of the Christian Church,” Religious Educator, tomo. 12, blg. 1 (2011), 60–61.

  22. Tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel and others, Jesus Christ and the World of the New Testament (2009), 204–5.

  23. Tingnan sa Bible Dictionary, “Gentile.”

  24. Tingnan sa Roma 9:6, 24–26, 30–31; 10:12; tingnan din sa Galacia 3:27–29.

  25. Tingnan sa Roma 11:7–11.

  26. Tingnan sa Roma 11:11, 25–32.

  27. Bible Dictionary, “Election.”

  28. Tingnan sa Mga Gawa 16:30–33; 19:1–6; Roma 6:1–11; Galacia 3:26–27; 5:13–25.

  29. Tingnan sa Roma 10:6–7.

  30. Tingnan sa Roma 10:8–12.

  31. Russell M. Nelson, “Lessons from Eve,” Ensign, Nob. 1987, 88.

  32. Tingnan sa Roma 14:1–5.

  33. Tingnan sa Roma 14:3; 1 Corinto 8:1–13; Colosas 2:16.

  34. Tingnan sa Roma 14:6–8; tingnan din sa Kenneth L. Barker and others, mga editor, NIV Study Bible: Fully Revised Edition (2020), 1990, mga tala para sa Roma 14:6 at 14:7.

  35. Tingnan sa Roma 14:10–15.

  36. Tingnan sa Roma 14:13–15, 20–22; tingnan din sa 1 Corinto 8:9–13.

  37. Tingnan sa Roma 14:19; 15:1–3.

  38. Tingnan sa Roma 16:1–2.

  39. Tingnan sa 2 Corinto 3:1.

  40. Tingnan sa Roma 16:22; ihambing ang 1 Pedro 5:12.

  41. Tingnan sa Lincoln H. Blumell, “Scribes and Ancient Letters: Implications for the Pauline Epistles,” sa How the New Testament Came to Be, ed. Kent P. Jackson and Frank F. Judd Jr. (2006), 208–9.